“`YAN! Ang ganda-ganda mo na, bessy!” Palatak ni Liya kay Angela matapos siya nitong lagyan ng pulang lipstick sa labi.
Nasa may ibaba na sila ng condominium building kung saan nakatira si Roxanne Gonzales. Ito ang babaeng pinaghihinalaan ni Liya na babae ni Cedrick. Sa isang sosyaling condominium building pala ito nakatira kaya nahinuha niyang mayaman si Roxanne. Parang ngayon pa lang ay nanliliit na siya.
Nasa may lobby sila at tinatawagan na ng receptionist si Roxanne sa unit nito kung papapasukin ba sila o hindi. Ang sabi ni Liya ay isasauli nila kay Roxanne ang napulot nitong ID.
Maya maya ay nakita niyang kinakawayan na sila ng receptionist.
“Bessy, tawag na yata tayo…” siniko niya ang katabi.
Kinakabahan talaga si Angela sa gagawin nila. Hindi niya alam kung saang lupalop ng mundo siya kumuha ng tapang upang harapin ang babaeng maaaring kabit ng kaniyang asawa.
Si Cedrick ay umalis na sa kanila kaninang madaling araw pa kaya ngayong umaga na sila pumunta dito para makabalik agad siya sa bahay. Marami pa kasi siyang gawaing-bahay na naiwanan.
Napatingin na rin si Liya sa receptionist na kanina ay inaayos ang dala nitong make up kit. Dapat daw ay mas maganda siya kay Roxanne sa paghaharap nila.
“Ay, oo nga! Tara na, bessy!” Parang mas excited pa si Liya at ito pa ang humigit sa kaniya para lumapit sa receptionist. Agad na tinanong ng kaibigan niya kung ano ang sinabi ni Roxanne.
“Pwede na po kayong umakyat sa unit ni Ma’am Roxanne.” Nakangiting turan nito at sinabi sa kanila ang room number ng babae.
Pagsakay pa lang nila ng elevator ay namumutla at nanlalamig na si Angela. Pakiramdam niya ay hihimatayin na siya sa sobrang kaba. “Liya…”
“Bakit?”
“Kinakabahan ako.” Bumukas na ang elevator. Paghawak ni Liya sa kamay niya para hilahin palabas ay nagulat ito. “Hala ka! Ang lamig ng kamay mong bruha ka!” anito at tuluyan na silang lumabas ng elevator. Inayos nito ang buhok niya.
“Umuwi na tayo. S-saka na natin ito gawin. Hindi ko pa yata kaya—”
“Gaga! Nandito na tayo, bessy, ituloy na natin. Sayang ang pamasahe natin, `no. Nag-taxi pa tayo. Isa pa, kung may babae man ang asawa mo ay mas magandang malaman mo nang mas maaga para makapag-isip ka agad kung ano ba ang dapat mong gawin. Wala kang dapat ikakaba. Hindi kita iiwanan, bessy!”
Sa sinabing iyon ni Liya ay lumakas kahit paano ang loob niya. Nakakahiya rin dito na nag-effort na samahan siya tapos wala pala silang mapapala.
Huminga muna nang malalim si Angela. “Sige na nga. Basta, huwag mo akong iiwanan. Sa tabi lang kita,” aniya at pilit na ngumiti.
“Ay, oo naman! Kung sakaling magkasabunutan kayo ay ako ang resbak mo!”
Huwag naman sanang umabot sa ganoon. Kung malalaman niyang kabit nga ni Cedrick si Roxanne ay pipilitin niyang kausapin ito nang mapayapa at maayos. Ayaw niya kasi ng gulo lalo na ng pisikalan na pananakita.
Hinanap na nilang dalawa ang unit ni Roxanne sa palapag na iyon at hindi sila nahirapan na mahanap dahil halos nasa bungad lang iyon ng elevator. Pinindot ni Liya ang buzzer at maya maya ay bumukas ang pinto.
Isang napakagandang babae na akala mo ay dyosang bumaba sa lupa ang nakita nila. Nakasuot pa ito ng lingerie na manipis kaya nababanaag nila ang kulay itim nitong panty at bra. Magulo ang buhok pero napakaganda pa rin.
Mas lalo tuloy nanliit si Angela. Sigurado siyang si Roxanne na iyon base sa litratong nakalagay sa ID. Ngayon, hindi na siya nagtataka kung nagustuhan man ni Cedrick ang babaeng iyon dahil kumpara sa kaniya ay walang-wala siya. Napakalayo ng kagandahan nito sa gandang meron siya. Kumabaga, pang-modelo ang level ni Roxanne habang siya ay isang simpleng babae lamang.
“Good morning. Sorry, I just woke up. Kayo ba iyong sinasabi ng receptionist na nakakuha ng ID ko?” tanong ni Roxanne.
Hindi magawang makapagsalita ni Angela. Umurong ang dila niya pagkakita sa napakagandang si Roxanne.
“Kami nga.” Pasimple siyang siniko ni Liya na parang sinasabi nitong umayos siya.
“Oh, thank you so much! Talagang hinahanap ko iyan nang mawala. Ang hirap pa naman kumuha ng ID today. Thank you talaga!” Masayang bulalas nito. Nagulat si Angela nang biglang kunin ni Roxanne ang kamay niya at hinila siya paloob. “I have to thank you, girls. So, samahan ninyo akong mag-breakfast. Tamang-tama kasi gumawa ako ng carbonara.”
Nakasunod si Liya sa kanila. Tinitingnan niya ito. Pinanlakihan siya nito ng mata.
Magkatabing umupo sina Angela sa dining area. Napansin niya na meron doong apat na upuan. Habang naghahain si Roxanne ay nagkakatinginan sila. Hindi nila magawang makapag-usap at maririnig sila ni Roxanne.
“By the way, ako pala si Roxanne. Kayo ba?” tanong nito nang umupo na ito sa may harapan nila. Magiliw ang pananalita nito at may pagka-sopistikada.
“Ako si Liya at ito ang friend kong si Angela.” Alam siguro ng kaibigan niya na hindi niya kayang magsalita kaya ito na ang sumagot para sa kaniya.
“Nice meeting you, Liya and Angela!”
“Ang totoo ay ako lang ang nakakuha ng ID mo. Isinama ko lang itong friend ko. Naalala mo ba iyong may nabangga kang babae sa mall at tumapon ang gamit mo? Ako iyon.”
Umaktong nag-iisip si Roxanne. “Hmm… I can’t remember na. Sorry. Makakalimutin kasi ako!” Mataginting itong tumawa. “Wait. Bakit hindi nagsasalita ang friend mo. Pipi ba siya?”
“Ay, hindi! Mahiyain lang talaga siya,” ani Liya.
Tiningnan siya ni Roxanne. “Oh. Bakit ka naman mahiyain? Ang ganda mo kaya. Hindi ka dapat nahihiya.”
“S-salamat…” Matipid niyang sagot.
“Iyan! Narinig din kitang magsalita!” Malakas na tumawa si Roxanne. “Naku, tama na nga muna ang kwentuhan. You two should try my carbonara. Favorite kasi iyan ng boyfriend ko. I don’t know kung bakit marami ang nagawa ko kanina iyon pala ay may dalawang angels na darating.”
Natigilan siya. “Boyfriend? M-may boyfriend ka?”
Mabilis na tumango si Roxanne. “Yes! Sa ganda kong ito ay hindi ba nakakapagtaka kung wala? Just kidding!” tawa nito.
“Nasaan siya?” tanong naman ni Liya.
“He’s here. Nasa kwarto. Until now ay tulog pa rin. Nag-inuman kasi kami nang dumating siya. E, mas malakas ako when it comes to drinking compare to him. He’s so cute talaga kaya I really love him!” Nangalumbaba ito sabay tingin sa kaniya. “How about you, Angela? May boyfriend ka ba?”
“Wala. Asawa meron.”
“Wow! I guess, super happy ka sa kaniya.”
“Oo naman at mahal na mahal ako ng asawa ko.” Sinubukan niyang labanan ang tingin ni Roxanne pero siya ang unang yumuko. Hindi niya kaya.
Sa ilalim ng lamesa ay naramdaman ni Angela ang pagsipa ni Liya sa paa niya. Mukhang alam na niya ang ibig nitong sabihin.
“Ah, talaga nandito pala siya…” Luminga-linga si Liya. “Ay, may mga plants ka pala.” Itinuro ng kaibigan niya ang mga halaman na nakalagay sa magandang drawer sa kusina.
“Yes! I love plants! They’re like woman. Kailangang diligan para mamulaklak at bumukadkad. Kapag walang dilig, natutuyo… pumapangit.”
“Ay, plantita naman pala. May iba ka pa bang plants, Roxanne?”
“Yes. Marami akong cactus sa may dirty kitchen na hindi ko pa naililipat ng pot. Gusto niyo bang makita?”
Tumayo si Liya. “Ako lang. Hindi naman mahilig iyang friend ko sa plants. Pwede bang ngayon na? Excited na akong makita mga halaman mo, Roxanne!” Umarte pang excited si Liya sa pamamagitan ng pagpalakpak.
“Okay, sige. Sumunod ka sa akin sa dirty kitchen ko. Ikaw ba, Angela, dito ka lang?”
“O-oo. Hindi talaga ako interesado sa halaman, e.”
Tumayo na rin si Roxanne at sinamahan ito ni Liya sa pagpasok sa isang pinto. Bago mawala sa paningin niya si Liya ay pinanlakihan siya nito ng mata at inginuso ang nag-iisang pinto sa salas. Alam na niya ang ibig nitong sabihin.
Nasa kwarto ngayon ang boyfriend ni Roxanne at kailangan niya itong makita kung si Cedrick ba iyon. Pero sana ay hindi. Sana ay hindi si Cedrick ang tinutukoy na boyfriend ni Roxanne. Hindi niya talaga kakayanin.
Hindi na siya nag-aksaya ng sandali at iniwan na niya ang dining area. Tahimik siyang naglakad patungo sa pinto sa salas na hula niya ay para sa silid-tulugan. Kulang na lang ay kumawala ang puso niya sa loob ng dibdib sa sobrang lakas ng t***k niyo. Talagang kinakabahan siya sa gagawin niyang ito. Mabuti’t kasama niya si Liya para tulungan siya dahil kung siya lang ay hindi niya ito kaya.
Sandaling huminto si Angela sa harapan ng pinto. Lumingo muna siya sa may dining area at baka bumalik na sina Roxanne. Nang wala pa ay saka niya pinihit ang door knob at itinulak ang pinto. Maswerte siya dahil hindi iyon naka-lock.
Sumilip siya sa kaunting awang. May lalaking nakahiga sa kama pero hindi niya makita ang mukha. Nakatagilid ito at nakatalikod sa gawi niya. Ang likuran lang nito ang tanaw ni Angela. May puting kumot na nakabalot sa pang-ibabang bahagi ng katawan nito. Pero kung ang likuran ang pagbabasehan ay hindi niya masabi kung si Cedrick ba iyon. Medyo madilim kasi sa kwarto. Nakababa ang kurtina sa may bintana kaya halos walang liwanag na pumapasok doon. May pagkakahawig sa gupit ng buhok pero hindi lang naman ang asawa niya ang may ganoong gupit kaya hindi talaga siya sigurado.
Hindi ko pwedeng sayangin ang chance na ito. Kailangan kong malaman kung si Cedrick ba iyon o hindi. Para na rin sa peace of mind ko… Pagpapalakas ni Angela sa sarili.
Kinakabahan man ay humakbang pa rin si Angela papasok ng kwarto. Napakaingat ng paglapat ng sapatos niya sa sahig upang hindi siya makagawa ng ingay na maaaring ikagising ng lalaki. Ang kailangan niyang gawin ay umikot sa may harapan nito upang makita niya ang mukha nito.
May mga nagkalat na bote ng alak sa sahig. May ilang piraso ng condom pa na merong laman. Iniiwas niya ang tingin doon at nag-focus sa lalaking nakahiga.
Nasa may paanan na siya nito. Ilang hakbang na lang ay makikita na niya ang mukha nito. Sa bawat hakbang niya ay nagdadasal siya na sana ay hindi iyon ang kaniyang asawa.
Please, Lord… Hindi sana ito si Cedrick. Please po… piping dasal pa ni Angela.
At nang halos ilang hakbang na lang siya para makita ang mukha ng lalaki ay saka naman niya narinig ang pag-uusap at tawanan nina Liya at Roxanne. Napaatras siya at nagmamadaling lumabas ng kwarto. Eksaktong isasarado na niya ang pinto nang makita niyang pipihit paharap sa gawi niya ang lalaki ngunit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makita ang mukha nito dahil naisarado na niya nang tuluyan ang pinto.
Sayang! Sigaw ng utak niya.
Hindi na niya iyon pwedeng buksan ulit dahil mahuhuli na siya ni Roxanne. Lagpasan kasi ang dining area sa kinatatayuan niya at nakikita siya mula doon. Nakikita na nga niya sina Liya at Roxanne na papaupo na.
Bumalik na si Angela sa dining area.
“Saan ka galing?” nakangiting tanong ni Roxanne sa kaniya.
Kinabahan siya. “Tiningnan ko lang iyong t-terrace. A-ang taas pala.” Pagsisinungaling niya. Sana ay hindi makahalata si Roxanne.
“I thought sinilip mo ang boyfriend ko sa room, e,” anito sabay tawa. “Just kidding! Anyway, kumain na tayo, girls.”
Sayang talaga. Hindi niya nakita kung si Cedrick ba iyong lalaki sa kwarto ni Roxanne…