KABANATA 8
“AY DIYOS KO!” Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga at daig ko pa ang nahulog sa bangin sa sobrang gulat nang makarinig ng malakas na pagbagsak ng mga kawali, kaldero at panandok sa sahig ng pamamahay namin. “Nay! Ano bang problema niyo riyan!”
Nakita ko itong nakabusangot habang nakapameywang ang mga kamay habang nakatitig sa ‘kin, hindi man lang pinupulot ang mga nagkalat na kaldero at kawali sa sahig na parang sinadyang ibagsak ‘yon do’n.
“At talagang tatanungin mo pa kung anong problema ko rito! Marami na akong problema sa buhay, Angeline! Heto ka at painom-inom lang ng alak kagabi!”
Nangingiwing nag-angat ako sa kaniya ng tingin, pinapakita ang ekspresyon na litong-lito sa buhay este sa mga binubungad niya sa ‘kin ng ganito kaaga. Parang kakalabas pa nga lang yata ng araw sa langit pero nauna pa si Nanay tumilaok kaysa sa mga tandang!
Mariing napapikit ako ng mga mata nang makaramdam ng matinding pagkirot ng ulo. Inangat ko ang aking isang tuhod saka itinukod doon ang siko ko, sinasapo ng palad ang ulong pumipintig-pintig sa sobrang sakit!
“Aray, aray ko...”
“Talagang sasakit ‘yan! Ikaw ba naman uminom ng alak kaysa ang agenda mo roon sa Hermosa Night!” Nanggigigil na sermon ni Nanay matapos ako batukan!
Magrereklamo sana ako sa kaniya laban sa mga sinabi niya nang maalala ko ang mga kaganapan kagabi. Napatuwid ako ng upo at agad na nagpihit ng katawan sa direksyon ni Nanay mula rito sa papag.
“Nay, maniwala ka sa ‘kin, si Senyorito talaga ‘yung nagpainom sa ‘kin! Hindi naman ako nagpunta ro’n para tunggain lahat ng alak na nakita ko!” Pagpapaliwanag ko.
Paano ba naman kasi, ramdam ko kagabi na lasing na ‘ko at maingay bukod sa naikot na nang husto ang paningin ko kaya nagpatulong na ‘ko kay Jappa na makauwi. Inalalayan niya naman ako para hindi ako matumba sa daanan pero pagdating ko ng bahay, si Nanay mismo ang sumubsob sa ‘kin sa sahig ha.
Nag-eexpect pala siyang iuuwi ko ang korona.
“Bakit ka naman nagpakalasing! E ‘di sana si Senyorito na lang ang inakit mo, maganda ka naman!”
“Glenda.” Saway sa kaniya ni Tatay pagkadaan nito sa maliit na pintuan ng maliit lang din na silid ng bahay namin. Hinawi nito ang kurtina para silipin kami ni Nanay rito. “Ang aga-aga nag eeskandalo ka riyan. Mahiya ka naman, gigisingin mo ba lahat ng kapitbahay?”
“Eh ito kasing anak mo, hindi nag-iisip mabuti!” Nakangiwing nagpapadyak si Nanay. “Ayaw gamitin ‘yung ganda niya, sayang lang ‘yan, ibalik mo sa ‘kin ‘yan!” Umamba si Nanay na hahatakin ang buhok ko kaya nangingiwing gumapang ako sa dulo ng papag para umilag.
“Tara na sa farm, puro ka bugaw sa anak mo, tigilan mo si Angeline.”
Pinanliitan ako ng mga mata ni Nanay noong ngumisi lang ako sa kaniya nang pilit saka siya tuluyang hinila na ni Tatay palabas ng bahay.
“Sumunod ka na roon, Angeline, magkape ka muna. May dalawa pang pandesal diyan!” Dinig kong pahabol na sigaw ni Tatay sa labas saka sila nagtalo na ni Nanay sa daan.
Saglit akong nahiga at tumulala sa bubong na yero namin at nagisip isip tungkol sa mga nangyari kagabi. Naaalala ko pa naman pero sana nga hindi ko na lang matandaan!
Ang lakas-lakas ng loob kong kausapin ang Senyorito kagabi, Senyorito Raphael pa ‘yon na higit na mas suplado kaysa Senyorito Presley ha! Natatandaan kong nagkuwento-kuwento ako ng pagiging broken ko...
“Binigay ko pa naman sa kaniya ang lahat!”
“What do you mean lahat? Do you mean... your body, lahat?”
“Oho! Ganoon na nga!”
Natampal ko ang mukha ko sa hiya at lalong pinagsakitan ng ulo.
Nakakahiya ‘yon, Angeline! Nakakahiya ‘yon! Lalaki pa naman... ano na lang ang iisipin no’n sa ‘kin kapag nakita niya ‘ko sa mansyon nila? Na isa akong ‘easy girl’!?
Maiyak-iyak sa hiya na bumangon ako mula sa papag at kikilos na sana para maligo sa banyo at mag-ayos ng sarili bilang paghahanda ngunit sumagi pa sa isip ko ang paagduwal at pagsuka ko sa coat ng Senyorito!
Namilog ang mga mata ko at nanigas nang literal sa kinalalagyan nang tuluyang maalala lahat-lahat. Sa tingin ko magtatago na lang ako kapag sakaling nagkrus ulit ang landas namin, sana lang huwag niya ‘kong palayasin sa trabaho.
“ANGELINE!” Masayang bungad sa ‘kin ni Teresa doon pa lang sa malaking gate ng freshwater pearl farm ng mga Aragon. Dito ako nagtatrabaho kapag Lunes hanggang Miyerkules habang kasambahay naman sa mansyon ng mga Aragon kapag Huwebes hanggang Sabado. “Grabe ka! Kumusta ang gabi mo kagabi! Usap-usapan ka ng lahat doon sa event hanggang ngayon dito sa farm! Kahit saan nga yata ako magawi eh naririnig ko ang pangalan mo!”
“Halu sa inyo!” Masigla rin na bungad ni Marceline sa amin matapos patakbong lumapit at umakbay kay Teresa. Lumawak ang ngiti nito nang makita ako saka nanlalaki ang mga matang nagsalita. “Hoy, Angeline! Animal ka, may paarte-arte ka pa na ayaw mong mapansin sa event pero tinugis mo agad ang pinakamalaking isda!”
“Shush!” Saway ko sa kanila nang makitang pinagtitinginan kami ng mga kapwa namin katrabaho rito sa farm na malapit sa ‘min. “Pwede ba, Teresa at Marceline, huwag ngayon, hindi maganda ang gising ko.”
“Dapat lang siguro na ganoon.” Sambit ng isa pang lumapit sa ‘min para umakbay sa ‘king mga balikat. Pag-angat ko ng tingin ay si Jappa ‘yon, mabango at halatang bagong ligo sa suot niyang plain white na tshirt, lalo akong ngumiwi nang siya na ang makahulugang inilingan ako. “Ang kulit kulit mo talaga kapag nahahaluan ng alak ‘yang sistema mo, ano?”
Tinakpan ko na ng mga palad ko ang aking mukha sa hiya, alam ni Jappa, ang dami ko ring sinabi sa kaniya kagabi habang naglalakad kami pauwi.
“Jappa, mabuti dumating ka kagabi. Nako, hindi mo alam kung saan mo ‘ko nailigtas!”
“Kasama mo ‘yung Aragon, kinulit mo ba ‘yon para makausap ha?”
“Huh!? Hindi ah!” Mabilis na tanggi ko. “Ako nga ang hinila roon.”
“Ay bakit, anong mayroon!? Bigla ka ngang nawala, hinila ka saan!” Usisa ni Teresa Marie saka kami nagpatuloy sa paglalakad palapit sa Station 1 ng malawak na ektarya ng freshwater pearl farm.
Pinakamayaman ang pamilya ng mga Aragon sa bayan na ‘to ng Hermosa at mapapatunayan ‘yon sa laki pa lang ng mansyon nila, hindi kakayanin ng limang kasambahay lang ang lahat ng gawain doon, kailangan ng sampu at higit pa. Maging sa lawak din ng farm nila na ‘to kung saan halos lahat ng tao sa bayan ay rito nagbabanat ng buto para sumahod.
May tatlong station, sa station 1 ikinokolekta ang lahat ng balde-baldeng mussels na dinideliver ng mga malalaking truck dito tuwing umaga, sa susunod na station 2 naman ay ang paglulubog ng mga mussel sa marami at malalawak na pond gamit ang Nylon Bag at bamboo at ang station 3 ay ‘yong saradong silid kung saan lalagyan ng nuclei ang loob ng mussel saka hihintayin ng ilang araw bago makapagbigay ng maraming perlas.
Lahat ng perlas na mahaharvest ay ibinibenta ng farm sa iba’t-ibang negosyo na may kinalaman sa fashion designing at pagawaan ng mga alahas gamit ang pearls.
“Sa kama ba!” Pagpapatuloy ni Marceline kaya napukpok ko siya ng hawak kong pamaypay para mamayang tanghali na pagkainit-init.
“Anong kama! Doon lang naman sa veranda ng mansyon. Kaya lang, nalasing lang ako dahil kinuhanan niya ‘ko ng... wine yata ‘yon.”
“Kahit naman wine lang na may pinaka-kaunting alcohol content, nababaliw ka kaagad. Basta alak.”
“Ayun na nga, hindi ko naman inakala. Saka first time ko lang makainom ng ganoon, wine wine. Malay ko ba.” Pagrarason ko pa. “Saka lumalim kasi ‘yung kwentuhan, kung alam niyo lang kung hanggang saan nakarating ang pagdadaldal ko.” Ngumuso ako at bumuntonghininga sa hiya.
Nanatiling nakaawang ang bibig ng mga tsismosa kong kaibigan habang nakatitig sa ‘kin.
“Grabe, Angeline... iba na ang level mo. Nakakakwentuhan mo ang Senyorito Raphael Aragon.” Umiiling na sambit ni Marceline. “Eh samantalang ako, binigyan ko siya ng tubig sa mansyon, nilagpasan lang ako.”
“Ha!” Maiksing sarkastikong bumuga ng pagtawa si Jappa. “Huwag kang papauto roon, baka binibilog lang ang ulo mo, tinitignan kung sakaling bibigay ka.”
Umirap ako at iginalaw ang balikat para alisin ang braso niya roon. “’Di mo na ‘ko kailangan paalalahanan, Jappa, tapos na ‘ko sa mga lalaking babaero, ano.”
“Dapat lang.”
Natahimik kami pare-parehas nang mapadaan kami sa station 1 ng farm. Saktong-sakto na nakasalubungan ko ng tingin ang lalaking nakaupo sa kahoy na upuan sa sulok, katabi ang babaeng ipinalit niya sa ‘kin kahit noong kami pa lang.
“Hala si Archie.” Kinalabit ako nang pasimple ni Teresa.
“Oo nakikita ko, ang pangit pangit nga.” Sagot ko sa mahinang boses.
Umangkla bigla iyong babae sa braso ni Archie, ex-boyfriend ko, saka inihiga ang ulo sa balikat niyon habang nakatingin sa ‘kin. Akala mo aagawin pa sa kaniya.
“Grabe, ang kapal ng makeup. Akala mo pageant ang ipinunta rito, magbababad lang naman ng mga mussel sa pond.” Bulong ni Teresa saka humagikhik. “Lamang lang siya ng foundation at eyeshadow pero mas pretty talaga si Angeline.”
“Totoo, kailangan lang ng kaunting makeover. Tapos lotion.” Ani Marceline saka siniko ako. “Alam mo na, ilugay mo minsan ‘yang palaging nakapusod mong buhok, tapos bibigyan kita ng lipstick—“
“Bakit naman ako magmamakeover para sa kanila, ‘di na ‘ko mag-aabala pa. Nasa farm lang, naka lipstick pa?”
“Mag-ayos ka naman kasi! Maganda ka nga pero pang-manang naman ‘yang outfit mo, kailangan mo ang glow up!”
“’Wag niyong pilitin si Angeline.” Pagsingit ni Jappa. “‘Di naman kailangan ng makeup para makita ng tamang lalaki ‘yung ganda niya.”
Nangingiting nagthumbs up ako sa kaniya saka kami nagpatuloy sa pagtungo sa sentro ng farm.
Pero halos iyon na ang laman ng isipan ko sa mga sumunod na oras. Hindi ko napigilang laitin ang hitsura ko at paulit-ulit na ikinumpara sa babaeng ipinalit niya sa ‘kin. Palagi nga namang litaw ang hubog ng katawan niyon at balat sa mga suot niya habang ako, mahabang palda, blouse na medyo kupas na ang kulay at walang pakialam kung masunog ang balat sa ilalim ng araw. Mahirap nga naman kasi ang buhay, gagastusan ko pa ba ang sarili ko para lang sa kaniya?
“Angeline! Tama na muna ‘yan, kain muna tanghalian!” Pagtawag sa ‘kin nila Manang Felia. Iyong namamahala sa ‘ming mga tauhan dito sa farm.
Binitiwan ko agad ang ginagawa ko rito sa malawak na pond ng Station 3, parang saved by the bell din ang pagkakataon na iyon dahil kanina pa panay ang tanong at interbyu sa ‘kin ng mga kasamahan ko rito sa station tungkol sa kumakalat na balita tungkol sa Senyorito at sa akin kagabi.
“Huy, Angeline, sagutin mo na kami. Ano, inalok ka ba ng kahit ano ni Senyorito Raphael Aragon noong nilapitan ka niya?” Asik sa ‘kin ng katrabaho ko habang naghuhugas na kami ng mga kamay ngayon sa maliit na gripo.
“Hindi nga ho, Aling Ruth. E bakit ho ‘yung anak niyo ho ba, inalok ng nakilala niya?” Dahan-dahan kong asik. Kahit hindi ko na banggitin kung anong alok, sigurado akong mauunawaan niya na kung oo ang sagot.
Saglit siyang hindi nakaimik saka hindi na sumagot pa at nauna sa paglabas ng silid. Nakakalungkot kung totoo lahat ng sinabi ng Senyorito Raphael na ‘yon tungkol sa mga lalaki sa event kagabi, na wala silang ibang alok kundi pakikipagtalik kapalit ng pera sa mga kababaihan.
“Pero sa totoo lang, Angeline, hindi nga ako naniniwala na magkakagusto sa ‘yo si Senyorito Raphael Aragon.” Saad ng katrabaho ko na kasabay kong maglakad patungo sa sentro ng farm kung saan maraming mahahabang mesa na may mga pagkain para sa lahat. “Para siyang langit tapos ikaw lupa, alam mo ‘yon? Realidad lang ha, tignan mo ang ayos mo ngayon, kung magkakagusto man sa ‘yo ‘yon parang ginayuma mo na. Umamin ka!”
Tinuro niya ang ayos ko mula ulo hanggang paa kaya ginaya ko rin siya at tinignan ang sarili ko habang naglalakad kami.
May pinagbulungan sila ng isa pa niyang kasama saka nagtawanan bago nauna na sa ‘kin maglakad.
Nakabusangot na huminga ako ng malalim. Isa sa pinaka ayaw ko talaga sa pagtatrabaho sa farm? Itong mga kasama ko sa Station 3, malakas mang-asar ang mga tao, hindi naman sila inaano.
Hindi ko naman ginustong matsismis dahil sa lalaking ‘yon pero parang kasalanan ko pa dahil hindi ako pinagpala ng kagandahan?
Masama na tuloy lalo ang loob ko at hindi umiimik nang kumukuha na ‘ko ng pagkain mula sa mesa at nakatayong nagkakamay sa pag-kain.
Hanggang sa biglaang umugong ang bulungan ng mga kapwa ko tauhan sa Station 3 rito. Hindi ko na sana sila iintindihin pa nang mapalingon ako sa gawi kung saan sila nakatitig habang impit na humahagikhik.
Halos mabilaukan ako nang makilala kung sino iyon.
Sa maliit na bridge sa sentro ng farm ay dumaraan ngayon ang head ng station 3, si Manang Felia, kasabay noon ang lalaking nasukahan ko ang coat kagabi! Mukhang patungo pa rito!
Nakasuot ng puti nitong polo shirt na naka-tuck in sa itim na pantalon, suot din ang itim nitong shades at walang pakialam kung nasisinagan ang balat ng tirik na araw.
“Station 3! Bumati kayo sa Senyorito na dumadalaw sa atin ngayon!” Dinig kong sigaw ni Manang Felia sa aming lahat.
Napalunok ako at agad na yumuko para itago ang sariling mukha nang makitang sinusuyod ng tingin ni Senyorito Raphael ang mga tao rito ngayon.
“Senyorito Raphael, ito naman ho ang mga masisipag na tauhan natin sa Station 3.” Masayang pakilala ni Manang Felia.
“Good afternoon, nice to meet you, everyone.” Seryoso nitong bati sa baritonong boses.
Kaniya-kaniyang pakilala ang lahat, nagpapapansin sa Senyorito habang ako ay paatras nang paatras sa likuran ng mga tao para magtago. Kabadong-kabado ako na baka makilala ako at ipahiya sa pagsita dahil sa nangyari kagabi!?
“Aray ko, Angeline, ano ka ba!” Sita ni Carla, girlfriend ng ex ko! Natapakan ko kasi ito sa paa.
“Sorry, ‘di ko sinadya.”
“Bitter ka pa rin ba? Umamin ka nga? Tingin mo yata babalikan ka pa.”
“Shush! Manahimik ka, magsama pa kayo niyang si Archie kung gusto mo.” Pabulong ngunit iritadong balik ko sa kaniya.
Inirapan niya ‘ko at binunggo sa braso saka lumayo at nagpapansin sa Senyorito.
Kaya dahan-dahan din akong nag-angat ng tingin doon at halos mapasinghap nang mahanap nito ang tingin ko, nag-alis siya ng suot na shades saka pinanliitan ako ng mga mata na parang hindi makapaniwala sa nahanap ng tingin.
“So station 3, huh?” Nangingiting sambit ni Senyorito Raphael ngunit kay Manang Felia na nakatingin. “Ah! I’ve got an idea. Since I’m bored in our mansion, pwede ba ‘kong bumisita rito sa farm araw-araw, Manang Felia?”
“Ay, oo naman, Senyorito! Inyo naman ho ito, walang problema doon...” natatawang saad ng matanda. “Nakakatuwa naman ho.”
“Good because this station seems so... interesting to me, honestly I’d love to know more about this... station.” Ani niya saka kinagat ang ibabang labi at sumulyap sa gawi ko, may multo ng ngisi sa mga labi, bago tuluyang nagsuot muli ng shades at nagbaling ng atensyon kay Manang Felia. Halos kumabog nang doble ang puso ko sa kaba! At hiya!
Nakilala niya ba ‘ko o hindi?! Medyo may makeup naman ako kagabi, ngayon ay wala na, sana naman hindi?!
Napakamot ako ng noo. Diyos ko, paano naman ako magtatago sa kaniya rito!