“MORAVILLA and Castañeda.”
Namilog ang mga mata ni Hannah nang marinig niya mula sa kanyang guro kung sino ang kanyang makaka-partner sa research project na gagawin nila. Wala siyang ibang Castañeda na kaklase kundi si Jeff Mitchel lamang.
Marahas siyang napalingon sa binata. Tila abala ito sa pagsusulat sa notebook nito.
Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Halo-halo ang kanyang nararamdaman sa kasalukuyan. Kinakabahan siya na masaya. Matagal na niyang hinihintay ang pagkakataong iyon upang maging malapit naman sila ni Jeff Mitchel sa isa’t isa. Kinakabahan si Hannah dahil hindi siya handa. Hindi niya alam kung paano aakto nang normal at kaswal sa harap ni Jeff Mitchel. Nagwawala ang kanyang buong sistema.
“Pair up and discuss what you have to do. I’ll be back,” anang guro bago ito lumabas sa kanilang classroom.
Lalong hindi mapakali si Hannah. Hindi niya alam kung siya ang dapat na unang lumapit kay Jeff Mitchel. Hindi niya kasi alam kung alam ng binata na siya ang partner nito. Ilang buwan na silang magkakasama at memoryado na niya ang pangalan ng mga kaklase, ngunit hindi niya alam kung ganoon din si Jeff Mitchel. Hindi naman kasi ito madalas na makihalubilo sa iba.
“Maiwan muna kita rito,” ani Yani sa kanya. “Ako na ang lalapit sa partner ko. Lapitan mo na rin si Mr. Nerd.” Pumalatak ang kaibigan habang isinusukbit ang bag sa balikat. “Malas at suwerte ka, sis. Hindi mo na kailangang mahirapan sa project na `to. Mamaniin na lang ng partner mo. But then, you would feel useless and that would be awful,” anito bago ito tuluyang umalis.
Hindi na gaanong pinansin ni Hannah si Yani. She was busy calming her nerves. Hindi rin niya alam kung maayos ang kanyang buhok. Oily na yata ang kanyang mukha. Ni hindi niya makuha ang maliit niyang salamin sa kanyang bag upang tingnan ang kanyang sarili dahil nakita niyang tumayo na si Jeff Mitchel. Lalong naghuramentado ang kanyang puso nang makitang papalapit na ito sa kanya.
He looked bored. Ngunit hindi niya iyon gaanong pinagtuunan ng pansin. He was walking towards her. Kilala siya ni Jeff Mitchel! Alam nito ang kanyang pangalan. Masaya na siya roon. Kahit pala paano ay aware ito sa kanyang existence.
Nakatulala si Hannah habang palapit sa kanya ang binata. Sinikap niyang ngumiti nang matamis. Hindi man ito gumanti ng ngiti, ayos lang sa kanya. Ang tanging mahalaga nang mga sandaling iyon, palapit ito sa kanya. Kahit na paano ay natawid ang kanilang distansiya sa isa’t isa.
They were really meant to be together. Maaari niyang maka-partner ang kung sino na lang sa mga kaklase niya para sa research project na iyon, ngunit si Jeff Mitchel ang ibinigay ng kanyang guro sa kanya. It was her luckiest day ever.
“You’re Hannah Moravilla, right?” pormal na tanong nito nang makalapit na sa kanya.
Tumango si Hannah. Hindi niya inalis ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. “Hi.”
Umupo si Jeff Mitchel sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. Lihim na nagbubunyi ang puso ni Hannah. Sinisikap din niyang rendahan ang kanyang sarili dahil ayaw niyang mapansin nito na may kakaiba sa kanya. Madaling malalaman ni Jeff Mitchel na may gusto siya sa binata kapag hindi siya nag-ingat. Kahit paano naman ay dalagang-Pilipina siya. Ayaw niyang siya ang maunang kumilos at magpahayag ng nararamdaman.
Binuklat ni Jeff Mitchel ang libro nito. “I can do this alone. Bibigyan na lang kita ng kopya at pag-aralan mo para `pag may tanong sa `yo ay masasagot mo.”
Natigagal si Hannah. Labis siyang nasaktan nang tumimo sa kanya ang sinabi ng binata. It was a rejection. Ayaw siyang makasama ni Jeff Mitchel kahit man lang para sa project nila. He wanted to work alone. Nakagat ni Hannah ang kanyang ibabang labi at namasa ang kanyang mga mata. Yumuko siya upang itago ang nararamdaman niya. Sinikap niyang kalmahin ang kanyang damdamin. Hindi niya maiwasang masaktan, ngunit pinilit niyang huwag magtampo. Pakiramdam pa niya ay wala siyang karapatang magtampo dahil ngayon lamang sila talaga nakapag-usap.
“This will be easy for me,” sabi pa ng binata.
Hindi alam ni Hannah na may pagkaarogante pala ang lalaking lihim niyang sinisinta. Was he saying that the project would be too hard for her? Na hindi niya kaya? Kahit na ganoon na ang tono nito, hindi pa rin tuluyang nabura ang paghanga niya sa binata. Hindi pa rin niya magawang magalit nang totoo rito.
“Y-you t-think I-I’m d-dumb?” nauutal na tanong ni Hannah habang nakayuko pa rin. Maybe, it wasn’t just Jeff Mitchel. Maybe everyone thought of her that way. Kompara naman kasi dito, ano lang ba siya? Iniisip marahil nito na ganda lang ang kaya niyang ipagmalaki. Maybe he was convinced she couldn’t keep up with him. She felt like a small part of her heart died.
Natigilan naman si Jeff Mitchel. “No. I’m s-sorry if I made you think that way. I just want this to be easy for y-you.”
He just confirmed what he was thinking about her. Sinalubong niya ang tingin nito. “Sa palagay mo ba ay ako ang tipo ng babae na mas gusto ng easy way out?”
Hindi ito nakasagot. Sapat na iyon upang masagot ang kanyang tanong. Patuloy na nasasaktan ang puso ni Hannah. Hindi niya akalain na mababa pala ang tingin nito sa kanya. Hindi marahil siya masasaktan nang ganoon kung hindi ito si Jeff Mitchel.
Pilit niyang ibinalik ang masiglang ngiti sa kanyang mga labi. “It’s okay. Apology accepted. Patutunayan ko na lang sa `yo na hindi ako tanga at bobo—”
“Hindi ko sinabing tanga at bobo ka. There’s no need for sarcasm. I sincerely apologized.”
“I’m not being sarcastic, Jeff Mitchel. Everyone has his own opinion about other people. Ganoon talaga. Wala naman akong magagawa dahil hindi ko sakop ang pag-iisip ng iba. Patutunayan ko na lang sa `yo na kaya ko ring makipagsabayan sa `yo. We’ll work on this project together sa ayaw mo man o gusto. Okay?” Mas pinalapad at mas pinatamis niya ang kanyang ngiti sa binata.
“Okay,” tila napipilitang sabi nito.
Nagdesisyon si Hannah na huwag na lamang masyadong mag-isip. Kikilos na lamang siya upang mabago ang tingin nito sa kanya. Ipapakita niya kay Jeff Mitchel na hindi siya ganoon. Hindi man siya umabot sa lebel ng galing nito, may kakayahan din naman siya kahit na paano. She was going to study harder. Pagsusumikapan niyang umangat ang standing sa klase. She was going to impress him.