10 missed calls
10 unread messages
From: Kyle
Nakauwi kana ba? Ba't 'di mo sinasagot tawag ko?
From: Kyle
Hoy, Milmil !
From: Kyle
Nag overtime ka rin ba?
From: Kyle
snob
From: Kyle
'Di kita masusundo ha, mag o-overtime kasi ako! Kabanas! Ingat ka! Ily
From: Kyle
Milmil, pauwi na ako. Daanan kita sa apartment mo.
From: Kyle
Andito na ako sa apartment mo. Saan ka? Bakit nakalock? 'Di ka pa ba nakakauwi? 10:30pm na ha!
From: Kyle
Camille? Saan ka ba? Wala ng tao sa MADeal ha. Sa'n ka ba nagpupupunta?
From Kyle:
Ano ba Camille! Sagutin mo nga 'yong tawag ko! Nag-aalala na ako sa 'yo!
From: Camille
Di na nakakatuwa! Sagutin mo ang tawag ko.
Nang mag-ring ulit ang cellphone niya ay kaagad niyang ini-off ito at isinilid sa kan'yang bulsa. Tumayo siya at inilibot ang tingin sa kabuuan ng apartment nito. Hindi kalakihan ang kuwarto, may maliit itong kama sa kanang bahagi na kayang pagkasyahin ang dalawang tao kung pipilitin. May maliit itong mesa na malapit sa bintana at dalawang stall. Ang kuwartong ito ay nagsisilbi na rin kusina at sala. Wala man lang itong kabinet at tanging dalawang maleta lang ang pinaglalagyan ng mga damit nito. Tumungo siya sa banyo at binuksan iyon, medyo maliit ang espasyo sa loob. Bumalik siya sa kuwarto at sumilip sa bintana at nang masigurado niyang walang tao sa labas ay saka niya hinugot ang baril na nakaipit sa kan'yang tagiliran.
"S-sino ka?"
Nagpanting ang tenga niya nang marinig ang boses na nanggagaling sa likod. Dahan-dahan niyang ibinalik ang baril sa tagiliran niya at hinarap ito. 'Di niya masyadong naaaninag ang ekspresyon ng mukha nito dahil madilim sa loob, pero halata sa boses nito ang kaba at takot na nararamdaman. Kinapa niya ang switch sa dingding malapit sa bintana at nang bumukas ang ilaw ay bumungad sa kan'ya ang gulat na gulat na si Camille.
"S-sir?"
Nagtitigan lang sila ng ilang segundo na para bang sinasayko nila ang nasa isip ng isat-isa.
"How are you? Nakita kitang nakahandusay sa loob ng MADeal. What happened?" pagbasag niya sa katahimikan.
Napalunok ito at nagsalita.
"Ahm… Bigla po kasing nawalan ng ilaw sa loob no'ng palabas na sana ako. Tapos parang naramdaman kong m-may sumusunod sa akin," nag-aalangang sabi nito.
Binigyan niya ito nang kwestiyonableng tingin.
"So you mean nahimatay ka sa takot?"
Tumango lamang si Camille bilang kasagutan. Hinila ni Marcus ang silya at umupo sa tapat nito. Ngayon ay magkalebel na ang kanilang mga mata. Kaagad namang yumuko si Camille upang mag-iwas ng tingin.
"Bakit, iniisip mo bang may nagmamanman sa 'yo? Why? May kasalanan ka ba para matakot ka ng gan'yan?" seryosong tanong niya na may kahulugan ang bawat salita
Nagkuyom ang mga kamay niya nang makita ang pag-iling nito.
"Wala? Really, wala? Then--"
Naputol ang pagsasalita niya nang biglang bumukas ang pinto. Nagtama ang mga mata nila nang lalaking kakapasok lang. Halata niyang hindi nito inaasahang makita siya rito.
"Kyky!" nakangiting tawag ni Camille.
Isinarado ni Kyle ang pinto kapagkuwan ay lumapit sa dalaga. 'Di niya inalis ang tingin niya sa lalaking nasa tapat ngayon ni Camille.
"Sino siya Camille?" nakapang-abot ang kilay na tanong niya.
"Ahm... Ky, boss ko si Mr.Marcus Alarcon."
'Di niya sigurado pero parang nakita niya na ito sa kung saan. Napakapamilyar ng mukha nito sa kan'ya.
"Kyle, pinagkakatiwalaang kaibigan ni Camille," sambit niya at naglahad ng kamay.
Napangiti siya nang mapakla nang binigyan lamang siya ng malamig na tingin nito at hindi man lang tinugon ang pakikipagkamay niya.
"Kailangan ko pa bang mag hand sanitizer?" sarkastiko niyang tanong at ibinaba ang kamay.
"Ky!" saway ni Camille.
"I'm not interested to know who you are. I don't give a damn," Marcus said and left without saying goodbye.
Dali-dali namang lumabas si Camille at sinundan si Marcus na papasakay na ng kotse nito.
"Sir, sandali!" sigaw niya.
Napahinto naman ito nang marinig ang kan'yang pagtawag.
"Sir, sorry sa inasta ni Kyle. Mabait naman siya, medyo mapagbiro lang talaga minsan."
Tinignan lamang siya ng binata at kaagad nang pumasok ng kotse. Bago pa man ito makaalis ay kinatok niya muna ang salamin ng kotse at nang ibaba nito'y ngumiti siya ng malapad.
"What?" naiiritang tanong nito.
"Thank you po sa paghatid. Ingat ka!"
He didn't even respond to her, diretso itong pinaharurot ang sasakyan.
Kaagad bumalik si Kyle sa kinauupuan niya nang makitang papasok na si Camille. Palihim niyang pinagmamasdan ito kanina habang kausap nito si Marcus sa labas at para bang kumikirot ang puso niya nang makita itong nakangiti na iba sa ngiting binibigay nito sa kan'ya. Narinig niya ang pagbukas ng pinto at ang mga yabag na papalapit sa kan'ya. 'Di niya na nilingon ito, nakatitig lamang siya sa sahig at nagkunwaring hindi niya ito napansin.
"Ky…"
Nang marinig niya ang pagtawag nito'y saka lamang niya ito binalingan ng tingin. Sumalubong sa kan'ya ang nakapang-abot na kilay ng dalaga. Bakit tila nag-iba agad ang mood nito, kani-kanina lang ay halos mapunit ang labi nito sa kakangisi sa harapan ni Marcus, tapos ngayon sisimangutan siya? .
"Ba't mo 'yon ginawa?" tanong nito na halata ang inis sa boses.
"Ha? Ang alin?" pagmamaang-maangan niya.
"Ba't mo siya binastos?"
"Umupo ka nga muna. Sumasakit 'yong leeg ko kakatingala sayo. Ano, hanggang tingala na lang ba ako?"
"Ha?"
"Sabi ko upo," sambit niya sabay ismid.
Kaagad namang umupo si Camille sa kama niya habang siya naman ay nakaupo sa stool at ngayon ay magkaharap na sila.
"Hindi ko gusto 'yong ginawa mo Ky" nakasimangot na sabi nito.
"Ang presko niya kasi Milmil. Ako na nga 'tong nagpakilala nang maayos eh, bastosin ba naman ako. Hindi man lang nakipagkamay. Anong akala niya sa kamay ko may virus? Porke't mayaman siya, gano'n na siya kung umasta?" galit na sabi niya.
"Kahit na Ky, boss ko 'yon eh. Sana inintindi mo na lang. Medyo may pagkasuplado 'yon, pero promise mabait siya," depensa nito.
"Pero 'di ko siya boss... kaya wala akong dahilan para makipagplastikan sa kan'ya."
"Ba't ka pumunta rito?"
Nagpang-abot ang kilay niya nang mapansin ang tono ng boses nito, tila ba sinusumbat ng dalaga ang pagpunta niya rito.
"Bakit? Bawal na ba 'kong pumunta? Porke't nandito 'yong preskong boss mo? Nandito ako kasi nag-aalala ako sa 'yo. Kanina pa kita tinetext 'di ka nagre-reply. 'Di ka rin sumasagot sa tawag ko. Nakarating na ako rito kanina pero wala ka, kaya pinuntahan kita sa MADeal at wala ka rin do'n. Halos mabaliw na ako kakaisip kung saan kana tapos maaabutan kita ditong kasama 'yong boss mo," galit na sabi niya.
Ang pagkayamot sa mukha nito'y biglang napawi at napalitan ng isang matamis na ngiti nang marinig nito ang kan'yang sinabi. Nagulat na lamang siya nang bigla siyang yakapin nito.
"Thank you, Kyky," malambing na sabi ni Camille kapagkuwan ay bumitaw ito ng yakap at bumalik sa pagkakaupo.
"Milmil, ayokong nagpapapasok ka ng lalaki dito. Ingatan mo nga sarili mo, babae ka, baka pasukan ng kademonyohan 'yong utak nila tapos gawan ka pa ng masama."
"Lalaki ka rin naman ha? Wala ka namang ginawang masama sa akin, natulog nga ta--"
'Di na niya hinayaang matapos nito ang sinasabi dahil baka mag-init bigla ang mukha niya kapag pinaalala pa nitong magkatabi silang natulog habang magkayakap.
"Ako 'yon eh, iba sila. 'Di pare-parehas ang isip ng lalaki. Kahit gaano pa sila kayaman at kaguwapo 'di mo dapat pinagkakatiwalaan sila ng basta-basta."
Napatawa si Camille ng malakas. Tila ba hindi nito siniseryoso ang kan'yang sinasabi at ginagawa lamang nitong biro.
"Ang boss ko ba ang tinutukoy mo, Ky? Ky, mabait si sir Marcus. Harmless siya… promise! Maniwala ka sa akin, dahil kung may balak man siyang masama edi sana noong nasa bahay nila ako may gina--"
Nagpanting ang tenga niya nang marinig iyon.
"Ano? Nasa bahay ka niya? Kailan? Bakit? Ilang beses na?"
Kitang-kita niya ang pamumula ng pisngi nito.
"Noong ginagawa ko pa 'yong PR plan," sagot nito na 'di makatingin ng diretso sa kan'ya.
"Ba't ka napapangiti? B-ba't ka namumula?"
Kaagad itong napatakip ng pisngi upang itago ang pamumula nito.
"H-ha? 'Di... 'di... 'di ah!"
Hinawi niya ang kamay nito at tinitigan.
"Kinikilig ka? Camille, kinikilig ka ba?"
Hinablot nito ang unan saka binato sa kan'ya na agad niya namang nasalo.
"Ano ba Kyle! 'Di ako kinikilig. Ba't naman ako kikiligin?" pagtanggi nito.
Hinawakan niya ang palapulsohan ni Camille sabay hapit palapit, na nagdahilan upang masubsob ito sa kan'ya. Gulat na gulat ito sa kan'yang ginawa.
"G-gusto mo ba siya?" seryosong tanong niya habang nakatingin ng diretso sa mata ng dalaga.
Alam niyang masasaktan siya kapag umamin ito, pero gusto niyang kumpirmasyon. Kahit papaano'y may parte pa rin ng puso niyang umaasang maririnig nito ang salitang "hindi" galing sa bibig ni Camille.
"Kapag sinabi mong hindi, 'di ako magdadalawang isip na sakupin ang labi mo, at aminin sayo ng diretso ang totoong nararamdaman ko," bulong niya sa isip.
"Kyky, bitawan mo ko!"
"Oo o hindi?"
"Sabihin mong hindi please," sigaw niya sa isip.
Mariing ipinikit nito ang mga mata at napalunok na tila ba humuhugot pa ito ng lakas ng loob upang umamin. Nagbigay ito ng pagkakataon kay Kyle na pagmasdan ang labi nitong kulay rosas. Tila ba may umuudyok sa kan'yang halikan ito. Napalunok siya na animo'y natatakam habang pinagmamasdan ang labi nito. Unti-unti niyang inilalapit ang labi niya sa labi ng dalaga pero agad din siyang napahinto nang bigla itong nagsalita.
"Oo"
Parang pinipiga ang puso niya sa narinig. Ano pa nga bang aasahan niya? Wala nang pag-asa. Ubos na. Simula't sapul, wala naman talaga. Sumilay sa mukha ni Camille ang hiyang naramdaman dahil sa pag-amin. Pulang-pula ang pisngi nito at 'di makatingin sa kan'ya. Binitawan niya ang dalaga at kaagad namang bumalik si Camille sa kama.
Palihim siyang napabuntong-hininga nang malalim kapagkuwan ay bumulalas ng tawa. Halos maglupasay siya sa katatawa upang maitago lang ang sakit na nararamdaman niya ngayon.
"Kyky, pinagtatawanan mo 'ko! Sana 'di ko na lang sinabi sayo," pilit nitong itinatago ang pamumula ng mukha nito.
"S-sabi ko na nga ba g-gusto m-mo siya," sabi niya habang patuloy pa rin sa pagtawa ng peke.
Nang maramdaman niya ang mainit na likidong lumabas galing sa mga mata niya ay kaagad siyang tumayo at tumalikod sa dalaga habang patuloy pa rin ang malakas na pagtawa. Tawang nagkukubli sa nagdurugo niyang puso.
"Alis na a-ako Milmil, s-sumakit y-yong t-tiyan ko katatawa," pagsisinungaling niya.
'Di niya na hinintay pa ang sagot nito at nagmadali na siyang lumabas. Nang pinatakbo niya na ang motor at nakalayo na siya ay saka lamang siya huminto sa pagtawa. Nag-uunahang tumulo ang kaniyang mga luha na kanina niya pa pinipigilan. Sobrang sakit ng nararamdaman niya, para siyang sinasaksak ng ilang beses. Ang sakit lang isipin na ang kaunting pag-asang natitira sa kan'ya ay tuluyan nang nawala. Hindi man lang niya nagawang sabihin dito ang tunay na nararamdaman niya.
Masyado siyang dismayado, masyado siyang nadudurog, masyado siyang pinapatay sa sakit nang nararamdaman niya. Anong laban niya? Wala lamang siya sa kalingkingan ng boss ni Camille. 'Di pa nagsisimula ang laban ay talo na siya. Bakit umasa pa siyang may posibilidad, na may tsansa? Bakit naghihintay pa siya sa wala? Bakit naisipan niya pang gawing p'wede ang hindi dapat? Parang pinupukpok ang ulo niya ng mga katagang kaibigan lang. Napahagulgol siya sa sobrang sakit. Lumalabo na ang paningin niya dahil sa luhang namumuo sa kan'yang mga mata. Sumigaw siya nang malakas at ibinuhos ang lahat ng pagkabigo niya sa kan'yang saril. Unti-unti niyang naradaman ang panlulumo ng kan'yang katawan hanggang sa nawalan na siya ng lakas.
KATATAPOS LANG maligo ni Marcus, nagtungo kaagad siya sa study table at kinuha ang cellphone na nakapatong doon, pagkatapos ay ibinagsak ang sarili sa kama. Ini-open niya ang cellphone ni Camille na pinulot niya nang nawalan ito ng malay kanina. Hindi na siya nag-atubiling isauli pa ito dahil alam niyang makakatulong ito sa kan'ya upang makakuha ng impormasyon tungkol sa nangyari sa kan'yang kapatid, apat na taon na ang nakakaraan.
Mabusisi niyang tinignan ang mga messages sa inbox nito, halos nabasa niya na lahat pero wala naman siyang nakuhang importanteng impormasyon. Binuksan niya rin ang laman ng gallery nito pero puro litrato lang ng dalaga ang naroon. Napasuntok siya sa kama niya. Nagtangis ang bagang niya nang wala man lang siyang napala rito. Dahil sa galit ay ibinato niya ito sa dingding at nagkalat sa sahig ang mga parte nitong nabasag.
MAGANDANG DUMATING si Camille sa MADeal. Kakaunti pa lang na mga empleyado ang nakikita niya rito. Nang makapasok siya ng office ay hindi niya na ikinagulat na wala pa ang mga kasamahan niya dahil alas-sais imedya pa lang naman. Ang ikinagulat niya ay ang isang bouquet ng white rose sa table niya at isang puting kahon. Napalingon siya sa paligid at wala naman siyang nakitang tao.
Tiningnan niya pa ulit kung table niya nga ba 'to dahil baka nagkakamali lang siya at nang makompirma niyang sa kan'ya nga ang puwesto na ito ay kaagad siyang umupo at inamoy ang bulaklak. Napangiti siya nang nanuot sa kan'yang ilong ang halimuyak nito. Ngayon pa lang siya nakatanggap ng bulaklak sa buong buhay niya.
Pero sino naman kaya ang nagbigay nito? Hinawakan niya ang puting kahon saka inalog-alog ito bago niya binuksan. Nang ganap niya nang matanggal ang puting wrapper na bumabalot sa box ay nanlaki ang mata niya ng makita kung ano iyon. Dali-dali niyang binuksan ang box at 'di nga siya nagkakamali cellphone nga talaga iyon. Hindi lang basta ordinaryong cellphone kundi isang mamahalin na cellphone. Napatakip siya sa bibig niya dahil 'di siya makapaniwala sa natanggap. Tamang-tama at may ipapalit na siya sa naiwala niyang cellphone kagabi. Pero sino kaya ang nagbigay nito sa kan'ya? Paano nito nalaman?
Umalis kaagad si Marcus sa pinto matapos makita ang reaksyon ng dalaga sa ibinigay niya. Kahit nakasilip lang siya sa nakaawang na pinto ay klarong-klaro niya pa rin ang malapad na ngiti ng dalaga at ang pagkinang ng mga mata nito nang mahawakan ang mamahaling cellphone.
"gold digger," bulong niya sa isip.
ALAS-DIYES imedya na at di pa rin makatulog si Camille sa pag-iisip kung sino kaya ang nagbigay sa kan'ya ng mga bagay na iyon. Kaagad niyang kinapa ang cellphone niyang nasa ilalalim ng unan nang maisipan niyang isave ang number ng kan'yang mama dahil ito lang ang tanging memoryado niya. Namuo sa kan'ya ang pagtataka nang makitang may contact number na nakasave na doon.
'Di kaya number ito ng taong nagbigay sa kan'ya?
To: 0905*******
Hi! Good evening!
Ilang minuto siyang naghintay at wala siyang natanggap na reply galing dito. Nakakaramdam na rin siya ng antok kaya naisipan niyang matulog na lang at 'wag nang hintayin pa ang reply nito, pero nang ipikit niya na ang mata niya'y saka naman tumunog ang kan'yang cellphone.
From: 0905*******
?
Napakunot noo siya nang makitang question mark lang ang tanging reply nito. Muli siyang nagsend ng message sa pagbabakasakaling makilala ang taong ito.
To: 0905*******
Ikaw ba nagbigay ng cellphone at ng flowers sakin?
Tumunog muli ang cellphone niya at kaagad niyang binasa ang message na galing sa parehong sender.
From: 0905*******
Yes!
Nanlaki ang mata niya nang mabasa iyon. Tama nga ang hula niya at ito mismo ang nagbigay sa kan'ya. Kaya sinadya nitong isave ang phone number nito ay para macontact niya ito at mapasalamatan.
To: 0905*******
Bakit po? Sino po kayo?
Tatlong minuto na ang nakalipas pero 'di pa rin ito nagre-reply. Tinadtad niya na ito ng text dahil sabik na sabik na siyang malaman kung sino nga ito.
To: 0905*******
stalker?
To: 0905*******
kaibigan?
To: 0905*******
kaaway?
To: 0905*******
Admirer? Manliligaw ka ba? kaya mo 'ko binibigyan ng ganito?
Napabalikwas si Camille sa pagkakahiga ng marinig niyang tumunog ang cellphone niya.