KABANATA 12
“Angeline, iyan na ang chance mo, kaya huwag na huwag mong kakalimutang galingan!"
Natatawang nginiwian ko ang nanay ko dahil sa sinabi niya, nakita ko pang natawa rin sila Marceline at Teresa Marie na naghihintay sa 'kin sa labas ng pinto ng bahay saka suportado ang nanay ko na nagsi tanguan.
"Nako, Tita! Kung alam niyo lang ang status nila ngayon!" Pagsegunda pa ni Teresa Marie.
"Oo, Tita! Bukod sa kinuha siyang assistant, palagi siyang kasama, palagi siyang kakwentuhan at katawanan habang tayo naghihirap sa gilid," pag enumerate ni Marceline sa mga daliri niya kaya naiiling na kinuha ko na lang ang tasa sa mesa para inumin ang kape ko. "there’s more! Sinabihan pa siyang interesado sa kaniya dahil napukaw niya ang atensyon ng Senyorito!"
"Marceline!" Pinandilatan ko siya ng mga mata. "Wala talaga akong maitagong sikreto sa inyo ano."
Binatukan ako ni Nanay kaya halos matapon ang iniinom kong kape sa tasa. "Ano pa ang itatago mo bata ka, kalat na kalat na nga kahit saan ang tsismis na iyan! Ano sa akin mo lang hindi sasabihin? Baka paluin kita ng tambo?"
Totoo ang sinabi ni Nanay, sa apat na araw na lumipas, parang may pakpak at mga paa ang balita dahil nakarating na iyon sa kasuluk-sulukan na parte ng bayan ng Hermosa.
Kaya tuloy kahit naglalakad lang kami sa daan, ’yung mga nakakasalubong namin na kakilala o kapitbahay o ’di naman kaya ay katrabaho sa farm at mansyon—lahat sila nagtatanong kung nililigawan ako ng Senyorito!
Pero ang totoo niyan, kung ako talaga ang tatanungin, hindi ako sigurado sa mga ipinapahiwatig ng Senyorito. Noong una, alam kong nakikisimpatya lang naman kasi ito sa pagiging broken hearted ko...
“Ipagdasal mo ng hindi magkrus ang landas namin niyang Senyorito Raphael na iyan, Angeline."
Nag angat ako ng tingin sa nanay kong bigla na lang tumulala sa ibang direksyon habang nagsasalita saka maya-maya determinado ang ekspresyon ng mukha na nagtapon sa 'kin ng tingin.
"Bakit na naman, 'nay,"
"Aayain ko iyang magpunta rito sa bahay at aminin na sa 'min ng tatay mo ang ginagawang panliligaw sa 'yo!"
Nagkatinginan sila Marceline at Teresa Marie saka kinikilig na nagtawanan.
Mula sa minuto na iyon tuloy hanggang sa pag alis naming tatlo ng mga kaibigan ko roon sa bahay ay pinagpipilit ko si Nanay na huwag gawin ang mga nakakalokang ideya niya. Nakakahiya sa Senyorito iyon panigurado eh!
Nang makarating kami ng mga kaibigan ko sa mansyon ng mga Aragon ay agad na nagbihis kami ng uniporme namin bilang kasambahay, tatlong araw naman kami rito ngayon mula ngayong Huwebes hanggang Sabado.
“Where is Doring." Si Senyora!
Napalingon kaming mga kasambahay na kasalukuyang naglilinis dito sa malaki at enggrandeng sala ng mansyon ng mga Aragon.
"Magandang hapon po, Senyora..." natataranta at agad agad na bati naming lahat saka bahagyang yumuko pa.
"Nandito ako, Mahal kong Senyora. Ano ang maitutulong ko sa ’yo?" Bahagyang nagbibiro na sambit ng matandang mayordoma, si Manang Doring.
Siya ang may pinakamataas na posisyon at namamahala rito sa aming mga kasambahay. Kumbaga kasambahay siya pero siya ang head.
Sopistikadang naglakad ang Senyora patungo sa sofa nila at nagsusumigaw ng class ang mga kilos nang maupo ito roon. Sumunod ang mga alalay niyang nagpapaypay sa kaniya.
Sa tuwing nakikita ko siya, sa totoo lang ay hindi ako makapag-angat ng tingin. Bukod sa halatang halata sa awra niya na ubod siya ng yaman, unang tingin pa lang din ay mahahalata mo ng strikta siyang uri ng babae at matapobre.
Nagpatuloy na lang ako sa pagpupunas ng mga tukador dito sa bandang likuran ng sofa na kinauupuan niya bago pa mahuli na nakatingin at nakikinig sa kanila ni Manang Doring.
"Kumusta na iyong inuutos ko sa ’yo na espesyal na salu-salo para mamayang ala una ng hapon?" Asik ng Senyora.
"Ah! Maayos na ang lahat, tinatapos na lang ang paghahanda ng mga dessert."
"Mabuti kung ganoon. Para iyan sa magiging manugang ko few months from now," narinig kong bumuga ito ng hininga, "frustration ang dala sa 'kin ng mga nangyayari, hindi ko na alam kung bakit hindi si Presley ang ipakasal doon para rin magmana ng mga properties, I’m so pissed with Philip and Raphael!"
Pasimpleng nagkatinginan kami ni Teresa Marie na nakatayo malapit lang din sa kinalalagyan ko.
Magiging manugang?
Sino ang ikakasal ilang buwan na lamang? Si Senyorito Raphael ba at iyong babaeng nagpapakilala na fiancee niya na raw?
Lumipas ang ilang oras at iyon lamang ang pasimpleng pinag-uusapan ng mga kapwa ko kasambahay rito sa mansyon, iyon lang din ang iniisip ko kanina pa.
"Kung ikakasal na pala siya, bakit niya pa sinasabing interesado siya sa 'yo." Asik ni Marceline sa akin habang nasa isang sulok kami ng mansyon.
"Gaga! Doon na papasok iyong sinasabi nilang 'tayo laban sa mundo!'" Humagikhik si Teresa Marie. "Malay mo mas gusto ng Senyorito ang babaeng interesado siya kaysa sa babaeng interesado lang sa kaniya, ang sama pa ng ugali noong Maurice, sino bang magkakagusto doon."
"Tama na, ayan ka na naman sa bunganga mo nasa mansyon tayo." Saway ko. "Magtsismisan na lang tayo sa labas ng mansyon, mamaya pagkatapos ng trabaho at huwag dito. Wala talaga kayong takot ano."
Nagtatawanan at nagtatalo na lumayo na ang dalawa nang maalalang may mga tatrabahuhin pa pala sila sa mga malalaking silid ng Senyor Philip at Senyora Melida Aragon sa itaas na palapag ng mansyon.
Naiwan ako rito kaya nagtungo na rin ako sa mga malalaking bintana ng mansyon dito sa sala at pinunasan ang mga salamin.
"Boo!"
"Ay palaka!" Hawak hawak ang dibdib na napapikit ako ng mga mata saka nagmulat para harapin ang nanggulat sa akin.
Ready na sana akong pagalitan sila Marceline o Teresa Marie dahil sila ang ineexpect ko pero agad akong napaayos at napatuwid ng tayo saka bahagyang yumuko para bumati.
"Kayo po pala, Senyorito! Magandang hapon po." Si Senyorito Presley!
Mabuti at hindi ko pa namura?!
Nakasuot ito ng polo longsleeves niya at itim na pants, magkasing tangkad lang sila ng kapatid niyang si Senyorito Raphael at halos magkamukha ng kaunti pero ang kaibahan lang yata ay maaliwalas at palangiti ang hitsura ni Senyorito Presley, madali mong masasabi na mabait siya, gentleman at approachable na uri ng lalaki.
Samantalang ang isa naman, si Senyorito Raphael, ay hindi palangiti. Palaging madilim ang mga tingin at seryoso lamang. Maiintimidate ka at madaling matatakot kung sakaling tapunan ka nito ng tingin niyang halos manusok sa intensidad.
Nangingiting nameywang si Senyorito Presley at pinag angatan ako ng kilay. "Hinahanap kita noong nakaraan pa tapos nalaman ko kay Manang Doring na part timer ka lang pala rito."
Nag-angat ako ng tingin at nag angat ng mga kilay, nagbigay sa kaniya ng nag aalala at nagtatakang ekspresyon.
"O-Opo. Bakit po, Senyorito, may kailangan po ba kayo?"
"Wala naman! Gusto ko lang magtanong kung kumusta ang Hermosa Night." Nakangiting asik niya.
Saka ko naalala na naroon din pala ito sa Hermosa Night! As usual ay pinagkakaguluhan ng mga babae dahil isa siya sa dalawang Senyorito sa pamilyang Aragon at lumapit din ito noong hinahabol ako noong manyak na lalaki!
Nandoon siya!
"Medyo maayos naman po ang naging gabi ko no'n, salamat sa pagdating ninyo ni Senyorito Raphael." Nahihiyang ngumiti ako. "Nandoon din po kayo noon, hindi ba? Nakahanap din po ba kayo ng..."
Girlfriend? Partner?
Hindi ko na tinuloy ang sasabihin nang maramdamang parang nangiintriga masyado ang tanong ko.
"Huwag niyo na po pala sagutin..." ang tsismosa ko na sa mga Senyorito na ’to, masyado na yata akong nakokomportable dahil sa pakikipag usap sa 'kin ni Senyorito Raphael!
Tumango si Senyorito Presley at bahagyang lumabi bago nakangiting nagsalita muli.
"Hindi naman ako nagpunta roon para maghanap ng babae." Iling niya. "I got curious about the event simula noong nakausap kita, so... did you find someone that night?"
Napaawang ang bibig ko sa naging tanong niya. "Ah w-wala po... hindi rin naman po ako naghahanap ng magiging nobyo roon. Napilit lang ako ng nanay ko." Bahagyang natatawa na sambit ko.
"So... noong hinila ka ni Raphael, it was really nothing?" Pang uusisa niya pa kaya mabilis akong umiling. Sumilay ang malawak niyang ngiti pagtapos noon kaya lumitaw ang pareho nitong dimple sa magkabilang pisngi. "I'm happy to hear that then."
May sasabihin pa sana ito nang lumitaw mula sa kung saan si Manang Doring at tinawag ako. Pareho kami ni Senyorito Presley napalingon sa kaniya kaya nang mapansin niyang si Senyorito ang kaharap at kausap ko ay agad niya ring binati ito ng magandang hapon.
"May inuutos ka ba kay Angeline?" Tanong niya kay Senyorito.
Umiling ang kausap. "Ah, wala naman po, Manang Doring. Nakikipagkwentuhan lang."
Napaangat ang noo ng matanda pagkarinig noon saka sinulyapan ako ng tingin, naghihinala siguro kung anong pinag uusapan namin at bakit makikipagkwentuhan na lamang bigla sa kasambahay nila ang Senyorito.
Ako rin, Manang, nagtataka rin ako.
"Kung ganoon hihiramin ko muna itong si Angeline... medyo kinukulang ng tutulong sa kitchen at dining area." Biglang natauhan si Manang Doring at hinawakan sa braso ang Senyorito. "Sumama ka na rin pala, Senyorito! Hinahanap ka kanina pa ng Senyora! Kararating mo lang ba?"
Tipid na tumango si Senyorito Presley. "Yes, pero iyong lunch ngayon sa dining area, is it a lunch meeting with Maurice' family?"
"Oo! Naroon na rin ang kapatid mo, sumabay ka na."
Napakurap ako. Si Senyorito Raphael at Maurice.
Tama nga, silang dalawa iyon, nakumpirma ko nang magtungo kami ni Manang Doring sa kitchen habang sa dining area naman nagdiretso si Senyorito Presley para sumalo sa harap ng hapag.
Pasimpleng sumilip ako mula sa kusina at nakitang seryoso muli si Senyorito Raphael habang ngiting-ngiti naman ang mga matatanda sa tabi ni Maurice, siguro ay mga magulang niya, at si Senyora Melida na tila nakikipagusap doon.
"Ikaw, Angeline, umamin ka nga. Anong sinasabi mo sa Senyorito? Bakit makikipag usap iyon sa 'yo bigla kanina?" Biglang asik sa akin ni Manang Doring.
"Wala naman ho, Manang. Nagtanong lang naman ho siya tungkol sa Hermosa Night, nagkita ho kasi kami roon, namukhaan po yata ako..." sagot ko.
Pinanliitan ako ng mga mata ni Manang Doring, tila may gustong sabihin pero hindi na itinuloy nang maalala ang iba pang kasama namin dito sa kusina na abalang abala at halos mataranta na tapusin ang ilan pa sa mga ihahandang pagkain.
"Nako! Bilisan mo riyan sa vanilla, Letlet! Kanina pa iyan pinapatapos ng Senyora at palalamigi pa iyan!" Dinig kong aniya kaya mas pinag igihan ko ang ginagawa rito sa sink.
"Manang, natapon ho iyong ingredients... kukuha po sana ako nang bago kaso naubusan na po pala tayo ng stock." Ani pa ng isa sa amin dito. Nakita kong natampal ni Manang Doring ang sariling noo dahil doon.
"Palpak, iha! Paborito pa naman ng Senyorita iyan!" Singhal ni Manang Doring. "Oh ito na muna ang paunang ilabas natin na dessert sa hapag."
Nagulat ako nang malakas na tapikin ako ng natatarantang si Manang Doring, pagkaharap ko ay agad agad nitong ibinungad sa akin ang isang malaking plato na puno ng dessert.
"Ikaw na lang, Angeline! Ikaw na magdala nito sa hapag pero linisan mo muna ang pagkukuhanan mo bago ka umalis doon, bilisan mo." Aniya kaya nanlaki ang mga mata ko. Natataranta at kinakabahang aabutin ko sana ang platong hawak niya nang ilayo niya iyon ulit.
"Mag ayos ka nga muna ng buhok mo, bakit nakapusod ka na ng ipit pero parang buhaghag pa rin iyan. Diyos ko naman, Angeline, kailan ba ang birthday mo at pag iipunan ko ang regalo ko sa 'yong pulbo at rebond!" Naiirita at sarkastikong singhal ng matanda kaya napakamot ako ng sentido.
Nag ayos ako ng buhok at nagtanggal ng apron saka niya nakasimangot na iniabot ang plato.
Abot-abot ang kaba ko habang naglalakad patungo sa dining area, diretso lang ang tingin sa mesa kung saan ko dapat ilalagay ang plato pagkalapit.
Pagkalabas mula sa kusina ay nagpatuloy lang naman sila sa pag-uusap, pasimpleng sumulyap ako sa Senyorito na nakaupo sa harapan ng kinapupuwestuhan ko at nakitang nakatitig din ito sa 'kin.
Halos manginig ang mga kamay ko nang ma-realize na pinanonood nito ang kilos ko.
Pinanliitan niya ako ng mga mata saka nag-angat ng sulok ng mga labi kaya natatarantang nag-iwas ako ng tingin bago pa mahuli ng Senyora Melida.
"I’m so excited to plan everything out, Tita Melida! Gusto ko rin po kayong makasama... lalo na si Raphael." Masayang sambit ni Maurice, magandang-maganda ito sa ayos at suot niya at panay ang sulyap sa Senyorito na abala pa rin sa pagkain. "Hindi na ako makapaghintay na makasama si Raphael sa lahat ng bagay."
"You two for sure would make a cute and perfect couple, anak!" Segunda ng magulang ni Maurice.
Napakurap ako at muntik pang masagi ang baso, mabuti na lamang at mabilis si Sneyorito Raphael at nahawakan iyon mabuti. Nag-angat siya ng tingin sa 'kin mula sa peripheral view ko pero hindi na ako nagtangka pang tumingin.
"Go ahead, iha. Pwedeng mag-umpisa na kayo mamaya, after we finish this lunch meeting." Seryosong saad ng Senyora. "Nariyan na rin naman ang dessert, may susunod pa riyan, sinisiguro ko sa inyong uuwi kayong satisfied mula sa mansyon ko." Tila nagmamataas ang tono na aniya.
"I don’t think I'd be able to accompany you later, Maurice. May mahalaga akong pupuntahan." Pagsingit ni Senyorito Raphael sa baritono nitong boses.
"What? Saan?" Asik ng Senyora.
"Business. Iyong inuutos ni Philip." Sagot ni Sneyorito Raphael na ang tinutukoy ay ang ama, si Senyorito Philip.
"Unahin mo na ’to dahil gusto ’to ng Papa mo na matapos bago tuluyang lumala ang karamdaman niya." Ani Senyora.
Narinig kong mahinang natawa nang sarkastiko ang Senyorito saka nilingon ang kapatid na tahimik lang sa gilid, tila walang interes sa mga nangyayari at napipilitang sumali lang doon.
"May mga bagay akong dapat unahin, hindi ko naman pwedeng iasa kung kanino lang kahit kay Presley, you know the reason, right?" Nanguuyam na sambit ni Senyorito Raphael. "Dahil sa 'kin iniiwan ni Philip ang lahat ng major business. So you might consider rescheduling that plan o huwag mo na lang akong isama, I won’t mind."
Bahagya akong nagyuko ng ulo nang matapos sa paglalagay ng plato sa mesa at malinisan ang pinagkuhanan saka tumalikod na para maglakad paalis doon.
Ikakasal na pala talaga siya. Bakit pa siya nagpapahiwatig ng interes sa 'kin nitong mga nakaraang araw.
Normal lang ba iyon na gawain niya sa mga babae mula pa roon sa Maynila? Pero tama lang na hindi ko masyadong siniseryoso 'di gaya ng utos nila Nanay, Marceline at Teresa Marie... ang layo naman talaga kasi sa realidad na magkagusto ito sa 'kin.
Gusto ko tuloy matawa, mabuti na lang at hindi ako masyadong umasa na humahaba na ang buhok ko. Medyo lang.
Kahit malalim ang iniisip ay nakahinga lang ako nang maluwag noong nakaalis na ako sa dining area at nakarating sa kitchen pero nakaka-ilang segundo pa lang nang magbukas muli ang pinto ng kusina.
Sabay-sabay na napatingin ang lahat doon maliban sa akin na nagsusuot ng apron.
"Oh, Raphael. Anong kailangan ng mahal kong alaga?" Ani Manang Doring.
Natigilan ako.
"Si Angeline."
Namilog ang mga mata ko at agad na lumingon sa gawi niya. Nakita ko itong nakahawak at nakatukod ang magkabilang kamay at braso sa hamba ng pintuan.
Bukas ang unang dalawang butones ng puting longsleeves na naka-tuck in sa nakasinturon nitong itim na pantalon.
Ang gwapo. Pero ikakasal na nga pala.
"Si Angeline?" Nagtatakang asik ni Manang Doring.
"Hihiramin ko muna si Angeline, aalis ako kailangan ko ng kasama," nag-angat ito ng noo at bumaling sa 'kin. "Come with me."