Caleb Point Of View
Lahat gagawin ko para sa mga kapatid ko maibigay ko lang ang kanilang mga pangangailangan na hindi naibigay ni mama, kahit matagal na iyon ay masakit pa rin sa akin lalo na pagtinitignan ko ang mga kapatid ko na nangungulila sa ina lalo na't wala na si papa.
"Caleb, anak dalian mo na sa pagkarga ng mga gulay at baka maabutan ka pa ng ulan." Tumingin naman ako sa kalangitan at mukha ngang nakakaulan.
"Oho Auntie Hasmin." Nagmadali naman ako sa pagkarga ng mga gulay na dadalhin ko sa charity foundation, bata palang ako ay isinasama na ako ni mama sa foundation kaya naman malapit na malapit ang loob ko sa mga bata roon.
Sumakay na ako kaagad sa sasakyan na pagmamay-ari ng kapatid ni papa at ipinamana na sa akin dahil nasa America na ang mga ito.
Mabilis akong nakarating ng San Antonio, bumaba ako sa sasakyan at ibinaba ang mga gulay na dala dala ko at ipinasok sa loob ng foundation.
"Pakisabi kay Hasmin ay maraming salamat dahil sa walang sawang paghahatid ninyo ng mga gulay para sa mga bata." Ngumiti naman ako at hinakbayan si Mrs. Reyes.
"Wala ho iyon Mrs. Reyes alam naman ho ninyong malapit ang loob namin sa mga bata." Ngumiti rin ito habang papalabas kami ng foundation.
"May balita ka na ba kay Catherine? Sa mama mo?" Napahinto ako dahil sa narinig ko, ayaw ko na sana itong pag-usapan pa dahil nasasaktan lang ako sa tuwing naririnig ang pangalan ni mama nang mapalingon ito sa bintana at gayun din ako.
"Umaambon na ho Mrs. Reyes kailangan ko ng makabalik ng San Luis at baka wala na ho akong madaan." Nagpaalaam na ako rito at dali daling sumakay sa sasakyan. Huwag lang sanang tumirik ang sasakyan ko at baka hindi na ako makauwi.
Nasa daan palang ako ay bumuhos na ang malakas na ulan, halos hindi ko na rin makita pa ang daraanan ngunit nakita ko ang isang tao na pumapara sa akin at kaagad naman akong huminto saka ibinaba ang bintana.
Sa itsura nito ay muhka itong mayaman, hindi na sana ako baba dahil malakas ang ulan ngunit may nag-uudyok sa akin na tulungan ko ito kaya naman bumaba agad ako kahit na pa alam kong mababasa lang ako dahil sabi nito ay kailangan nito ng tulong.
Nakita ko ang asta nito na tila ba pinanliliitan ako, ilang beses ko rin itong nakitang patingin tingin sa sasakyan ko na parang sinasabi nito kung may alam ba ako sa ginagawa ko.
"Wala akong dalang tools miss pasenya na." Ang sabi ko kahit na ang totoo'y dala dala ko palagi ang tools ko dahil palagi nalang tumitirik ang sasakyan.
Nang sabihin ko iyon ay halos pumutok ang ugat nito sa leeg habang sa loob ko naman ay napapatawa ako.
Ipinagmayabang pa nito ang halaga ng motor niya na aabot sa 650,000 pesos, may alam din naman ako sa mga sasakyan dahil under graduate ako ng automotive engineering at alam kong mahal ang motor nito.
Nagsimula itong magsabi sabi ng kung ano ano kaya naman sa sobrang inis ko ay itinumba ko ang motor nito sa palayan, hindi ko naman sana gagawin iyon ngunit napakayabang at antipatika nito at kung umasta ay daig pa nito ang lalaki.
Dali dali akong sumakay ng sasakyan ko habang napapatawa at halos habulin din nito ako ngunit pinatakbo ko ito ng mabilis. Nang makalayo ako ng kaunti ay huminto ako at tinignan ko ito sa aking side mirror, balak ko sana itong balikan para tulungan muli ngunit napansin ko na may huminto na rito at mukhang kakilala nito dahil nakita ko pang inihagis nito ang payong na Ibinigay sakanya ng lalaking bumaba sa sasakyan kaya naman dumeretso na ako sa pag-uwi.
Napabuntong hininga naman ako habang pababa ng sasakyan dahil ambon lang ang mayroon sa San Luis, tinanggal ko ang damit ko at inihagis sa lamesa na gawa sa kawayan.
"Insan saan ka ba galing bakit basang basa ka?" Tanong ng pinsan ko na anak ni auntie Hasmin.
"Sa San Antonio insan napakalakas ng ulan doon, mabuti nga dito ambon lang." Napatawa naman ito habang sinisilip ang sasakyan.
"Nakasakay ka naman riyan sa kotse mo bakit nabasa ka pa?" Lumabas naman si Crissa habang mayroon itong dala dalang kape.
"May tutulungan sana akong babae dahil nasira ang motor niya kaya lang napakayabang kaya imbes na tulungan ko ayon sinipa ko ang motor niya, at alam mo ba kung anong nangyari insan? Natumba iyong motor niya sa palayan." Habang tumatawa ako ngunit nakita ko naman ang reaksyon nito na hindi makapaniwala.
"Ano insan? Matagal na tayong magkasama insan a, at alam kong napakagentleman mo sa mga babae bakit mo naman ginawa iyon sakanya?" Humigop muna ako ng kape saka napangisi.
"Napakayabang, napakaarte at napakaantipaka kahit sino walang tutulong doon." Napailing nalang ang pinsan ko dahil sa mga sinabi ko.
"Baka naman kursunada mo kuya?" Sabat naman ni Crissa at kumindat pa.
"Paano ko naman magiging kursunada iyon e, mas lalaki pa nga sa akin kung umasta." Tumayo ako sa aking upuan
at ginulo ang buhok ng kapatid ko.
Lumipas pa ang ilang araw ngunit hindi pa rin naaalis sa isipan ko ang babaeng iyon, napapangiti ako sa tuwing naiisip ko ang pagkainis nito sa akin.
"Bro, Caleb!" Tawag ni Achilles, isa sa mga kaibigan ko. Napalingon naman ako habang dala dala nito ang isang envelope at patakbo patungo sa akin .
"Anong mayroon Achilles?" Tanong ko habang hingal na hingal ito na malaki nang ngit sa akin.
"Tuloy na tuloy na tayo sa Australia bro, makakaalis na tayo sa susunod na buwan." Masaya ako sa ibinalita ng kaibigan ko dahil matagal na namin plano ito na ipagpatuloy roon ang aming pag-aaral kasabay ng pagtatrabaho ngunit hindi lang naman iyon ang dahilan ko, gusto ko rin hanapin si mama roon para malaman ang dahilan nito kung bakit nito kami iniwan.
"Bakit biglang nanahimik Caleb? May problema ba?" Umiling naman ako saka kinuha ang envelope sa lamesa.
"Walang problema bro, masaya ako dahil sa wakas makakaalis na rin tayo pero hindi pa rin sapat ang ipon ko baka mabitin lang ako sa budget." Tumabi naman ito sa akin at hinakbayan ako.
"May isang buwan pa naman bro, madadagdagan pa ang ipon mo huwag kang mag-aalala tutulungan kitang makahanap ng extra income." Tinapik tapik pa nito ang balikat ko.
Napaisip ako tungkol dito habang hawak hawak ang envelope hindi ko alam kung magiging sapat ang budget na mayroon ako papuntang Australia ngunit ng makita ko ang mga kapatid ko na nakatingin sa akin habang ngumingiti ay lumalakas ang loob ko.
Nagpatuloy lang ako sa pag ekstra ekstra sa pagkukumpuni ng mga sasakyan na halos lahat ng mga kapit bahay namin ay sa akin ang takbo tuwing masisira ang kanilang mga motor, kotse at traysikel.
Inutusan ulit ako ni auntie Hasmin na magpunta ng foundation dahil hindi ko naiuwi ang mga tiklis na naidala ko roon dahil sa kakamadali ko.
"Ang mga tiklis anak a huwag mong kakalimutan dahil kailangan natin ang mga iyan sa pag biyahe ng mga gulay." Sigaw pa ni auntie Hasmin at bumusina naman ako.
"Makikita ko pa kaya siya? Ang babaeng ubod ng yabang." Bulong ko sa sarili ko.
Binilisan ko na sa pagmamaneho dahil kailangan ko pang ayusin ang kotse ni kapitan sayang din iyon pandagdag pa sa ipon ko.
Malapit na ako sa foundation kaya naman biglang pasok ko sa gate at hindi napansin ang isang motor na palabas kaya naman sa gulat ko ay binusinahan ko ito, alam ko naman ako ang may mali ngunit pinilit ko sa sarili ko na tama ako para inisin ang babae sa harapan ko.
Hindi ko ito inaasan ngunit sumagi sa isipan ko na sana ay magkita kami ulit.
"Ikaw?" Sabay naming bigkas. Maganda ito kahit na palagi ang kunot ng nuo nito na tila ba walang kasiyahan sa buhay.
Galit na galit ito sa akin habang ako naman ay pigil sa pagtawa, napakaganda niya kahit napakayabang at antipatika.
Ininsulto ko pa ito sa halaga ng motor niya kahit na alam kong ganoon talaga ang presyo ng mga Big bike motor.
Mukhang hindi nito nagustuhan ang sinabi ko dahil hindi na ito sumagot at aakama na itong sumakay sa motor niya kaya naman lumapit ako at hinila ko ang braso niya.
"Huwag ako miss." Sabi ko ng malapitan ko ito at maitapat ko ang mukha ko sa mukha niya, mabuti na lang at nakapagtooth brush ako bago makaalis ng San Luis dahil kung hindi ay baka na turn off na ito sa akin. Natitigan ko pa ang makinis na mukha nito at ang mga mata nito na kulay kayumanggi at mayroon mahahabang pilik mata.
Napadako naman ako sakanyang mga labi at mapalunok ng sariling laway dahil ang pupula ng mga ito at paniguradong masarap halikan, ngunit ng walang ano ano'y sinampal nito ako sa pisngi.
"Bastos." Sigaw nito saka nito isinuot ang kanyang helmet at sumakay na sakanyang motor, napatawa nalang ako sabay kamot sa aking ulo habang iniisip kung bakit ko ba iyon ginawa.
"Caleb anong bang ginagawa mo tsk." Bulong ko sa sarili ko saka na muling pumasok sa loob ng sasakyan.
Pagkapasok ko sa foundation ay hindi pa rin mawala sa mga labi ko ang ngiti habang iniisip ang babae kanina.
"Heto na ang mga tiklis na nakalimutan mo noong nakaraan na nagpunta ka rito." Ibinaba ni Mrs. Reyes ang mga ito sa gilid ko habang ako naman ay napapangiti pa rin.
"Mrs. Reyes, iyong tomboy na nakamotor kanina palabas ng foundation kilala ba ninyo?" Tanong ko nang hindi ko na mapigilan ang aking sarili.
"Tomboy ba kamo? Hindi tomboy si Rocky, babae iyon ganun lang talaga ang style nu'n." Tumawa naman ito at iniabot ang hawak nitong tasa ng kape.
"Rocky?"
"Oo Rocky ang pangalan niya, tatlong taon na siyang nagbibigay ng donasyon dito, dalawa hanggang tatlong beses sa isang lingo kung magpunta iyon dito, hindi nga lang kayo nagkakatagpo." Tumango tango naman ako sa narinig ko, mabait din naman pala ang mayabang na iyon.
"Bakit mo naitanong? Kursunada mo ba?“ Halos mailuwa ko ang nainum kong kape at pinigilan ko lang iyon kaya naman nasamid ako.
"Hindi ho Mrs. Reyes mukha ngang mas lalaki pa iyon sa akin at baka babae rin ang hanap nu'n." Humigop muli ako ng kape habang iniisip na hindi imposible na magkagusto ako sakanya.
Bumalik na ako ng San Antonio dahil dadaan pa ako sa bahay nila kapitan para kumpunihin ang sasakyan nito.
"Maraming salamat Caleb, oh heto tanggapin mo alam kong kailangan na kailangan mo ng pera." Umiling naman ako at hindi inabot ang binibigay nito.
"Masiyado hong malaki iyan kapitan wala naman hong masiyadong sira ang sasakyan ninyo." Ngumiti naman si kapitan at kinuha ang kamay ko, inilagay nito sa palad ko ang pera na hawak nito.
"Huwag ka ng tumanggi Caleb, sige na umuwi ka na alam kong hinahanap ka na ng mga kapatid mo." Nagpasalamat ako rito at sumakay na sa sasakyan ko. Mabait ang aming kapitan dito kaya naman tahimik ang aming lugar dahil sa maganda nitong pamamalakad.
Nang makarating ako sa bahay ay nakita ko ang isang magarang kotse na nakaparada sa harapan ng bahay nina na auntie Hasmin mukhang mayroon itong mayaman na bisita.
Ibinaba ko na ang mga tiklis at inilagay na lang sa harapan ng kanilang bahay para hindi na ako makaistorbo pa sa bisita nito ngunit pagka baba ko niyon ay siya namang paglabas nila.
"O andiyan na pala siya Don Rodrigo." Ngumiti naman si auntie Hasmin sa akin at ang pamilyar na mukha ng lalaki sa harapan.
"Caleb kumusta na? Binatang binata ka na, may asawa ka na ba?" Ganoon na ba ako katanda para mag-asawa? 31 palang naman ako at batang bata pa.
"Wala pa ho akong asawa Don Rodrigo, binatang binata ho." Ngumiti naman ito sa akin at ako'y kanyang hinakbayan pa.
"That's good to hear para walang sagabal sa magiging trabaho mo." Tumango tango naman ako sa mga sinasabi nito. Magiging trabaho? Ano bang trabaho ang sinasabi nito?
"Gusto sana kitang gawing driver ng anak ko." Napaisip naman ako kung sinong anak ang tinutukoy ni Don Rodrigo dahil sa pagkakaalam ko ay marunong ng magdrive ang mga ito dahil mga kasing edad ko lang sila.
"Driver ho? Naku Don Rodrigo, aalis na rin ho ako sa susunod na buwan patungong Australia para ho ipagpatuloy ang pag-aaral ko, iba nalang ho ang kuhanin ninyo." Napangiti naman ito at tinitigan lang ako.
"O di isang buwan lang Caleb, pag drive mo lang ang anak ko papasok sa trabaho iyon lang naman ang gagawin mo, sa panahon kasi ngayon mahirap ng makahanap ng magaling na driver katulad mo." Inabot nito sa aking ang isang calling card.
"Pag-isipan mo iho at tawagan mo lang ako." Dugtong pa nito saka sumakay na sakanyang sasakyan.
Lumapit naman sa akin si auntie Hasmin at naupo kami roon.
"Pag-isipan mo anak sayang din ang kikitain mo doon, hindi ba't namomroblema ka sa pera?“ Napatingin naman ako sa hawak kong calling card na ibinigay ni Don Rodrigo. Bakit nga pala hindi ko naitanong ang sasahurin ko.
"Kung nag-aalala ka sa mga kapatid mo pwes ako ng bahala sakanila pwede naman si Cindy nalang ang tumingin tingin sa mansion habang binabantayan ko ang mga kapatid mo at isa pa anak malalaki na ang mga kapatid mo sa tingin ko naman ay kayang kaya na nila ang kanilang mga sarili. "Mahaba nitong pahayag, napaisip naman ako dahil hindi naman mahirap ang magiging trabaho ko kung sakali man at mas malapit pa ako roon sa mga bata sa foundation.