Chapter XVIII

2005 Words
       “C-CEDRICK… S-sorry. H-hindi ko kasi alam na—” Napahikbi si Angela kasunod ang pag-agos ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Labis ang konsensiyang kumakain sa kaniya ng sandaling iyon. “Wala akong alam. A-ang akala ko ay ibang babae ang kasama mo dito.” Ano ba itong nagawa niya? Bakit mas inuna pa niya ang pagdududa? At tama rin si Cedrick na nakalimutan nga niya na monthsary nila ngayon. Hindi man lang niya ito binati. Nang-uuyam na umiling ang kaniyang asawa. “Iyan… Maraming namamatay sa maling akala, Angela! Wala ka nang iniisip kundi pagdudahan ako, e. Parating nasa utak mo na may iba akong babae! Ganiyan ba ang pagkakakilala mo sa akin?!” May himig ng hinanakita nitong turan. “Patawarin mo ako, Cedrick…” Hahawakan niya sana ito pero mabilis itong umatras. “Umalis ka na. Ayoko munang makita ang pagmumukha mo kahit ngayong gabi lang.” “Pero—” “Bukas na lang tayo mag-usap, Angela. Umalis ka na!” Itinuro pa ni Cedrick ang pinto palabas ng rooftop. “Cedrick…” Sa nakikita niyang galit, inis at tampo sa mukha ni Cedrick ay mukhang hindi niya ito mapapakalma nang basta. Hindi niya maaalis ang mga iyon ngayong gabi. Mas mabuti nga sigurong palamigin muna niya ang ulo nito at bukas na sila mag-usap. Suminghot si Angela at luhaang nagsalita. “Sige, bukas na lang tayo mag-usap. Sorry talaga. I love you, Cedrick!” Tumalikod na siya at bagsak ang balikat na naglakad paalis ng rooftop. Ang tanga-tanga mo, Angela! Masyado kang nagpapadala sa pagdududa mong walang basehan! Pinagalitan pa niya ang sarili. Kulang na lang ay sampalin at sabunutan niya ang sarili sa sobrang pagsisisi sa kaniyang ginawa. Naiintindihan naman niya kung bakit ganoon ang mga salitang lumabas sa bibig ni Cedrick. Siyempre, galit ito. Matapos nitong mag-effort at gumastos ng ganoon kalaki para sa celebration ng kanilang monthsary ay pagdududa lang ang makukuha nitong kapalit mula sa kaniya. “I’m so sorry, Cedrick…” mahina niyang usal. Nakasakay na siya ng elevator ng sandaling iyon at pababa na siya. Makalipas ang ilang segundo ay nasa ibaba na siya ng hotel at naglalakad palabas. Ilang hakbang na lang sana siya para makalabas ng hotel nang matigilan siya at may naalala. Iyong wedding ring niya—naiwanan niya sa rooftop! Dahil sa hindi na siya nakakapag-isip ng maayos kanina ay nahubad niya iyon at nailapag sa lamesa. Kailangan niya iyong balikan at kunin dahil iyon ang simbolo ng pagbubuklod ng pagmamahalan nila ni Cedrick sa harapan ng Diyos. Baka kasi hindi iyon mapansin ni Cedrick at mawala. Paniguradong madadagdagan ang galit nito sa kaniya sa oras na maiwala niya ang kanilang wedding ring. Kaya kahit malapit na sa exit ng hotel ay pumihit ulit siya pabalik ng elevator upang bumalik sa pinanggalingang rooftop.   LUMABAS na si Roxanne sa likuran ng malaking water tank kung saan siya nagtago nang dumating si Angela kanina. Narinig kasi ni Cedrick na parang may paparating kaya sumilip ito sa peep hole ng pinto papunta sa rooftop. Nang makita nito si Angela ay agad siya nitong pinagtago. Hindi niya alam kung paano nalaman ni Angela na may date sila sa lugar na ito ng asawa nito pero bilib siya dito. Saka nagustuhan din niya ang eksenahan ng mag-asawa kanina. Para siyang nanonood ng isang teleserye sa telebisyon. Saka nasaksihan din niya kung paano mauto ni Cedrick si Angela. Talagang napaniwala ni Cedrick si Angela sa mga sinabi nito. “Ang tagal naman umalis ng asawa mo. Nakakangawit magtago, ha!” Nakairap na reklamo ni Roxanne. “Hayaan mo na. Atleast, wala na siya. Solo na natin ang rooftop. Walang istorbo…” Hinapit siya ni Cedrick sa beywang at nagdikit ang kanilang mga katawan. “Kahit ano ay pwede na nating gawin!” “Cedrick, no! May room tayo. Doon na natin gawin ang iniisip mo. Okay?” “Ayaw mo ba ng risky s*x? Iyong may thrill—” “Cedrick!” Pinanlakihan niya ito ng mata na kunwari ay nagpoprotesta siya. Ngunit ang totoo ay parang nagugustuhan niya ang ideyang iyon. Ang ikinakatakot lang niya ay baka dumating na iyong waiter na magsisilbi sa kanila ng pagkain. Inalis niya ang pagkakahawak ni Cedrick sa beywang niya at umupo. May nakita siyang singsing sa ibabaw ng lamesa. Kinuha niya iyon at tiningnan. “Kaninong singsing ito? Ang cheap, ha! Halatang cheap!” aniya sabay tawa. “Wedding ring iyan ni Angela. Naiwanan niya.” “Hmm…” Isinuot niya ang singsing at pinagmasdan. “Eww! Kapag ikinasal tayo, please, ayoko ng ganitong ring. Gusto ko iyong maraming diamonds!” “Of course! You deserved better, Roxanne. You are precious!” Impit siyang napatili nang hinila siya ni Cedrick patayo at sinibasib nito ng halik ang kaniyang labi. Akala mo ay uhaw na uhaw ito. Halatang kanina pa ito nag-iinit sa kaniya. Sino bang lalaki ang hindi mabibighani sa kagandahan niya lalo na ngayong gabi? Nakasuot siya ng red bodycon dress na may malalim na neckline kaya halos lumuwa na ang malulusog niyang dibdib. Nakalugay ang kaniyang buhok na pinakulayan niya ng ash gray. Maganda rin ang kaniyang make up na siya mismo ang gumawa. “Happy monthsary, Roxanne…” anas ni Cedrick habang kinakagat ang kaniyang tenga. “Happy monthsary, too!” Hinanap ng labi niya ang kay Cedrick at muli silang naghalikan. Muntik na nilang makalimutan ang mundo sa kanilang ginagawa ngunit bumalik sila sa kani-kanilang katawan nang marinig nila ang pagbukas ng pinto ng rooftop. Natataranta nilang inihinto ang paghahalikan at kapwa sila nagulantang nang makita nila si Angela na nakatayo sa may pinto at tigalgal na nakatingin sa kanila. “A-angela!” Gulat na gulat si Cedrick.   HINDI inaasahan ni Angela ang tagpong mabubungaran niya sa pagbalik niya sa rooftop. Huling-huli niya si Cedrick na may kahalikang ibang babae. At ang nakakagulat pa ay kilala niya ang babaeng iyon. Si Roxanne—ang babaeng pinuntahan nila ni Liya. Kung ganoon ay hindi nagkamali si Liya ng sinabi at tama rin ang lahat ng kutob niya. May ibang babae ang kaniyang asawa! “A-angela!” ani Cedrick. Halata ang gulat sa mukha nito. Unti-unting naikuyom ni Angela ang dalawang kamay. Gusto niyang manakit. Gusto niyang manugod! Gusto niyang iparamdam sa dalawang tao sa harapan niya ang sakit na nararamdaman niya ng sandaling iyon. Napakasakit. Parang dinudurog ang puso niya hanggang sa magkapira-piraso! Malalaki ang mga hakbang na lumapit si Cedrick sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Angela, let me explain!” anito. Talagang may lakas ng loob pa itong magpaliwanag matapos niyang makita ang pakikipaghalikan nito sa babaeng iyon? Marahil ay totoo ang mga napapanood niya sa social media na nagmimistulang wala sa sarili ang legal wife sa tuwing nahuhuli nito ang kabit at ang asawa. Ngayon ay parang may kung anong masamang espiritu ang sumapi sa kaniya. Unti-unting nagdilim ang paningin niya. Malakas siyang pumiksi at sinampal ng dalawang magkasunod si Cedrick. Labis itong nagulat. Marahil ay hindi nito akalain na magagawa niya itong saktan ng pisikal. “Angela! Bakit mo—” “Hayop ka!” At isang sampal pa ang ibinigay niya. “Kung anu-ano pa ang sinabi mo sa akin kanina. Kinonsensiya mo pa ako! Tapos lahat pala ng iyon ay kasinungalingan! Hindi para sa akin ang dinner date na ito kundi para sa kabit mo! Ang galing mo sa paglalaro ng utak ko, ang galing mong baliin ang sitwasyon at iparamdam sa akin na ako ang mali! Napakahayop mo, Cedrick! Ikaw at ang kabit mo—mga hayop kayo!!!” Tuluyan na ngang kumawala ang galit na nasa loob ng dibdib ni Angela. Pakiramdam niya ay wala na siyang kontrol sa mga salita at gagawin niya. “Hoy! Hindi ako kabit! Duh!” Mataray na singit ni Roxanne. Dumako ang tingin ni Angela sa babae. Inirapan siya nito at humalukipkip. Wala man lang pagkapahiya sa mukha nito. Para bang proud pa ito. “Ang kapal ng mukha mo! Kung hindi ka kabit ano ka? Parausan?!” “Whatever! Cedrick, i-cancel na natin ang date na ito. Your wife ruined our night. Tawagan mo na lang ako kapag kumalma na iyang asawa mo. I’ll go now!” At naglakad na ito papunta sa pinto. “Walang aalis!” Mabilis na hinawakan ni Angela ang kamay ni Roxanne nang dumaan ito sa tabi nila. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakasuot sa daliri nito ang kaniyang wedding ring. “Bitiwan mo nga ako!” asik ni Roxanne. “Talagang ang kapal ng mukha mo. Hindi lang asawa ko ang inagaw mo pati ang wedding ring ko!” “Excuse me?! Hindi ko iyan ninakaw! Hindi ako mag-iinteres sa walang kwenta at cheap mong singsing. Don’t worry, huhubarin ko na mismo sa harapan mo.” Umiling si Angela. “Ayoko. Ako mismo ang magaalis niyang sa iyo!” “Anong—” Marahas niyang hinila si Roxanne pabalik sa lamesa. Halos kaladkarin na niya ito sa sobrang galit niya. “Hey! Nasasaktan ako! Let me go! b***h!” Agad na sumunod si Cedrick sa kanila. Bago pa siya nito maawat ay nadampot na niya ang table knife. Bumakas ang takot sa mukha nito nang itutok niya dito ang hawak na kutsilyo. “Subukan mong makialam, Cedrick! Hindi ako magdadalawang isip na saksakin ka sa napaka kapal mong pagmumukha!” Nanlilisik ang mga mata niyang banta. “At ikaw naman, Roxanne, ihanda mo na ang sarili mo dahil aalisin ko iyang wedding ring ko sa paraang gusto ko!” Sa mga sandaling iyon ay tila wala na si Angela sa sarili. Wala na siya sa matinong pag-iisip. Kung ano na lang ang maisipan niya ay ginagawa niya. “A-anong gagawin mo?! Cedrick, do something!!!” tili ni Roxanne. Malakas niyang inilapag ang kamay ni Roxanne sa ibabaw ng lamesa. “Sa susunod, mamimili ka ng babaeng aagawan ng asawa!” Nakangising turan ni Angela at walang awa niyang hiniwa ang daliri ni Roxanne kung saan nakasuot ang kaniyang wedding ring. Tila bingi na siya sa sigaw ni Roxanne. Naging musika sa tenga niya ang pagmamakaawa nito. Hindi siya tumigil hanggang sa tuluyan niyang maputol ang palasinsingan nito. Parang nababaliw na tumawa siya habang hawak ang daliri ni Roxanne. Sigaw naman nang sigaw si Roxanne habang si Cedrick ay nanghimatay nang makita ang putol na daliri ng kabit nito. “Hindi pa ako tapos sa iyo! Kabit!” Itinapon niya sa sahig ang putol na daliri. Malalaki ang hakbang na nilapitan niya ang naghihisterikal na si Roxanne. Sinabunutan niya ito at hinila palapit sa gilid. Walang pagdadalawang-isip na itinulak niya ito at pinanood pa niya ang mabilis na pagbulusok nito sa ibaba hanggang sa malakas na lumagapak ang katawan nito sa ibabaw ng isang kotseng naka-park sa ibaba! Mala-demonyong tumawa si Angela. Napakasarap sa pakiramdam na napatay niya ang kabit ng kaniyang asawa. Ngayon ay si Cedrick naman ang makakatikim ng galit niya. Hindi pwedeng si Roxanne lamang ang gagantihan niya. Kahit mahal niya ito ay hindi ito makakaligtas sa kaniya! Kinuha niya ulit ang table knife at nilapitan si Cedrick na wala pa ring malay. Umupo siya sa ibabaw nito at sinampal-sampal ito hanggang sa magising. Ayaw niyang tulog ito kapag pinatay na rin niya ito. Dapat ay maramdaman nito ang sakit at hapdi! “Angela! Anong gagawin mo?!” Takot nitong tanong. “Papatayin kita, Cedrick! Ang mga kagaya mo ay hindi na dapat nabubuhay!” “Angela—” Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil sinaksak na niya ito sa leeg gamit ang table knife. Paghugot niya sa kutsilyo ay sumirit ang malapot na dugo. Hindi pa siya nakuntento at inulit niya nang maraming beses ang pagsaksak kay Cedrick. Sa leeg, mukha at dibdib. Kung saan na lang niya sinasaksak ang kaniyang asawa. Maya maya pa’y humahagulhol na siya na parang nasiraan ng bait. Puno na siya ng dugo nang huminto siya sa pagsaksak kay Cedrick…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD