Luna POV
"Ngayong nainom na ni Leo ang gamot. Ngayon na din magiging epektibo ang ating kasunduan. Allu!" tawag ni Gurong Marcus kay Allu. At tinanggal ni Allu ang takip sa kanyang mukha.
"Si Allu ang nanakit sa kasamahan namin!" sabi ko.
Napansin ko ang pagtingin sa akin ni Allu. Tatawagin sana niya akong ate pero dahil ang sama ng tingin namin sa kanya ay umiwas siya ng tingin.
"Allu ipakita mo na sa kanila ang totoong anyo mo," utos ni Gurong Marcus kay Allu at lumiwanag ang kanyang katawan.
Nang mawala ang liwanag ay nakita namin ang isang magandang babae. Maamo ang kanyang mukha. Kulay berde ang tuwid niyang buhok na hanggang sa kanyang bewang. Matangos ang kanyang ilong. Mapupula ang maliit niyang labi. Napaka ganda niya. Mahahalintulad ko siya sa isang diyosa.
"Ipinapakilala ko sa inyo ang nag-iisang anak kong si Allu Leich,” sabi ni gurong Marcus.
"E 'di siya ang mapapangasawa ni Leo?" tanong ni Smith kaya naman napayuko ako.
Wala din akong laban kay Allu, masasabi ko din na malakas si Allu kumpara sa akin at nalaman ko na babae pa siya at napakaganda niya. Bagay nga sila ni Leo.
"Pero si Luna ang mahal ni Leo!" sigaw ni Antonette kaya hindi ko mapigilang mapaluha. Tahimik lang akong umiiyak at nakayuko.
Naramdaman ko na may humawak sa mga kamay ko. Pagtingin ko ay si Queen Lyra pala. Pinipigilan din niyang huwag mapaiyak.
"Patawad Luna," sabi niya at niyakap niya ako.
Dalawang salita lang iyon pero hindi ko na mapigilan ang mapahagulgol. Wala akong pakialam kung makita nila akong ganito kahina. Wala na akong pakialam kung ano pa ang isipin nila. Basta puro sakit na lang ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
Wala pa nga kaming nasisimulan ni Leo pero pinaghiwalay na kami agad ng tadhana.
"Mukhang nagkakasundo ang mahal na hari at si Marcus," biglang sabi ni Smith.
Nandito kami sa malawak na hardin ng Sacred Kingdom. Kailangan na muna kasing magpahinga ni Leo hindi pa rin kasi siya nagigising.
"Galing pala sa clan ng mga Leich ang mapapangasawa ni Leo," dugtong pa ni Smith kaya naman nakatikim ng batok si Smith kay Antonette.
Ako naman, nakatingin lang ako sa mahal na hari at kay Gurong Marcus. Ibang iba ang aura niya ngayon kesa noong kasama ko siya sa gubat habang nagsasanay ako.
"Maliit na clan lang ang Leich at ang imperyo nila ay nasa sakop ng Terra Kingdom (Earth Kingdom). Kahit na maliit lang ang imperyo nila walang nagtatangkang lumusob sa kanila dahil sa labas pa lang ng gate ay patay agad sila," kwento naman ni Hezreal.
Kung ganun, malakas nga sila at bagay lang na si Allu ang mapangasawa ni Leo.
"Kilala kasi sila sa paggawa ng sandata, nakakalasong gamot at nakakagaling na gamot,” dugto na kwento ni Hezreal.
"Ayos ka lang ba, Luna?" tanong sa akin ni Axter.
"O-oo naman,” pilit akong ngumiti sa harap nila pero may mga patak ng luha ko ang bumagsak galing sa aking mga mata kaya naman pinunasan ko agad iyon.
"Base sa pag uusap kanina ay kilala mo si Marcus at Allu," nakatingin na sabi sa akin ni Kristal.
"Oo, naikwento na ito ni Leo, diba tumakas ako dito noon at inakala ko ay tatlong buwan akong namalagi sa kagubatan. Yun pala illusyon lang pala iyon ni Gurong Marcus. Kinupkop niya ako at sinanay niya ako. Noong una pa lang ay pinakilala na niya sa akin si Allu bilang anak niya at si Celestina bilang asawa niya. At sa loob ng tatlong buwan pero tatlong araw lang pala sila ang nakasama ko sa pagsasanay," mahabang kuwento ko.
"Nakikita namin na sa kabila ng ginawa sayo ngayon ni Marcus ay nirerespeto mo pa din siya," sabi naman ni Hezreal.
"Hinding-hindi mawawala ang respeto ko kay Gurong Marcus," sagot ko at napatingin ako kay Gurong Marcus na nakikipag-usap kay Haring Felix.
"Bakit ba kasi hindi na lang natin gamitin ang gem stones para gumaling agad si Leo?" Naiinis na tanong ni Antonette.
Napatingin ako bigla kay Antonette dahil sa sinabi niya. Oo nga! Bakit hindi namin agad naisip ‘yun.
"Sa pagkakaalam ko magagamit lang ang gem stones kung sama sama silang lahat. At tatlo pa lang ang hawak nating gem stones sa ngayon. Kulang na tayo sa oras kapag hinanap pa natin ‘yung isa,” napayuko nanaman ako sa sinabi ni Kristal.
"Hindi natin pwedeng iasa sa mga gem stones ang lahat," sabi naman ni Headmaster na kakarating lang galing sa pag uusap kasama sina King Felix at Gurong Marcus.
"Tapos na po kayo mag usap?" Tanong ni Hezreal.
"Oo at napagkasunduan nila na sa susunod na kabilugan ng buwan gaganapin ang kasal nina Leo at Allu," napatakip ako sa aking bibig, ramdam ko din ang pagtitig sa akin ni Headmaster.
"Sa susunod na kabilugan ng buwan?! Bakit ganun kabilis?!" gulat na tanong ni Kristal.
"B-bakit kailangan b-ba ang susunod na kabilugan ng buwan?" Utal-utal na tanong ko.
"Dalawang buwan mula ngayon," sagot sa akin ni Axter na ikinatahimik naming lahat.
"Ehem! A-ano Headmaster… Ano ‘yung sinasabi n'yo kanina tungkol sa mga gem stones?" Pag iiba ng usapan ni Smith.
"’Yung tungkol ba sa hindi natin pwede iasa sa gem stone ang lahat?" Tanong ni Headmaster at umupo na din siya sa bakanteng pwesto.
Nakaupo kasi kaming lahat sa damuhan at pabilog ang aming pwesto.
"Opo, diba sabi n'yo makapangyarihan ang mga gem stone? Kaya nga binuwis ng aking ama ang kanyang buhay maprotektahan lang ito," walang gana kong tanong kay Headmaster kaya naman natahimik sila saglit.
Napansin ko din na napatingin sa akin si Gurong Marcus nang mapadaan sila ni King Felix banda sa amin. Parang narinig niya ‘yung tinanong ko kay Headmaster.
"Alam mo, Luna, may mga ‘di rin naman kayang gawin ang mga gem stone. Ang kaya lang nitong gawin ay buhayin ang patay kapag sama sama silang apat na mga gem stones. Kaya ito tinawag na makapangyarihan dahil ito lamang ang paraan na bumuhay ng patay na hindi nilalabag ang kautusan ng mga diyos at diyosa."
"E 'di headmaster hayaan nating mamatay si Leo tapos bilisan nating hanapin ang isa pang gem stone. Saka natin buhayin si Leo. Oh diba ang talino ko talaga," Natatawang sabi ni Smith.
Alam ko naman na nagpapatawa lang si Smith dahil napaka seryoso ng usapan natin.
"Loko-loko!" Sabay-sabay na sigaw nina Antonette, Kristal at Hezreal kay Smith sabay binatukan nila ito isa-isa.
"Hindi ganun kadali ‘yun sa inaakala niyo," Biglang sabi naman ni Axter.
"Hindi natin pwede gawin yun. Dahil oras na mamatay ka at buhayin kang muli gamit ang gem stones ay mawawala lahat lahat ng kapangyarihan mo. At hindi pwede mangyari iyon sa nag-iisang prinsipe ng Sacred Kingdom."
---