Chapter XIX

2138 Words
       “ANGELA? Angela!” Bahagyang napasinghap si Angela nang marinig niya ang boses ni Cedrick. Naputol ang pagtakbo ng imahinasyon sa kaniyang utak. Doon ay naisip niyang patayin sina Roxanne at Cedrick pero sa realidad ay nakatulala at nakatayo lamang siya sa harapan ng huli. Hindi niya talaga kayang patayin ang mga ito dahil wala iyon sa kaniyang pagkatao. Lahat ng iyon ay parte lamang ng kaniyang imahinasyon. Isa pa, paano niya papatayin si Cedrick kung labis ang pagmamahal niya para sa lalaki? Ang saktan ito ng pisikal at emosyonal ang kahuli-hulihang bagay na maaari niyang gawin dito. Ngunit bakit parang hindi ganoon si Cedrick. Sinampal siya ngayong gabi ng katotohanan na may ibang babae ang kaniyang asawa at walang iba iyon kundi si Roxanne! “A-ang akala ko ba ay para sa ating dalawa ang dinner date na inihanda mo? Sinabi mo lang ba iyon para pagtakpan ang pambababae mo sa akin?” Walang patid ang pag-agos ng luha sa mata ni Angela. Parang nawawalan na siya ng lakas. Ang pakiramdam niya ay nanlalamig siya at parang lumulutang. Hindi nakapagsalita si Cedrick. Napayuko ito na parang nahihiya. Lumapit sa kanila si Roxanne at humalukipkip. “Bakit hindi mo pa sabihin sa asawa mo kung sino ako sa buhay mo, Cedrick? Come on! Don’t tell me mag-de-deny ka pa. She already caught us!” Nagmamalaking wika pa nito. “Roxanne!” saway ni Cedrick. “What?! Tatanggi ka pa sa kaniya, e, huling-huli na niya tayo! Maniniwala na talaga akong tanga iyang asawa mo kapag tumanggi ka at naniwala siya sa iyo!” “A-anong sinabi mo?” kunot-noong bulalas ni Angela. Lumipat ang tingin ni Roxanne sa kaniya. “Okay! Ako na ang magsasabi. Yes, Angela… I am your husband’s mistress! We’re having an affair. Niloloko ka niya kasi ako talaga ang mahal niya at hindi ikaw.” “Hindi. Ako ang mahal ni Cedrick. Mas nauna ako sa iyo. Ako ang pinakasalan niya.” Kulang sa tapang ang boses ni Angela. Mahina na parang ang bait pa rin pakinggan. Hindi kasi siya sanay na makipag-away, sa totoo lang. “FYI. Ikaw nga ang pinakasalan pero ako ang nauna. Naging kami noon pa at nang magkita ulit kami ay na-realize namin na hindi kami masaya sa mga asawa namin kaya nagbalikan kami.” “M-may asawa ka?” Hindi siya makapaniwala sa narinig. “Duh! Kailangan inuulit pa?” “Pampalipas-oras ka lang ni Cedrick. Ako ang mahal niya. Hindi totoo ang sinasabi mo!” “Bakit hindi si Cedrick ang tanungin mo para mapahiya ka, Angela?” Hamon ni Roxanne. “Cedrick, s-sabihin mo sa akin na hindi totoo ang sinabi niya. Ako ang mahal mo, `di ba? Cedrick?” Tila nagmamakaawa pa siya sa dapat na isagot ng kaniyang asawa. Parang alam na ni Angela ang sagot ng kaniyang asawa nang bitiwan siya nito at tumabi ito kay Roxanne. “Nagsasabi ng totoo si Roxanne. Siya talaga ang mahal ko at hindi ikaw. Sorry, Angela.” Inakbayan pa ni Roxanne si Cedrick at tumaas ang noo na parang nagmamalaki. Ang pagkumpirmang iyon ni Cedrick ang naging dahilan para tuluyang manghina si Angela. Walang anu-ano ay nagdilim ang paningin niya at bumagsak ang katawan niya sa sahig. Hindi na niya kinaya ang lahat at nawalan na siya ng malay.   BUMALIK ang malay ni Angela sa ospital. Nakahiga siya sa isang maliit na kama at may dextrose na nakakabit sa isang kamay. May kurtinang nakatakip sa paligid ng hinihigaan niya na nagsisilbing takip. Paggala niya ng kaniyang mata ay hinanap niya agad si Cedrick. Umasa siya na nasa tabi niya ang asawa pero bigo siya. Wala siyang kasama doon. Siya lang mag-isa. Kumirot ang puso niya nang maalala ang nangyari. Sa sobrang bigat ng dibdib niya sa kaniyang nalaman ay hindi niya iyon kinaya. May ibang babae si Cedrick—si Roxanne. “Cedrick? Cedrick?” Paulit-ulit niyang tawag. Baka kasi nasa malapit lang ito. Habang tinatawag niya si Cedrick ay napahagulhol siya ng iyak. Sobrang sakit. Hindi niya akalain na magagawa siyang saktan ni Cedrick. Ang mas masakit pa ay halos kakakasal lang nila. Ganoon ba kabilis maglaho ang pag-ibig nito para sa kaniya? Ganoon nga ba siya kadaling palitan? “Cedrick!!!” Sumigaw na si Angela. Biglang bumukas ang kurtina. Isang babaeng nurse ang pumasok. “Ma’am, kumusta na po ang pakiramdam ninyo? May masakit po ba sa inyo—” “Si Cedrick—iyong asawa ko? Nasa’n siya?” “Sa pagkakatanda ko po ay taxi ang nagdala sa inyo dito at isang staff ng hotel. Nanghimatay po kayo sa sobrang stress at pagod, ma’am. Pero nabayaran na po ang bills ninyo kaya wala na kayong dapat isipin.” Hindi makapaniwala si Angela sa sinabi ng nurse. Kung ganoon ay ipinadala siya ni Cedrick sa ibang tao at hindi ito ang nagdala sa kaniya dito sa ospital? Tinapos ba nito ang dinner date kasama si Roxanne? Umiling-iling siya. “H-hindi totoo iyan. Si Cedrick ang naghatid sa akin dito.” In denial pa siya. Parang ang hirap niyon paniwalaan. “Nagsasabi po ako ng totoo, ma’am.” “Uuwi na ako. Kailangan kong makausap ang asawa ko.” Walang ingat na inalis niya ang pagkakatusok ng karayom sa kaniyang kamay. Napangiwi siya nang may kaunting dugong sumirit. “Naku, ma’am! Hindi niyo po dapat iyon ginawa!” Nag-aalalang turan ng nurse. Parang walang narinig si Angela. Bumaba siya ng higaan at isinuot ang sapatos. Kinuha niya ang handbag na nakapatong sa maliit na lamesa sa tabi ng kama. Dire-diretso siyang naglakad at hindi nagpapigil sa nurse. Wala na itong nagawa nang makalabas na siya ng ospital. Maliwanag na. Tirik na tirik ang sikat ng araw. Ala-siyete na ng umaga ayon sa kaniyang wristwatch. Napakatagal pala niyang nawalan ng ulirat. O baka sinadya siyang patulugin upang hindi na siya makaistorbo kina Cedrick at Roxanne. Naguguluhan si Angela na nakatayo sa gilid ng kalsada. Hindi niya alam kung uuwi ba siya o babalik sa hotel at baka nandoon pa ang kaniyang asawa at kabit nito. Upang makasigurado ay tumawag siya sa bahay. Si Kakay ang nakasagot… “Hello po. Sino po sila?” “Kakay, ang Ate Angela mo ito. Si Kuya Cedrick mo ba ay nandiyan sa bahay?” “Oo, ate. Uwi siya kanina, e. Bakit, Ate Angela?” “Wala naman. Natanong ko lang. Sige na—” Parang may umagaw ng telepono kay Kakay. Ang boses ni Lorena ang kasunod niyang narinig. “Mabuti naman at tumawag ka, Angela! Saan ka nagpunta kagabi at bakit hindi ka pa umuuwi?! Baka nakakalimutan mong may asawa ka—” “Mamaya na lang po ako magpapaliwanag, `ma. Sorry po. Bye.” At pinutol na niya ang tawag. Wala pa siya sa huwisyo para marinig ang sermon ng kaniyang biyenan. Chi-neck niya ang perang meron siya. Sa tingin niya ay kasya pa iyon para makauwi siya kung taxi ang kaniyang sasakyan. Kaya naman nang may makita siyang taxi na paparating ay pinara niya iyon at sinabi sa driver ang lugar kung saan naroon ang bahay nina Cedrick. Nakatulala si Angela habang bumabyahe. Parang panaginip lang ang nangyari kagabi. Sana nga panaginip na lang, e. Pero imposible. Totoo ang lahat ng iyon. Ngayon ay lutang siya at hindi alam ang gagawin. Papatawarin ba niya si Cedrick, bibigyan ng pangalawang pagkakataon o makikipaghiwalay na? “Nagsasabi ng totoo si Roxanne. Siya talaga ang mahal ko at hindi ikaw. Sorry, Angela.” Parang biro na umalingawngaw ang sinabing iyon ni Cedrick sa kaniya kagabi. Ano kaya kung ibang tao muna ang kausapin niya? “Manong, sa iba mo na lang pala ako ihatid…” ani Angela sa driver at sinabi niya dito kung saan na niya gustong pumunta.   NAGISING si Roxanne nang marinig niya ang sunud-sunod na pagtunog ng buzzer ng kaniyang pinto. Halos kakauwi lang niya mula sa hotel kung saan sila nag-dinner date at nag-stay ni Cedrick kagabi. Gusto pa sana niyang magtagal sila ni Cedrick sa hotel pero anito ay kailangan na nitong umuwi at baka nandoon na si Angela. Ipinadala kasi nila ito sa ospital sa isang hotel staff at ayaw nilang maistorbo ang espesyal na gabi. “Sino ba `yon? Ang aga pa!” Napipilitang tumayo si Roxanne. Mukhang hindi titigil ang nagba-buzzer hangga’t hindi niya ito pinagbubuksan. Ang unang pumasok sa isip niya ay si Logan. Baka nalaman na nito kung saan siya nakatira. Imposibleng si Inah dahil hindi ito pupunta kung hindi niya sasabihin. Nakasimangot na binuksan niya ang pinto. Napataas ang kilay niya nang makitang si Angela pala iyon. Ano naman kaya ang ginagawa ng babaeng ito dito? “Yes?” Labas sa ilong na tanong ni Roxanne. “P-pwede ba kitang kausapin?” Nahihiya nitong tanong. Pinatuloy ni Roxanne si Angela. Pinaupo niya ito sa sofa sa salas habang siya ay nasa pang-isahang upuan. “Ano bang sasabihin mo? Pakibilisan at inaantok pa ako.” Tinatamad niyang sabi. Nagulat siya nang biglang lumuhod si Angela sa harapan niya. “Roxanne, nandito ako para magmakaawa sa iyo. Parang awa mo na, ikaw na ang lumayo kay Cedrick. Siguro nga ay ikaw na ang mahal niya pero sana ay isipin mo pa rin na asawa ko siya at kasal na kaming dalawa. M-mali itong ginagawa ninyo… Parang awa mo na. Layuan mo ang asawa ko.” Dama niya ang sinseridad sa mga sinabi nito. At talagang may pagluha pa ito. Noong una ay nagulat siya sa ginawa ni Angela. Hindi niya akalain na may isang babaeng luluhod sa harapan niya at magmamakaawa para layuan niya ang lalaking mahal nito. Para sa isang legal na asawa ay mahina si Angela. Hindi ba dapat sa pagkakataong ito ay nagwawala ito o kaya ay sinasampal at sinasabunutan siya? Pakiramdam niya tuloy ay napakataas niya. Ang sarap sa pakiramdam! Gusto niya ang nangyayari. Gusto niya ang inaasta ni Angela. Humalukipkip siya. “Paano kung ayaw ko? Paano kung sabihin kong mahal ko si Cedrick at gagawin ko ang lahat para hiwalayan ka niya?” Mataray niyang tugon. Nababaliw na umiling si Angela. “Huwag! Parang awa mo na! Huwag! Si Cedrick na lang ang meron ako, Roxanne. Siya lang ang natitira sa akin kaya huwag mo siyang agawin nang tuluyan. Maawa ka sa akin!” Napahagulhol na ito. “And besides, mukhang pakitang-tao iyang pagmamakaawa mo sa akin! Umaarte ka. I can see it! Fake!” Gusto niyang sagarin si Angela para makita niya kung hanggang saan ang kaya nitong gawin para kay Cedrick. “Totoo ito! H-hindi ako umaarte. Ano bang gusto mong gawin ko para maniwala ka na bukal sa aking puso ang pagmamakaawa ko sa iyo?” This is fun! Masayang tili ng utak niya. Nagkunwari siyang nag-iisip. “To be honest, hindi ako naniniwala sa acting mo, Angela. Pero siguro kung hahalikan mo ang paa ko ay maniniwala na ako.” Pinipigilan niya ang pagtawa habang sinasabi iyon. “A-ano?” Parang ayaw maniwala ni Angela sa narinig. “O, bakit? Hindi mo kaya? Ayaw mo? Mas mabuti pa siguro ang umalis ka na at tanggapin na akin na ang asawa mo!” “H-hindi! Gagawin ko na. B-basta ipangako mo na lalayuan mo na si Cedrick kapag hinalikan ko na ang paa mo.” “Yes. I promise!” Itinaas pa niya ang isang kamay bilang tanda ng pangangako. Nakaluhod pa rin na umusog si Angela palapit sa kaniya. Hahawakan na sana nito ang isa niyang paa nang ilayo niya iyon. May naisip kasi siya na mas ikakatuwa niya. “Oops! Wait lang.” Umalis siya at kinuha ang cellphone sa kwarto. Dumiretso siya sa banyo at inilublob ang isang paa sa inidoro at binalikan na si Angela. Para naman mag “flavor” ang paa niya. Nakaluhod pa rin ito. Nakakaawa itong tingnan pero para sa kaniya ay mas mukha itong katawa-tawa. “I just cleaned my foot at baka sabihin mo na masyado akong masama, e. Now, kiss my foot, Angela!” In-open niya ang camera ng hawak na cellphone at inumpisahang i-record ang paghalik ni Angela sa paa niya. “D-dapat ba talaga ay may camera?” “Yes. Para documented! Sige na. Nangangalay na ako, Angela!” Wala nang imik na hinawakan ni Angela ang paa niyang inilublob niya sa tubig sa toilet bowl. Hinalikan nito iyon sa ibabaw. Gusto na niyang tumawa pero pinipigilan pa rin niya. Tumingala ito sa kaniya. “T-tapos na…” “Ay, hindi pa. Pati talampakan ko—halikan mo!” Parang diyos na utos ni Roxanne. At nang halikan na ni Angela ang talampakan niya ay doon na kumawala ang tawa na kanina pa niya pinipigilan. Tawang dumadagundong. Tawa na akala mo ay isang demonyo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD