KABANATA 10
“AYOKO na sa station ko, gusto ko na umikot papuntang station 3!” Determinadong biro ni Marceline habang nasa gate kami ng farm. Mula pa noong kinuwento ko sa kanila ni Teresa, Jappa at Isagani ang mga kaganapan kahapon ay hindi na natahimik ang buhay ko sa mga tanong nila riyan.
Humagikhik si Teresa saka malakas na hinampas ang balikat ko, nakasimangot na nilingon ko siya habang yakap ang balikat.
“Napakaswerte mo naman, hindi kita ma-take! Samantalang ako... ayon, minalas-malas.”
Sumabay sa ‘min ng paglalakad si Isagani habang kinakain ang hawak na banana cue. “Hm, sabi ko na nga ba walang papatol sa ‘yo eh. Kung mayroon man, baka ‘yung may asawa lang.” Saka siya tumawa kaya naaasar na inabot ni Teresa ang buhok nito para sabunutan.
“Ibig sabihin ba no’n may asawa ‘yung lalaking nagsayaw sa ‘yo sa event, Tesa?” Naiintrigang asik ko.
Ngumuso si Teresa saka tumango. “Pero huwag kang mag-alala, hindi ko na tinanggap ‘yung matamis at mabulaklak niyang pangako para sa ‘ming dalawa sa Maynila. Sayang! Bata pa ‘yun tapos mayaman, may hitsura pa. Akala ko talaga jackpot na.”
Naiiling na nagdiretso na lang ako ng tingin sa dinaraanan namin patungo sa sentro ng farm. Alas sais na ng umaga at naghahanda na ang lahat sa bawat trabahong naghihintay sa ‘min para sa araw na ‘to. Sabay-sabay kaming nagtutungo rito sa umaga at umuuwi sa gabi, kaya rin siguro kapag nakikita ako ni Carla at ng mga kaibigan niya ay hindi sila makaentra, malakas lang ang loob bumawi kapag mag-isa na lang ako at tatlo sila.
“Si Marceline naman, tanungin mo kung anong na-jackpot.” Nagbibirong pagsingit ni Isagani kaya sabay-sabay kaming napalingon kay Marceline na biglang nanahimik sa gilid namin.
“Pwede ba, Isagani, papansin ka talaga. Ang aga-aga ha.”
Nag-angat ako ng kilay at tinapik siya. “Oo nga pala, anong balita sa ‘yo.”
“Wala naman, Angeline.”
“Anong wala?” Pinanliitan ko siya ng mga mata.
Nag-aalala ako sa kanila sa totoo lang, hindi naalis sa isipan ko ‘yong mga sinabi ni Senyorito Raphael patungkol sa mga lalaking dumarayo ng Hermosa Night. Para silang mga buwaya na nambibiktima sa event na ‘yon, papangakuan ng matatamis na bagay ang mga babae pero may hidden agenda.
Siguro dahil alam nila ang matinding pangangailangan ng mga tao rito? Pero sino ba ang may kasalanan, sila bang mga lalaking daig pa ang buwaya o ang nasa likod ng taunang kasiyahan na iyan dito sa Hermosa?
Hindi ko pa kasi nakikita nang personal ang pamilya Portugal bukod doon sa nag-emcee sa Hermosa Night pero tiyak akong imposible kung wala siyang ideya sa bagay na ‘yon, si Senyorito Raphael Aragon nga ay may alam eh.
“Baka may anak ‘yan ha.” Ani Jappa na akala ko nagbibiro pero nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya ay seryosong nakasipat din kay Marceline. “Ang pera pwede namang kitain kapag pinagpaguran, ‘di kapalit-palit ‘yon sa dignidad mo bilang babae.” Dagdag niya pa kaya pumalakpak ako at nagthumbs up.
“Tama! Proud talaga ‘ko rito kay Jappa palagi, pareho kami mag-isip!”
“Isa ka pa.” Aniya. “Huwag kang masyadong magpauto riyan sa Aragon na ‘yan. Ayokong makita na naman kitang umiiyak dahil sa lalaki.”
Napairap ako sa kaniya at umangkla sa kaniyang braso gaya ng nakasanayan namin gawin nila Teresa at Marceline sa sobrang lapit na namin sa isa’t-isa mula pa noon.
“Tingin mo ba sa ‘kin mauuto pa ng kung sino-sino? Pagkatapos ni Archie daig ko pa ang pinakamatalinong isda sa dagat ngayon!” Mayabang na singhal ko.
Natahimik lang nang makita naming makasasalubong namin si Archie mismo, kasama ang parang higad na si Carla, nakatingin nang mariin sa ‘kin marahil galit pa rin sa nangyaring eskandalo kahapon. Siya pa ang galit, ako na nga ang halos malunod kahapon!
“Banggit ka nang banggit kay Archie eh nasa paligid lang ‘yung tao.” Saway sa ‘kin ni Jappa.
“Ang liit na talaga ng mundo naming dalawa, gusto ko na lang mag-Maynila.” Pabiro kong sambit na pinagkunutan ng noo ni Jappa.
“Talaga?” Gulat na humarap sa ‘kin si Marceline. “Sama ako ha!”
“Oh, hindi mo pa sinasagot ang tanong namin.” Ani Teresa.
“Oo na! Taga Maynila iyong lalaki na sinasabi ko, walang sabit. Okay na ba? Kaya safe ako.” Sambit ni Marceline. “Iyon nga lang, talagang kailangan magpunta ng Maynila kasi doon daw kami titira.” Pa-hina nang pa-hina na sambit niya.
“Bakit parang hindi ka naman ganoon kasaya?” Nagdududang asik ko. “Ayaw mo ba? Kasi kung ayaw mo, huwag na—“
“Okay lang sa ‘kin... siyempre. May hindi lang ako maiwan dito sa Hermosa.” Iyon lang saka siya nagpaalam na pupuwesto na sa Station 1 para sa attendance ng mga tauhan sa station head.
Nagkatinginan kami ni Jappa at parehong pinili na lang manahimik, ramdam kong may problema iyon pero wala naman talaga kami masyadong magagawa, lahat kami ay may matinding pangangailangan sa pera, wala ng panahon para unahin ang totoong gusto namin gawin o piliin sa buhay.
Kapag wala kang pera, wala kang pagpipilian. At ‘yon ang masakit na katotohanan sa bayan na ‘to.
NANG magkaniya-kaniya na kaming magkakaibigan ng punta sa mga nakatokang station ay nagtungo na ako sa Station 3, nagpalingon-lingon pa ako sa paligid nang maalala ang mga sinabi ni Senyorito Raphael kahapon na bagong dagdag sa trabaho ko.
Pero mukhang wala pa naman siya rito.
Naghanda na ako ng mga fertilizer para sa artificial pond ng farm, masangsang ang amoy at malansa, kinuha ko ang isang balde at inihalo roon ang mga kemikal bago tuluyang naglakad na palapit sa pond nang biglang may tumulak o sinadyang bungguin ako.
“Oops, nakaharang ka kasi.” Ani Carla habang yapos na yapos sa braso ni Archie, dumaan sila sa harapan ko.
Hindi makapaniwalang inilingan ko ito ngunit hindi ko sila inalisan ng tingin, mukha silang masayang-masaya sa isa’t-isa... samantalang noong kami pa ni Archie ay halos hindi niya ako payagang dumikit nang ganiyan sa kaniya kahit na magkasintahan na kami.
Napapaisip na lang ako kung talaga bang pinaglaruan niya lang ako, isang taon pa naman akong paniwalang-paniwala sa kaniya na gustung-gusto niya ako...
Tumikhim ako at kunwa’y hindi affected na makita silang dalawa. “Kayong dalawa ba ang makakasama ko rito sa pond ngayong umaga?”
“Oo, kaya marami tayong oras para makapagkwentuhan! Nakaka-excite!” Halatang nang-aasar na sagot niya. Sumulyap lang sa akin si Archie nang panandalian bago bumulong sa kaniya ng kung ano, parang sinasaway ito. “Huwag mo nga ‘kong pigilan, para matapos na ang pantasya niya sa ‘yo, naiintindihan mo ba ‘ko ha, Archie?”
Nangunot ang noo ko at tumalikod na sa kanila bago pa niya ‘ko maisipang guluhin ulit. Pinulot ko ang isang timba ng fertilizer saka inihalo sa tubig ng pond, panay ang pag-insulto ni Carla sa ‘kin at sa nakaraan namin ni Archie pero pinili kong huwag siyang bigyan ng atensyon.
Napikon yata kaya nang hindi makatiis ay hinatak ang braso ko para mapaharap ako sa kaniya. “Narinig mo ba ang lahat ng sinabi ko?”
Nag-iwas ako ng tingin at inilingan siya para asarin.
“Pwes uulitin ko sa mukha mo, hindi na uubra ang pagiging painosente, bait-baitan at aktong-akto na parang kawawa palagi na ganap mong ‘yan.” Aniya. “Palagi mong sinasabi sa mga tao na niloko ka ni Archie at nasaktan ka para magmukha kang bida?”
“Bakit ba galit na galit ka sa ‘kin, nasa ‘yo naman na ang lalaking ‘yan. Wala rin akong ginagawa sa ‘yo.”
Humigpit ang hawak niya sa braso ko. “Sumasagot ka na?”
“Carla...” awat sa kaniya ni Archie pero hindi niya pinapakinggan. Nakakairita silang makitang magkasama, lalo na’t ganito kalapit sa ‘kin.
“Galit na galit talaga ako sa ‘yo dahil awang-awa sa ‘yo ang mga lalaki rito sa farm sa tuwing mapag-uusapan ka namin, alam ko namang nangunguha ka lang ng simpatya kaya ganoon, mapagpanggap ka.” Pinilit kong lumayo sa kaniya nang marinig ang ilan sa mga tauhan malapit sa ‘min na sinasaway na kami sa maaaring away na naman na mangyari gaya kahapon. Pero parang baliw pa rin ang Carla na ‘to. “Sabihin mo sa pagmumukha niya ang mga napag-usapan natin, Archie. Kung gusto mong tumigil ako rito.”
Dismayadong nginiwian ni Archie ang nobya, hindi makapaniwala sa narinig pero hinarap pa rin ako maya-maya. Lahat gagawin para sa babae niya samantalang noong kami pa hindi man lang pinapansin ang mga hiling ko.
“Angeline. ‘Di naman talaga kita gusto, sorry talaga, mabait ka naman pero...”
“Go, Archie! Para alam niya ang totoo!” Singhal niya. Halos magpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa pero doble na ang pagkakarera ng puso ko. Daig pa ni Carla ang paghuhukay ng lumang sugat sa dibdib ko ngayon dahil sa ginagawa niya.
“Hindi kita niloko...” yumuko si Archie, nahihiya. “Pinagpustahan ka lang namin ng mga kaibigan ko... napilitan lang din ako sa kanila pero hindi ko naman ginustong guluhin ka—“
Napaawang ang bibig ko. Sa sandaling iyon ay manhid naman na ‘ko dahil medyo matagal na ang huli naming pag-uusap patungkol dito pero... ang sakit. Ang sakit marinig no’n... hindi ako makahinga nang maayos.
“Kita mo na! In short, bukod sa hindi naman niya ginusto iyon, hindi ka rin niya literal na ginusto! Kaya huwag magmaganda masyado at magpaawa sa mga tao, ha? Dahil wala ng lalaki ang magkakagusto pa sa ‘yo—“
Hindi pa natatapos ni Carla ang sinasabi niya nang may lalaking tumabi sa ‘king kaliwa at hinawakan ako sa ‘king siko.
“Angeline.”
Halos mapatalon ako sa gulat nang makilala ang baritonong boses na iyon, nilingon ko ito at nakitang si Senyorito Raphael iyon! Fitted ang polo shirt nitong kulay gray, naka-tuck in sa nakasinturon niyang itim na pants at nakasabit ang shades sa bandang dibdib. Sa pabango pa lang nitong panlalaki at halatang mamahalin sa aroma, kahit hindi lingunin makikilala mong siya ang dumarating.
Seryoso at malamig ang mga tingin ang itinapon niya sa ‘kin.
“Kanina pa kita hinahanap.”
Napaawang ang bibig ko, pilit na nilunok ang lahat ng bumara sa ‘king lalamunan at pinigilan ang lahat ng negatibong emosyon. “P-Pasensya na po, hindi ko alam na maaga kang pupunta, Senyorito.”
Hindi niya ako inimik at sa halip ay nagbaling ng tingin sa mga taong kaharap namin, nag-iiwas ng tingin na yumuko si Archie habang si Carla naman ay pekeng ngumiti sa Senyorito. Pero kahit ako, mararamdaman ko ang hindi pagkakomportable sa intensidad at dilim ng tingin ng Senyorito ngayon.
“Magandang umaga, Senyorito pogi...” bati ni Carla. “Kung sakaling mali-mali ang sabihin ni Angeline at ma-bore kayo sa kauutos sa kaniya, ako ho ang pwede ninyong ipalit.” Hinawi niya ang mahabang buhok at inemphasize ng postura ang malaking hinaharap.
Bahagyang natawa si Senyorito Raphael dahil doon at naiiling na nagkamot ng kilay. “’Yan ba ang sinabi ni Manang Felia sa inyo?”
“Hm?” Nagtataka ngunit nakangiting tanong ni Carla.
“Hindi ko gagawing utusan si Miss Angeline. I’m taking her for breakfast. With me.”
Mula sa malalim na pag-iisip at pagkakalugmok ng damdamin ay napaangat ang tingin ko sa katabing binata. “Senyorito... nakakahiya. Huwag na ho—“
“I’ll pay for it. Besides, gusto ko ring nakakausap ka.”
Nag-init ang mga pisngi ko sa halos nakangiti ring mga mata nito sa akin habang sinasabi ang mga bagay na ‘yon. Nakakahiya naman... “Senyorito—“
“Kung ayaw niya, ako na lang!” Ngiting-ngiti na pagsingit ni Carla habang itinataas pa ang kamay.
Umiling si Senyorito Raphael at sinulyapan si Archie sa likuran ng kausap. “I’m taking her for a breakfast because I’m... let’s just say, I’m interested to her, I’m interested of getting to know her, and because she’s single.” Aniya saka sumulyap muli kay Archie, hindi inaalis ang nakangising mga labi. “Girlfriend mo ba ‘to? Why does she act like she’s not in a relationship now?”
Hindi umimik si Archie pero halatang napahiya ito gaya na lang din ni Carla.
Wala rin akong ibang nasabi at nagawa kung hindi ang panoorin sila. Pakiramdam ko nakaganti ako kahit katiting lang sa dalawa dahil sa pagdating nitong si Senyorito Raphael.
Hinawakan niya ‘ko nang maingat sa ‘king kamay, tinulungan sa bitbit na timba at inabot kay Carla bago ako tuluyang inaya palayo roon.
“I’m sorry, Angeline, hindi ko na nahingi ang permiso mo kung gusto mo ba ‘kong samahan mag-agahan...” pagbasag nito sa katahimikan, “naabutan ko ‘yung usapan ninyo, I’m so sorry to hear that though.”
Nahihiyang nagyuko ako ng ulo.
“Ayos lang po, para ka ring pinadala ni Lord kanina. Kung hindi mo ‘ko inaya palayo ro’n baka naiyak pa ‘ko sa harapan nilang dalawa.” Nagpeke ako ng tawa.
“’Yan ang ‘wag mong gagawin. Never show that you’re affected.”
“Maraming salamat, Senyorito...” ngumiti ako nang tipid.
“Palagi kitang naaabutang kinakawawa no’ng girlfriend ng ex mo, wala ka bang mga kaibigan dito?” Natatawa niyang asik.
“Mayroon naman po, nasa ibang station lang.”
Umawang ang kaniyang bibig saka tumango-tango. “Add me in the list then, ipagtatanggol na talaga kita kapag naabutan ko ulit na binubully ka noon so that we’d be 2 versus 2.” Tila pabiro niyang sambit saka naglahad ng kamay sa ‘king harapan. “So, friends?”