BUONG pagkatao ni Lucas ang nayanig dahil sa pagsapak sa kanya ng babaeng nasa harapan niya ngayon.
Dahil sa sakit, nanggigigil niyang hinawakan ang dalawang plastic bag na nasa magkabila niyang kamay habang tiim-bagang na ikinakalma ang sarili. Hindi niya nilubayan ng tingin ang babaeng nasa harapan niya.
Hindi niya inaasahan na sa liit noon ay may naitatago itong kakaibang lakas na posibleng makapagpatumba ng isang lalaki—pero hindi siya.
Katulad ni Chesca ay kulay purple ang kulay ng buhok nito ngunit mahaba iyon at kulot ang dulo. Bilugan ang mga mata at may manipis na labi.
Ilang segundo lang ang pagsusuri niya sa kabuuan ng babae ngunit sa isipan niya ay tila isang oras niya na itong minumura dahil sa pagpapahiya nito sa kanya sa harap ng maraming tao.
"Ano ba 'yan? Ke aga-aga, may LQ na kaagad sa gitna pa ng kalsada," reklamo ng isang matandang babae na nasa mid-50s nang dumaan ito sa harapan niya.
Pagkatapos noon ay kumaripas na ito nang takbo paalis sa kanyang harapan habang siya ay tila isang tuod na naroon lang sa gitna at dinadaan-daanan ng mga taong mayroong mga mapanghusgang tingin.
Nakita ni Layne ang pangyayaring 'yon na kalalabas lang ng bookstore. Iniwan niya ang amo sa sasakyan nito dahil sasaglitin niyang bilhin ang mga sticker paper na gagamitin sa promotional sale ng Kim Sarang's. Hindi niya naman alam na lumabas pala ito.
"s**t! Ano'ng nangyari?" Kitang-kita niya sa pwesto niya ang pagtagilid ng mukha ni Lucas. Kinakabahan siya sa maaaring sapitin ng babae kung sakali mang magkita sila nitong muli dahil ayaw na ayaw ng lalaki na hinahawakan ng iba ang mukha nito.
Nagmamadali niyang nilapitan ang amo nang makita ang matuling pagtakbo ng babae paalis. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa ngunit ang nagpalaki ng mga mata niya ay ang napakalaking bilog na pasang nasa cheekbone nito banda.
"M-Mr. Kim..."
"Nakita mo ba kung ano 'yong nangyari, Layne?" seryosong tanong sa kanya nito habang nakapako ang tingin sa babaeng sumakay na ng tricycle.
Blanko ang mukha nito at alam na alam niya kung saan patungo ang mukhang iyon.
"O-opo pero..."
"Nakita mo ba 'yong mukha noong babaeng 'yon?" Halos lumabas na ang mga ugat niya sa sintido ngunit seryoso pa rin ang mukha nito.
"O-opo."
"Good. Keep her features in your mind."
"Pero bakit?"
"Dahil hindi ko palalampasin 'tong ginawa niya sa akin." Naunang naglakad si Lucas patungo sa kanyang kulay itim na Rolls-Roys Sweptail. Ang kotseng iyon ng lalaki ay nagkakahalaga ng $13 million kaya agad naalarma si Layne nang iwanan ito ng amo na naka-hazard sa tabing kalsada.
"Bakit kayo lumabas ng kotse? Dapat hinintay ninyo na muna ako bago kayo lumabas," ani Layne habang papasok sa kotse.
"I was craving for Japchae. Lumabas lang ako saglit kasi naalala kong dito kami kumakain ni Asher ng korean cuisine noon. Hinanap ko lang naman sa malapit," paliwanag ng lalaki.
"Mr. Kim, I just want to remind you na hindi lang isang milyon ang bili mo sa kotse na 'to."
"Calm down. Kapag nanakaw ng isang hangal ang kotseng 'to, siguraduhin niyang hindi ko siya makikita kahit na saang kasuluk-sulukan ng mundo dahil kaya kong suyurin kahit na napakaliit na eskinita makita ko lang siya."
"Teka, ano bang nangyari sa inyo? Bakit bigla kayong sinuntok noong babae?"
"Mukha ba akong gagawa ng katarantaduhan sa ganito kaaga? Ni hindi ko nga alam kung bakit niya ako sinapak, eh. I was looking for that place. Pabalik na ako noong bigla niya na lang—boom!
"Ang malala pa, akala noong mga taong dumadaan, eh, jowa ako noon! Akala nila niloko ko 'yong bansot na 'yon kaya ako sinuntok! That damn woman! Makita ko lang siya sa cafe ko, hindi ko siya pagbibilhan ng kahit anong nasa menu! Sana hindi masarap ang ulam niya every morning, afternoon, and evening!" galit na galit na sabi nito habang nagsusuot ng seatbelt.
"My God! Hindi na nga ako nagka-girlfriend, ganito pa ang igaganti sa akin ng langit. Nabura ko ba ang isang bansa noong past life ko at ganito ako kamalas ngayon?"
Kahit pa humanap si Layne ng mga salitang magpapagaan ng loob ni Lucas, that will not gonna work. Sa natamo nitong nagkukulay ube ng pasa, hinihiling niya lang na hindi na muling magkita ang dalawa dahil matitikman niya ang bangis ng nagging skills ni Lucas.
Alam 'yon ni Layne—hindi lang siya kundi sina Lorice at Wilkins. Kapag naaagrabyado sila ng mga mapansamantalang customers ay nagmimistulang machine gun ang bunganga ni Lucas sa customer na 'yon.
Baka kasi babae siya sa past life niya... Napailing ang lalaki.
Napansin nilang sa magpipinsang Montelumiere, si Lucas ang pinakamaingay at may mood swings na tila ba babaeng may period. Hindi niya alam kung bakit ganito ang ugali ng boss niya pero dahil ilang taon na rin siyang nagtatrabaho bilang taga-timpla ng milktea sa cafe nito, nasanay na lang siya.
Okay namang amo si Lucas para sa kanya at para sa lahat ng empleyado nito. Galante kung magpasahod at minsan nga'y nakakasama pa nila sa pag-inom pero seryoso pagdating sa business.
Buhay na nito ang Kim Sarang's Cafe. Sabay-sabay silang tatlo na na-hire bilang mga empleyado ng lalaki kaya mula noong nabuksan ang cafe ay kasama na nila si Lucas. Kumbaga, sila ang pioneer.
Hindi maipinta ang mukha ng lalaki habang nagmamaneho tungo sa cafe. Gusto lang naman niyang kumain ng japchae.
"This is getting into my nerves! Kabibigay lang ni eomma sa akin ng nga facial products galing Jeju Island tapos hindi naman pala nakaka-protect ng balat kapag nasapak ka ng isang bansot na babae," sabi pa nito bago lumabas ng kotse.
Hindi alam ni Layne kung mapapailing ba siya o matatawa sa huling sinabi nito pero mabuti nang manahimik na lamang siya dahil baka pati siya ay ipanalanging hindi maging masarap ang ulam sa loob ng isang taon.
Pagpasok nila sa loob ng cafe ay nakita nila si Brandon na nasa counter.
"Good morning," bati nito.
"Walang maganda sa umaga," seryosong sabi ng lalaki sabay lapag ng mga plastic bags sa counter. Agad iyong kinuha ni Wilkins habang si Lorice naman ay napasinghap nang mapansin ang kakaibang marka sa kanyang mukha.
"M-Mr. Kim, napaaway kayo ngayong umaga? Yelo po, gusto ninyo?"
"Patingin nga!" Marahas siyang pinaharap ni Brandon at nakita ang pasa niya.
"Si Mariz ba ang may gawa niyan? Pumunta ba siya rito?" sunod-sunod na sabi ni Brandon.
Hinawakan ni Lucas ang kamay ng lalaki at tinanggal ito sa pagkakahawak sa kanyang braso.
"Hindi siya ang may gawa nito," padabog na sabi niya pagkatapos ay sumimangot.
"Sana nga siya na lang ang gumawa nito para may rason akong sugurin siya kung saan man siya nagtatago ngayon."
"Nababaliw ka na." Napailing pa si Brandon. "Ano ba talagang nangyari sa 'yo? Ke aga-aga napaaway ka."
"Hindi nga ako napaaway!" nakukulitang sabi niya habang hinihintay nina Lorice at Wilkins ang magiging kwento nito. Si Layne naman ay iniwan sila at nagpunas muna ng mga mesa.
"Eh, ano nga?" pangungulit din ni Brandon.
"Nasuntok ako ng babae."
Tiningnan siya ng tatlo at tila ba sinusuri kung ibabagsak niya na ang salitang "joke" pero hindi iyon namutawi sa bibig ng lalaki.
"Totoo?"
"Mukha ba akong nagsisinungaling sa 'yo, Brandon?"
"Hindi. Akala ko nagbibiro ka lang."
"Hindi nga ako nagbibiro. Kausapin n'yo na nga lang si Layne. Isinusumpa ko ang bansot na 'yon. Ipapasara ko ang cafe ko kapag nagkita kaming dalawa!" galit na galit na sabi nito at saka naupo sa isa sa mga upuang bakante.
Nilapitan siya ni Brandon.
"Ano'ng ginawa mo pagkatapos?" pakikichismis pa nito.
"Tiningnan ko lang siya."
"Eh, gago ka pala, eh. Pasumpa-sumpa ka pa riyan, akala ko naman nakipag-argumento ka roon sa babae, hindi naman pala."
"Paano ko gagawin 'yon, sige nga. Nananahimik akong naglalakad tapos bigla na lang may susuntok sa 'yong babae na nasa harapan mo lang at naglalakad rin? Hindi malayong baka may sapak 'yong babae na 'yon, eh."
"Ewan ko sa 'yo. Bahala ka na riyan. At some point, may kasalanan ka kasi nagmamaktol ka riyan pero 'di mo naman kinausap."
Inilapag ni Lorice sa harapan nila ang dalawang malalamig na frappe. "Oh, pampalamig ng ulo."
"Oo nga pala, kumusta ang parents mo? Hindi ba sila naghihinala sa pinagagagawa natin?"
"Si eomma nakakahalata na pero wala akong binanggit na kahit ako tungkol doon. Ang sinabi ko lang, tinutulungan ko lang si Asher sa problema niya. Buti na lang, hindi na siya nagtanong pa."
"That's good to know. Huwag mo nang idagdag ang mga magulang mo sa gulong 'yon. Mabuti na 'yong tayo-tayo na lang."
Tumango si Lucas. "Alam mo, kapag natapos talaga ang lahat ng ito, magbabakasyon talaga kami ni Janus sa Seoul. Ang sakit sa ulo ng problema niyang 'to."
"Wala naman tayong ibang magagawa kundi ang tulungan siya sa ganitong sitwasyon."
"Yeah. Naiintindihan ko naman. Hindi ko lang maiwasang malungkot. Dati puro business lang ang pinag-uusapan namin tapos ngayon—"
"Oh my God!" Napatingin sila kay Lorice na nasa counter. Napasinghap pa 'to sa gulat at napatakip ng bibig habang hawak ang cellphone.
"Lorice, bakit?" takang tanong ni Lucas na agad nagsalubong ang kilay.
"Trending ka, Mr. Kim..."
Proud na ngumiti si Lucas. "Of course! Paanong hindi tayo nagte-trending eh, napakarami nating bagong flavors. Plus, may promo pa tayo ngayong araw," sabi pa nito.
"Hindi." Nagmamadali itong lumapit sa kanya at ipinakita ang pinapanood sa cellphone. Agad nilang pinanood ang video...ng nangyari kanina lang.
May kumuha ng video ng pagsapak sa kanya ng babae kanina. Kalahating milyong views na agad ang video na iyon kahit na wala pang dalawang oras na naka-post sa YT.
"What the f**k is this?"
Tiningan niya ang comment section ng video na 'yon. Napakaraming naghaka-haka na girlfriend niya nga ang babaeng 'yon. Ang iba'y galit na galit sa kanya at inakusahan pa siyang babaero.
"Anak ng tokwa! Isa-isahin mo 'yang mga litrato ng mga taong nagsabi na manloloko ako at babaero. Hindi talaga sila makakapasok sa cafe ko!" Kinuha niya ang cellphone at nag-dial.
"Sino'ng tatawagan mo?" takang tanong ni Brandon habang pinapanood ang video niya sa cellphone nito.
"Si Landon. Ipapabura ko sa kanya 'tong video na 'to!"
Hindi makapaniwala si Brandon na totoo nga ang sinabi ng lalaki kanina na wala itong ginawa matapos itong suntukin.
"Mukhang dating boxer yata ang babaeng 'to noong past life niya. Saktong-sakto sa mukha mo 'yong pagkakatama, eh," natatawang sabi nito habang inuulit-ulit ang video na 'yon.
"Tigilan mo na 'yan! Hindi ka nakakatulong."
Narinig nilang dalawa ang pagtunog ng windchime kaya napalingon sila sa pinto ng cafe.
Si Six 'yon. Nagkatinginan silang dalawa.
"Sa palagay mo, nakarating na sa kanya ang balitang 'to?" pabulong na tanong ni Lucas.
"Hindi naman siguro. Baka bibili lang 'yan pero get yourself ready."
"Sinuntok ka ng babae pero 'di mo man lang hinabol?" Halos mailabas ni Lucas ang kahibigop niya na lang na chocolate chip frappe sa ilong dahil sa biglaang pagsasalita ng tiyuhin.
"P-paano mo nalaman?"
Kinuha nito ang cellphone at p-in-lay mismo sa harap nilang dalawa in full volume ang video na pinapanood rin nila kanina.
Napahilot sa sintido ang lalaki. Kasisimula pa lamang ng araw niya ngunit puno na ng kunsumisyon ang isipan niya.
"Landon, sumagot ka!" sigaw pa niya sa cellphone habang nag-ri-ring ito.
"Hindi ka matutulungan ni Landon dahil may pinapagawa ako sa kanya regarding Asher's case. Clean up your own mess, Lucas. Nakipagrelasyon ka sa isang sadistang babae tapos—"
"She.is.not.my.girlfriend!" May diin ang pagbanggit niya sa kada salita.
Napa-ekis si Six ng mga braso habang nakatingin sa kanya.
"Nahipuan mo siya, ano?"
Huminga nang malalim si Lucas habang nakapikit.
"Alam mo, gusto ko nang kalimutang tito kita para mamura kita kahit isang beses lang. 'Tong mukhang ito?" Itinuro niya pa ang mukha niya. "Mukha ba 'tong manyak?"
Napakibit-balikat si Six saka nagpunta sa counter at um-order ng iinumin niya.
"Ayusin mo 'yang problema mo. Kapag namukhaan ka pa ng mga taong nakilala ka riyan sa video, baka hindi na dagsain 'tong negosyo mo. Ikaw rin." Kinuha nito ang paper cup na naka-sealed at muling lumapit kay Lucas.
"Bakit ba napakasungit mo sa akin? Hindi mo ba ako pwedeng tulungan...just this once?" Nagpaganda pa ng mga mata si Lucas with paawa effect.
"Sorry, Luke, but no. Kahit kanino ay hindi eepekto 'yang pagmamakaawa mo. Let's go, Brandon. I need to talk to you."
Tumayo ang assistant ni Ashe at tinapik si Lucas sa balikat.
"Okay lang 'yan, Lucas. May mga pagkakataon talagang dadaan tayo sa mga ganyang kalbaryo ng buhay. Kung ako sa 'yo, magsara ka na muna hanggang hindi pa nabubura 'yang video na 'yan sa YT." Pagtalikod ni Brandon ay pasimple siyang ngumiti at napailing.
"Paano ninyo nagagawa sa akin 'to?!" sigaw niya habang naglalakad patungo sa pinto ang dalawa. "Ma-flat-an sana kayo ng gulong!"
Padabog siyang napaupo at napatingin sa naka-pause na video.
Siguraduhin mo lang na hindi na magkikita ang landas nating dalawa dahil gagantihan talaga kita nang malala sa ginawa mo sa akin!