“GIRL, okay ka lang ba?” tanong ng bagong kakilala at kasama niya sa bahay na si Kamille.
Ngumiti siya dito, saka tumango. “Oo, okay lang ako. Thank you.” Sagot niya.
“Kung may kailangan ka, nasa ibaba lang ako.” Sabi pa nito.
“Sige, salamat ulit!”
Nang maiwan na siya doon sa kuwarto na ookupahin niya. Napangiti siya ulit. Masakit man sa kanya na mawalay sa Mama niya. Pero kailangan niyang aminin sa sarili na mas nakahinga siya ng maluwag ngayon, marahil ay dahil sa malayo na siya sa Ate Macy niya. Huwag lang dadalhin ni Karl doon ito.
Sumulyap siya sa suot niyang wrist watch. Bukas na lang niya aayusin ang ibang gamit niya, kailangan pa niyang maghanda para sa pagpasok niya sa Bar. Pagbaba niya sa sala naroon si Kamille, kasama ang iba pang mga kaibigan nito. Pinakilala na ni Karl ang mga ito sa kanya.
“Feel at home ah,” sabi ni Kamille sa kanya.
Tumango siya. “Oo. Maraming Salamat sa pagtanggap mo sa akin.” Wika niya.
“Tama pala si Karl.” Sabad naman ng isa sa mga kaibigan ni Kamille, Jhanine daw ang pangalan nito.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.
“Maganda ka nga.”
Napangiti siya. Hindi siya makapaniwala na sinabi nito iyon sa mga ito. “Talaga? Sinabi ni Sir Karl ‘yon?” paniniguro pa niya.
Ngumisi lang si Marisse, ang pinsan ni Karl. “Hay naku, te! Kung alam mo lang.” sabi pa nito.
“Ha? Teka, anong ibig mong sabihin?” tanong ulit niya.
“Naku, huwag mo ngang pansinin ‘yang si Marisse. Pengkum ‘yan eh.” Sabad naman ng Dentista na si Razz.
“Ang saya n’yo naman dito. Sigurado, mawiwili ako dito.” Sabi pa niya.
“Alam mo, girl. Dapat talaga noon ka pa dinala ni Karl dito. Anyway, it’s better late than never. Sana mag-enjoy ka sa pagtira mo dito sa Tanangco.” Wika naman ni Sumi .
“Nga pala, nasaan ba si Karl? Puwede ko ba siyang makausap?” tanong na naman niya.
“Ay oo naman, halika! Doon tayo sa bahay ng Lolo ko. Nandoon ‘yon.” Sagot ni Marisse, sabay hila sa kanya palabas ng bahay.
Dinala siya nito doon sa malaking bahay sa di kalayuan. Nagtaka siya dahil nakabukas ang malaking gate niyon. At sa loob mismo ay may Carwash Shop. Napangiti siya ng makita ang sinage sa labas ng bahay. Lolo Badong’s Hugas Kotse Gang. Napansin niya, hindi lang iyon ang may kakaibang pangalan. Maging ang iba pang establisyimento doon. Nakakatuwa ang lugar na iyon, maging ang mga tao sa kalyeng iyon ay pawang mga nakangiti. Hindi niya alam na may ganoon klaseng lugar. Kung alam lang niya, noon pa sana siya nagpunta doon.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Ngayon na nagsisimula na siya ng panibagong buhay mag-isa. Kasama ang mga taong tila padala ng langit sa sobrang kabaitan. Malaki ang posibilidad na madali siyang makakapag-adjust. Lalo na at naroon lang sa tabi si Karl.
Naputol ang pag-iisip niya nang kalabitin siya ni Marisse. “Ayun ‘yung hinahanap mo oh.” Sabi pa nito, sabay turo sa loob ng bakuran.
Lumukso ang puso niya, kasunod ng mabilis na pagpintig nito. Nanlaki ang mga mata niya. Biglang nag-init ang magkabilang pisngi niya. Dahil nasa harapan niya ang isang nilalang na sadyang pinagpala. Mabilis na iniwas ni Chaia ang mga mata sa tinuro ni Marisse. Mabilis siyang tumalikod ng tinawag ni Marisse ang pinsan nito.
“Karl! Halika muna dito! Tawag ka ni Chaia! May sasabihin yata sa’yo eh.” Sabi pa nito.
“Ano ‘yon?” tanong ni Karl paglapit nito.
Lalong kumabog ang dibdib niya nang makalapit na ito. Paano ba naman siyang hindi maiilang ng ganoon? She just saw Karl, half naked. Tanging ang suot nitong maong na pantalon lang ang suot nito at walang pang-itaas. Kaya labas ang mga abs nito at mga naglalakihang muscles sa dalawang braso nito.
Lord, patawarin po Ninyo ako. Ilayo N’yo po ako sa lalaking ito. Malamang ba na magkasala ako!
“Hoy, ano daw ‘yon?” untag sa kanya ni Marisse.
Napapitla siya. Saka wala sa loob na napaharap dito. Daig pa niya ang nasilaw sa sikat ng araw nang tumambad sa kanya ang katawan nito. Sinikap niyang ibaling sa iba ang paningin niya, ngunit parang may magnetong humihila sa kanya para ibalik ang tingin dito.
“Uh, ano. Uh, gusto ko lang magpasalamat sa’yo. Uhm, sa pagdala sa akin dito. Maganda ‘yung bahay ni Kamille. Sa tingin ko mag-e-enjoy ako dito.” Sagot niya. Lihim niyang nakagat ang ibaba ng labi niya. Hindi siya sigurado kung saan papunta ang mga sinabi niya. Baka mamaya, mahalata nito na kinakabahan siya.
“That’s not a problem, Chaia.” Nakangiting sagot nito. “By the way, pasensiya ka na pala sa ayos ko. Eto kasi ang trabaho ko kapag wala ako sa Bar. Carwash Boy.” Dagdag pa nito.
“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Oo. Si Lolo Badong ang may pakana ng business na ‘to. Since puro mga barako ang mga apo niya. Obligado silang maging Carwash Boys, lalo na kapag wala silang pasok sa mga opisina nila.” Paliwanag ni Marisse.
“Wait, kumain ka na ba?” tanong ni Karl sa kanya.
Umiling siya. “Hindi pa nga eh. Pero sa Bar na lang siguro ako kakain.” Sagot niya.
Magsasalita pa lang sana ito nang lumapit ang isang matandang lalaki, kasunod nito ang isang matandang babae. Ang mga ito yata ang Lolo at Lola ni Karl.
“Karl, sino ba itong magandang dalaga na ito?” tanong pa ng matandang lalaki.
“Ay oo nga po pala. Chaia, I want you to meet my Lolo Badong Mondejar and my Lola Dadang. Si Chaia po. Ang pinakamagaling kong Bartender sa The Groove.” Pagpapakilala nito sa kanila.
Nakipagkamay siya sa mga ito, pagkatapos ay nagmano. “Magandang Hapon po.” Magalang niyang bati sa mga ito.
“Ah, ikaw pala si Chaia. Sa wakas ay nakilala na rin kita. Aruuu! Mukhang madadagdagan ang titibok ang puso dito sa Tanangco.” Sabi naman ni Lola Dadang.
Naguguluhan na tumingin siya kay Karl. “Ano po ang ibig n’yong sabihin?” tanong pa niya.
“Ah, ano…wala ‘yon! Tara! Kumain na tayo! Pagkatapos sabay na tayong pumunta sa Bar. Wait lang ah? Kukunin ko lang ‘yung t-shirt ko.” Putol ni Karl sa usapan.
Nang tingnan niya ang Lolo at Lola nito, maging si Marisse ay tila natatawa ang mga ito. Hindi niya maintindihan ang reaksiyon ng mga ito. Nahihiya naman siyang magtanong. Ilang sandali pa, bumalik agad si Karl.
Kinuha nito ang kamay niya, saka mabilis siyang hinila palayo sa Pamilya nito.
“Teka nga, saan mo ba ako dadalhin? Nakakahiya, hindi man lang ako
nakapagpaalam sa Lolo mo.” Pigil niya dito.
“Okay lang ‘yon. Nagugutom na ako eh.” Sagot nito.
Dinala siya nito sa isang kainan na matatagpuan lang sa tabi mismo ng bahay ng Lolo nito. Ayon kay Karl, ang pinsan nitong si Jefti ang may-ari niyon. Malapit na sila sa entrance ng Jefti’s nang may mapansin siyang suot nito. Kumabog ang puso niya ng malakas. Pakiramdam niya ay nanlamig ang buong katawan niya. Bigla siyang natulala. Awtomatikong nangilid ang mga luha niya. Kasunod ng pag-apaw ng saya sa puso niya. Tama ang hinala niya. Si Karl nga si Pogs. Ito ang matagal na niyang hinihintay na bumalik sa buhay niya. Ang kaisa-isang taong nagbigay sa kanya ng pag-asa sa buhay nang mga panahon na tila nawawalan na siya ng lakas. Hindi na niya kailangan ng kahit na anong patunay. Sapat na ang suot nitong kwintas na siya mismo ang may bigay. Hindi siya maaaring magkamali.
Bigla itong huminto sa paglalakad. Pagkatapos ay tumingin ito sa magkahawak nilang kamay. Tila napansin nito na biglang nanlamig iyon.
“Chaia, bakit? Okay ka lang ba?” tanong nitong may bahid ng pag-aalala.
Sinubukan niyang ibuka ang bibig niya. Gusto niyang maisatinig ang lahat ng mga salitang nabubuo sa isip niya. Gusto niyang sabihin dito kung gaano siya kasaya na sa wakas ay nagkita na sila. Gusto niyang magpakilala na siya si Ikay. Gusto niyang sabihin na ang tadhana ang dala sa kanilang dalawa sa piling ng isa’t isa. Ngunit walang kahit na anong lumabas sa bibig niya. Hindi rin niya maipaliwanag ang nararamdaman niya ngayon.
Nang hindi agad siya nakasagot. Lumapit ito sa kanya at ginagap ang isang pisngi niya. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Sa wakas, nakuha niyang ngumiti. Sa kabila ng pagluha, ngumiti siya dito. Hindi niya akalain na magiging ganito siya sa tanan ng buhay niya. Walang salita na yumakap siya dito.
“Sinasabi ko na nga ba’t ikaw ‘yan. Salamat at bumalik ka.” Masayang wika niya.
Alam niyang nagulat ito. Pero naramdaman pa rin niyang gumanti ito ng yakap sa kanya.
“Chaia, I don’t understand. Ano bang sinasabi mo” naguguluhang tanong nito.
Kumalas siya sa pagkakayakap dito. Saka hinarap ito nang may luha pa rin sa mga mata. But this time, it’s tears of joy. At talagang nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso niya.
“Talk to me, tell me, what’s happening?” tanong ulit nito.
Mula sa loob ng suot niyang blouse, nilabas niya ang kwintas na nakasabit sa leeg niya saka pinakita ito dito. “Ito. Hindi mo ba nakikilala itong kwintas na ito?” tanong pa niya.
Nakita niyang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Ngunit hindi agad ito nakapagsalita.
“Karl, ako ito.” Sabi pa niya. Hinintay niyang magsalita ito. Pero nanatili lang itong tahimik, at tanging ang kakaibang emosyon sa mga mata nito ang nagsasalita. Muli niya itong niyakap.
“Chaia!”
Natigalgal siya. Kumalas siya sa pagkakayakap kay Karl, pagkatapos ay lumingon sa tumawag sa kanya. Nagulat siya ng makita niyang nakatayo sa likuran niya ang Ate Macy niya.
“Ate,” bulong niya.
Nakarating ito sa pandinig ni Karl, dahil napatingin ito sa kanya. Napakunot ang noo nito, bago nagpapalit palit ng tingin sa kanya at sa Ate niya.
“Siya ang Ate mo?” hindi makapaniwalang tanong nito.
Tumingin siya dito, saka tumango. Agad na nawala ang atensiyon niya doon ng bigla siyang hablutin ng Ate Macy niya sa braso saka sapilitang hinila palayo kay Karl. Ang luha ng kaligayahan ay napalitan ng sakit. Heto na naman ang Ate niya. Ngayon napatunayan niyang si Karl at Pogs ay iisa. Muli na naman ba siyang magpaparaya para dito?
Hindi. Sinabi na niya sa sarili na ipaglalaban niya ang damdamin para kay Karl. Si Pogs man ito o hindi. Hindi naman siguro mamasamain ng Diyos kung sa pagkakataon na ito, ay ipaglalaban niya ang makakapagpasaya sa kanya. Kahit ngayon lang. Kahit sa larangan ng pag-ibig lang.
Lakas loob niyang binawi ang braso niyang mahigpit na kapit nito. Napahinto ito, saka tumawa ng pagak. “Sumama ka sa akin!” galit na utos nito.
“Hindi.” Matigas niyang sagot.
“Aba’t!” nanggigigil na usal nito.
“Hindi na ako susunod sa mga sasabihin mo! Hindi na ako makikinig sa mga gusto mong ipagawa sa akin! Dahil sa pagkakataon na ito, wala ka nang karapatan para gawin sa akin ang mga ginagawa mo noon pa! Pinalayas mo ako sa bahay! Kinuha mo ang karapatan kong maging kapatid mo at anak ni Mama! Ikaw mismo ang nag-alis ng karapatan na iyon sa akin!” galit na rin na sagot niya dito. “Umalis ka na dito, Macy! Hangga’t nakakapagpigil pa ako.”
“Hindi ako aalis! Hindi ako aalis sa buhay mo! Hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakikitang miserable ka! Wala kang karapatang maging masaya! Inagaw mo ang pagmamahal ni Mama! Ako lang dapat ang mahal niya. Pero simula ng dumating kayo ng Papa mo sa buhay namin! Hindi na ako pinansin ni Mama! Palagi na lang ikaw ang tama! Ikaw ang magaling! Ikaw ang maganda! Ikaw ang matalino!” sumbat nito sa kanya.
“Hindi ko hiningi ‘yon! Hindi ko rin gustong masaktan ka! At huwag na huwag mong isusumbat sa akin na inagaw ko sa’yo ang lahat! Kung sa tingin mo ay kinuha ko sa’yo ang lahat! Nagkakamali ka. Hindi mo alam kung gaano nalulungkot si Mama sa tuwing sinusubukan ka niyang lapitan, pero pilit mo siyang tinataboy palayo! Ikaw ang may kasalanan no’n, hindi ako! Kaya huwag mong ibintang ang mga pagkukulang mo sa akin!” sagot niya dito.
Galit na galit na sumigaw ito, sabay sampal sa kanya ng malakas sa magkabilang pisngi. Nang hindi pa ito nagsiyahan ay tinulak siya nito hanggang sa mapaupo siya sa lupa, saka pinalo siya ng pinalo nito ng bag na hawak nito.
“Macy! Tama na!” narinig niyang pigil ni Karl dito.
Walang patid ang mga luha niyang malayang dumadaloy sa mga pisngi niya. Hindi niya alintana kung mahapdi ang mga iyon sa dami ng sampal na tinanggap nito sa palad ni Macy. Ano pa bang bago? Matagal na siyang sanay na sinasaktan nito. Hindi lang sa pisikal, maging emosyonal.
“Papatayin kita, Chaia! Pati si Karl, inagaw mo sa akin! Walanghiya kang babae ka! Mang-aagaw! Napakasama mo! Mang-aagaw!” galit na galit pa rin na sigaw ni Macy.
Doon labis na nagpanting ang tenga niya. Kahit nanghihina sa inabot niyang bugbog mula dito. Pilit pa rin siyang tumayo, naglakad palapit dito. Saka binigyan laya ang sarili upang gawin ang bagay na matagal na niya dapat ginawa. Sinampal niya ito ng malakas. Si Glenn na pinsan nito ang umawat sa kanya.
“Wala akong inaagaw sa’yo! Alam mo ‘yan! Ikaw ang nagbanta sa akin na kukunin mo ang atensiyon ni Karl para maagaw siya sa akin! Dahil alam mong gusto ko siya! Ikaw ang mang-aagaw Ate! Ikaw ang masama! Matagal ko nang tinitiis ang lahat ng pang-aalipusta mo sa akin simula bata pa lang tayo. Pero wala kang narinig sa akin! Dahil umaasa pa rin ako na magbabago ka, na makikita mo na totoong mahal kita!”
“Pero ang kunin pati ang lalaking kaytagal kong hinintay para bumalik. Ang kunin pati ang mahal ko. Hindi ko papayagan ‘yon.” Bulalas niya.
Napatingin si Karl sa kanya. “Chaia,” usal nito.
Nabaling dito ang atensiyon niya. “Pogs, ako ito. Si Ikay.” Pagpapakilala niya sa sarili. Dahan-dahan nitong binitiwan si Macy, saka lumapit sa kanya.
“Ang tagal kitang hinintay na bumalik. Ngayon napatunayan ko na ikaw nga si Pogs, napakasaya ko.” Sabi niya dito.
Hindi niya nakitaan ng pagkagulat ang mukha nito nang sabihin niyang siya si Ikay. Pero nakita niyang nangingilid ang mga luha nito. Hindi pa rin niya mabasa ang emosyon sa mga mata nito. Naguluhan siya nang sunod sunod itong umiling. Bago ginagap nito ang magkabilang pisngi niya. Hindi pa rin ito nagsasalita, bagkus ay pinagdikit nito ang mga noo nila.
“I’m sorry, Chaia.” Wika nito.
Kumunot ang noo niya. Bigla ay naguluhan siya. Bahagya siyang lumayo dito. “A-anong ibig mong sabihin?” tanong niya.
“Matagal ko nang alam na ikaw si Ikay. Pero mas pinili kong hindi sabihin.” Sagot nito.
Gulat siyang napatitig dito. “Bakit hindi mo sinabi agad?” tanong niya.
“Matagal kong inasam na makita ka ulit. Makasama ka. Para maiparamdam sa’yo na mahal kita noon pa, simula pa noong mga bata tayo. Pero hindi ako nararapat sa’yo. Hindi kita puwedeng mahalin. Hindi mo ako puwedeng mahalin.” Paliwanag nito. “Kaya nga sinubukam kong umiwas sa’yo. Hanggang sa nakilala ko si Macy.”
Pakiramdam ni Chaia ay parang pinipiga ang puso niya sa sobrang sakit ng mga sinabi nito. Kung ganoon, ano ang ibig sabihin ng halik na pinagsaluhan nila noong nakaraang gabi?
“Pero bakit? Mahal kita, Karl. Mahal na mahal din kita!” pag-amin niya.
Umiling ito. “Huwag, Chaia. Huwag mo akong mahalin. Hindi ako ang nararapat sa’yo. Matagal ko nang pinagkait sa sarili kong magmahal. Masasaktan ka lang kapag pinagpatuloy natin ‘to. Marami na akong nasaktan. At ayokong mapabilang ka sa kanila. Ikaw ang huling taong iniiwasan kong umiyak ng dahil sa akin.” Sagot pa nito.
Natutop niya ang bibig. Saka doon impit na humagulgol.
“Karl, what the heck are saying?” narinig niyang galit na tanong ng isa sa mga pinsan nito.
“Chaia…”
“Akala ko sa pagbalik mo sa buhay ko. Ikaw ang tutulong sa akin para mapawi lahat ng masasakit na pangyayaring pinagdaanan ko. Pero nagkamali ako. Sa mga sinabi mo. Sa ginawa mo. Sa tingin mo ba hindi ako nasaktan? Sa tingin mo ba hindi dahil sa’yo ang mga luhang ito?” buong hinanakit niyang sabi dito.
“Pasensiya ka na. Nagkamali ako! Hindi ko pala dapat pinanghawakan ang pangako mo noon. Wala ka rin palang pinagkaiba kay Macy.” Dagdag niya, sabay talikod at lakad palayo dito.
“Chaia, wait!” habol nito sa kanya. Hinawakan siya nito sa kamay, ngunit mabilis niyang binawi iyon. Kakayanin niya ang kahit na anong dagok sa buhay. Ang lahat ng pang-aalipusta ng kahit na sinong tao, ngunit hindi ito. Hindi ang itaboy siya palayo ng lalaking mahal niya. This is too much, and she can no longer bare the pain.
Pinigilan siya ni Karl at paulit ulit na tinatawag ngunit hindi niya pinakinggan ito. Para saan pa? Para mas lalo siyang masaktan. Para mas lalo lang nitong Iparamdam at ipamukha sa kanya na mag-isa siya.
Nasa kalagitnaan na siya ng kalye ng Tanangco, nang mapahinto siya. Biglang nanlaki ang mga mata niya. Parang tinulos siya mula sa kinatatayuan niya, at hindi niya makuhang maihakbang ang mga paa, palayo sa nakaambang panganib sa buhay niya. Naroon sa loob ng kotse nito, si Macy. Mula sa puwesto niya, kitang kita niya ang galit sa mga mata nito para sa kanya. Kumabog ng husto ang dibdib niya. Bigla ay umahon ang takot doon. Bago pa niya nalaman ang susunod na hakbang ni Macy, nakita na lang niya na bigla nitong pinaandar ng mabilis ang kotse patungo sa kinatatayuan niya.
Natulala siya. Gusto niyang tumakbo palayo, pero parang pinako ang mga paa niya doon. Hanggang sa narinig na lang niya ang sigawan ng mga tao sa paligid.
“Chaia!” narinig niyang malakas na sigaw ni Karl.
Pagkatapos, unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.