Tahimik ako habang sumusubo ng kanin. Katapat ko si Cullen at iniiwasan kong magtama ang aming mga mata.
Halo-halo ang emosyon ko. Sinong hindi magugulat at magagalit? For that f-ucking sake, asawa ng pinsan niya ang nakaniig niya sa video! Sinong hindi maiirita roon? May asawa ang tao tapos pinatulan? Anong klaseng kahibangan ito?
Mabibigat ang paghinga ko habang sinusubo ang pagkain. Nang maubos na ang laman ng plato ay saka ko padarag na binagsak ang kutsara't tininor; na siyang naglikha ng maingay na tunog. Kumuha ako ng tissue at nakayukong pinunasan ang labi.
Kapansin-pansin ang nananantyang titig niya sa akin. Kahit na hindi ako derektang nakatingin, alam kong hindi siya gumagalaw at prente lang na pinag-aaralan ang kilos ko.
Kagabi ko pa siya hindi pinapansin dahil nag-uusok ako sa galit. Hindi ako makapaniwala. Sadyang hindi nakayanan ng sistema kong malaman ang bagay na iyon.
"Balik na ako sa kwarto," malamig kong sabi nang hindi tumitingin sa kaniyang mga mata. Dali-dali akong tumayo at hindi siya tinapunan ng tingin. Bahala siya sa buhay niya.
Hindi ko alam kung anong salita ang saktong maglalarawan ng nararamdaman ko. Galit? Higit pa. Poot? Higit pa. Bakit kasi hindi niya sinabi sa akin? Ang tangi ko lang alam ay nagka s-candal siya at may nangyaring hindi maganda kaya tumigil siya sa law school. Tapos eto? Malalaman kong ganito?
Anak ako ng dalawang abogado kaya alam kong may karampatang pananagutan ang nagawa niya. Adultery. Ruined reputation... May mga bagay na hindi mo dapat gawin bilang abogado dahil tiyak na madi-disbar ka.
Habang paakyat sa staircase, nakasalubong ko si Kiel na ngayon ay pababa ang direksyon. Malamig na tingin lamang ang ipinakita niya sa akin saka tumango.
I suddenly wondered. Talaga bang wala siyang pakialam sa nangyari? Pero kahit na! Asawa niya si Jacq, kahit na sabihing hindi nila mahal ang isa't isa, dapat naroon ang respeto!
Nang marating ang kwarto, mabilis kong tinungo ang banyo. Nag-toothbrush ako at mabilis na naghilamos. Tiningnan ko ang sarili sa salamin at nakita ang prominenteng galit sa mga mata. Magtatagal kaya ang galit na ito sa akin? O hahayaang maging marupok sa oras na humingi siya ng tawad at magpaliwanag?
Nang lumabas sa banyo, agad kong namataan si Cullen, seryoso sa suot niyang white v-neck at denim pants. Nang magtama ang aming mga mata, mabilis akong bumaling sa ibang direksyon at padarag na naglakad palabas nitong kwarto. Iniwan ko siyang nagtataka roon at tahimik lang na nagmamasid sa aking paglabas.
Kailangan kong mapag-isa, magpahangin, at mag-isip isip. Dahil kung haharapin ko siya kaagad nang marahas ang busgo ng damdamin, baka masigawan ko lang siya at hindi na ako makinig sa kaniyang paliwanag. Iyon ang numero unong rule na pinaiiral ko sa sarili ko, huwag na huwag kumausap kung masidhi pa ang lagablab ng galit.
Dere-deretso ang lakad ko palabas ng hacienda. Kailangan kong mag-unwind sa dalampasigan, baka sakaling maibsan ang nararamdaman ko. Sana.
Medyo mataas na ang sikat ng araw kaya pinili kong maglakad sa lilim ng araw. Bawat hakbang ay kalakip ng hingang malalalim, pinagmamasdan ang taglay na ganda ng kalikasan.
Mahal ko ba talaga si Cullen? Oo, mahal ko, mahal na mahal ko, dahilan kung bakit ganito ang reaksyon ko; hindi matanggap na hindi niya iyon sinabi sa akin.
Siya kaya? Totoo kayang mahal niya ako? Totoo kaya lahat ng mga sinabi niya sa akin? Kasi kung katawan lang pala ang habol niya... utang na loob, baka hindi ko makakaya!
Naglandas ang tuloy-tuloy na luha sa aking mga mata. Mabilis ko itong pinawi habang naglalakad sa daang maghahatid sa akin sa dalampasigan.
Tama na ang mga taong nawala sa aking nakaraan. Sana'y huwag na siya dumagdag sa mga taong inilayo sa akin. Siya ang taong bumuo sa akin, ang tumulong sa akin upang humilom ang ilan kong mga sugat. Ano na lang ang mangyayari kung pati siya ay ilalayo sa akin ng tadhana?
Handa naman ako magpatawad. Bigyan niya lang ako ng konkretong paliwanag at balidong rason ay muli kaming magsisimula.
Nang marating ang dulo ng daan, nasulyapan ko na ang malawak na larawan ng bughaw na dalampasigan. Umihip ang malamig na hangin at sumabog ang ilang hibla ng aking buhok. Namataan ko rin ang paglipad ng mga ibon sa kalangitan. Pinasadahan ko ng daliri ang aking buhok at marahang humakbang.
Sa hindi kalayuan ay napansin ko si Kiel, nakasandal siya sa malaking tipak ng bato at nakatitig sa laot ng karagatan. Hindi ko alam kung bakit sa kaniya ako dinala ng aking mga paa. Hanggang sa namalayan ko na lang na katabi ko na siya.
Pilit akong ngumiti nang lumingon siya sa akin. Agad kong binaling sa harap ang mga mata at ganoon din ang ginawa niya— kapwa na kami ngayon nakatulala sa kawalan.
Suminghal ako at pinagsalikop ang dalawang mga kamay. Malikot kong pinaglaruan ang mga ito upang maibsan ang halo-halong emosyon.
"You're not okay," basag niya sa ingay ng humahagibis na hangin. Tumango ako nang wala sa sarili at patuyang tumawa.
"Sino ba namang magiging okay doon? Kung hindi mo iyon sinabi kagabi ay hindi ko malalaman."
Pinahid ko ang bumagsak na luha. Leche naman, bakit ayaw makisama?
Tumikhim siya. Bahagya siyang sumulyap sa akin at saka nagsalita.
"Hindi ba niya sinabi sa'yo ang tungkol doon?"
Umiling ako. "Ang alam ko lang ay nasangkot siya sa s-candal. Iyon lang."
Tumango-tango siya at muling tumitig sa kawalan, bagay na bumagabag sa akin. Kaya ang ginawa ko'y humarap ako sa kaniya at tiniim ang titig sa kaniya.
"Ikaw? Okay lang sa'yo na nangyari iyon? I mean, asawa mo si Jacq at pinsan mo pa ang nakaniig niya sa video. Okay lang sa'yo 'yon?"
Tumawa siya nang pabiro, dahilan kung bakit mas lalo akong nagtaka.
"Magalit man ako't magwala, hindi ko na maibabalik pa ang panahon. Responsiblidad na nila iyon kung masira ang pangalan nila."
"Hindi mo sila kinasuhan ng adultery?"
Umiling siya. "Ayaw ko ng gulo. Ginusto nila iyon at hindi naman ako interesado. Hindi ko ba nasabi sa'yo na may iba akong mahal?"
Natutop ang bibig ko. Ito na yata ang sinabi sa akin ni Cullen noon, na sapilitan lamang na kinasal si Kiel sa babaeng hindi naman niya gusto.
Nagkibit-balikat siya at sumandal pang lalo sa bato.
"We were married just for the sake of business."
"Hindi ninyo natutunang mahalin ang isa't isa sa mga panahong kasal na kayo?"
Umiling siya. "I can't love her if my heart is owned by someone else."
Naagaw ng atensyon ko ang mataas na alon, saglit kong pinanood kung paano ito bumagsak sa buhangin at kung paano ito naglikha ng maingay na tunog.
Ibinalik ko ang atensyon sa kaniya. Ngayon ay interesado na ako sa love life niya!
"Kwento ka, kung okay lang naman," mahinahon kong sambit. Ilang saglit muna ang kaniyang pinalipas bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Matanong nga kita," he said. Kapwa naming iniwas ang titig sa dagat at humarap sa isa't isa. Nakahalukipkip na siya ngayon samantalang ako ay naglalaro sa malikot na daliri.
"Okay."
"Kaya mo bang agawin ang isang tao na pagmamay-ari ng iba?"
Umiling ako.
"Kaya mong isugal ang propesyon mo para sa taong hindi kailanman magiging iyo?"
Hindi ako nagdalawang-isip, mabilis ang ginawa kong iling. "Kung bawal, bakit ipagpipilitan?" puna ko. Dahan-dahan ang kaniyang tango sa sinabi ko.
"E-exactly... iyon ang ginawa ko."
Kumunot ang noo. "Anong ibig mong sabihin?"
"You know, teacher ako. At bawal mahulog ang isang guro sa kaniyang estudyante." Huminto siya at napansin ko ang pamumula ng kaniyang mga mata. Nahabag ako nang hindi inaasahan.
"Napamahal ka sa estudyante mo?"
Sumang-ayon siya at inalis sa pagkakahalukipkip ang mga kamay. Saglit siyang tumingala at pinanood ko siya sa ganoong tagpo.
Oh my God. Alam ko kung gaano kahigpit na ipinagbabawal ang student-teacher relationship. I mean, sa pagkakaalam ko, mabigat ang kaparusahang ipapataw sa sino mang gagaawa nito. Kung hindi idedemanda ay baka matanggalan ng lisensya.
"I also tried to bring her here last december."
Hindi ko alam kung sa paanong paraan ako magre-react lalo't maling mali kung anong ginawa niya. Kahit sabihing nagmamahalan sila, ang mali sa batas ay hindi kailanman magiging tama.
"But she still chose her boyfriend," he added.
Sarkastiko siyang tumawa. Hinayaan ko lamang siya sa pagsasalita dahil batid kong kailangan niya ring ilabas ang kaniyang nararamdaman.
"Huwag na nating pag-usapan. Wala naman akong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Siguro'y tanggapin na lang kahit na masakit, sana ganoon ka rin sa pinsan ko."
Hindi na ako nagprotesta dahil tama naman siya. Siguro'y pakikinggan ko na lang ang paliwanag ni Cullen at nang makapagsimulang muli.
"But wait, alam niyo na ba ang balitang kumakalat ngayon?" agap niya. Mabilis akong umiling.
Ngayon ko napagtanto kung gaano na katagal akong hindi nanonood ng balita. Mariin kong iniiwasan dahil makakasagabal lamang sa paghilom ko.
Ngunit dahil nasabi na rin ni Kiel, oras na rin siguro upang malaman.
Saglit siyang tumikhim at mas sumeryoso ang mga mata sa akin.
"Alam kong mahirap ang sitwasyon niyo pero totoo bang wala kang kinalaman sa mga paratang sa'yo?"
"W-wala... wala talaga."
"I'm just wondering. Araw-araw ang flash ng balita tungkol sa'yo. Na nagtatago ka raw at tinakasan ang pagpatay sa tatlong malalapit sa'yo."
Umahon ang matinding kaba sa aking dibdib. Ang panggigilid ng mga luha ko ay naging prominente. Alam ko nang mangyayari ito pero bakit? Bakit sa tuwing naaalala ay mukha pa ring sariwa?
"Naniniwala akong inosente ka. Pero sana, pagdating ng panahon ay matuto mong harapin at patunayan na wala ka ngang kasalanan."
Hindi ako nakasagot. Nanatili akong tulala at nanginginig ang mga tuhod. I can't believe this. Anong klase bang hustisya ang pinapairal ng bansang ito? Kung tutuusin ay patong-patong na ang dagok na namamayani sa akin. Namatayan na nga ako ngunit ako pa rin itong pinagbintangan. Ano bang naging kasalanan ko at ako itong pinupuntirya?!
Nagpaiwan ako rito sa dalampasigan at hinayaang umalis si Kiel. Napaupo na lang ako sa likod ng tipak ng batong ito upang alalayan ang nanginginig na tuhod.
Kailan kaya? Kailan kaya ako magkakaroon ng lakas ng loob upang harapin ang lahat? Tama si Kiel, hindi sa lahat ng pagkakataon ay naririto lang ako, nagtatago. Kailangan ko ring magladlad mula rito at patunayan sa kahit na anong paraan na inosente ako.
Biglang may humatak sa akin patayo, mabilis ang pangyayari at parang naiwan pa rin ang kaluluwa ko sa pagkakaupo. Sumalubong sa akin ang matalim na titig ni Cullen na animo'y agila at handang makipag-away.
"What's our problem? Huh?" asik niya. Pilit ko siyang tinulak ngunit malakas ang pagkakakulong ko sa kaniyang bisig.
"P-pakawalan mo ako—"
"No, not! Unless you tell me why you treat me like a hollow!"
Tinapunan ko siya ng masamang tingin. Nag-igting ang mga panga niya at nagtagis ang mga bagang.
"S-sinong girlfriend ang hindi magaglit sa boyfriend na naglilihim?"
"What?"
"Bakit hindi mo sinabing asawa ng pinsan mo ang kasama mo sa s-ex s-candal?"
Biglang lumuwag ang pagkakakulong ng bisig niya sa akin. Unti-unti akong nakawala at namataan ko ang unti-unti niyang panghihina.
See? Nilihim nga niya.
Nagpuyos bigla ang galit sa loob ko. Subalit sa kabila nito ay pinilit kong kinalma ang sarili. Hindi kami magkakaayos kung paiiralin ko sa lahat ng oras ang poot ko.
Pumungay ang kaniyang mga mata, dahilan kung bakit nahabag ang damdamin ko. Nakakainis, bakit ang rupok-rupok ko sa puntong ito? Parang kanina lang noong nagpupuyos ako tapos heto, parang tuta na inabutan ng buto.
"I was about to explain, naghahanap lang ako ng tamang oras..." bulong niya. Hinawakan niya ang kamay ko at hinayaan kong pagsalikupin niya ang aming mga daliri.
"Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang malaman pa iyon sa mismong pinsan mo?"
"I'm sorry..."
Magsasalita na sana ako ngunit kasabay ng hangin ay hinigit niya ang mukha ko nang walang kahirap-hirap. Hinalikan niya ako at nagpatianod ang bibig ko sa kaniyang ginawa.
Iginiya niya ang kamay ko at ipinatong iyon sa kaniyang balikat. Para akong nahipnotismo sa kaniyang ginawa dahil ang kaninang galit ay tuluyan nang nawala.
"Jacq loves me but I can't reciprocate it," aniya.
"Bakit may nangyari?"
"That was a sinful night. Wala akong kamuwang-muwang sa lahat dahil nilasing niya ako."
Isa pang banayad na halik ang iginawad niya sa akin bago siya nagsalita.
"You know what she did? She filmed it. Sinadya niyang i-video iyon para i-blackmail ako. Back then, it was really a matter of my choice, pinapili niya ako kung pagbibigyan ko ba siyang mahalin ko o ang ikalat ang s-candal na iyon."
Unti-unti akong nalinawan. What the hell, kaya pala!
Gusto kong magwala. Walang hiya talaga ang babaeng iyon. Afterall, may asawa na siya. Bakit pa niya idadamay ang lalaking ito sa kahibangan niya?
Naramdaman kong humaplos ang palad niya sa aking bewang. Tiningnan niya ako nang matiim at sinuklian ko iyon ng namimilipit na ngiti. How I wish na sana pinakinggan ko muna siya. Hindi 'yong ganitong nagalit nang hindi muna inaalam ang buong kwento.
"Pinili kong masira ang imahe ko, France. Pinili kong hindi matupad ang pangarap na mag-abogado dahil pinili kong kumakat ang video." Huminto siya at malawak na ngumiti. "At doon ko kayang patunayan sayo na kailanman, wala akong babaeng sineryoso... ikaw lang."
Tuluyang natunaw ang puso ko. Sunod-sunod na umagos ang luha ko at inangat niya kaagad ang kaniyang mga palad upang sapuin ang nanginginig kong mga panga.
"I don't forsake love for the name of reputation, baby. Kaya tahan na, hmm? Ang mahalaga ay alam ko sa sarili na ikaw lang, walang iba."