Caleb Point Of View
Hindi ako umimik sa paninisi sa akin ni Farrah bagkus ay nakinig lamang ako sa mga sinabi nito. Naalala kong bigla ang gamot na naihulog ni Rocky nuon sa kotse at sinabi nito na kay sir Rodolfo iyon kung hindi ako nagkakamali ay para sakanya ang gamot na iyon.
"Simula nang umalis ka, panay na ang pag-inum ni Rocky sa labas at halos araw araw na itong umuuwi ng gabi kaya palagi silang nagtatalo ni tito. Mabuti na lang talaga at hindi ito iniwan ni Wilson siya ang palaging umaalalay kay Rocky." Hindi ako nakaimik sa sinabi nito nang banggitin niya ang pangalan ni Wilson. Dapat sana ako ang nasa lugar ni Wilson nuong panahon na kailangan ako ni Rocky.
"Bago ang aksidente ay nanalo pa ito sa isang race event kaya niyaya nito akong magdinner kami kaya lang bigla na lamang itong tumawag at kinancel nito ang dinner namin, duon pa lang ay nagtaka na ako dahil kahit kailan ay inuuna nito ako kaysa sa iba. Tapos.."Dugtong nito at lumuhang muli, nagulat na lang ako nang biglang abutan ito ni Achilles ng panyo nito hindi naman ito ipinahiya ni Farrah at kinuha nito iyon.
"Tumawag sa akin si Wilson at sinabi nito na naaksidente nga si Rocky, binuksan ko ang social media account ko at sinabi na dead on the spot siya kaya naman naghysterical na ako at nawalan ng malay mabuti na lamang at fake news ang balita. Sinundo ako ni Ronald sa bahay at kaagad kaming nagtungo sa ospital masama ang lagay ni Rocky ilang beses itong nirevive ng mga doctor ngunit mahina ang puso nito kaya kahit unstable ang vital sign nito ay nagmadali sina tita at tito na dalhin si Rocky sa Australia kasama ni Dr. Fajardo ang Doctor ni Rocky sa puso." Kwento pa niya.
"Ang ibig mong sabihin ay nasa Australia ngayon si Rocky?" Tumango lamang ito.
"Kamusta po si Rocky ngayon mam?" Tanong naman ni manang na nakikinig din sa amin.
"Masama ang lagay ni Rocky, she's comatose now, mahina ang puso niya kaya kulang ang supply ng dugo papunta sa kanyang utak iyon ang sabi ng kanyang doktor." Ang ibig bang sabihin nito ay maliit ang tiyansang mabuhay si Rocky? Diyos ko sana ay gumaling kaagad si Rocky.
"Magdasal tayo iyan ang kailangan nating gawin ngayon upang mapabilis ang pag galing ni Rocky." Sabat naman ni manang nang biglang tumunog ang telepono ni Farrah.
"I have to go, madami pa akong importante na kailangang asikasuhin." Umalis na si Farrah at naiwan kami roon.
Hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari, hindi ko lubos maisip na mangyayari ito kay Rocky.
Nagpaalaam na din kami ni Achilles kay manang at umuwi na kami ng San Luis.
"Huwag ka ng masyadong mag-aalala bro dahil buhay si Rocky at nasa Australia na ito." Wika ni Achilles na nuo'y masayang nakangiti.
"Hindi ko maiwasang hindi mag-aalala sakanya kahit na pa nalaman ko na buhay siya ay hindi naman maganda ang kalagayan niya ngayon." Sagot ko naman at malakas na napabuntong hininga.
"Sabagay ang sabi nga ni miss sungit ay comatose ito teka ano nga ba ang pangalan niya?" Napangisi naman ako rito na sa tingin ko ay mukhang kursada pa nito ang kaibigan ni Rocky na si Farrah.
"Farrah ang pangalan niya." Tumawa ito ng bahagya at hindi muling nagsalita pa
Nakauwi na kami ni Achilles sa San Luis at gulat na makita kami ng mga kapatid ko lalong lalo na si Auntie Hasmin dahil hindi ko sinabi sakanila na uuwi kami ng pilipinas. Kaagad nila akong niyakap habang umiiyak, alam kong alam na nila ang tungkol kay Rocky.
Ikinuwento ko sakanila ang nangyaring aksidente kay Rocky at sinabing hindi maganda ang lagay nito ngunit ginagawa na ng doctor ang lahat ng kanilang makakaya upang gumaling ito kaagad. Lubos na hindi makapaniwala si Crissa dahil nakausap pa nito si Rocky bago ito maaksindente.
Nagtungo ako sa aking kuwarto at nagkulong roon, wala akong ganang kumain at magkikilos. Anong gagawin ko? Nasa Australia si Rocky ngunit hindi ko naitanong kung saang ospital ito. Paano ko makakayang tignan ito sa ganoong kalagayan?
Lumipas pa ang ilang mga araw na nanatili ako sa pilipinas kasama ko man ang mga kapatid ko ngunit lubos ang pag-aalala ko kay Rocky. Madalas akong puntahan ni Achilles sa bahay ngunit hindi para kamustahin kundi magtanong ng tungkol kay Farrah.
Ang mokong kong kaibigan kahit na pa nasa rurok ako ng problema ay nagagawa pa rin nito akong patawanin.
Muli kaming bumalik sa San Antonio bago kami bumalik muli ng Australia ni Achilles, nagbabakasakali kami na makausap kong muli si Farrah at maitanong kung saang ospital nakaconfine si Rocky.
Ngunit bigo kami ni Achilles dahil ang sabi ni manang ay nagtungo na rin ito ng Australia at kasama pa nito si Wilson.
"Bilib din ako rito kay Wilson, bumabakod na kay Rocky pati ba naman kay Farrah." Hindi ko alam kung matatawa ba ako o matutuwa kay Achilles.
"Mukhang type mo si Farrah." Siniko ko ito saka tumawang bigla.
Matapos ang ilang oras ay nakarating na rin kami sa Australia, sinimulan ko ang paghahanap kay Rocky sa iba't ibang ospital roon habang patuloy ang pagpasok ko sa eskwelahan at pagtatrabaho sa gabi.
Hindi na rin ako masamahan ni Achilles sa paghahanap dahil panay ang over time nito. Samantalang ako naman ay parang walang kapaguran sa paghahanap dahil halos hindi ko ramdam ang pagod.
Napahinto ako sa paglalakad nang mapansin ko si Ronald at si Farrah na kumakain sa isang restaurant. Napangiti ako dahil sa wakas ay makikita ko na rin si Rocky, pumasok ako sa loob at kaagad na sinambit ang pangalan ni Ronald.
"Ronald!" Lumingon naman sa akin ang dalawa na siya namang ikinagulat nila.
"Caleb?" Sabi nito sabay ang pagtayo nito sa upuan at lumapit sa akin.
"Halika maupo ka, samahan mo kaming kumain." Malumanay nitong sabi, sumunod naman ako at umupo rin.
"Nandito ka nga sa Australia katulad ng sinabi ni Keitlyn." Dugtong nito, pilit ang ngiti nito ngunit makikita mo sakanyang mga mata ang lungkot.
"Oo, pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral kasabay ng pagtatrabaho ko rito." Tumango ito at lumingon kay Farrah, nasaan kaya si Wilson? Marahil at naroon ito kay Rocky.
"Ka-kamusta si Rocky? Saang ospital ba siya?" Nauutal kong tanong, napabuntong hininga ito saka umiling.
Lumabas kami ng restaurant at sumakay sa kotse nito, mga 30 minutos ay nakarating kami sa isang ospital na sa tingin ko ay napuntahan ko na ito ngunit mahigpit ang mga guwardiya rito.
Ipinarada ni Ronald ang kanyang sasakyan sa may parking area saka kami sabay sabay na bumaba ng kotse. Lumingon ito sa akin at ako'y kanyang tinanguan na ang ibig sabihin ay sundan ko lamang ito.
Pagkapasok namin sa loob ng hospital ay sumakay kami sa elevator saka pinindot ni Ronald ang 16th floor. Palunok lunok ako ng aking laway dahil natutuyuan na ito sa kaba, nanlalamig na din ang mga kamay ko dahil hindi ko alam kung kaya ko bang tingnan si Rocky sa ganoon kalagayan.
Pagkabukas ng elevator ay mas lumakas ang t***k ng puso ko, dahan dahan pa ako sa pag hakbang habang sina Ronald at Farrah ay mabilis na naglalakad. Nang bigla silang huminto at tumapat sa isang kuwarto roon.
I. C. U? Bulong ko sa aking sarili, lumingon pa ang dalawa sa akin dahil napahinto ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung dideretso ba ako, nagkatinginan ang dalawa at bumalik sa kinaroroonan ko si Ronald nang makalapit ito sa akin ay hinawakan nito ang balikat ko pagkatapos ay sabay kaming naglakad.
Nangingilid ang luha ko nang matapat kami sa isang kuwarto, huminga muna ako ng malalim bago ako sumilip sa isang salamin na bintana at makita roon si Rocky na punong puno ng mga aparato sakanyang katawan.
Tuluyan ng tumulo ang luha ko, napakasakit makitang ganito si Rocky ngayon. Mayroon itong benda sakanyang ulo at mayroon tubo sakanyang bibig, madami rin itong mga pasa sakanyang braso at sariwa pa ang mga sugat nito.
"Katatapos lang ng operasyon ni Keitlyn kahapon ngunit hindi pa rin ito nagigising." Garalgal na boses ni Ronald na anumang oras ay babagasak na rin ang luha nito.
"Kasalanan ko ito kung nabantayan ko lang ng mabuti ang kapatid ko ay hindi sana ito mangyayari sakanya." Dugtong pa nito saka nito sinuntok ang pader.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo Ronald."Wika naman ni Farrah habang hinahaplos ang likuran nito.
"Love, kasalanan ko ito." Tama ba ang narinig ko? O baka naman nagkamali lang ako dahil umiiyak ito.
Nang bigla kong marinig ang boses ni sir Rodrigo at mam Dale na nag-uusap kaya naman mabilis akong nagtago sa likod ng pader.
"Ronald, son akala ko ba may lunch meeting kayo ni Farrah anong ginagawa niyo rito sa hospital?" Napalunok ako ng aking laway, huwag sanang sabihin ni Ronald na kasama niya ako.
"Nag-alala lang ako kay Keitlyn dad kaya pinuntahan ko siya kaagad dito." Sagot naman ni Ronald kaya nakahinga ako ng malalim.
Hinintay ko munang umalis ang mag-asawang Valdez bago ako lumabas sa aking pinagtataguan. Nang masiguro ko na nakaalis na sila ay saka lamang ako lumabas.
"Naiintindihan ko kung bakit hindi ka nagpakita kay mom at dad." Lumapit ako kay Ronald at muling tinignan si Rocky.
"Hindi ko rin kasi alam ang tungkol kay tito at sa mama mo." Dugtong pa nito.
"Huwag na muna natin silang pag-usapan, importante sa akin ngayon ay makita si Rocky."Sagot ko naman at tumango lamang ito.
"Ayaw mo bang pumasok sa loob?" Tanong sa akin ni Farrah, umiling naman ako dahil sa tingin ko ay hindi ko pa kaya.
"Pasensiya ka na Ronald kung napagsalitaan ko ng hindi maganda si Rocky." Alam kong lumingon ito sa akin ngunit hindi ko ito tinignan.
"Alam kong nadala ka lang ka sa galit nuon Caleb naiintindihan ko." Umalis ito at nagpunta sa nurse Station, pagkabalik nito ay mayroon na itong suot suot na gown, gloves at hairnet saka pumasok sa kuwarto ni Rocky.
Ilang oras din akong nanatili sa hospital, hindi na ako pumasok sa trabaho dahil ginugul ko ang lahat ng aking oras kay Rocky para bantayan ito, hindi na rin bumalik ang magulang ni Rocky dahil ang sabi ni Ronald ay mayroon silang pag-uusapan ng Dr. ni Rocky.
Ilang beses din akong inaya ni Farrah na magdinner sa labas ngunit tumanggi ako dahil hindi ko ramdam ang gutom, kahit ang pag tayo ko sa labas ng kuwarto ni Rocky ay hindi ko rin ramdam ang ngalay sa mga paa ko.
Nagpaalaam na ako sa dalawa dahil kailangan ko pang pumasok sa eskwelahan bukas at malayo layo rin ang ospital na ito.
"Ihahatid na kita Caleb." Alok ni Ronald ngunit tumnanggi ako.
"Hindi na Ronald salamat na lang, madami pa naman sigurong masasakyan." Sagot ko saka ito tumango, hinawakan pa nito ang balikat ko bago muling pumasok sa loob ng kuwarto.
Nagulat ako ng buksan ko ang condo unit namin ni Achilles.
"Nariyan ka na pala." Wika nito na nuo'y naghuhugas ng pinggan sa lababo. Akala ko pa naman ay tulog na ito at nagpapahinga na malamang ay nag-over time na naman ito ulit.
"Akala ko multo, katatapos mo lang bang kumain?" Umupo ako sa sala at ibinaba ang mga gamit ko.
"Multo? Ang guwapo ko namang multo bro." Winisik nito sa mukha ko ang kamay nitong basa saka umupo sa tabi ko.
"Kumusta? Nahanap mo ba si Rocky?" Tumango ako habang pinupunasan ang mukha saka naman ito napamulagat ng malaki.
"Talaga?" Inuga pa nito ang magkabilang balikat ko.
"Oo." Maikling sagot ko.
"Talaga ba? Hindi nga?" Tinignan ko naman ito ng masama habang inaayos ang damit ko.
"Oo nga, ano ka ba multong bingi?"
"Guwapong multong bingi bro, so nasaan siya?"
"Nasa Royal Prince Hospital siya nakaconfine." Ngumiti naman ito saka tumango.
"Paano mo nalaman na naduon siya? Kamusta si Rocky?" Bumuntong hininga muna ako bago sumagot.
"Nakita kong kumakain sa isang restaurant si Ronald ang kuya ni Rocky kasama si Farrah kaya tinanong ko kung nasaan si Rocky ayon dinala nila ako sakanya." Ngumiti naman ito habang nakikinig sa akin.
"Hindi pa rin siya nagigising, ang sabi ni Ronald katatapos lang ng operasyon ni Rocky." Dugtong ko pa.
"Magdasal lang tayo bro sigurado akong magigising din siya at gagaling rin ito kaagad." Tipid ang ngiti ko habang tinatapik nito ang balikat ko.
"Si Farrah kamusta na? Naitanong mo ba kung saan siya tumutuloy ngayon?" Lumingon ako rito ngunit tumawa lang ito. Mukhang patay na patay na yata ang kaibigan ko kay Farrah.
"Interesado ka ba sa kaibigan ni Rocky?" Tanong ko rito.
"Hindi bro, naitanong ko lang naman." Tumayo ito at inihagis sa akin ang unan.
"Kalimutan mo na ang sinabi ko, matutulog na ako dahil maaga pa tayo bukas." Dugtong pa nito saka pumasok na sakanya kuwarto.