
Si Ligaya ay isang simple at mapagmahal na anak ng mag-asawang magsasaka ng tubuhan sa Hacienda Fuentebella. Hindi siya nakapag-aral ng kolehiyo dahil sa kahirapan at tumutulong nalang sa kanyang mga magulang sa pagtutubo.
Dumating mula sa Amerika ang bunsong anak ng mga Fuentebella, si Avelino. Agad na humanga si Ligaya sa kakisigan nito. Naalala ang mga sandali na magkalaro sila noong mga bata pa sila nito.
Sa pananatili ni Avel sa Hacienda upang pamahalaan ang ipinamanang lupain na kung saan nagtatrabaho ang pamilya ni Ligaya, unti unti silang nagkakamabutihan hanggang sa magkaroon ng espesyal na pagtingin sa isa't isa.
Sapagkat alam nilang magiging tutol ang kanilang pamilya sa kanilang relasyon, inilihim nila iyon at palaging nagkikita sa gitna ng tubuhan upang doon makasama ang isa't isa.
Maraming pagsubok ang dumating upang subukin ang katatagan ng kanilang pag-iibigan. Mga taong hadlang sa kanilang relasyon na pinangungunahan ng ama ni Avel.
Dumating naman ang pinakamalaking dagok sa buhay ni Ligaya. Ginahasa siya ng kanyang kababatang si Anton na noon pa man ay may gusto na sa kanya.
Doon ay tuluyang nawasak ang pag-iibigan nila ni Avel. Lalo na nang mabuntis siya at pinaratangang si Anton ang ama ng kanyang pinagbubuntis.
Kahit mahirap ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pinagbubuntis dahil para sa kanya, kay Avel ang batang nasa sinapupunan niya.
Iniluwal niya at inalagaan ang kanyang anak nang mag-isa. Doon din nagsimula ang kanyang kalbaryo mula sa kalupitan ni Don Roman, ang ama ni Avelino.
Natuklasan ng ama ni Ligaya ang ilegal na drogang ipinupuslit ng don sa hacienda at natunghayan din nito ang karumal dumal na pagpatay ng don sa isang empleyadong nagtangkang isiwalat ang lihim nito.
Bago pa man sila makaalis ay naabutan sila ng mga tauhan ni Don Roman at agad na pinatay ang kanyang mga magulang.
Nagising na lamang siyang nasa itaas ng bundok kung saan may matarik na bangin. Ginawang pain ni Don Roman ang kanyang anak upang makuha sa kanya ang mahalagang pakay nito.
Ngunit nagkamali siya nang inakala niyang bubuhayin sila nito matapos niyang isuko ang bagay na iyon kapalit ng kanyang anak.
Pagulong siyang nahulog sa paanan ng bundok karga ang kanyang anak.
Nagising siyang wala na sa kanyang bisig ang kanyang sanggol. Hinanap niya ito ngunit duguang lampin nito ang kanyang nakita.
Nabaliw si Ligaya sa pagdaramdam ng pagkawala ng kanyang anak. Sa kanyang pagtawid sa kalsada ay nabundol siya ng isang sasakyan.
Si Sebastian, ang taong nakabangga sa kanya. Tinulungan niyang gumaling si Ligaya hindi lang sa mga sugat niya kundi ang kanyang sarili. Tinulungan siya nitong bumangon at magkaroon ng panibagong buhay.
Sa muling pagbabalik ni Ligaya, dala niya ang matinding paghihiganti laban sa pamilyang sumira ng buhay niya.

