Caleb Point Of View
Nagtinginan pa kami ni Achilles saka kumunot ang nuo ko, wala naman kaming inaasahan na bisita ngayong araw ngunit tumayo ito at kaagad na binuksan ang pinto marahil ay si ate Ayiesha ito ang ate ni Achilles.
Ipinagpatuloy ko ang paghigop ng kape na gawa ni Achilles.
"Achilles, ano bang klaseng kape ito bakit ang ta.." Natigilan ako sa pagsasalita nang makita ko sa aking likuran si mama. Anong ginagawa niya rito? Bakit alam niya ang tinutuluyan namin?
"Anak pwede ba tayong mag-usap?" Bungad nito sa akin saka maupo sa sala, bumuntong hininga naman ako at umupo rin duon.
"Anak makinig ka sana sa akin, totoo ang mga sinasabi ko." Dugtong nito nang makaupo na ako.
"Pwede ba ma, tumigil na kayo. Hindi ako maniniwala sa mga sinasabi ninyo, ano ba kasing ginagawa ninyo rito? Bakit nalaman ninyo kung saan ako nakatira." Lumingon si mama kay Achilles kaya napalingon na rin ako.
"Ah gagawa lang ako ng meryenda ninyo, excuse po tita." Ngiting aso itong nakatingin sa akin saka dumeretso sa kusina. Kahit kailan talaga ang kaibigan kong ito ay hindi rin nakapagtatago ng sekreto dahil sinabihan ko na ito na huwag sasabihin kay mama kung saan kami nakatira.
"Caleb anak makinig ka, wala talaga akong balak na iwanan kayo ng mga kapatid mo ngunit pumayag ang papa mo si Luisito dahil alam niyang hindi naman talaga namin mahal ang isa't isa." Kumunot ang nuo ko saka ngumisi.
"Nagsasama lang kami para sainyo ng mga kapatid mo kahit na pa nalaman na nito na hindi ka niya anak, oo Caleb alam ng papa mo na hindi ka niya anak." Dugtong pa nito, tumulo pa ang luha nito habang hawak hawak ang mga kamay ko.
"Hindi ako naniniwala sainyo, wala akong iba ama kung hindi si papa lang. Si papa lang ang tumayong magulang namin simula nang iwanan ninyo kami hanggang sa bawain ito ng buhay ay kami pa rin ang iniisip niya." Nangingilid ang luha sa aking mga mata, ayaw kong paniwalaan ang mga sinasabi nito.
"Please anak, gusto kang makilala ni Rodolfo ang totoong ama mo. Bigyan mo naman sana siya ng pagkakataon na maging ama sa iyo." Tumayo ako at binuksan ang pinto.
"Kung wala na kayong sasabihin ay pwede na kayong umalis dahil pupuntahan ko pa si Rocky." Nagmadali akong punasan ang luha na pumatak sa aking mukha.
"Anak, hindi mo siya pwedeng mahalin dahil magkadugo kayo masasaktan ka lang anak." Naiinis ako sa mga sinasabi ni mama kaya naman hindi na ako nakatiis at nasigawan ko na ito.
"Ma! Tumigil kayo! Ayaw ko ng marinig pa ang mga sasabihin ninyo kaya umalis na kayo." Pagkatapos niyon ay nagtungo na ako sa kuwarto at pabalibag na isinarado ang pinto. Inihagis ko lahat ng mga gamit duon dahil sa sobrang galit, hindi naman dahil kay mama mismo kung hindi dahil sa mga sinasabi nito. Wala akong ibang ama kung hindi si papa lang at hindi maaaring magpinsan kami ni Rocky dahil mahal na mahal ko siya, siya lang at wala ng iba.
Lumipas ang ilang mga araw ngunit hindi na ako nakapunta pa ng ospital dahil baka makita ko na naman roon si mama, naging abala ako sa eskwelahan at sa trabaho. Madalas din akong mag-over time para lang makalimutan ang mga sinabi ni mama sa akin.
"Bro, tara na." Kinuha ni Achilles ang mga gamit ko sa locker at ito na ang nagbitbit sa mga ito habang dala dala ko naman ang dalawang bote ng alak.
Pagkarating namin ng condo ay kaagad kong binuksan ang mga iyon. Iniabot ko pa kay Achilles ang isa at umupo sa sala.
"Bayad na ako sa utang ko a." Ngumiti lang ito sa akin at umupo rin doon.
"Caleb, kamusta ka na ba? Simula nang mag-usap kayo ni tita Catherine ay hindi ka man lang nagkwento sa akin kahit na pa palagi naman tayong magkasama." Ipinatong ko sa mesa ang bote ng alak saka ito tinitigan.
"Pasenya ka na kung sinabi ko kay tita kung saan tayo nakatira." Dugtong pa nito kaya naman tumango ako.
"Narinig mo naman siguro ang usapan naming dalawa at sa tingin ko naman ay gulat ka rin sa mga narinig mo." Lumagok ako ng alak saka nagpatuloy.
"Hindi totoo ang mga sinasabi niya Achilles, hindi iyon maari." Ngumisi ako at sinimulang ubusin ang nasa bote.
"Hindi naman kaya totoo ang sinasabi ni tita? Huwag ka sanang magagalit sa sasabihin ko Caleb, alam mo naman na magkakampi tayo, di'ba?" Hinayaan ko lang itong magsalita kahit na pa ayaw kong marinig ang susunod niyang sasabihin.
"Bakit hindi kayo mag-usap ng masinsinan ng mama mo? Humingi ka ng pruweba na mag-ama nga kayo ni sir Rodolfo, DNA test? o kahit na anong test para malaman na mag-ama nga kayong dalawa." Sabagay ay mayroon nga itong punto, malakas ang loob ko na hindi kami mag-ama kaya desido nga akong magpaDNA test kaming dalawa.
"Tama ka Achilles ganoon nga ang gagawin ko dahil malakas ang kutob ko na hindi kami mag-ama." Sagot ko naman kaya tumango ito.
"At dapat ay maging handa ka rin bro sa ano mang resultang lalabas sa test, hindi naman kaya pinapaniwala mo lang ang sarili mo at pinapalakas ang loob na hindi kayo mag-ama dahil mayroon ka pang mas malalim na dahilan?" Ano bang ibig sabihin niya? Akala ko ba ay kakampi ko ito bakit pinag-iisip niya pa ako ng kung ano ano?
"Alam ko naman na tito ni Rocky si sir Rodolfo at kung nagkataon na mag-ama nga kayong dalawa, bro tsk tsk tsk magpinsan kayo ni Rocky at kailangan ay putululin mo na ang nararamdaman mo sakanya dahil masasaktan ka lang." Natigilan ako sa mga sinabi nito, paano nga kung totoo ang sinsabi ni mama? Anong gagawin ko? Pinsan ko ang taong mahal ko pero bakit siya pa? Ang daming pwedeng maging pinsan ko sa mundo, bakit si Rocky pa kung nagkataon.
Bumalik ako ng ospital makalipas ang isang linggo, dahan dahan ako sa paglalakad dahil ayaw kong makita si mama, palinga linga ako sa bawat hallway na madaraanan ko at baka makasalubong ko ito dahil hindi pa ako handa na makausap muli ito.
Naabutan ko si Ronald na nasa loob ng kuwarto ni Rocky kaya naman lumabas ito at pinuntahan ako.
"Caleb bakit ngayon ka lang dumalaw ulit?" Tanong ni Ronald nang makalabas ito sa kuwarto.
"Pasenya na Ronald masyado akong naging busy nitong mga nakaraang araw." Tumango tango ito saka muling sumilip sa bintana.
"Kumusta na ba si Rocky may pagbabago na ba?" Ngunit umiling lang ito.
Pumasok ako sa loob ng kuwatro ni Rocky, katulad ng dati ay inayos kong muli ang kama nito habang kinakausap ko ito. Sana man lang ay naririnig nito ako dahil napaka bigat na ng dinadala kong sama ng loob.
"Rocky gumising ka na, alam mo bang nag-usap muli kami ni mama katulad ng ipinangako ko sa iyo ay kakausapin ko ito ng malumanay ngunit hindi iyon nangyari dahil sa sinabi niya sa akin." Lumingon pa ako sa aking likuran at wala naman tao roon kaya nagpatuloy lang ako.
"Sinabi nito na magpinsan tayong dalawa at ang tito mo ang ama ko." Ngumisi ako habang umiiling.
"Gumising ka na please Rocky, hindi ko na alam ang gagawin ko nalilito na ako sa mga nangyayari. Ang sabi ni Achilles ay kausapin ko ito ng masinsinan alam kong iyon din ang gusto mo." Hinawakan ko ang kamay nito habang umiiyak.
"Ang sabi ni mama ay bigyan ko ng pagkakataon ang tito mo na iparamdam ang pagiging ama niya sa akin ngunit paano ko gagawin iyon kung isa lang ang itinuring kong ama." Patuloy pa rin ako sa pagluha habang hawak pa rin ang kamay nito.
"Kaya sana Rocky gumising ka na, ang paggising mo ang hinihintay kong sagot. Gumising ka lang Rocky please, makikipag- usap na ako kay mama at hahayaan na lang ang mangyayari ngunit ipagpapatuloy ko pa rin ang pagmamahal ko sa iyo." Pinunasan ko ang luha sa aking mga mata at lumapit kay Rocky pinagmasdan ko ang mukha nito saka hinalikan ang kanyang labi.
Nang bigla nalamang gumalaw ang kamay nitong hawak ko, mangyayari bang muli ang nangyari noon?
Lumayo ako ng bahagya kay Rocky at tinignan ang ventilator machine nito ngunit hindi naman nagbabago ang paggalaw ng ventilator. Narinig ba ni Rocky ang lahat ng mga sinabi ko?
“Caleb?" Nagulat ako sa binigkas na pangalan ni Rocky, bulol ito sa pagsasalita dahil sa tubo na nakalagay sakanyang bibig ngunit sigurado ako na pangalan ko ang kanyang binanggit.
Napalunok ako ng aking laway saka lumabas ng kuwarto.
"Gising na si Rocky, Ronald." Wika ko kay Ronald habang nakangiti, nagulat ito sakanyang narinig kaya naman mabilis itong pumasok sa loob ng kuwarto ni Rocky habang ako naman ay nanatili lamang sa labas.
Pagkatapos ay nagsidatingan na ang ilang mga doktor na tinawagan ni Ronald.
Nakita ko ang pagsuri kay Rocky habang tinatanggal ang tubo sakanyang bibig habang hawak naman ni Ronald ang kamay ni Rocky. Nakangiti ang mga doktor pati na rin si Ronald, ang ibig bang sabihin ay gising na nga talaga si Rocky? Napalingon sa akin si Ronald habang tinatawag ako ngunit umiling lamang ako.
Katulad ng sinabi ko kay Rocky na ang paggising nito ang sagot sa lahat ng tanong ko. Ipinikit ko ang aking mata saka huminga ng malalim, kung ano man ang maging resulta sa pag-uusap namin ni mama ay tatanggapin ko ng buo ngunit hindi ko maipapangako na kalimutan si Rocky, na kalimutan ang pagmamahal ko sakanya.
Pagkaraan ng dalawang araw na pag-iisip ko ng mabuti ay tinawagan ko na rin si mama upang makipagkita rito at makapag-usap kami ng maayos gayong gising na rin naman na si Rocky. Nagkita kami sa isang coffee shop kung saan kami dati nag-usap.
"Salamat anak at tinawagan mo ako upang makapag-usap tayo." Tumango ako rito ngunit hindi ako makatingin sakanya dahil kinakampante ko pa ang sarili ko.
Nang biglang may umupo sa tabi nitong isang matandang lalaki na kamukha ni sir Rodrigo. Ito ba ang tito ni Rocky na si sir Rodolfo?
"Ang sabi ko sainyo ay tayo lamang dalawa ang mag-uusap, hindi talaga kayo tumutupad sa usapan." Ngumisi ako at aakma na sanang tumayo ngunit hinawakan ng lalaki ang kamay ko.
"Pwede bang maupo ka na muna at makapag-usap naman tayo?" Sabi nito habang naluluha pa.
"32 years akong mag-isa lang sa buhay simula ng iwanan ko ang mga magulang ko at hindi na rin nakapag-asawa pang muli dahil subsob ako sa trabaho." Umupo ako at nakinig sakanya, banayad ito pagsasalita.
"Nang magkita kami ng mama mo sa isang restaurant ay ipinagtapat nito sa akin na mayroon kaming naging anak at ikaw iyon." Dugtong pa nito.
"Bago ang kasal namin ng papa mo ay mayroon nangyari sa amin ni Rodolfo." Naluha ako nang marinig na pinagtaksilan ni mama si papa.
"Ang ibig bang sabihin ay pinagtaksilan ninyo si papa?" Tanong ko habang pigil sa pag luha.
"At nagbunga ang pagtataksil na iyon dahil ikaw ang bunga anak." Umiiling ako dahil hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko.
"Kung talagang ikaw ang aking ama ay dapat magpaDNA test tayo para makasiguro ako." Nagtinginan naman ang dalawa, sigurado akong nagsisinungaling lang si mama.
"DNA test result ba ang hanap mo Caleb?" Isang pamilyar naman na boses ang aking narinig sa aking likuran kaya naman lumingon ako rito at si sir Rodrigo at mam Dale ang naroon.
Lumapit ang mga ito at umupo rin sa amin, iniabot nito sa akin ang isang piraso ng papel. Nanginginig ang mga kamay ko nang abutin ko iyon at basahin.
Hindi ako makahinga parang sinasakal ang aking leeg sa nabasa kong resulta hindi ito maari paano na kami ni Rocky ngayon?
Nagsimula ng pumatak ang luha sa aking mukha, lumapit si mama at niyakap ako ng mahigpit habang hinahaplos nito ang aking likuran.
"Nuong una ay hindi rin kami naniniwala hanggang sa lumabas na nga ang resulta at anak ka ni kuya, ang iyong ama." Parang wala akong naririnig at naiintindihan sa mga sinasabi ng mga ito.
"Kaya naman kumuha ako ng ilang piraso ng iyong buhok nuong huling nag-usap tayo, kung naaalala mo pa ay nuong sinabihan kita na hindi maganda ang madalas ninyong pagsasama ni Keitlyn dahil ayaw ko lamang na mahulog ang loob ninyo sa isa't isa dahil magpinsan kayo. " Dugtong pa nito na lalo lang nagpasakit sa kalooban ko.
"Patawarin mo ako Caleb kung ano man ang mga nasabi ko sa iyo noon upang layuan mo si Keitlyn." Ito ba ang sinasabi niya noon na maiintindihan ko rin balang araw ang lahat?
Kaya ba nagising na si Rocky upang maintindihan ko na? Ito ba ang senyales nu'n?
Bumitaw sa pagkakayakap sa akin si mama saka naman tumayo ang tito ni Rocky na si sir Rodolfo at niyakap din nito ako ng mahigpit habang humahagulgol sa pag-iyak.
Bibigyan ko ito ng pagkakataon na iparamdam sakanya ang pagmamahal ng isang anak at pagkakataon na maging ama ito sa akin ngunit naniniwala pa rin ako na si papa lang ang ama ko at wala ng iba pa.
Magiging pinsan ako ni Rocky ngunit ang pagmamahal ko sakanya ay hindi pa rin magbabago, mas gugustuhin ko pang tumanda mag-isa.
Ang pagmamahal ko sakanya ay wagas, lumabas man ang resulta ay mananatili pa rin ang nararamdaman ko sakanya magpakailaman pa man.