“Sino ‘yan?”
Ulit niya at narinig ko ang mga footsteps niyang papalapit kung nasaan ako nagtatago. Mas lalong kong idiniin ang mga palad ko sa aking bibig sa takot na makagawa ng panibagong ingay.
“Toby, hindi ka pa ba magpa-practice? Kanina ka pa hinahanap ni Coach,” narinig kong biglang sabi ng isang lalake.
“Lalabas na!” sigaw naman ni Toby sa kanya. Narinig ko ang pagtakbo niya palabas hanggang sa tumahimik na ang buong silid. Siguro wala ng tao sa shower, ano? Pwede na ako lumabas? Hindi ko kabisado ang exit door dito pero ang alam ko kung saan ka papasok ay doon ka rin lalabas.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng cubicle at nang makalabas ay dahan-dahan din ang aking paglakad upang hindi nga makagawa ng ingay. Napatingin ako sa locker at napangiti ako nang nakalagay nga sa tamang locker ni Kenneth ang letter ko. At least naibsan ang pangamba sa dibdib ko.
Napahinto ako sa paglalakad nang magtama ang mga mata naming dalawa ni Toby. Nakaabang lang pala siya sa isang corner habang nakasandal sa dingding nito! Nanlaki ang mga mata naming dalawa. Pareho kaming nagulat, pero ramdam kong mas malalim ang pagkabigla niya. Wala pa rin siyang saplot sa itaas at ang kanyang jersey shirt ay nakalagay lang sa kanyang balikat.
“A-anong…anong…” Pautal utal niyang sabi hindi malaman kung anong sasabihin. Tumindi ang t***k ng puso ko sa kaba lalo, pero nang maalala ang pinag-uusapan nila ng nurse ay napagtanto ko kaya siya kinakabahan ay dahil malamang narinig ko ang usapan nila.
“Bakit ka nandito?!” tanong ko sa kanya pabalik at napatingin sa kanang dibdib na wala ngayong saplot. “Bastos!” ani ko at agad na tinakpan ang aking mga mata.
“Anong bastos? Ikaw nga ‘tong pumapasok dito!” aniya.
“Toby!” sigaw ng kanyang teammate mula sa labas.
Mas lalo siyang nataranta kaya hinila niya ako pabalik sa cubicle kung saan ako nanggaling kanina. Dalawa na kami ngayon sa loob.
“Pakisabi kay Coach matatagalan ng kaunti!” nakaharap siya sa akin nang sinigaw niya iyon. Dahil mas matangkad siya sa akin ay umangat ang paningin ko sa kanya at binaba ng kaunti ang kamay kong nakatakip sa aking mga mata.
Narinig namin pareho ang paglabas ng teammate niya. Lalabas na sana ako dahil pakiramdam ko ma so-suffocate ako sa sobrang lapit naming dalawa, pero hinawakan niya ang braso ko at idiniin sa dingding. Ang kanyang isang braso ay ikinulong ako upang masigurong hindi ako makakaalis.
“Hanggang saan ang narinig mo?” tanong niya sa akin sa mahinang boses.
“Narinig ang alin?” pagmamaang maangan ko. Dumilim ang kanyang paningin. Alam niyang may narinig akong usapan. “Wala akong narinig!” pagsisinungaling ko.
Kailangan ko ng makaalis dito at baka maabutan ako ni Kenneth tapos malalaman niyang sa akin nanggaling ang red letter. Ako si Flora Bennett na ilang beses niyang binlock sa f*******:. Hindi niya pwedeng malaman to!
“Kung ganon bakit ka nandito? Hindi ka naman mukhang na suspend para maglinis dito ah?” tanong niya at hinanap kung mayroon akong dalawang walis o ano mang pang-linis. “Nagnanakaw ka ba?” pang aakusa niya.
“Ano? Ano naman ang nanakawin ko?” tanong ko. Hindi makapaniwala.
“Brief ng mga players. Ibebenta mo sa fangirls nila.” Lalo pa siyang nag-akusa. Pilit akong tumawa kahit wala namang nakakatawa. Ibang klaseng pang-aakusa to!
“Hindi naman ako baliw para gawin ‘yan!” pagtanggi ko.
“Kung ganon, ano nga ang ginagawa mo rito?!” riin niyang tanong. Mas lalo siyang lumapit sa akin kaya dumiin ang likuran ko sa dingding.
“Naglaro lang kami ng tagu-taguan. Dito ako nagtago!” pagsisinungaling ko. Umigting ang kanyang panga, alam niyang nagsisinungaling ako sigurado.
“Bullshit! Kapag may narinig akong usapan tungkol sa akin, ipagkakalat ko rin na nandito ka para magnakaw.” banta niya sa akin. Napasinghap ako. Ipagkakalat niyang nagnakaw ako ng briefs ng mga players kahit hindi totoo kung ikakalat ko ang usapan nila ni Nurse Eva? Unfair!
Pero bahala na…
Sunod-sunod aking pagtango para lang makawala na sa kanya. Kailangan ko ng umalis sa lalong madaling panahon! Hindi ako pwede magtagal dito.
Mas lalo akong nataranta nang marinig ko ang distant na usapan ng mga player; pakiramdam ko’y papasok na sila. Napatingin ako sa tshirt ni Toby sa kanyang balikat. Buong lakas ko siyang tinulak at kinuha iyon. Isinuot ko iyon sa aking ulo para takpan lamang ang aking mukha saka ako tumakbo paalis.
“Hoy! ‘Yong damit ko!”
May nakikita pa naman ako kasi hindi naman masyadong makapal ang jersey shirt. Napasinghap ako at nahinto sandali nang makita si Kenneth sa aking harapan kasama ang mga teammate nila nasa pintuan. Lahat sila ay nakatingin sa akin. Bakas ang pagkabigla sa kanilang mga mukha.
“Ibang klase ka talaga, Toby. Pati rito nagdadala ka ng babae?” nakangising wika ng isang lalake nang lumipat ang tingin niya sa likuran ko.
Tinakpan ko ang aking mukha lalo gamit ang aking mga palad at mas lalong binilisan ang pagtakbo paalis doon.
Nang masigurong nakalayo layo na ako roon at kinuha ko na sa aking ulo ang jersey shirt. Wala na ring tao sa hallway dahil hapon na rin sa mga oras na iyon. Mabilis ako umalis para makapara ng tricycle at makauwi na sa takot na may nakasunod pala sa akin.
“ANG bango naman nito,” puna ko nang makarating ako sa bahay. Tinupi ko ‘yon ng maayos at ibibigay ko na lang kapag nagkita kami. Wala naman akong planong ipagsabi ko ‘yong narinig ko. Hindi naman ako kasing chismosa ni Hazel, pero kung ipagkakalat niyang nagnanakaw ako, hindi ako magdadalawang isip na ipagsabi rin iyon.
Kumpara sa sa ginawa ko. Hindi naman ako nagnakaw, naglagay lang ako ng letter. Siya e’ totoong may karelasyong nurse ng school. Mas offensive kaya ‘yong sa kanya!
Sa kabilang building ang mga classrooms ng Junior High. Ilang araw ng makalipas, panay iwas ko na makasalisi na kahit sinong Junior High o mga soccer player sa takot na baka maalala nila o makilala nila kung sino ‘yong mapangahas na pumasok sa locker room nila. Nasa bag ko pa rin ang T-shirt ni Toby, kasi wala akong lakas ng loob na ibalik ‘yon sa kaniya.
Minsan kaming nagkatinginan sa Canteen pero ang tingin niyang ‘yon ay may pagbabanta. Hindi niya rin naman ako sinasadya sa classroom ko para lang kunin ang t-shirt. Kung gusto niyang kalimutan ang nangyari, mas lalong pabor sa akin ‘yon!
Alam kong takot siyang ipagkalat ko ang relasyon nila ni Nurse Eva. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, mas nangingibabaw ang takot ko na malaman ni Kenneth ang tungkol sa letter. Magiging kalaban niya lang ang Principal, pero ako, ang buong fangirl armies ni Kenneth ang magiging kalaban ko.
“May dinalang babae daw si Toby Monqueo sa shower.”
Nabilaukan ako sa biglang ulat ni Hazel habang tumatambay kami sa lobby. Nakaupo kami sa bilog na upuan at nakatalikod lamang ako sa kanila habang nagbabasa ng Biology book.
“Nakahubad pa raw ‘yong si Toby noong lumabas ang babae!” aniya sa maliit na boses. Napapikit ako nang mariin.
“Nakilala ba kung sino?” tanong ni Dawn sa kanya. Napatingin ako kay Hazel at umiling siya.
Sabi nga, obsessed daw ‘yon sa kanya. Hindi pa nakuntento sa mga milagro nilang ginagawa sa loob, sinama pa pati ang T-shirt ni Toby!”
Napasinghap si Dawn at Alfred sa kanilang narinig. Hindi naman ako obsessed kay Toby at kanino niya ba nakuha ang chismis na ito? Nag-i-improvise ba siya ng ibabalita sa amin?
“Ang lala naman ng babaeng ‘yan!” kumento ni Dawn.
“Sino bang hindi ma o-obsessed e’ ang gwapo non at ang bango pa!” kumento ko pagkatapos ay humalakhak. Napatingin silang tatlo sa akin. “Bakit?” tanong ko nang mapanuring titig ang iginawad nila.
“Gwapo? Ang bango pa? Paano mo nalaman na mabango siya?” tanong ni Dawn sa nanliliit na mga mata.
“Nakalapit na ako sa kanya no! Kaya alam kong mabango siya.” Ani ko sa kanya. Nataranta ng kaunti at baka isipin nilang ako ang babaeng ‘yon. “At…at gwapo naman talaga siya, hindi ba?” tanong ko sa kanila.
“Isa na ba siya sa mga crush mo?” tanong ni Alfred. Nagbilang pa siya sa kamay niya kung ilan na ang dumagdag sa listahan ko. Mabilis akong umiling sa kanya.
“Ano ka ba! Hindi type ni Rose ‘yon! Ang gusto niya ‘yong matalino, tahimik, at chinito.” Ani naman ni Dawn.
Napaisip naman ako sa mga sinabi ni Dawn. Lahat nga na naging crush ko ay chinito, at hindi naman Chinito si Toby. Pero aminado akong may dating siya.
Naalala ko ‘yong encounter namin sa shower. Kung gaano siya kalapit sa akin. Malalim at medyo almond-shaped ang kanyang mga mata, na parang may tinatagong sikreto. Straight at defined ang ilong. Full pero subtle ang lips, hindi masyadong bold, hindi rin manipis. Sharp at malinaw ang jawline niya. Makapal at naturally tousled ang buhok, bagay sa kahit anong style. Matangkad, katamtaman ang pangangatawan. Walang ka effort effort ang pagiging gwapo niya, ‘yong type na kahit simple ang damit, mapapatingin ka.
Kaya hindi maitatangging marami nagkakagusto sa kanya rito sa school. Isa ang mga pangalan niya at china chant tuwing may soccer game sila at halos babae ang mga sumisigaw sa tuwing nakakapuntos siya.
Nakabalik ako sa ulirat mula sa malalim na pag-iisip nang hindi ko namamalayan na nakatingin na pala ako sa kanya. Nakaupo siya at ang buong soccer team sa mga upuang bilog sa harap namin. Si Toby ay nakaharap sa akin, malalim ang titig. Nakatanday sa dalawa niyang hita ang kanyang mga braso.
Kaya pala na natigil sila sa pagchichismisan kasi nasa harap naman pala namin ang pinag-uusapan nila!
Tumaas ang isang kilay ko sa kanya, pero wala pa rin siyang expression doon. Nakatitig lamang siya sa akin na para bang sinusuri ako nang maigi. Mas okay na siguro ‘yan kesa panay ngisi niya. Ang yabang kasi niya tignan kapag ngumingisi.
Ano kaya iniisip niya sa pagkakataong ito? ‘Yong T-shirt niya ba na hindi ko pa nasusuli? Isusuli ko naman ‘yon pero dapat ‘yong walang makakakita. ‘Yong kumakalat na chika na may dinala siyang babae sa shower nila, o ‘yong kay Nurse Eva?
Galit ba siya sa sa akin? Malamang! Sino bang hindi magagalit e’ ninakaw ang T-shirt niya saka nasa kamay ko ang kapalaran niya sa school. Napangisi ako nang napagtanto ‘yon. Hindi siya makangisi dahil doon.
Mas lalong dumilim ang kanyang paningin nang masulyapan ang ngisi ko. Para kaming nagtatarayan gamit ang aming mga utak lamang.
Napawi ang ngiti sa aking mga labi nang lumapit si Kenneth sa kanya at binigyan siya ng T-shirt. “Gamitin mo muna,” lumakas ang t***k ng aking dibdib. Ang bait pala talaga niya! Pinahiram niya si Toby ng uniporme niya.
Naramdaman ko ang siko ni Hazel sa akin. “Ang bait ah,” bulong niya ang humagikhik.
Napatingin ako ulit sa direksyon nila at nagtagal ang paningin ko kay Kenneth na kasalukuyang nakikipagtawanan sa mga kasamahan niya. Buntong hininga akong napapangiti dahil nahahawa ako sa kakangiti niya.
GABI na ng humiga ako sa kama matapos kong gawin ang homeworks ko. Nabasa ba ni Kenneth ang letter na pinadala ko? O magbibigay pa ba ako ulit ng letter para mabasa niya ulit? Siya ang may pinakamaraming fangirls sa soccer team kaya alam kong marami siyang natatanggap na letters. Doon ko rin nilagay ang letter sa mga pinakaraming letters sa locker. Isang daang pursyentong sigurado ako na kay Kenneth ‘yon. Ipusta ko pa ‘yong tupperware ni lola.
Nakikipagtawanan na siya kanina. Hindi na ba siya broken hearted?
Naging okupado ako nitong nakaraang araw dahil sa problema ko kay Toby. Hindi ko na halos naiisip ang kalagayan ni Kenneth kung okay na ba siya.
Napatingin ako sa cellphone na may bagong sim.
Walang kahit na anong message niya. Malalim na buntong-hininga ang pinakawala ko bago ako tumayo para mag toothbrush at mag shower nang makatulog na. Matapos noon nagbihis ako ng pantulog at naglagay ng face mask sa mukha.
Dinalaw ako ng antok ilang sandali habang nasa mukha ko pa ‘yong malagkit na face mask. Naalimpungatan ako ng madaling araw nang marinig ko ang cellphone ko na tumutunog dahil sa call. Hindi nakarehistro ang numerong tumatawag. Tumayo ako para sagutin ‘yon sa pag-aakalang sina Mama ang tumatawag gamit ang bagong numero.
“Hello?”
Sagot ko sa kabilang linya. Hindi ko maintindihan ang pinagsasabi kaya lumabas ako ng kwarto, nagtungo sa balcony namin, at doon na sinagot ang tawag.
“Hello, Mama?”
Tahimik ang gabi at madilim ang paligid. Medyo natatakot ako na tuluyang lumabas sa balcony kasi baka kidnapin ako ng manananggal pero ginawa ko pa rin. Binuksan ko ang wooden glass door ng balcony at naupo sa couch doon para sagutin ang tawag. Sinalubong ako ng malamig na simoy ng hangin at lumugay ng kaunti ang puting kurtina dahil doon.
“Scammer ba ‘to?” tanong ko.
“Flora Bennett?” biglang tanong ng isang lalake sa kabilang linya. Napatayo ako sa gulat dahil parang alam ko na kung sino ang tumatawag.
Tumikhim ako, “Yes?”
Oo nga pala. Bakit ko ba naisip na si Mama ang tumatawag e’ bago ang sim card ko at ang nakakaalam lang doon ay si Kenneth dahil siya lang ang binigyan ko ng letter na may numero ko!
“Are you the horoscope witch who sent me the letter?” tanong niya.
Witch?! Inaantok na ba siya? Guru ang pagpapakilala ko sa kanya sa f*******: ah. Pero naisip ko siguro nag-decide na siyang maniwala sa akin kaya witch na ang tawag niya sa akin. May karanasan siguro siyang ma-scam ng guru kaya ganoon.
Iba man ang boses ni Kenneth, sigurado akong siya nga iyon. Siya lang ang binigyan ko ng letter at wala ng iba!
“Yes!” interesado kong sagot. Wala na akong pakealam kung makarinig ang kapitbahay namin. Mas importante ang boses na nangingibabaw sa puso ko.
“Do you have any idea what my horoscope is for today?”
Hindi ako nakapag-ready! Hindi ko naman inaasahan na tatawag talaga, hindi ba siya marunong mag text?! At ano ba ang isasagot ko sa kanya?
Nilayo ko ang phone ko para tumikhim. Ang delivery ng dyaryo ay mamaya pang 6:30 AM. Hindi naman pwedeng mag imbento ako ng horoscope ko ngayon.
Duda ko ring makahanap ng horoscope sa internet ngayong araw. Medyo maraming scammer sa Internet kaya ‘yong dyaryo lang ang pinapaniwalaan ko.
Bahala na nga..
“My horoscope hours start at 6:30 in the morning. Please call me again for your horoscope reading, or you can just send me a text mess--”
“I want to call. Thanks.”
Bigla niyang sinabi at pinatay ang linya. Kinagat ko ang labi ko at nagtatalon sa kilig.