"Si Nanay!" Umismid si Aeycel.
“Para bang ‘yan na lang ang pinakamahalagang bagay sa mundo.”
"Nag-aalala lang ako sa 'yo."
“Aba’y hindi kana bumabata, ikaw lamang naman ang iniisip ko anak." Tumuloy ito sa kusina.
Napatingin na lamang si Aeycel sa amain.
"Hayaan mo nang magdrama at wala iyang ginawa kundi ang manood ng drama sa TV. Nag-iinarte. Ang gusto lang naman talaga niya, eh, makita kang may kasama sa buhay-- anak man o asawa. Magmula noong makausap iyong inaanak niya, nagkaganyan na siya.”
"'Yong si Christine, iyong anak ng kaibigan niya mula pagkabata. Hindi ba at walang naging asawa iyong si Christine? Nakausap niya noong nakaraang linggo at nagkaiyakan. Gawa iyong si Christine, eh, mayaman na nga pero wala namang asawa o anak at nag-iisa sa buhay. Parang nagpapakonsulta yata sa mental."
"Ah, psychiatrist po?"
“Kayo talaga.”
"Basta iyong sa utak ba. Hindi ko alam ang mga ganyan. Pero yon nga, madalas daw naiisip n'ong Christine na magpatiwakal dahil sa sobrang lungkot. Nakow, naaawa nga rin akong talaga. Itong nanay mo, mula nang makausap ‘yon, ikaw na ang palaging laman ng isip. Sundan mo at aluin."
“Lambing lang ang katapat niyan, kilala mo naman ang nanay mo.”
Tumango siya at sinundan angina sa kusina. Nasa hapag ang matanda, nagtitimpla ng kape.
"Kape, gusto mo?"
"Ako na po." Kumuha siya ng mainit na tubig sa takuri.
"Bakit po kayo nagsesentimyento, Nay?"
"Noon naman hindi, pero talagang hindi ko na rin mapigil sabihin sa 'yo, anak, na kung may gusto sa’yo o magkakagusto sa’yo si Apollonio, noon pa sana.'’
Malayo ‘yon sa inasahan ni Aeycel na sasabihin ng ina kaya hindi niya nagawang makapagsalita.
Umismid ang matanda.
"Hindi ba at totoo? Ang reaksiyon mo pa lang tuwing titingin sa lalaking 'yon, naku, para na akong nanghihina. Wala naming problema sa akin si Apollonio ah, ang kaso lang, anak, walang gusto sa 'yo iyong tao. Masakit. tanggapin, pero kailangan mong isipin ang sarili mo."
“Marami pa naman diyan, anak. Gusto ko rin naman si Apollonio para sa’yo kaso ayoko naman na tumanda ka na naghihintay sa kanya.”
"H-hindi naman po ako umaasa sa kahit na ano, Nay.”
"Eh, di humanap ka na ng iba. Ano pa ba ang hinihintay mo?"
Hindi siya nakaimik.
Gusto niyang sabihin na wala naman siyang manliligaw, pero alam niya a hindi siya gumagawa ng kahit na anong hakbang para buksan ang pinto sa mga ‘yon.
Ang mga lalaking nagyayaya sa kanyang lumabas ay kadalasang tinatanggihan niya. Paano nga naman magpupursige kung unang lapit pa lang, reject na?
Mayroon nga kayang isa sa mga iyon ang posible niyang makasundo at hindi na nabigyan ng pagkakataon dahil itinataboy niya agad palayo?
“Magkaibigan lang po kami talaga ni Apollonio, ‘Nay.”
“Iyon na nga mismo-- magkaibigan lang kayo, anak.” Napabuntong hininga ito.
Mindi na umimik si Aeycel.
Magsisinungaling pa ba siya sa ina kung bistadong-bistado na siya ng ina. Magkakasunod ang kanyang naging paglunok. Kapag ganoong sinasabi nang harapan, masakit tanggapin. Na-realize niyang umasa siya sa isang bagay na walang kasiguruhan, at para saan?
Para lang mapabigyan niya ang sariling gusto kahit kung tutuusin, wala iyong magiging silbi sa huli.
"Buksan mo sa iba ang puso mo, anak, habang hindi pa huli ang lahat."
Tumango si Julia.
Tama naman ang ina.
Ang dami niyang iniisip na mga sign, mga pahiwatig. Ang simpleng katotohanan ay kung may gusto sa kanya si Apollonio, hindi aabot ng ganito katagal nang wala pa ring nangyayari sa kanila. Ano at ilang taon pa siyang aasa sa wala?
"Sa katunayan, kung gusto mo, may irereto ako sa'yo. Respetadong lalaki, mabait, binata, walang sabit, uma-attend pa ng Singles for Christ.”
“Nay naman!”
Bigla siyang na-depress at ni hindi na naisip ang sinabi ng ina. Bagsak ang kanyang puso. Nasa talampakan na yata. Ayaw niyang tumayo, baka matapakan. Iniba na lang niya ang usapan at mayamaya ay tumuloy sa kuwarto para magpahinga.
Hindi siya dalawin ng antok kahit pa nga pagod sa biyahe at sa trabahong tinapos kagabi. Nang dumating ang alas-singko y medya, bihis na siya. Eksakto sa oras, naroon na si Apollonio at naghihintay sa kanya. Ipinangako ni Aey sa sarili, hindi na siya aasa pa sa lalaking ito.
Hindi na niya bibigyan ng kahulugan ang mga ginagawa ng lalaki. Nakakaiyak, pero saka na rin siya iiyak, kapag wala nang nakatingin.