1 - Sacrificed
"Kneel till your bones ache, cry till your heart breaks – I'll still refuse to forgive you." - Cecilia Celestia
Chapter One
"Cecilia, kumain ka muna," mahinang ani ni yaya sabay lapag ng tray sa harap ko. Nakasalampak lang ako sa sahig at tulala. Ilang araw na akong nakakulong dito sa bodega. Tiyak na ang pagkaing dala nito ay itinakas lang nito para madala rito.
"Ya, baka malaman ni daddy. Hindi mo na po sana ginawa ito. Magagalit po iyon kapag malaman niyang sinuway mo ang bilin niya," naiiyak na ani ko rito. Pilit na ngumiti ang ginang.
"Huwag mo akong alalahanin. Kumain ka na. Magmadali ka lang para makalabas din agad ako," nag-iwas pa ito ng tingin. Naluluha ito. Tiyak kong habag na habag na ito sa sitwasyon ko.
"Yaya, ayos lang po ako. Huwag ka na pong malungkot," pinilit kong ngumiti at nagsimula ng kumain.
"Sobra na iyang ama mo, Cecilia. Hindi na makatao ito. Bakit ba galit na galit siya sa 'yo? Bakit sa 'yo niya palaging binubunton ang galit niya?" naiyak na ang matanda. "Kahit kasalanan ng stepmom at stepsister mo ay sa 'yo pa rin ang buntot ng sisi. Hindi tama iyon, 'nak."
Hindi naman dating gano'n si daddy. No'ng bigla na lang naglaho ang aking ina at napaulat na patay na ay roon nagsimula ang pagbabago niya. Isang linggo pagkatapos napaulat na wala na ang mommy ko ay dumating sa buhay ko si Mama Alora at Vernice. Nang araw na iyon ay pati buhay ko ay nagbago.
Binago nila ang buhay ko.
"Mamamatay ka rito kung hindi titigil iyang ama mo sa pananakit sa 'yo, Cecilia."
"Minsan lang naman po..."
"Minsan? Sa tuwing mainit ang ulo niya ay ikaw ang kawawa, Cecilia. Kahit kasalanan ng mga sampid ay sa 'yo pa rin ibinubuhos ng ama mo ang lahat ng galit niya. Hindi tama iyan, Cecilia." Pinilit kong ubusin ang pagkain habang nagdadaldal si yaya. "Tapos kapag may ibang tao ano na namang ipagagawa niya sa 'yo? Papatakpan niya ang mga pasa mo tapos aakto na namang ulirang ama? Sobra na!" gigil na bulalas nito. .
"T-apos na po ako, yaya. Labas na po kayo," ani ko rito.
"Hija, kung palabasin ka niya rito ay tumakas ka na lang. Kung gusto mo ay dalawa tayo. Punta na lang tayo sa probinsiya namin. Doon ka na lang kasama ko," pero umiling ako rito.
"Hindi po, yaya. Dito lang ako kay daddy. Siya na lang po ang pamilyang mayroon ako... kayo na lang po ang meron ako. Baka kapag gawin natin iyang sinasabi mo ay madamay ka pa sa galit niya. Kaya ko po ito. Sanay na po ako. Labas ka na po, yaya. Baka may makakita pa saya," pinunasan ko ang luha nito. "Okay lang po ako," assurance ko rito. Pero paglabas niya ay saka lang bumuhos ang masaganang luha ko.
Pagod na pagod na ako. Ayaw ko na rito. Gusto ko na rin talagang umalis pero hindi pwede. Nakasalalay sa akin ang buhay ng mga taong nagmahal sa akin dito. Oras na umalis ako... sila ang pagdidiskitahan ng aking ama. Iyon ang banta ni daddy sa akin. Iyon ang nakatamin sa utak ko at alam kong kaya niyang gawin iyon. Hindi ako makatakas kahit hirap na hirap na ako.
Buhay prinsesa si Vernice, ang stepsister ko. Pero ako ito... tunay na anak na nagdurusa sa kalupitan ng aking ama. Langit ang buhay ng mga sampid, impyerno naman ang akin.
Isang beses lang kung mag-utos ang aking ama na dalhan ako ng pagkain dito. Parusa iyon dahil nakipagtalo ako kay Vernice sa paggamit niya ng mga alahas ni mommy. Nagsumbong ang stepsister ko kay daddy na pinagdaramutan ko raw siya ng mga bagay na hinihiram lang naman niya.
Hiram? Pero hindi ko naman nakitang ibinalik ng babae iyong mga nauna pa niyang kinuha sa kwarto kung nasaan ang lahat ng gamit ng mommy ko.
Kapag nakaligtaang mag-utos ni dad ay hindi ako nakakakain ng buong araw. Kaya mas bumilis ang panghihina ko. Kahit si yaya ay hindi na nakalapit pa sa bodega sa hindi ko malamang dahilan.
Dalawang buong araw na walang kain, umiikot na ang paningin ko. Kahit tubig man lang sana ay hindi talaga nagbigay si daddy.
Nang biglang bumukas ang pinto ay nagkaroon ako ng kaunting pag-asa.
"T-ubig," hinang-hina na anas ko. Pero imbes tubig o pagkain ang ibigay ay lumapit ang dalawang tauhan ng aking ama at kinaladkad ako palabas. May isang butil ng luhang umagos sa katawan ko. Sa wakas ay ilalabas na nila ako.
Hindi na ako nakatayo. Kahit dalawang araw lang na hindi ako nakakain ay hinang-hina talaga ako dahil no'ng mga una pang araw ay hindi naman sapat ang pagkaing ibinibigay sa akin.
"D-addy," tawag ko sa aking ama.
"Cecilia," bigkas nito sa pangalan ko. "Anak, mahal mo ba ang iyong ama?" halatang stress na stress ito. Parang wala pang tulog at mukhang may malaking problemang dinadala.
Pinilit kong tumango. Ayaw kong nagkamali ng sagot dahil hindi ko na kakayanin pa kung magalit na naman siya at saktan ako.
"Kaya mo ba akong tulungan sa problema ko?" tanong nito sa akin.
"A-nong problema, d-addy?" nagdadalawa na ito sa paningin ko. Hindi na rin humihinto sa panginginig ang kamay ko.
"Anak, dinukot si Vernice at Alora," lumuhod sa tapat ko si daddy para magpantay kami. "Kailangan natin silang iligtas," ani pa nito.
"Paano ako makakatulong?"
"Kailangan kitang ibigay sa mga dumukot sa kanila, Cecilia Celestia," alam kong mas matimbang sa puso ni daddy si Mama Alora at Vernice. Pero hindi ko akalain na maririnig ko sa ama ang mga ganitong kataga.
"W-hat?"
"Mahal mo ako 'di ba? Pwes, tulungan mo ako. Papatayin ng mga Lucchetti ang mag-ina ko kung hindi mo ako tutulungan, Cecilia Celestia. Hindi ko kakayanin kung mawala sila sa akin." Bakas nga iyon sa mukha nito. Parang hirap na hirap na siya na wala rito ang mag-ina niya. Mag-ina? Hindi nga niya anak si Vernice pero kung umakto siya ay parang siya talaga ang tatay. Umagos ang masaganang luha sa akin. Nang nakita niya ang luha ko ay gigil niyang hinawakan ang panga ko.
"D-addy?" nasasaktang anas ko.
"Hindi mahirap ang hinihiling ko sa 'yo, Cecilia. Magpapalit lang kayo. Alam kong kakayanin mo ang sitwasyon na iyon. Pero si Alora at Vernice ay hindi. Tiyak na nahihirapan na sila roon. Kaya sa ayaw mo man o sa gusto ay makikipagpalit ka sa kanila. Demonyo ang mga Lucchetti. Sila ang namumuno sa isang mafia." Mafia? Mas lalo akong binalot ng takot. No. Baka kung mapunta ako sa poder nila ay patayin nila ako.
Nang nag-ring ang phone ni daddy ay sinagot agad niya iyon.
"Pumapayag na ako, Lucchetti. Saan ko dadalhin ang anak ko?" bakas sa tinig ng aking ama ang determinasyon niyang mabawi ang mag-ina niya. Kaya agad akong gumapang palapit dito.
"D-addy," yumakap ako da binti nito. "D-addy, parang awa mo na huwag mo po akong ibigay roon. Natatakot ako. Please. For once maging tatay ka naman sa akin," iyak ko. Ngunit nagbingi-bingihan ang aking ama. Sinenyasan nito ang dalawang tauhan. Hinawakan ako at kinaladkad palabas. Nakasunod si daddy. Nakikita niya kung paano ako kaladkarin pero wala man lang siyang sinabi... na para bang hindi niya anak ang babaeng hirap na hirap na ngayon.
Isinakay ako sa van. Piniringan. Hindi pa sila nakuntento at may panyo pang inilapat sa ilong ko kaya nawalan ako ng malay.
Nang nagising ako ay kinakaladkad na naman ako. Sinubukan kong nagpumiglas para lang makawala kahit pa hinang-hina ako. Ngunit hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon. Natanggal ang piring sa mga mata ko. Saka ko lang nakita ang daang tinatahak namin. Patungo kami sa isang mansion. Parang bawat kanto ng labas ng mansion ay may mga armadong lalaki. Nakakatakot ang mga mukha nila. Parang oras na magkamali ako rito ay bigla na lang nila akong babarilin.
"D-addy," iyak kong tawag sa aking ama. Dito niya ako iiwan? Ramdam ko ang bigat ng aura ng paligid ko. "Pakinggan mo naman ako, daddy. Parang awa mo na po," pagmamakaawa ko sa aking ama. "Anak n'yo po ako... huwag n'yo po akong iwan," luhaan at talagang nanlalabo na ang paningin. Ngunit hindi man lang nag-abala na tignan ako.
Nang bumukas ang pinto ng mansion ay bumungad ang mga armadong lalaki. Hawak si Mama Alora at Vernice. Halatang hirap na hirap din ang estado nila pero mas may kakayahan pa rin silang tumayo kaysa sa akin na hinang-hina na talaga.
"Nandito na kami, Lucchetti. Sumunod ako sa gusto mo. Narito na ang anak ko bilang kapalit," ani ni papa. "Akin na ang mag-ina ko."
Isang lalaking nakamaskara ang lumakad. Pormal ang suot nito, matangkad, at halatang matikas ang pangangatawan. May hawak itong baril. Nang nakalapit ito sa mismong tapat ko ay bahagya itong lumuhod.
Mata lang niya ang kita ko... nagkatitigan kami. Hindi ko maitago ang takot ko rito. Sinubukan kong lumayo pero hindi iyon nangyari dahil sa tauhan ni daddy na nakahawak sa akin.
"M-aawa po kayo. Huwag n'yo po akong patayin," iyak kong pagmamakaawa ngunit piniga lang nito ang aking panga saka tinutukan ng baril.
Si papa... hindi man lang ako nagawang tignan. Tumawa ang lalaki. Nakakakilabot na tawa.
"Anong klaseng ama ka, Drew? Handa ka talagang ipagpalit ang anak mo para kay Alora at Vernice?" na wari'y aliw na aliw ito.
"Ibigay mo na sa akin ang mag-ina ko. Kunin mo si Cecilia bilang kapalit," hindi man lang ito nautal. Talagang handa niya akong isakripsiyo para sa dalawang tao na hindi naman niya kadugo. Tumayo ang lalaki. Sumenyas sa kanyang mga tauhan. Patulak namang binitiwan ng mga ito ang dalawang babae na pinili ng ama ko kaysa sa akin.
Dali-daling nilapitan ni daddy ang mga ito.
"Ayos lang ba kayo? Tayo! Kailangan na nating umalis dito," ani ni daddy sa dalawang babae. Ang lalaking nakamaskara ay muling lumuhod at hinaklit ang buhok ko. Sabu-sabunot niya iyon na iginiya ang ulo ko paharap sa aking ama at sa dalawang babae.
"Tignan mo, Cecilia. Tignan mo kung paano piliin ng iyong ama si Alora at Vernice." Muling umagos ang luha sa nanlalabo kong mata.
Nang lumakad na palampas sina papa ay hinila pa ng lalaki ang buhok ko para makasunod ako ng tingin sa mga paalis.
Masakit ang pagkakasabunot sa akin. Pero mas masakit na makita ang mga taong minahal ko naman na palayo sa panganib habang ako'y iniwan sa sitwasyon na sila naman dapat ang nasa lugar at hindi ako.
"Look at them, Cecilia Celestia. Iniwan ka nila rito sa impyerno," bulong nito. "Tignan mo kung paano lumakad palayo ang sariling ama mo at ang dalawang taong sampid lang naman sa buhay n'yo." Hinang-hina na pero nakuha ko pa ring ikuyom ang kamao. Nanlilisik ang mata sa mga papalayong pigura. "Tandaan mong mabuti ang mga pigura ng mga taong tumalikod sa 'yo. Trinaydor ka nila."
"D-addy," mahinang anas ko. "B-akit?" halos bulong na lang iyon dahil tuluyan ng dumilim ang paligid ko. Inasahan ko nang babagsak ako sa matigas na semento ngunit sa mga bisig ako ng lalaking nakamaskara tuluyang bumagsak.