Chapter XV

2138 Words
HINDI inaasahan ni Angela ang pagpunta ni Liya sa bahay nila. Nagulat na lang siya nang tumawag ito sa cellphone niya at sabihing nasa labas ito. Naglalaba siya sa likod-bahay dahil nasira ang washing machine kaya hand washing ang ginagawa niya ngayon. Hindi lang ang damit nila ni Cedrick ang nilalabhan niya kundi lahat ng maruruming damit ng pamilya ng kaniyang asawa. Walang kaso iyon sa kaniya. Kusang-loob niya iyong ginagawa bilang ganti sa pagpapatira ng mga magulang ni Cedrick sa kanila. Binuksan ni Angela ang gate at napansin niya agad ang pagiging balisa ni Liya. “O, Liya, bakit? Parang may problema ka,” aniya. “Pasok ka muna sa loob at sobrang init dito.” Mariin itong umiling. “`Wag na. Ayokong makita iyong biyenan mong dragon at nakakainit ng dugo. Dito ko na lang sasabihin ang dapat mong malaman. Saka hindi ako may problema… I-ikaw yata ang magkakaroon ng problema, e.” “Ha? Ano bang sinasabi mo?” Hinila siya ni Liya palapit at may ibinulong sa kaniya. “Feeling ko kasi may ibang babae si Cedrick…” Napalayo si Angela at medyo natawa. “Prank ba iyan? Ano ka ba? Imposible. Imposible talaga!” “Seryoso ako, Angela. Heto, tingnan mo!” Isang ID ang iniabot nito na kinuha niya at tiningnan. “Sino `to? Roxanne Gonzales? Ang ganda niya—” “Iyan ang kabit ng asawa mo—Ang ibig kong sabihin, baka siya ang kabit ni Cedrick. Seryoso ako. Hindi ako magbibiro kapag ganitong bagay.  “P-paano mo naman nasabi na kabit iyan ni Cedrick?” “Kanina kasi ay nagkabanggaan kami ng babaeng iyan sa mall tapos tumapon iyong gamit niya. Pagkakita ko sa cellphone niya, nakita ko na si Cedrick at ang babaeng iyan ang wallpaper! Magkadikit ang mga mukha! Naiwanan niya iyang ID niya kaya kinuha ko. Naku! Nakakagigil! Nabigla lang kasi ako kanina kaya hindi ko na siya nahabol, e!” Natahimik si Angela. Sa hitsura ni Liya ay mukhang nagsasabi ito ng totoo. Isa pa, hindi siya nito bibiruin sa ganoong maselang bagay. “Sigurado ka ba sa nakita mo?” “Oo. Sigurado talaga ako. Ano? Gusto mo puntahan natin iyang babae? Nandiyan sa ID iyong address niya, e. Kunwari ibabalik natin pero mag-iimbestiga talaga tayo.” Nag-init ang mata ni Angela. Kung totoo nga ang sinasabi ni Liya ay mukhang iyon ang dahilan kung bakit nanlalamig na sa kaniya si Cedrick—dahil may iba na itong pinag-iinitan. “P-pag-iisipan ko muna.” Ang totoo ay hindi niya alam kung ano ang isasagot. Labis siyang nabigla sa nalaman at hindi pa siya makapag-isip ng maayos. “Angela! Hindi kusang matatapos ang labahan mo! Ano ba iyan at nakikipag-tsismisan ka pa diyan?!” Napapitlag siya sa sigaw na iyon ni Lorena Nakatayo ito sa bungad ng pintuan at nakapameywang. “O-opo, mama! Tatapusin ko na po iyon!” Natataranta niyang sagot sabay lingon ulit sa kaibigan. “Saka na tayo mag-usap, ha. May gagawin pa kasi ako. Pagkatapos ko maglaba ay tatawagan kita.” “Hmp! Sarap suntukin sa puson ng biyenan mong dragon!” irap ni Liya. “Sige, hintayin ko tawag mo. Mag-iingat ka, ha.” “Ikaw din. Sige na, alis ka na. Bye!” Ngumiti si Angela. Hindi na niya hinintay na makaalis si Liya at isinarado na niya ang gate at bumalik sa paglalaba sa likod-bahay. Wala na sa ginagawa ang isip niya kundi nasa sinabi ni Liya. Matagal na silang magkaibigan nito at alam niyang hindi ito gagawa ng kuwento para lokohin siya. Isang bagay na lang ang ipinagdadasal niya ngayon at iyon ay ang sana ay nagkamali si Liya ng iniisip. Sana ay nagkamali ito ng tingin at akala tungkol sa babaeng sinasabi nitong kabit ni Cedrick. Ngayon pa lang na iniisip niya na baka totoong may ibang babae ang asawa niya ay nasasaktan na siya at naiiyak. Mababaliw siguro siya kapag nagkataon. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Magagalit ba siya? Sisisihin ang sarili dahil baka may kulang sa kaniya na nakita ng asawa niya sa iba? Ipinilig ni Angela ang ulo. Tama na iyan, Angela! Wala pa nga, e. Hindi ka pa sigurado. Saka ka na mag-isip ng gagawin mo kapag napatunayan mo nang totoo ang lahat… aniya sa sarili upang kahit paano ay mawala ang kaba sa kaniyang dibdib.   KAGAYA ng sinabi ni Angela kay Liya ay tinawagan niya ito pagkatapo maglaba. Nasa kwarto siya dahil ayaw niyang may ibang makakarinig ng usapan nila. Isinarado niya ang pinto sa takot na may biglang pumasok. “Ano bang gagawin ko, Liya? Hindi ako sanay sa ganitong bagay. Sigurado ka ba talaga sa nakita mo?” tanong pa niya sa kaibigan. Halos pabulong na ang pagsasalita niya. “Bessy, sure na sure! Hindi pa malabo ang mata ko, `no. Saka kilalang-kilala ko ang mukha ni Cedrick. Siya talaga iyong nasa litrato sa wallpaper no’ng Roxanne. Kaya nga kung ako sa iyo ay pupuntahan ko iyong babae sa bahay para makakuha tayo ng ebidensiya!” “E, paano kung… makakuha nga tayo ng ebidensiya na nagloloko ang asawa ko. A-anong gagawin ko?” May takot na lumukob sa kaniya. “Ano pa ba? Aawayin mo. Papiliin mo—ikaw o ang kabit niya. Kapag ikaw ang pinili, bigyan mo ng isa pang chance.” “P-paano kung iyong babae niya ang piliin niya?” “Edi, magsama sila! Pero huwag kang papayag na ganoon lang. Ikaw ang asawa, bessy. Lalaban ka. Huwag kang mag-alala dahil kasama mo ako. Nasa likuran mo lang ako.” “Salamat, bessy. Kinakabahan ako sa gusto mong gawin natin pero kailan naman tayo pupunta sa bahay ni Roxanne?” “Wait, bessy. Mag-iisip ako. Hindi kasi pwedeng agad-agad tayo pupunta. Ay, alam ko na! Kapag may biglaang lakad ang asawa mo, sabihan mo ako. For sure, pupuntahan niya ang kabit niya. `Di ba, bright idea?” “Natatakot ako…” “Hay! Anong natatakot? Legal wife ka. Nasa iyo lahat ng karapatan, bessy! Ako ang bahala sa iyo. Okay? Basta, iyong sinabi ko, ha.” Akmang magsasalita pa sana si Angela nang marinig niya ang pagpihit ng door knob ng pinto. Napapitlag siya nang may kumatok nang sunud-sunod at malalakas. Tinapos na niya ang pakikipag-usap kay Liya upang buksan ang pinto. “Cedrick?” Nagulat siya nang ang asawa ang kaniyang napagbuksan. “Bakit nagla-lock ka pa?! Ano bang ginagawa mo?” Halata ang inis sa pagsasalita nito. “N-nagbibihis kasi ako.” Dire-diretsong pumasok ang asawa ni Angela. Hindi man lang siya binigyan ng yakap o halik kahit sa pisngi. Akala mo ay asong nakasunod si Angela kay Cedrick. Nang umupo sa gilid ng kama si Cedrick ay mabilis siyang umupo malapit sa paanan nito upang siya ang maghubad ng sapatos at medyas nito. Siya na rin ang kumuha ng pambahay nitong damit. Nakasanayan na niya iyong gawin simula nang ikasala sila. Parang parte iyon ng pagsisilbi niya sa kaniyang asawa dahil palagi itong pagod galing trabaho. “Kumusta ang araw mo? Ang aga yata ng uwi mo ngayon. Gusto mo ba ng masahe?” Kahit hindi pa sumasagot si Cedrick ay pumwesto na siya sa likod nito at inumpisahang bigyan ito ng banayad na masahe sa balikat. Nakahubad na ito ng damit kaya mas mainam kung imamasahe na niya ito agad. Nagulat siya nang alisin nito ang mga kamay niya. “Ang lagkit ng kamay mo! Naghugas ka ba ng kamay?” asik ni Cedrick. Nasaktan siya ng kaunti sa ginawa nito. Gusto lang naman niyang maglambing pero tila hindi iyon nagustuhan ni Cedrick. “Sorry. N-naglaba kasi ako kanina. Hindi ko siguro nahugasan nang maayos ang kamay ko. May naiwanan pang sabon. Maghuhugas lang ako tapos saka kita imasahe—” “Hindi ko kailangan ng masahe,” putol ni Cedrick. “Ipag-empake mo ako ng mga damit. Kahit limang pares ng pang-itaas at pang-ibaba. Ikaw na ang bahala basta iyong masusuot ko ng tatlong araw.” “Ang tagal mong mawawala. Saan ka pupunta? Saka biglaan yata.” “Isasama ako ng boss namin sa seminar sa Baguio. Tatlong araw kami doon. Mamayang madaling araw ang alis ko kaya mag-empake ka na ng mga damit ko.” “Babae ba iyong boss mo?” “Lalaki—teka. Bakit mo itinatanong kung babae ang boss ko? Nagdududa ka ba, Angela? Ganiyan ba ang tingin mo sa akin?” Nang-uuyam itong ngumiti at umiling. “Lintek naman! Trabaho ang ipupunta ko doon tapos ganiyan mo ako pag-isipan?” Bahagyang nataranta si Angela sa pagtaas ng boses ni Cedrick. “Hindi sa ganoon—” “Alam ko iniisip mo. Para sabihin ko sa iyo, ayokong sumama sa kaniya pero dahil trabaho ay kailangan. Pagod na nga ako sa pagtatrabaho tapos pagdududahan mo ako. Halos sa company na ako tumira, Angela. Sa tingin mo ay may oras pa ako na mambabae?!” Kaduda-duda ang pagiging defensive ni Cedrick. Mas lalo tuloy lumaki ang hinala niya na totoo ang sinabi ni Liya. Natatakot na siya. Hindi niya alam kung paano haharapin ang problemang maaaring dumating sa buhay niya. Upang tumigil na si Cedrick sa pagsigaw ay nagpakumbaba na lang si Angela. “Pasensiya ka na kung pinagdudahan kita. Hindi ko na uulitin.” Napayuko siya sa paghingi ng paumanhin. “Sige na. Gawin mo na ang inutos ko at magpapaalam pa ako kina mama,” anito at lumabas na ito ng kanilang kwarto. Malungkot niyang sinundan ng tingin si Cedrick. Bakit biglang ganoon ang mood nito? Ayos ito nang umalis kaninang umaga. Hinalikan pa siya nito sa labi. Tapos pagbalik ay ang init ng ulo sa kaniya. Pagod nga ba ito sa trabaho o may iba pang dahilan? Sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang sinabi ni Liya. Kapag daw may biglaang lakad si Cedrick ay sabihin niya dito at saka sila pupunta sa bahay ni Roxanne. Dahil doon ay mabilis niyang ti-next ang kaibigan saka niya ginawa ang pag-eempake ng mga damit ng kaniyang asawa.   “ANO bang pumasok sa utak mo at pabigla-bigla ka?” Pigil ni Cedrick ang paglakas ng boses habang kausap niya sa cellphone si Roxanne. Lumabas siya at pumwesto sa harapan ng kanilang bahay para walang makarinig. Umungot si Roxanne. “Sobrang miss na kasi kita. I can’t even remember the last time we met. Palagi ka na lang kasama ni Angela… Mamamatay ako sa selos, Ced…” Akala mo ay pusang naglalambing si Roxanne kung magsalita. “Miss na rin naman kita, e. Pero kailangan nating magtiis—” “Kasi takot kang malaman ng asawa mo? Ano ba ito, Cedrick? Forever mo ba akong itatago at gagawing kabit? Kung ganiyan ang plano mo, we better stop this s**t!” “Ikaw naman… Galit ka agad. Siyempre, hindi. Gusto kong maging legal tayong dalawa pero huwag muna ngayon. Inuunti-unti ko si Angela. Ang gusto ko ay siya ang makipaghiwalay sa akin dahil ayokong maging masama sa paningin ng ibang tao.” “Okay. Fine!” Kahit hindi niya kaharap si Roxanne ay nakikita niya pa rin ang pagtirik ng mga mata nito. “Pero nakapagpaalam ka na ba diyan sa inyo at sa work mo?” “Oo. Ang sabi ko kay Angela ay pupunta kami ng boss ko sa Baguio. Tapos sa work ay nag-emergency leave ako. `Buti at pinayagan ako.” “That’s nice to hear! Excited na akong makasama ka ng tatlong araw, Cedrick!” “Ako din, Roxanne. Miss na miss ko na pagromansa mo sa akin, e.” Iniisip pa lang ni Cedrick ang ginagawa ni Roxanne na pagpapaligaya sa kaniya sa kamay ay parang gusto na niyang hilahin ang oras para magkasama na silang dalawa. “Don’t worry. Bukas ay magkasama na tayo. Wala tayong gagawin kundi ang magkulong sa kwarto at mag-s*x!” Kinikilig na tawa ni Roxanne. Natawa na rin si Cedrick. “Sige na. Mamaya na lang ulit ako tatawag at baka makahalata na si Angela. Babalikan ko na muna siya. Take care, Roxanne. I love you so much!” “I love you too! Bye!” At doon na natapos ang kanilang pag-uusap. Ngingiti-ngiti si Cedrick pagkatapos. Tatlong araw silang magkakasama ni Roxanne. Sigurado siyang wala siyang magiging pahinga. Mataas kasi ang energy ni Roxanne pagdating sa pakikipag-s*x. Parang hindi ito napapagod. Talagang gusto na nitong magkaroon ng anak. Ibinulsa na niya ang cellphone sa shorts. Nawala ang ngiti niya nang pagpihit niya papasok sa bahay ay nakatayo sa may likuran ang nanay niya. May gulat sa mukha nito at sa sobrang lapit nito sa kaniya ay sigurado siyang narinig nito ang lahat ng kaniyang sinabi. “M-mama!” Nawalan ng kulay ang mukha niya. “May kabit ka, anak?” Hindi makapaniwalang tanong ni Lorena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD