Chapter XIV

2058 Words
  “THANK you so much, Cedrick!” Kahit may ibang tao sa appliances store kung saan naroon sina Cedrick at Roxanne ay hinalikan pa rin ng huli ang una sa labi. Kitang-kita ni Cedrick ang kasiyahan ni Roxanne nang siya na ang nagbayad ng mga pinamili nitong gamit sa kusina kagaya ng microwave oven, rice cooker, electric kettle at food processor. Nais niya kasing matuwa ito sa kaniya. Gusto niyang gastusan si Roxanne sa takot na bumalik ito sa mayaman nitong asawa. Kanina, habang nakasunod siya kay Roxanne at pumipili ito ng mga gamit sa kusina nito sa condo ay hindi niya napigilang maisip si Angela. Noong isang araw kasi ay nahihiya itong nagsabi sa kaniya na kailangan nito ng mga gamit sa pagbe-bake. Nagpapabili sa kaniya para sa business nito. Pero ang sabi niya ay wala pa siyang pera kaya magtiis muna ito sa kung anong meron ito na gamit. Kuntodo-tipid siya sa kaniyang asawa habang sa kabit niya ay bigay siya nang bigay. Napailing na lang si Cedrick. Ganito nga siguro kapag sobrang mahal mo ang isang tao. Lahat ay ibibigay mo para mapasaya ito. “You’re welcome. Basta sa ikakasaya mo. Anything!” Pinisil niya ang tungki ng ilong ni Roxanne. “Baka may idadagdag ka pa. Sige lang.” “Hmm… Wala na akong maisip, e. Happy na ako sa mga iyan.” “Sir, `eto na po iyong card ninyo…” singit ng babaeng cashier at inabot nito ang credit card niya. Pagkakuha niya ng credit card ay parang sumakit bigla ang ulo niya. Ang mahal kasi ng mga binili ni Roxanne. Parang ngayon lang nag-sink in sa utak niya ang presyo ng mga iyon. Sana pala ay hinayaan na lang niyang ito ang magbayad. Tuloy pa rin naman daw ang perang ibinibigay dito ng asawa nito. Inilagay muna nila ang mga binili sa baggage counter. Ang kasunod kasing gagawin nila ay ang mag-grocery ng stocks ni Roxanne sa condo. Sinasamantala na nila na magkasama sila para may katulong si Roxanne sa pagdadala ng mga bibilhin. Nasa ibaba ng appliance store ang supermarket kaya hindi na nila kailangang lumayo. Hindi ganoon karami ang pinamili ni Roxanne dahil madalas ay mag-isa ito sa condo. Kapag naroon siya ay hindi na siya nakakakain dahil ito na ang “kinakain” niya. Palihim na nagpasalamat si Cedrick na hindi siya inobliga ni Roxanne na bayaran ang binili nito sa supermarket. Ito na ang nagbayad ng lahat. Habang tinutulak niya ang malaking cart kung saan nakalagay ang mga grocery at naka-angkla ang braso ni Roxanne sa braso niya. Paglabas nila ng supermarket ay may narinig siyang babaeng sumisigaw na akala mo ay merong kaaway. Pamilyar sa kaniya ang boses kaya hinanap niya iyon. At ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang makita ang nanay niya na itinulak sa loob ng tricycle ang umiiyak na si Angela! Nasa tapat ang mga ito ng coffee shop na malapit sa supermarket. Napahinto siya sa paglalakad. Bakit sila nandito?! Tanong niya sa sarili. Siguradong katapusan na nila ni Roxanne sa sandaling makita sila ng mga ito. “Cedrick, bakit ka tumigil?” Nagtatakang tanong ni Roxanne. Hindi agad siya nakasagot hanggang sa sinundan nito ng tingin ang tinitingnan niya. Mabilis na tumalikod si Cedrick nang makitang dadaan ang tricyle sa harapan nila. Hindi siya pwedeng makita ng asawa at nanay niya na may kasamang ibang babae. Hindi pa ito ang tamang panahon para doon!   HINDI nakaligtas sa matalas na mga mata niu Roxanne ang tila iniwasan ni Cedrick. Nakita niya ang asawa at nanay nito doon sa tricycle na dumaan sa harapan nila. Halatang natatakot ito na malaman ni Angela ang tungkol sa kanilang dalawa. Kasama niya si Inah. Umiinom sila ng wine sa terrace ng kaniyang condo unit. Mula doon ay tanaw nila ang kalawakan ng siyudad at ang mga ilaw sa ibaba. Malamig ang hangin na humahampas sa kanilang balat. “Sa tingin ba ni Cedrick ay naniniwala ako sa pinagsasabi niyang hihiwalayan niya soon si Angela? I don’t think so. I love him but I know him. Duwag siya. Takot siya sa eskandalo!” Himutok ni Roxanne sa kaibigan. “Hay naku! Bakit kasi sa dami ng boys diyan ay sa may sabit ka pa talaga kumabit? Girl, sayang ang ganda mo. Hahayaan mo bang kabit ka lang?” Maarteng pinaikot ni Inah ang mga mata. Naningkit ang mga mata ni Roxanne. “Because I love Cedrick! Kaya nga gagawa ako ng paraan para hiwalayan niya `yong asawa niyang mukhang tanga, `di ba? Nakipaghiwalay ako sa asawa ko tapos siya ay hindi? That’s unfair! I will make sure na hindi matatapos ang linggong ito at magkakagulo na silang lahat. Itaga mo iyan sa mukha mo, Inah!” May panggigigil niyang bulalas na akala mo ay isang kontrabida sa soap opera. Nagulat si Roxanne nang biglang tumayo si Inah at nagpapadyak na akala mo ay pinapapak ng mga langgam ang paa. “Bakit naman sa mukha ko pa itataga?! Huwag naman sa mukha ko! Please, Roxanne! `Wag sa mukha ko!” Overacting talaga ito. Naghihisterikal pa na akala mo ay namatayan. “Shut up!” Isinaboy niya sa mukha ni Inah ang laman na wine ng hawak niyang kopita. “Ang OA mo. Gusto mong ihulog kita dito sa terrace? Sit down, Inah!” “O-okay. Sorry.” Umupo na ito ulit at diretsong inubos ang laman ng baso nito. Dumighay pa ito pagkatapos. Napasimangot siya. “Pig!” irap niya sa kaibigan. Tumingin si Roxanne sa malayo habang nagbubuo ng plano kung paano niya guguluhin sina Cedrick at Angela. Ang naiisip niya ay iyong iisipin ng mga ito na hindi niya plinano ang lahat at hindi niya sinadya. Siyempre, ayaw niya pa ring magalit si Cedrick sa kaniya. May naiisip na siya. At ang una niyang gagawin ay alamin kung sino ba ang mga taong malapit kay Angela. Ang mga iyon ang gagamitin niya sa unang hakbang na isasagawa niya…   KAKATAPOS lang magbayad ni Liya ng bills nila sa mall ng umagang iyon. Dahil sa maaga pa naman ay naisipan niyang gumala sa department store. Titingnan niya kung naka-sale na iyong blouse na gusto niya dati pa. Hindi nga lang niya mabili dahil medyo mahal. May mga priority siya sa buhay at hindi kasama doon ang mga damit. Kung may sobra, saka siya bibili. Nanlumo siya nang hindi na iyon nakita. Pagtanong niya sa sales lady ay nalaman niyang out of stock na at hindi alam kung kailan magkakaroon ulit. Bagsak ang balikat na lumabas si Liya ng department store. Isang magandang babae na akala mo isang artista ang nakita niyang kasalubong niya. Nakuha nito ang atensiyon niya at nagulat siya nang tila sinadya nitong banggain siya. Nahulog sa balikat ng babae ang shoulder bag na nakasukbit doon at sumabog sa sahig ang laman niyon. “Ay! Sorry, miss!” Awtomatikong yumukod si Liya para kuhain ang mga gamit nito. May wallet, lipstick, compact face powder, lipstick, cards at cellphone. Sa pagdampot ni Liya ng cellphone ng babae ay hindi iyon naka-lock kaya nagulat siya nang makita ang wallpaper niyon. Si Cedrick kasama ang babaeng bumangga sa kaniya! Sweet na sweet ang dalawa sa picture. Magkadikit ang mga pisngi at halatang in love ang mga ito. “Thank you and I’m sorry. Nagmamadali kasi ako at hindi kita pinansin.” Kinuha ng babae ang mga gamit nito na nasa kamay niya. Ito na ang naglagay ng mga iyon sa bag nito. Umayos ito ng tayo at ngumiti. Diretso itong naglakad palayo. Nakangangang sinundan ni Liya ng tingin ang babae. Sa gulat niya ay nakalimutan na niyang tumayo. Si Cedrick ba iyong nasa wallpaper ng babaeng iyon? Tanong niya sa sarili. Hinding-hindi siya maaaring magkamali. Si Cedrick iyon. Kung ganoon ay may ibang babae si Cedrick? May kabit ito? Niloloko nito si Angela? Bumilis ang kabog ng dibdib ni Liya sa kaniyang naisip. Akmang tatayo na siya nang mapansin niya ang isang card na nasa sahig. Dinampot niya iyon at nalaman niyang ID iyon ng babaeng bumangga sa kaniya kanina. “Roxanne F. Gonzales…” Mahinang basa ni Liya sa pangalan ng babae.   ISANG ngiti ng tagumpay ang sumilay sa labi ni Roxanne nang makita niyang kinuha ng kaibigang babae ni Angela ang ID na sinadya niyang iwanan nang tumapon ang mga gamit niya kanina. Iyong pagbangga niya sa babaeng iyon at pagpapakita niya ng wallpaper ng cellphone niya—lahat iyon ay planado. Hindi naman nasayang ang ibinayad niya doon sa private investigator na hiningan niya ng tulong para malaman niya kung sino ang taong malapit kay Angela. Liya Siosa—iyon ang pangalan ng kaibigan ni Angela. Bilang kaibigan, alam niyang magsusumbong si Liya sa kaibigan nito. Kapag nalaman ni Angela na may ibang babae si Cedrick ay doon na mag-uumpisang magkagulo ang mga ito. Lumabas na siya ng mall at pinuntahan ang kaniyang kotse sa parking lot. Bubuksan na sana niya ang pinto sa may driver’s seat nang may pumigil sa kamay niya. Pagtingin niya sa taong pumigil sa kaniya ay nagulat siya nang malamang si Logan iyon. “What are you doing here?! Bitiwan mo nga ako!” Malakas niyang binawi ang kamay. Kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa hitsura ni Logan. Mas kumapal ang balbas at bigote nito. Nangangalumata ang mata at lumaki ang eyebags. Halatang hindi ito nakakatulog ng maayos. Amoy din niya ang alak dito. Lasing pa yata ito kahit ganito kaaga. Muling kinuha ni Logan ang kamay niya. “Please, Roxanne! Bumalik ka na sa bahay. Magbabago na ako. Bibigyan na kita ng oras. Bibigyan na kita ng anak. Lahat ay susundin ko basta bumalik ka lang sa akin!” Nakikiusap nitong turan. Kulang na lamang ay luhuran siya nito. Ikinabigla niya ang ginawang iyon ni Logan. Sa pagkakakilala niya sa asawa ay wala sa ugali nito ang makiusap at magmakaawa. Palagi itong mataas at matapang. Parang ayaw niya tuloy maniwala na si Logan ang nasa harapan niya ngayon. Feeling niya tuloy ay nadagdagan ng ilang porsiyento ang kagandahan niya. Hay… Nagagawa nga naman ng pag-ibig sa tao! Bumuga ng hangin si Roxanne. “Hindi ka ba nakakaintindi? Ayoko na sa iyo. Si Cedrick na ang mahal ko at magsasama na kami. Kaya tigilan mo na ako, Logan. Kahit anong gawin mo ay never na tayong magkakabalikan. Just move on. Okay? It’s too late sa pagmamakaawa mo!” Pagtataray pa niya. “Please, Roxanne…” At tuluyan nang lumuhod si Logan. Nangingilid ang luha sa mata. “Stop making a scene here! My God. Nakakahiya!” Muli niyang binawi ang kamay sa asawa. “Tigilan mo na ang pagsunod sa akin, ha! Or else sasampalin kita ng annulment papers!” Tila natakot naman si Logan sa sinabi niya kaya hindi na siya nito pinigilan nang sumakay siya sa kaniyang kotse. Agad niya iyong pinaharurot paalis at binugahan pa niya ng usok mula sa tambutso ang kaawa-awang si Logan.   NAPAUBO si Logan nang malanghap niya ang usok mula sa tambutso ng papalayong sasakyan ng kaniyang asawa. Nanatili siyang nakaluhod. Tila wala pa siyang lumakas para tumayo. Wala na rin siyang pakialam kung may ilang tao na nakakakita sa kaniya sa ganoong posisyon. Ano bang alam ng mga ito sa sakit na nararamdaman niya? Kahit siya ay hindi makapaniwala na magagawa niyang magmakaawa sa isang tao. Kahit sa panaginip ay hindi niya iyon naisip na gawin. Pero iba si Roxanne. Lahat yata ay magagawa niya para balikan siya nito. Kung alam lang niya na aabot sila sa ganito ay binigyan na niya sana dati pa ng atensiyon ang kaniyang asawa. Sumunod na lang sana siya sa kagustuhan nitong magkaroon sila ng anak kung iyon talaga ang gusto nito. Masyado siyang naging selfish. Mas inisip niya ang sariling kagustuhan kesa sa babaeng kaniyang pinakasalan. Mahal na mahal niya si Roxanne. Hindi siya magkakaganito kung hindi. “Sir Logan, tumayo na po kayo diyan.” Narinig niya ang boses ni Markus sa kaniyang likuran. Nang hindi pa rin siya kumikilos mula sa pagkakaluhod ay nilapitan na siya nito at maingat na hinila pataas. Pinagpagan pa nito ang tuhod niya na puno ng dumi sanhi ng pagluhod niya. “Wala na si Roxanne, Markus. Hindi na niya ako babalikan pa,” aniya habang pigil ang pagpatak ng mga luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD