"BERNA, paki-check mo nga itong ginagawa ko kung tama. Hindi ako sure sa figures eh." Iniabot ni Roxanne kay Bernadette ang dalang folder at binuklat naman niya ang loob niyon.
"Give me fifteen minutes at titingnan ko ito, okay. I just need to finish this report," aniya na sinulyapan ang kaharap na computer.
"Take your time. Sa pagkakaalam ko naman ay hindi papasok si Mr. Gomez ngayon dahil dumating daw ang anak galing Canada."
Matapos marahang tumango sa narinig ay mabilis na niyang ibinalik ang atensiyon sa ginagawa. Nasa aktong isi-save na niya ang trabaho nang tumunog ang teleponong nasa kanyang tabi. Agad niyang dinampot iyon at saka sinagot.
"Hello...o, napatawag ka, Emily?"
Si Emily ang kapitbahay at kaibigan niyang napagkakatiwalaan niya ng kanyang anak. Kahit sabihin pa kasing kadugo niya ang mga kapisang kamag-anak ay nararamdaman niyang walang amor ang mga iyon sa kanilang mag-ina. Tila ba napipilitan pa nga ang mga ito sa pagpapatuloy sa kanila sa kabila nang pagtuwang niya sa mga gastusin sa bahay.
"Ano 'kamo? Nasaan kayo ngayon?!" naiiyak niyang tanong. Mabilis niyang nahablot ang isang braso ni Roxanne na parang doon niya ibig humugot ng lakas ng loob. Ilang saglit pa ay ibinaba na niya ang telepono at saka hinagilap ang kanyang bag.
"Bern, ano'ng nangyari?" usisa ni Roxanne.
"Roxanne, ang anak ko! Ang anak ko!"
"Bern, take it easy, okay. What happened?" tanong nito sabay hawak sa mga braso niya. Siya naman ay tila kandilang nauupos na napaupong muli sa swivel chair.
"Ang anak ko...naglalaro lang daw kanina nang biglang bumagsak sa lupa. Ang anak ko, Roxanne! Naulit na naman ang nangyari sa kanya noon!"
Napahawak sa sariling dibdib si Roxanne. Alam nito ang nangyari kay Andrew noong dalawang taon pa lang ito. Habang naglalaro ang bata ay bigla itong natumba sa semento na naging sanhi ng pagkabagok ng ulo nito. Mabuti na lamang at negative ang resulta ng CT scan ng bata. Kaya lamang ay isang masakit na balita ang kanyang natanggap buhat sa doctor na tumingin dito. May sakit daw sa puso ang kanyang anak at kailangang maoperahan.
"Bern, lakasan mo ang loob mo. Kailangan ka ng anak mo kaya maging matatag ka."
Napailing siya nang makailang ulit. "Madaling sabihin iyan pero napakahirap gawin. Natatakot ako, Roxanne..."
Marahang hinaplos ni Roxanne ang likod niya. Mayamaya ay napatayo siya. "Kailangan ko nang umalis. Pupuntahan ko ang anak ko sa ospital."
"S-sige. Ako na ang bahala dito," sagot ni Roxanne. Nagmamadaling tinungo na niya ang pinto palabas ng gusali.
Hindi kalayuan sa kanyang pinapasukan ang ospital na pinagdalan ni Emily kay Andrew. Hindi nagtagal at narating niya iyon. Agad siyang nanlumo nang marinig ang balitang hatid ng doctor. Ayon dito ay may tetralogy of fallot si Andrew at kailangan na nitong magpaopera sa lalong madaling panahon. Agad na nginatngat ng takot ang puso niya. Una, bata pa ang kanyang anak para sa ganitong klaseng operasyon. Paano kung hindi kayanin ng murang katawan nito ang mga pagdaraanang proseso? Bukod doon, malaking problema din nila ang pera para sa pagpapaopera nito.
"Paano na iyan, Ate? Saan ka kukuha ng pera para ipaopera ang bata?" tanong ni Emily sa kanya. Tulad niya ay bakas din sa anyo nito ang pag-aalala.
"Hindi ko pa alam sa ngayon Emily, pero kailangan kong gumawa ng paraan. Gagawin ko ang lahat para magamot ang anak ko."
Tumango-tango si Emily na tila nakikisimpatya. Malaking tulong iyon para lumakas ang loob niya. Pilit niyang pinagana ang isip sa posibleng mga paraan na puwede niyang gawin para makalikom ng sapat na halaga para sa operasyon ni Andrew. Ang problema, halos nanakit na ang ulo niya ay wala pa rin siyang positibong solusyon sa problema nilang mag-ina. Kaninong kamay ng mabuting tao siya kukuha ng pera sa ganitong panahon ng krisis?
"FRIEND, maraming paraan para diyan. Mag-loan ka."
Napasulyap si Bernadette sa kaibigang si Roxanne. Pagpasok pa lang niya kinabukasan ng opisina ay agad na siyang kinumusta ng kaibigan tungkol kay Andrew at inilahad naman niya dito ang nangyari.
"Loan? Alam mo namang wala na akong iko-colateral eh. Kahit mumurahing alahas ko ay naremata na ng mga sanglaan. Saan naman ako maglo-loan?"
Mabilis na umikot si Roxanne sa sariling mesa at saka kinuha mula roon ang ilang piraso ng flyers. "Ayan, ang sabi diyan ay makukuha mo rin ang pera within the day. May isa pa diyan na two days naman ang processing fee pero mababa ang interest. Ang isa naman ay—"
"Roxanne, kailangan nila ng payslip lahat at alam mo ang laman ng payslip ko," nanghihina niyang sabi. Tila natigilan din si Roxanne nang marinig ang sinabi niya. Halos pambili na lang ng gatas at vitamins ni Andrew ang kinikita niya sa dami ng mga advances at loan niya sa mismong kompanya.
"Eh...ano'ng gagawin natin? Kung manghold-up na lang kaya tayo ng bangko?"
Napailing siya sa sinabi nito. "Puro ka talaga biro kahit kailan, Roxanne. I'm serious just in case you don't notice it."
"Joke lang, ito naman! Gusto ko lang na magluwag ang kalooban mo. Mahirap mag-isip kung mabigat ang dibdib, my friend."
"Salamat. Siguro, kahit anong pagkakakitaan ay tatanggapin ko ngayon para lang makalikom ako ng sapat na pera para kay Andrew."
"Kahit ano? Are you sure, Berna?"
Sinulyapan niya ang kaibigan at noon lang niya napansin ang pamimilog ng mga mata nito. "Oo. Tama ang narinig mo. Lahat."
"As in? Kung kailangan kang magpakababa para kumita, gagawin mo?"
"Ano ka ba? Oo nga sabi eh!"
"Kung kailangan mong lumayo sa anak mo nang saglit para magtrabaho kapalit ng malaking pera, gagawin mo din?"
Naiinis na pinukol niya ng tingin si Roxanne. "Oo pa rin."
"Kung...kung kailangan mong..."
"Kung kailangan kong ano?"
"Kung kailangan mong magpaanak sa lalaking hindi mo kilala para lang kumita ng pampaopera ni Andrew, makakaya mo rin ba?"
Para siyang sinampal sa narinig. Siya, magpapaanak sa lalaking hindi niya kilala? Kaya ba niyang gawin iyon?
"Ikaw Roxanne, puro ka talaga kalokohan eh!" Akmang tatalikuran na niya ito nang muli itong magsalita.
"I'm serious, Bern. Totoong may mga gumagawa ng ganoon."
"Alam ko pero hindi naman siguro kailangang umabot sa ganyan, hindi ba?"
Nagkibit ng balikat si Roxanne. "Akala ko kasi, lahat ay gagawin mo eh."
"Lahat lang ng posible, okay."
"Bern, nabanggit ko iyon dahil may kilala akong gumagawa ng ganoon. Ibig sabihin, posible rin iyon."
Nagulat siya sa inilahad nito. Hindi niya inaasahang makakarinig ng ganoong klaseng kuwento sa buong buhay niya. Ang akala niya kasi ay sa TV lang posible ang mga ganoon.
"Tama ang lahat ng narinig mo. Ngayon, nasa iyo na lang kung papatol ka sa ganoong klaseng trabaho. Kung ako ang tatanungin mo ay hindi ako sang-ayon doon pero iniiwan ko pa rin sa iyo ang huling desisyon."
Natulala siya sa narinig. Nakakalula ang halagang sinabi ni Roxanne pero higit na nakakalula ang kapalit ng bagay na iyon. Hindi rin niya alam kung kakayanin iyon ng loob niya.