Chapter XIII

2432 Words
  PAGKATAPOS mag-almusal ay tumulong si Angela sa pagliligpit ni Manang Gemma kahit ramdam niyang naiinis ang matanda sa pagtulong niya. Si Cedrick ay dumiretso sa kwarto nila sa itaas. Matapos tulungan si Manang Gemma ay sumunod na siya sa kaniyang asawa. Naabutan niyang nakahiga ito sa kama na tanging brief lang ang suot. Isinarado niya ang pinto dahil nakabukas ang aircon. Nakababa din ang mga kurtina upang maging madilim. Nahihirapan kasi itong matulog kapag maliwanag. Alam niyang hindi pa tulog si Cedrick dahil kakaakyat lang nito doon. Umupo si Angela sa gilid ng kama. “Cedrick, pwede bang mag-usap tayo? May itatanong kasi ako sa iyo,” panimula niya. “Hmm. Okay.” Hindi ito nag-abalang ibukas ang mga mata. “Pakibilisan at gusto ko nang matulog. Puyat ako. Tungkol ba saan?” “Sa lakad mo kagabi…” “Kung bakit ngayon lang ako nakauwi? Late na kami natapos. Lasing ako kaya hindi na ako makapag-drive. Sa bahay ng katrabaho ko ako nakitulog.” “Lalaki ba iyong katrabaho mo?” “Oo. Bakit para kang imbestigador kung magtanong ngayon?” May inis nitong turan. “Sorry pero tumawag ako sa iyo ng madaling araw tapos babae ang sumagot—” “Ah! Asawa `yon ng katrabaho ko. Naiwanan ko kasi iyong phone ko sa salas nila tapos ring nang ring. Naingayan kaya sinagot na. Tapos na-lowbat na rin pagkatapos.” Bumukas ang mata ni Cedrick. “May itatanong ka pa ba? Kasi kung wala na ay tutulog na ako.” “W-wala na. Sige na. Matulog ka na. I love you…” Hindi na nagsalita si Cedrick at tumalikod na ito sa kaniya. Nalungkot siya dahil hindi man lang sinagot nito ang pagsabi niya ng “I love you”. Ngayon lamang ito nangyari kaya nakakapanibago. Pero baka pagod at antok lang talaga si Cedrick o baka hindi narinig ang kaniyang sinabi. Tumayo na siya at hinayaang matulog ang kaniyang asawa. Nakita niya ang mga pinaghubadan nito sa sahig kaya isa-isa niya iyong pinulot. Akmang ilalagay na niya ang mga damit ni Cedrick sa laundry basket nang may mapansin siya sa kulay puti nitong polo shirt. May kulay pula iyong marka sa kuwelyo. At nang tingnan niya nang maigi ay nalaman niyang lipstick iyon. Inamoy pa niya ang damit at may naaamoy siyang pabango na pambabae. Kinakabahan na tinapunan niya ng tingin ang natutulog na si Cedrick. Sana ay mali ang aking hinala… dasal ni Angela.        SIMULA ng makita ni Angela ang lipstick sa damit ni Cedrick ay hindi na nawala sa utak niya ang paghihinala na meron itong ibang babae. Bawat galaw at lakad nito ay pinagdududahan niya pero hindi niya ito kinakausap tungkol doon. Ang gusto niya ay kapag sigurado na siya sa lahat at baka kapag mali siya ay pagsimulan pa iyon ng away nila ng kaniyang asawa. Tahimik lang niyang oobserbahan si Cedrick hanggang sa mapatotohanan niya ang kaniyang mga hinala. Isang umaga ay inutusan siya ni Lorena na mag-grocery dahil may gagawin daw si Manang Gemma. Paubos na kasi ang stock nila kaya kailangan nang mamili. Binigyan naman siya ng biyenan ng listahan at pera. Sa harapan ng bahay na siya nag-aabang ng masasakyan na tricycle dahil meron dumadaan doon palagi. Iyon ang sasakyan niya diretso sa supermarket na hindi ganoon kalayo. Hindi nagtagal ay may humintong tricycle sa harapan niya. “Sakay po kayo, ma’am?” tanong ng medyo bata pang tricycle driver na lalaki. Sa hula niya ay nasa bente anyos pa lang ito. “Sa supermarket ako.” “Sige po. Treinta lang.” Sumakay na si Angela pero hindi pa umandar ang tricycle. Nang silipin niya ang driver ay nakita niyang nakatingin ito sa bahay nina Lorena na para bang may takot sa mga mata. “May problema ba?” untag niya dito. Kumurap-kurap ito sabay alis ng tingin sa bahay. Wala siyang natanggap na sagot mula sa driver at pinaandar na nito ang tricycle. Medyo nagtaka siya sa inasal ng driver. Sa kalaunan ay ipinagkibit-balikat na niya ang bagay na iyon dahil dagdag isipin pa. Maya maya ay huminto na ang tricycle sa harapan ng supermarket. Bumaba na siya at inilabas ang wallet upang kumuha ng pambayad. “Nakatira ka po ba sa bahay ng mga Moreno?” Napatingin si Angela sa lalaki sa tanong nito. “Oo. Asawa ako ni Cedrick. Bakit?” tanong niya. “Bago pa lang po kayo doon, `no?” “Bakit nga?” “Hindi po ba kayo natatakot sa bahay nila? Ang totoo po niyan ay takot kaming dumaan sa tapat ng bahay ng mga Moreno tuwing gabi dahil may naririnig po kaming iyak ng sanggol. Sa pagkakaalam po namin ay walang baby sa bahay na iyon kaya iniisip namin na multo!” Natigilan si Angela ng sandali. Parang may katotohanan kasi ang tinuran ng lalaki dahil maging siya ay may narinig na iyak ng sanggol noong isang gabi. Kung ganoon, ibig bang sabihin ay hindi isang guni-guni iyon? Totoo ang narinig niya at mula iyon sa multo? Inabot na niya ang bayad sa lalaki. “Naku, wala akong naririnig na ganiyan. Baka mali lang kayo ng naririnig,” aniya. Ayaw naman niyang patotohanan ang kwento nito at baka hindi iyon magkaroon ng magandang epekto sa pamilya ng kaniyang asawa. “Hindi lang po ako ang nakakarinig niyon. Marami po kami—” “Sorry, ha. Wala akong oras para makinig sa mga kwento mo. Nagmamadali kasi ako.” Tinalikuran na ni Angela ang lalaki at nagmamadaling pumasok sa supermarket. Multo ng sanggol? Paano naman magkakaroon ng ganoon sa bahay nina Cedrick? Sa pagkakaalam niya ay walang namatay na sanggol doon. Inalis niya muna sa isip ang bagay na iyon at baka hindi siya makapag-grocery ng maayos. Sa pagkuha niya ng malaking cart ay nakita niya si Liya. Magkasabay pa nga nilang hinawakan ang cart. “Bessy!” Masayang bati ni Liya sabay yakap sa kaniya. “Anong ginagawa mo dito?” Natutuwa niyang tanong. Hindi niya kasi inaasahan na magkikita sila ng kaibigan niya sa supermarket. Ngumuso si Liya na parang nag-iisip. “Siguro, magsu-swimming? May baon nga akong two-piece, e!” Pabirong sagot nito. “Nagtanong ka pa talaga, ha! Malamang mag-go-grocery ako kagaya mo!” “Gaga ka talaga!” Sa tindi ng tawa ni Angela ay nahampas niya sa braso ang kaibigan. “Aray ko, ha! Mapanakit ka talaga!” Isang malaking ngiti ang pinakawalan niya matapos ang mataginting na tawa. Parang ang tagal na rin pala simula ng makatawa siya ng ganoon. Simula ng ikasal sila ni Cedrick ay naging sunud-sunod na agad ang dagok sa kaniyang buhay. Dagdag pa ang mga kasama nila sa bahay na hindi niya maintindihan ang mga ugali. Si Lorena na paiba-iba ang mood at ang asawa nitong si Sergio na tila may pagnanasa sa kaniya. Tapos ngayon ay may hinala siya na may ibang babae si Cedrick. Akala ba niya ay masaya sa una ang buhay may asawa? Bakit parang hindi naman niya iyon nararanasan? Unti-unting nawala ang ngiti ni Angela at napalitan iyon ng kalungkutan nang maalala ang mga nangyayari ngayon sa buhay niya. “O, bakit naging Semana Santa `yang face mo?” usisa ni Liya. “Pagkatapos natin mag-grocery, kape tayo…”   “ANO?! Aba’y leche naman pala `yang Cedrick na iyan! Akala ko ay ubod ng tino pero nasa loob pala ang gulo! Naku, nakakagigil! Ang sarap nilang pagbuhulin ng nanay niyang mukhang dragon!” Kulang na lang ay madurog ang slice ng chocolate cake ni Liya habang tinatadtad nito iyon gamit ang tinidor. Nasa coffee shop sila ng kaniyang kaibigan. Kakatapos lang nila na mag-grocery. Ikinuwento ni Angela kay Liya ang mga napapansin niya kay Cedrick at ganoon na lamang ang galit at gigil nito pagkatapos. “Pero, Liya, sa tingin mo ba ay nag-o-overthink lang ako?” “Overthink? Anong pag-o-overthink pinagsasabi mo?! Palaging lumalabas, kamo. May mantsa ng lipstick sa damit! Malinaw na may babae ang asawa mo, Angela! Hindi ka ba nanood ng The World Of The Married? Ganiyan iyong asawa no’ng bidang babae doon. Nakakagigil!” “Wala na akong oras para manood ng mga ganiyan. Busy ako sa online business ko. Alam mo iyon.” Sandali siyang natahimik nang may naisip. “Baka kaya naghanap ng iba si Cedrick ay dahil wala na akong time sa kaniya. Ano kaya kung itigil ko muna ang online business ko para matutukan ko siya?” “May oras ka man o wala, kapag ang lalaki ay nangati ay maghahanap at maghahanap iyan ng pangkamot! Naku, Angela! Kausapin mo iyang asawa mo. Hindi pwede na niloloko ka niya dahil ako ang makakalaban niya. Makikita niya ang pagiging demonyo ko!” “Kalma ka lang. Okay? Naghahanap pa ako ng mas malakas na ebidensiya na magpapatotoong niloloko nga ako ni Cedrick.” “Paano ako kakalma, Angela? Niloloko ng asawa niya ang bestfriend ko! Hindi ako kakalma hangga’t hindi tumitino iyang Cedrick mo!” Napangiti si Angela sa sinabing iyon ni Liya. Kahit kasi ulila na siya ay hindi niya nararamdamang wala na siyang pamilya dahil kay Liya. Hindi lamang isang kaibigan ang turing niya dito ngunit parang tunay na ring kapatid. Talagang dama niya kasi ang concern at pagmamahal nito para sa kaniya. Maya maya ay biglang tumunog ang cellphone niya. Sa pagtingin niya doon ay nakita niyang tumatawag si Lorena. Sinagot niya agad at baka may nakalimutan itong ipabili. Sinenyasan niya si Liya na may kakausapin siya sa cellphone at tumango ito. “Mama, hello—” “Nasaan ka na? Hindi ka pa rin ba tapos mag-grocery?” Hindi na siya nito pinatapos na batiin ito. “Tapos na po, mama. Nandito lang po ako sa coffee shop na malapit sa supermarket. Nagkita po kasi kami ni Liya at nagkukwentuhan lang po kami. Pauwi na rin po ako. Siguro po thirty minutes ay nandiyan na ako.” “Ah, ganoon ba? Sige lang, kahit tagalan mo pa. Walang problema, Angela…” “Seryoso po kayo, mama?” “Oo naman. Alam mo, kailangan mo rin na lumabas-labas kahit minsan. Sige na, bye na. Enjoy ka diyan, ha…” At naputol na ang linya. Kahit mabait ang boses ni Lorena nang makausap niya ay hindi maiwasang kabahan ni Angela. Parang hindi kasi sincere ang pagkakasabi nito na magtagal pa siya dito. “Sinong tumawag? Iyong biyenan mong dragon ba?” usisa ni Liya. Tumango si Angela. “Tinatanong kung tapos na ako mag-grocery. Ang sabi ay okay lang daw na dito muna ako,” sagot niya. “Edi, dito ka muna. Kakadating lang kaya natin. `Di pa nga nangangalahati itong frappe ko, e. Ngayon lang kaya tayo nagkita ulit.” “Baka kasi…” Ibinitin niya ang sasabihin hanggang sa hindi na niya itinuloy. Nagpatuloy sila sa pagkukwentuhan ni Liya. Marami na palang nangyari dito sa mga araw na hindi sila nagkakausap. May nakilala daw itong lalaki sa f*******: at nakaka-chat nito. Nagbabalak nang magkita ang dalawa dahil halos isang buwan na rin daw na puro chat at video call ang dalawa. Kita ni Angela ang ningning sa mga mata ng kaibigan habang nagkukwento kaya nahinuha niyang in love ito. Masaya siya para kay Liya. Hiling niya lang ay mahalin at alagaan ito ng lalaking tinutukoy nito. Hindi na nila namalayang ang pag-andar ng mga minuto. Nagulat na lang sila Angela nang biglang sumulpot sa tabi niya si Lorena. Galit ang mukha nito at matalim ang tingin sa kaniya na para bang anumang sandali ay sasaktan siya nito. Gumapang ang takot kay Angela sa nakitang hitsura ng biyenan. “M-mama! A-ano pong ginagawa ninyo dito?” Nagkakanda-utal niyang tanong. Bumabalik sa isipan niya ang ginawa nitong pananakita sa kaniya nang magalit ito. “Ako yata ang dapat magtanong ng ganiyan sa iyo. Ano’t hanggang ngayon ay nandito ka pa rin? Sa tingin mo ba ay maglalakad nang mag-isa iyang mga pinamili mo pauwi?! Umiiyak na sina Kakay sa bahay dahil gutom na. Iyong mga lulutuin kasi ay nandito pa!” “Mama—” “Talagang naaatim mong magkape-kape habang kami ay nagugutom sa bahay?” “Pero, mama, ang sabi ninyo ay ayos lang na magtagal ako dito.” Naningkit ang mata ni Lorena. “Hindi ka ba marunong makiramdam? Boba ka talaga, Angela! Hindi ko alam kung ano ang nakita sa iyo ni Cedrick at pinakasalan ka niya, e, tatang-tanga ka naman pala!” bulyaw nito. Labis na nasaktan si Angela sa mga salitang lumabas sa bibig ni Lorena. Unti-unting namuo ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata hanggang sa sunud-sunod iyong naglandas sa pisngi. Kahit noong nasaktan siya nito ay hindi niya naisip na magagawa nitong sabihin iyon sa kaniya. Ngayon niya nalaman na ganoon pala ang tingin nito sa kaniya—isang tanga. Ang nakakahiya pa ay nakuha na nila ang atensiyon ng mga naroon sa coffee shop. Halos lahat ay pinapanood na sila. Parang nais na niyang lamunin ng lupa ng sandaling iyon. Talagang nakakahiya. Hindi na nakapagpigil sa pananahimik si Liya. Tumayo ito at dinuro si Lorena. “Hoy! Huwag mong pagsalitaan ng ganiyan ang bessy ko, ha!” Kung hindi pa niya ito inawat ay hahablutin sana nito ang kaniyang biyenan. Pinameywangan ni Lorena si Liya. “Hampaslupang `to! Ipinagtatanggol mo pa ang kaibigan mong tanga?! Kahit anong gawin ko diyan ay pwede kong gawin dahil palamunin ko iyan!” Mas lalong napahiya si Angela sa sinabi nito. “Mama, tama na po. U-umuwi na po tayo,” ani Angela habang sinasamsam ang mga ecobag na nasa ilalim ng lamesa. “Talagang uuwi na tayo! Nakuha mo pa talagang tumambay habang kami ay nagugutom! Tarantada ka!” Sumabog na ang galit ni Lorena at walang babala na sinabunutan siya nito at hinila papalabas ng coffee shop. Tutulungan sana siya ni Liya ngunit inunahan na niya itong senyasan na huwag na dahil baka mas lalong magalit si Lorena. Nakasabunot pa rin ito hanggang sa paglabas nila. May tricycle na naghihintay sa kanila at doon ay itinulak siya nito papasok kasama ang mga eco bag na dala niya. Tumama pa sa kung saan ang tuhod niya at nagkaroon ng malalim na sugat. Dama niya ang pag-agos ng dugo sa hita niya pero hindi na niya iyon nagawang intindihin. Mas inuna niya ang ilang laman ng eco bag na natapon. Pinagkukuha niya iyon habang umiiyak. Cedrick, tulungan mo ako… turan ng utak niya. Ang asawa niya ang una niyang naisip dahil alam niyang ipagtatanggol siya nito sa mga ganoong sitwasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD