KABANATA 4
NAKATULALANG tinititigan ko na lang ang isinampay kong bestida ko sa rooftop ng mansyon ng mga Aragon. Paulit-ulit ko ng hinulog sa washing machine, kinusot hanggang sa maging pulang-pula ang mga palad ko at binabad sa halos kalahating bleach liquid pero heto at kulay berde pa rin!
“Look, I am so sorry, miss. Hindi ko talaga sinadya, hindi ko intensyon na sa ‘yo maibuhos ‘yung mga pintura, I was about to spill those to Manang Grasya... pero ikaw ang dumaan.” Paghingi ng paumanhin ni Senyorito Presley sa akin.
Hindi ko alam kung pang ilang beses niya ng ‘sorry’ iyan mula pa noong nakangiwing nagkukusot ako ng bestida hanggang sa pangatlong beses na pinaikot ko sa washing machine ‘yung bestida.
Napakamot ako ng leeg. Ako pa nga ang nahihiya sa kaniya dahil napansin niya ako ngayon samantalang ayon sa rules ni Senyora Melida ay bawal kami makipag-usap o magpapansin sa mga Senyorito kung hindi patungkol sa mga mahahalagang bagay. Bawal kami mag-ilusyon o magkagusto sa kanila.
“Ayos lang po...” tipid na sagot ko saka hindi inalisan ng nanghihinayang na titig ang bestida. Ipinagdiretso ko ang linya ng aking mga labi saka tuluyang ngumiwi. “Pero sigurado akong baka palayasin na ‘ko sa bahay, pinaghirapan ‘to piliin sa ukay-ukay ni Nanay para bukas...” hindi ko na napansin na sambit ko sa hangin.
“Bukas?”
Tumango ako. “Hermosa Night.”
Ilang sandali siyang hindi nakaimik saka natawa kaya nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Natigilan ako nang bahagya, ngayon ko lang nakita sa malapitan ang hitsura ni Senyorito Presley, para siyang may dugong Espanyol sa kutis at wangis ng mukha pati ng mga mata. Walang duda na anak-mayaman.
“Ah, ‘yung event kung saan binibenta ng mga binibini ang sarili nila sa mga lalaki.”
Nangunot ang noo ko. “Hindi binibenta, umaasa silang yayaman sila.”
“Money-hungry ladies, then.”
Nag-alis na ako ng tingin nang marinig iyon saka nilapitan na lang ang bestida ko at sinipat, bago ko pa hindi mapigilan ang sarili na mapairap sa narinig.
“Money-hungry kasi nasa laylayan sila, iginagapang ang pambili ng pagkain araw-araw. Kahit sinong ganoon magiging money-hungry.” Ani ko. “Baka ho hindi niyo naiintindihan, hindi mo naman kasi kailangan pa magtrabaho kung Senyorito ka na ng pamilya Aragon...” mahinang dugtong ko.
Narinig ko siyang humalakhak. “I’m sorry, hindi ko intensyon na makipag-away o insultuhin ka, miss. Iyon lang talaga ang akala ko. Pero may punto ka, tama ka.”
Nakagat ko ang ibabang labi ko at pinigilan na ang pagsasalita ng kung ano, narinig pala ni Senyorito ang huling sinabi ko, mahirap na at baka maisipang magsumbong sa nanay niya saka palayasin na ‘ko rito.
Kinuha ko ang nakasampay na bestida saka humarap sa kaniya at nag-bow. “Pasensya na po. Mauna na po ako, Senyorito.” Paalam ko saka dire-diretsong tumalikod na at nagmartsa palayo sa kaniya.
“No, no, it’s fine—wait, miss!”
Napangiwi ako at mas binilisan ang paglalakad ngunit hinabol pala ako ni Senyorito at nalaman ko lang iyon nang mahawakan niya ako sa braso saka pinigilan sa paglalakad. Namimilog ang mga mata na humarap ako sa kaniya.
“B-Bakit po?”
“Ganito, tutulungan kita sa bestidang ‘yan, I mean it’s my fault anyway, I ruined its color.”
Napaawang ang bibig ko sa narinig at umiling nang todo. “Naku, Senyorito, huwag na po—“
“No, please, I insist.” Aniya saka ngumiti, natigilan ako. “So, ano ang gusto mong gawin ko. Nag-iisip ako kung bibigyan kita ng pambili ng bago or should I accompany you to the mall right now para makapamili ka nang mas maganda?”
Ang yaman tapos ang bait. Totoo nga ang usap-usapan sa bayan, ‘di hamak na mas mabait itong isang Senyorito na ‘to kaysa roon sa isa.
Sasagot na sana ako sa mga sinabi niya nang masulyapan ang direksyon lagpas sa kaniyang balikat. Nanlaki ang mga mata ko at halos nilamig sa kaba nang makita ang Senyora, kasalukuyang bumababa sa malaki at enggrandeng hagdan ng mansyon at agad na napalingon dito sa amin.
Nakita kong nag-angat ito ng kilay at nagpatuloy sa paglalakad, ngayon ay patungo na sa gawi namin. Patay ako, napangiwi ako.
“Ano nga pala ang pangalan mo? Parang ngayon lang kita nakita rito...” Nakangiting tanong ni Senyorito Presley, walang kamalay-malay sa presensya ng ina na papalapit sa ‘min ngayon.
Natatarantang nagbalik ako ng tingin sa Senyorito saka dahan-dahan ngunit mariin na inaalis ang pagkakahawak niya sa braso ko habang peke at hilaw na ngumingiti.
“Hindi niyo na po kailangan mag-abala pa, Senyorito, mauuna na po talaga ako.”
“Pero... sabi mo magagalit sa ‘yo ang nanay mo?”
“Ayos lang naman po, magagalit lang sa hitsura ng bestida iyon pero lilipas din. Mahal na mahal po ako no’n, wala naman na siyang ibang choice kasi ako lang ang anak niya.” Pabirong sambit ko saka tumalikod na at nagmamadaling umalis, lakad-takbo.
“But wait! Paano ka makakahanap ng lalaki sa Hermosa Night kung may mantsa ang susuotin mo—“
Namilog ang mga mata ko nang makitang ayaw ako tigilan ng Senyorito, humahabol pa rin ito.
Tumigil ako ng lakad saka hinarap ito.
“Hindi naman po ako interesado, mas okay ‘to, hindi nila ako mapapansin lalo bukas—“
“Pero bakit, akala ko gusto ninyong mga babae ang makahanap ng lalaking mayaman bukas—“
Pinutol ko na agad ang sinasabi niya.
“Hindi naman po kasi ako interesado maikasal sa hindi ko naman mahal, kahit gaano kayaman!” Napaangat ng noo ang Senyorito pagkarinig no’n saka tila namangha kaya nangiti. “Huwag niyo na po ako sundan, please? Nariyan na po kasi ang Senyora, malalagot po ako...” mabilis na pagsasalita ko saka ngumiwi sa kaniya at inginuso ang nanay niya sa kaniyang likuran.
“Presley?! What is happening there!?”
Nilingon iyon ng Senyorito kaya nagkaroon ako ng tyansa na makaalis na sa lugar, lakad-takbo! Noong huling beses naman kasing may nahuli ang Senyora na may kasambahay sila rito sa mansyon na kumakausap sa paborito niyang anak, si Senyorito Presley, ayon at nilait-lait mula ulo hanggang paa, huwag daw mag-ambisyon na umahon sa lupa sa pamamagitan ng anak niya saka hindi na pinagsalita, pinalayas na agad sa mansyon at huwag na raw babalik pa.
Ang tingin yata sa lahat ng babae rito ay patay na patay kay Senyorito Presley. Pero totoo rin naman, crush na crush nga ng lahat ng dalagang kasambahay nila ang mga Senyorito, tapos mayaman pa. Exception ako, ang daming kailangang unahin isipin sa buhay, isisingit ko pa ba riyan?
Isa pa, imposible namang magkagusto sa kagaya namin ang mga lalaking ganiyan kayaman at kagwapo. Panigurado ang hanap din ng mga iyan ay ‘yong mga babaeng nasa lebel nila, mayaman, sobrang ganda at may mansyon din bilang bahay. Ang layo ng mga iyon sa kagaya namin.
PAGKAUWI ko sa bahay, gaya ng inasahan ko ay halos batuhin ako ni Nanay ng kaldero namin, kahit ‘yung kasasalang niya pa lang sa kalan namin para sana magluto kung hindi lang siya inawat ni Tatay na kadarating lang galing sa farm ng mga Aragon.
“Eh ano nga ang magagawa ng bata, hindi naman niya ginustong matapunan no’ng Senyorito.” Pagtatanggol sa ‘kin ni Tatay.
“’Tay, hindi na nga ho ako bata.” Pagsingit ko saka lumapit dito para kuhanin ang kamay niya at nagmano.
“Ah oo nga pala, sige pasensya na. Baby face eh.” Biro ni Tatay kaya nagtawanan kaming dalawa. Natigilan lang nang magdabog na naman si Nanay sa kusina.
“Kung nag-ingat ka lang sana! Sayang kaya ‘yan, hinukay ko pa ‘yon doon sa malaking lagayan sa ukay-ukay na puno ng maraming damit ha! Ang ganda-ganda ng bestida na ‘yan, gaga ka talaga.” Sermon ni Nanay pero nakasimangot na parang iiyak na ngayon.
Natatawang lumapit ako sa salamin para tignan ang sarili ko suot ang bestida at kumibit-balikat na lang. “Ano, aawayin ko ‘yung Senyorito para sa bestida na ‘to? Saka hindi naman sa suot nakabase ‘yung mga naroon, kung dugong-maganda ang anak mo, pipiliin ‘yan kahit basahan pa ang suot.” Pagpapalusot ko na lang.
Kahit ang totoo, ang saya ng kaloob-looban ko kanina pa. Hindi ko ma-imagine na mapili ako ng kung sino man roon saka aalukin ng pera kapalit ng relasyon o kasal. Ni hindi mo kilala ang katauhan pero para sa pera?
Totoo naman, mahirap ang buhay ngayon, pero malakas pa naman ako. Kaya pa maghanapbuhay o magsipag sa mga trabaho. Isa pa, paano kung matanda na ang makatapat ko? At wala ng ibang gusto kung hindi ang pagsawaan ako sa malaki at mamahalin niyang kama?
Napangiwi ako at nandidiring napailing saka dire-diretsong nagtungo sa banyo para magpalit na ng damit.
“Siguraduhin mo lang talaga, sasama ako roon, dapat lang na umuwi tayong may jackpot na nabingwit! Alam mo ‘yung anak ni Esther!? Ayon, nakahanap ‘yon! Tignan mo naman, wala na sila rito sa probinsyang ‘to, nandoon na sa States ngayon, panigurado wala ng iniisip na problema ‘yon.” Dinig kong patuloy na pagbubunganga ni Nanay.
“Hindi lang naman pera ang problema ng mga tao sa mundo, Glenda.” Segunda ni Tatay kaya napa-thumbs up ako sa kaniya pagkalabas ng banyo. Nakita ko itong lumapit ng mesa para magkape habang si Nanay naman ay nakapameywang na nilingon si Tatay, nakabusangot na naman.
“Pera!”
“Hindi lang pera. Mayroon diyan sobrang yaman pero malubha ang sakit.”
Sumandal ako sa pader at pinagkrus ang mga braso sa dibdib para panoorin silang magsagutan. Sumagi sa isipan ko si Senyor Philip dahil sa sinabi ni Tatay, may malubhang sakit sa puso ‘yon at hindi na bumubuti ang pakiramdam kahit na saan sila magpagamot base sa tsismis.
Dahil doon ay naalala ko rin si Senyorito Rapahel. Mukhang hindi rin maayos ang relasyon niya sa kaniyang ama.
“Pwedeng problema rin sa relasyon sa pamilya, kaya maswerte na tayo dahil kahit mahirap ang buhay, buo naman tayo. Hindi galit sa isa’t-isa...” bigla kong nasambit.
Pinanlisikan tuloy ako lalo ng mga mata ni Nanay kaya nangiti ako at sumusuko na nag-angat ng mga kamay sa ere.
“Pwes ako galit! Napapagod na ‘ko maging mahirap, gusto mo mamatay nang dukha?” Singhal niya sa ‘kin saka bumaling kay Tatay. “Ikaw, gusto mo!? Kasi ako ayoko ha!”
Napakamot na lang ng ulo si Tatay at nagpatuloy sa pagbabasa ng dyaryo.
Habang si Nanay naman ay patuloy sa pagsesermon. Napatuwid lang ako ng tayo nang makita ang mga kaibigan ko mula sa bintana ng aming bahay, sila Marceline at Teresa, kasunod sa likuran sila Jappa at Isagani.
“Labas lang po ako...” paalam ko saka dire-diretsong nagsuot ng tsinelas at sinalubong ang mga kaibigan ko.
“Angeline!” Nagpapadyak sa saya na salubong sa ‘kin ni Teresa.
“Oh, anong mayroon?”
“Ano pa, excted siya bukas, akala niya may magkakagusto sa kaniya ro’n.” Natatawang pang-aasar ni Isagani.
“Grabe ka, ayaw mo lang yatang may magkagusto kay Teresa kasi gusto mo sa ‘yo lang, ano?” Naniningkit ang mga matang ngumisi si Marceline kaya nagtawanan kami.
“Hay nako, kailangan mo munang patunayan na mapagsi-swimming mo ‘ko sa pera bago kita pansinin.” Nakangusong umirap si Teresa saka umangkla sa braso ko. “Isa pa, walang gusto sa ‘kin ‘yan si Isagani, mortal kaming magkaaway habangbuhay.”
Nagthumbs up si Isagani at tumingin na lang kay Jappa, seryosong-seryoso ang reaksyon.
“Teka nga, kasama ba kayong lahat bukas sa Hermosa Night?” Pagtatanong ko, lalo na kila Jappa at Isagani.
“Hindi na! Baka maalibadbaran lang ako ‘pag nakita ko suot ni Teresa.” Naunang singhal ni Isagani kaya inambaan siya ni Teresa.
“Hindi kami pupunta pero ihahatid ko kayo papunta at susunduin. I-text mo ‘ko, mukhang gagabihin kayo ro’n.” Ani sa akin ni Jappa kaya napangiti ako at nagbibirong tinulak ang balikat nito.
“Sweet naman! Kung pwede nga lang na itakas mo ‘ko ro’n bukas para kumain na lang tayo ng isaw at barbeque sa market magdamag! Si Nanay lang naman ang nagtutulak sa ‘kin do’n.”
“Pwede naman. Sabihan mo lang ako.” Pabirong sambit ni Jappa saka napayuko bigla, naunawaan ko lang kung bakit nang dumaan sa gilid namin si Nanay bitbit ang bayong niya.
“Hoy kayo, ‘wag niyo pupuyatin ang anak ko ha! Kailangan fresh na fresh iyan bukas!” Paalala ni Nanay sa kanila sa masungit na paraan.
“Opo, Aling Glenda...” sabay-sabay nilang sagot sa natatakot na tono, ‘di na sila pinansin ni Nanay saka dire-diretso nang umalis.
Natatawang inilingan ni Marceline si Jappa habang ang huli naman ay nangingiting nagkagat na lamang ng ibabang labi saka napakamot ng ulo sa hiya.
Kaibigan ko na silang apat magmula pa lang noong unang lipat namin dito nila Tatay at Nanay, kumbaga kababata na rin dahil halos sabay-sabay kaming lumaki, nag-aral sa elementary hanggang highschool. Halos lahat sila nakapagtapos ng kolehiyo sa iba’t-ibang kurso, ako lang ang hindi.
Pero kahit ganoon ay pare-pareho pa rin kaming nagtatrabaho sa farm at mansyon ng mga Aragon, gaya ko, may kaniya-kaniyang rason.
Nagtungo kami sa market nang mag-aya kumain sila Jappa at Isagani, habang naglalakad sa daan ay naikuwento ko sa kanila ang nangyari sa bestida ko. Walang ibang ginawa si Marceline at Teresa kung hindi impit na tumili, magtatalon sa kilig at sabihing napakabait daw ni Senyorito Presley.
Totoo naman. Pero ang mga gaga, sinasabing baka chance ko na raw para magpapansin.
“Ayoko nga. Ambisyosa kayo, magkakaroon ba ng amor sa ‘tin ‘yon? Ikaw, kung maghahanap ka na lang ng magugustuhan bakit ‘yung katulong niyo pa.” Ani ko habang nginunguya ang kinakaing isaw.
“Tama! “ Ani Isagani sa malakas na boses kaya napalingon nang may masamang tingin sila Teresa. “Maghanap ka ng pogi rito sa bayan, hindi mayaman pero masipag, may abs! Dami-dami eh!” Dagdag niya pa habang taas-noong nag-ayos ng buhok.
Napabunghalit kami ng pagtawa. “Sige nga, ituro mo kung talagang marami?” Hamon ko.
“Ito!” Turo niya kay Jappa. “Saka ito!” Ang sarili naman ang tinuro. Napailing si Jappa at Teresa habang inasar-asar lang namin siya ni Marceline.
“Basta ako, doon ako sa kilala ko at gusto ko. Minsan ka lang naman iibig at ikakasal, bakit doon pa sa hindi mo naman talaga mahal?” Ani ko.
Nag-angat sa ‘kin ng tingin si Jappa at ngumiti. “Pareho tayo ng paniniwala.”
“Mapapakain ka ba ng pagmamahal lang!?” Ngumiwi si Marceline.
Sasagutin sana siya ni Jappa nang magulat kami sa dumaan na magarang kotse sa aming gilid. May putik sa daan kaya naman nang mapadaan iyon doon ay agad na tumalsik sa mga suot at binti namin!
Kaniya-kaniyang angal ang inusal namin pero itong si Isagani ay sinigawan pa ang driver saka hindi pa nakuntento, ibinato pa ang plastik na hawak, ‘yong may laman na sawsawang suka ng kinakain namin. Lumaglag ‘yon sa mismong salamin ng kotse sa likuran at agad na namilog ang mga mata ko nang tumigil ang kotse.
“Siraulo ka. Bakit mo ‘yon ginawa...” mahinang saway sa kaniya ni Jappa saka siya nito binatukan.
“Sorry, itong stick sana ang ibabato ko.”
Bumaba ang driver ng kotse.