Madilim na pero nandito pa rin kami sa favorite spot kuno ng dalawang kasama ko.
Ang sabi sa 'kin kanina ni daddy ninong ay saglit lang daw kami pero ‘yong saglit na sinasabi niya ay hanggang sa dumilim pala.
Kanina pa ako naaasiwa sa kamamasid sa kanilang dalawa. Kaunting-kaunti na lang ay masusuka na talaga ako.
Gustong-gusto ko nang umuwi pero wala akong magawa dahil nga wala akong sasakyan pauwi.
Isa pa, malayo ang lalakarin ko bago ako makahanap ng sasakyan pauwi sa bahay namin.
“Hi.” Napatingin ako sa lalaking bigla na lang lumapit sa akin. “Can I know your name?”
“Zairyle.”
“Is that your name?”
Tumango ako.
“Can I sit here?” tanong nito sabay turo sa upuan na nasa harapan ko.
Tumango ulit ako bilang pagsang-ayon. “Ako nga pala si Carl,” pagpapakilala ng lalaking umupo sa harapan ko.
He looks familiar to me. Hindi ko lang matandaan kung saan ko siya nakita at kung kailan.
Maaliwalas ang mukha ni Carl.
Halatang mabait ito kung ikukumpara sa babaeng kasama at kausap ni daddy ninong.
“May kasama ka?” tanong nito sa akin.
Tumango ako. “Sino?”
“‘Yong lolo at lola ko.”
“Ha? Nasaan?” tanong ulit nito habang palinga-linga sa paligid. Hindi niya alam na ang tinutukoy kong lolo at lola ay si Daddy Ninong at ang kasama nitong babae.
“Hayun, oh!” Turo ko sa dalawang tao na kanina ko pa kinaiinisan.
Nakatalikod silang dalawa sa gawi namin ni Carl. Nakatayo habang nakahawak sa handrails.
Overlooking kasi ang lugar na 'to kaya naman aliw na aliw siguro ang dalawa at wala ng balak na umuwi. Nasobrahan sa paglilibang na para bang wala silang ibang kasama.
“Ba't parang hindi naman sila ganoon katanda?” takang tanong ni Carl. Kahit natatawa ako ay pinigilan ko ang sarili ko. “Ilang taon na ba sila?”
“‘Yong lolo ko ay sixty five na tapos ‘yong lola ko naman ay eighty one na.”
Kitang-kita ko ang paglukot ng mukha ni Carl habang nakamasid kina daddy ninong.
“Ba’t parang ang lakas pa nila sa edad nilang ‘yan?”
“Mga aswang kasi ang mga ‘yan,” pabulong kong wika dahilan para mapakurap-kurap si Carl.
Hindi ko na tuloy napigilan ang sarili ko na hindi mapatawa. “Biro lang,” biglang bawi ko. “‘Yong lola ko lang talaga ang aswang diyan.”
“Are you serious?”
“Oo naman.”
“I see,” sagot nito na halatang paniwalang-paniwala sa kalokohan ko. “Kaya siguro hindi siya masyadong matandang tingnan, ano?”
“Ang galing mo naman!” kunwa'y pagsakay ko sa sinabi nito. “Naniniwala ka pala talaga sa aswang, ‘no?”
“Medyo lang.”
“Tama ‘yan,” sabi ko. “Simula ngayon ay maniwala ka nang may aswang dahil ako na mismo ang nagsasabi na totoo ang mga ganoon.”
“Tama ka.” Ngayon lang ako nakakilala ng lalaking naniniwala sa mga ganoong bagay kaya naman ang pagkainis na nararamdaman ko kanina ay napalitan ng pagkaaliw dahil sa pagsulpot ni Carl. “Totoo pala talaga na kahit dito sa Maynila ay may mga aswang, ‘no?”
“Aba’y oo naman! Kahit saan naman ay mayroon talagang aswang, Carl,” seryoso kong wika pero sa loob-loob ko ay tuwang-tuwa ako. “Kung hindi ko nga lang kamag-anak ang babaeng ‘yan ay baka matagal ko nang hinampas ng dos por dos ‘yan, eh. Nakakaperwisyo na rin kasi minsan, eh.”
“Bakit? Ano ba ang ginagawa sa iyo ng lola mo?” curios na tanong sa akin ni Carl habang titig na titig sa akin. “Hindi ba makatao ang pagtrato niya sa iyo?”
“Hay naku! Kung alam mo lang, Carl. Alam mo bang kanina pa ako bwesit na bwesit sa dalawang ‘yan?”
“Bakit naman? Hindi ba dapat ay alagaan mo sila at unawain dahil mga kamag-anak mo sila?”
“Hay naku! Wala akong kamag-anak na aswang. Kanina ko pa kaya gustong umuwi! Hindi lang ako makauwi dahil sa mga aswang na ‘yan, eh,” sabi ko. “Ahm, may gas ka ba riyan tapos lighter?”
“Ha? Bakit? Ano ang susunugin mo?”
“Hindi ano kung hindi sino. ‘Yang lolo at lola ko kasi ay balak kung sunugin mamaya. Eksakto walang masyadong tao sa dadaanan namin mamaya kaya walang makakakita sa mga mangyayari,” seryoso kong sabi sabay kagat ng mahigpit sa ibaba kong labi para hindi ako humagalpak ng tawa. “P'wede mo ba akong tulungan sa plano ko mamaya?”
“Hell, no!” mahina ngunit may diin nitong sagot sa akin. “I'm not that bad, Zairyle. Hindi ko kayang pumatay kahit pa nga sabihin natin na aswang nga mga ‘yan.”
"Dali na! Isipin mo na lang na papatay tayo ng mga mapanganib na hayop sa kagubatan."
“Ayaw ko pa rin,” mariin nitong tanggi. “Hindi ko kaya.”
“Kaya mo ‘yan,” kunwa'y desidido kong saad. “Isipin mo na lang na mababawasan ng mga salot dito sa Pilipinas dahil sa gagawin natin.”
“Ayaw ko pa rin. Hindi ko talaga kaya,” mariin nitong tanggi. “Alam mo, kulang ka sa pananalig kaya kung ano-ano ‘yang binabalak mo.”
“Tama ka!” pag-amin ko kunwari. Hay naku! Hindi ko akalain na matutuwa ako ng ganito sa buong buhay ko. “Kaya siguro minsan kung ano-anong karahasan ang naiisip kong gawin.”
"Magdasal ka paminsan-minsan para hindi mo maisip na pumatay ng kamag-anak," seryosong payo sa akin ni Carl kaya naman bahagya kong tinakpan ang bibig ko gamit ang uniform na suot ko. "Lahat ng dinadala mong bigat at problema sa puso mo, mawawala 'yan, Zairyle."
"Tama ka," kunwa'y sang-ayon ko habang tumatango-tango pa. "Hindi ko muna siguro sila gagawan ng masama ngayon. Ahm, siguro sa susunod na araw na lang. Ano sa palagay mo, Carl?"