Caleb Point Of View
Hindi ko alam kung bakit ko napagtaasan ng boses si Rocky marahil na rin ay sa tama ng nainum ko, bumalik ako sa veranda ngunit wala na roon si Rocky malamang ay umakyat na rin ito sakanyang kuwarto.
Sinilip ko pa ang kanyang motor sa garahe at baka umalis ito ngunit naroon naman iyon kaya nakasisiguro ako na nasa loob na siya ng kanyang kuwarto.
Nilinis ko ang mga kalat sa veranda at ang mga bubog na nagkalat gawa ng pagkakabasag ko sa bote ng vodka.
Bumalik ako sa aking kuwarto upang makapagpahinga na rin dahil maaga pa ako bukas para makahingi ng pasensiya kay Rocky.
Nagising ako sa malakas na katok ng pinto na nanggagaling sa labas ng kuwarto, bumangon ako kaagad kahit na pa medyo nahihilo ako.
Pagkabukas ko ng pinto ay nakita ko si manang na nakapameywang pa sa akin.
"Caleb nasaan si Rocky?" Nagulat ako sa tanong ni manang habang sinusundan ito papasok sa kusina.
"Hindi ba't sinabi ko sa iyo na iakyat mo siya sa kuwarto niya?" Dugtong pa nito, nagtaka naman ako sa sinabi ni manang.
Nang makarating kami sa sala ay naroon si Ronald at ang kaibigan ni Rocky na si Farrah.
"Caleb, alam mo ba kung saan nagpunta si Rocky?" Lumingon naman ako kay Ronald habang umiiling, ang ibig sabihin ba nito ay nawawala si Rocky?
"Nasaan po ba si Rocky manang?" Lumingon naman sa akin si manang.
"Hindi ba dapat ako ang magtanong sa iyo niyan Caleb? Sinabi ko na sa iyo kagabi na iakyat mo na si Rocky sa kuwarto niya. Ngayon hindi natin alam kung nasaan siya at ginamit pa niya ang motor niya hindi rin makontak ni Ronald." Napahinto ako dahil sa sinabi ni manang, hindi ko siniguro na nakaakyat na si Rocky sakanyang kuwarto kagabi malamang ay bumaba pa ito at lumabas ng bahay.
Mukhang kasalan ko kung bakit nawawala si Rocky ngayon dahil napagtaasan ko ito ng boses kagabi.
"Huwag kayong mag-aalala hahanapin ko si Rocky." Lumingon sa akin si Ronald at si Farrah saka tumango ang mga ito.
"Thank you Caleb." Tumango ako nang sabihin sa akin iyon ni Ronald.
Dali dali akong nagtungo sa garahe at sumakay ng kotse, nagsimula akong hanapin ito sa madalas nitong pinupuntahan habang tinatawagan ko rin ito ngunit hindi ito sumasagot.
Nagpunta ako sa foundation ngunit sinabi ni Mrs. Reyes na hindi pa ito nagpunta roon, sumunod naman akong nagtungo sa racing circuit ngunit wala naman katao tao roon at mga empleyado lang na nagkukumpulan.
Hindi na ako nagtungo sa V. E. M building dahil sigurado akong tumawag na roon si Ronald. Magtutungo na sana ako sa shop nito nang biglang tumunog ang telepono ko.
"Hello Caleb, nandito na si Rocky." Nakahinga ako ng malalim dahil sa ibinalita ni manang, uuwi na sana ako ng bahay ngunit hindi pa akong handang harapin si Rocky dahil sa nangyari kagabi kaya naman dumeretso ako ng San Luis.
Naabutan ko roon ang pinsan kong si Randy at si Achilles na nagkukwentuhan, napalingon pa ang mga ito pagkababa ko ng kotse.
"O insan napadalaw ka?" Tanong ni Randy nang makalapit ako sakanila.
"Bakit ganyan ang itsura mo bro? May problema ba?" Nagtinginan pa ang mga ito saka parehong lumingon sa akin.
Umupo naman ako sa tabi ni Achilles habang nakayuko.
"Napagtaasan ko ng boses si Rocky kagabi at dahil doon umalis siya."
"Ang ibig mo bang sabihin nawawala ang boss mo? Ano ba kasing nangyari insan?" Umiling naman ako.
"Hindi, nakabalik na siya sa bahay." Saka ko ikinuwento ang nangyari kagabi, hindi naman umimik ang dalawa dahil alam nila ang kwento ng buhay ko at ang hirap na dinaanan namin. Alam din nilang sensitibo ako pagpinag-uusapan ang ganitong bagay.
"Kasalanan ko, kung mayroon man mangyaring masama kay Rocky dahil sa inis ko." Napasuntok ako sa aking upuan.
"Bro alam mo, opinyon lang naman iyon ni Rocky at nasabi niya iyon dahil wala naman siyang alam tungkol sa iyo malamang nagiguilty din iyon ngayon dahil sa mga sinabi niya." Tinapik ni Achilles ang balikat ko.
"At sa tingin ko naman pareho lang kayong emosyonal insan dahil pareho nga kayong nakainum sabi mo." Tumango naman ako saka bumuntong hininga.
"Hihingi na lang ako ng tawad pagdating ko sa bahay, hindi ko dapat siya pinagtaasan ng boses lalo na't siya ang ano ko." Tumango naman ang dalawa.
Halos maghapon akong nanatili dito sa San Luis para magpalipas ng oras, dito na rin ako kumain at naligo. Pinaggiisipan ko kung ano sasabihin ko kay Rocky pagdating sa bahay.
Magkaibigan na kami ngayon kaya natatakot akong magkalamat iyon at bumalik sa dati na palagi itong naiinis sa akin.
Ilang beses na rin akong tinawagan ni manang upang umuwi na dahil maayos naman si Rocky ngunit sinabi ko na mayroon pa akong inaasikaso.
"Insan, hindi ka pa ba uuwi? Alas singko na baka maabutan ka pa ng dilim." Inabot nito sa akin ang isang tasang kape.
"Maya maya na insan." Sabi ko naman, gusto kong bumalik ng San Antonio na tulog na si Rocky at bukas ko na lang ito kakausapin sa V. E. M building.
Nagpaalaam na rin si Achilles dahil mayroon pa itong ibang lakad ngunit sinabi ko rito na sabay na kami at ihahatid ko na lang siya, sa una ay tumanggi ito ngunit sa banda huli ay pumayag na rin.
Isa si Achilles sa mga kaibigan kong alam ang tungkol sa buhay ko at isang bread winner din, sa ganitong edad ay hindi pa rin ito nagkakaroon ng nobya dahil kailangan pa nitong suportahan ang kanyang mga kapatid katulad ko.
Bukod sa pagiging bread winner nito ay talaga namang maaasahan at mapagbigay ang kaibigan kong si Achilles.
"Maraming salamat bro." Wika nito nang makarating kami sa isang restaurant sa San Luis kung saan ito makikipagkita.
"Basta ikaw Achilles walang problema." Ngumiti naman ito saka tumango bumusina naman ako upang sabihin na aalis na rin ako.
Nang makarating ako sa bahay sa San Antonio ay dumeretso na ako sa aking silid naabutan ko naman roon si manang at mang Kanor na nagpapahinga sa sala.
"Nariyan ka na pala Caleb, saan ka ba nanggaling?" Umupo naman ako sa pagitan nila.
"Sa San Luis po manang, binisita ko po ang mga kapatid ko." Tumango naman ito.
"Kumain ka na ba? Tara sa kusina at ipaghahain na kita." Sabi pa nito, simula ng dumating ako rito at maging driver ni Rocky ay itinuring na ako ni manang at mang Kanor na parang tunay na anak, bukod sa pag-aasikaso nila sa akin ay sobra rin ang pag-aalala nila sa tuwing gabi na ako umuuwi.
"Busog pa po ako manang, salamat po." Kinapa ko ang aking bulsa upang kuhanin ang aking telepono ngunit wala ito rito marahil ay nakalimutan ko ito sa kotse.
"Sandali lang po manang mukhang nakalimutan ko ang aking telepono sa kotse." Tumayo ako at nagsimulang maglakad patungo sa garahe.
Nang makuha ko ito ay napansin ko naman na nagyayakapan sina Rocky at si Farrah sa labas habang umiiyak pa si Farrah.
Lumapit pa ako ng bahagya, kumalas naman si Farrah saka sumakay ng kotse hindi ko narinig kung anong pinag-uusapan nila ngunit seryoso ang kanilang mga mukha.
Nang humarap sa akin si Rocky ay bahagya pa itong nagulat at mabilis na pinunasan ang kanyang pisngi ngunit bakas pa rin dito na katatapos lang nitong umiyak.
"Umiiyak ka ba Rocky?" Umiling lang ito at ngumiti sa akin saka nagpatuloy na naglakad patungo sa garden.
"Hindi Caleb napuwing lang ang mga mata ko." Ngunit ramdam ko na mabigat ang nararamdaman nito.
"Pero ang kaibigan mo si Farrah nakita ko umiiyak siya habang kayakap ka niya." Tinanggal nito ang kamay ko na nakahawak sakanyang balikat saka ito umupo.
"Iyon ba? Wala iyon huwag mo ng pansinin nagkatampuhan lang kami pero maayos na kami ulit." Umupo rin ako saka tumingin sa kalangitan.
"Rocky." Mahinang wika ko habang nakatingin sa kalangitan, lumunok muna ako ng aking laway bago nagpatuloy.
"Pasensiya na kagabi kung napagtaasan kita ng boses hindi ko sinasadya, alam mo na nakainum din ng konti." Lumingon ako at hindi ko inaasahan na nakatitig pala ito sa akin.
"OK lang hindi naman big deal sa akin iyon at isa pa kasalanan ko rin naman dahil masyado akong pakialamera." Tumawa ito at inalis ang pagkakatitig sa akin.
"At pasensiya ka na dahil iniwan kita kagabi, nagbasag pa ako ng bote akala ko ata nasa bahay ako." Napatawa ako habang nagkakamot ng ulo, hindi ko alam ang sasabihin ko baka sabihin nito masyado akong barumbado at asal kalye.
"OK lang din sanay naman ako na pagnakainum walang umaasikaso at sarili ko lang ang karamay ko tsaka hindi naman ako nalasing kagabi tignan mo nga maaga pa akong nagising at nagpunta sa racing circuit." Anong ibig niyang sabihin? Umiinum siya nang walang kasama? Hindi ko akalain na dumeretso siya sa racing circuit nang nakainum.
"Sorry talaga, hayaan mo Rocky babawi ako." Tumayo ako saka mabilis itong hinalikan sa kanyang pisngi at naglakad palayo hindi ko ito nilingon dahil sa sobrang hiya dahil sa ginawa ko ngunit sa wakas ay nagawa ko rin kahit na torpeng torpe ako.
Sa bawat hakbang ko ay hinihintay ko na habulin at suntukin ako ni Rocky alam kong kaya niyang gawin iyon dahil nga tomboy ito ngunit nakarating na ako sa aking silid ay hindi man lang ito gumawa ng aksyon.
Sa bawat pagpikit ko ng aking mga mata ay siya namang pag-aalala ko sa malambot na pisngi ni Rocky. Ano kayang mangyayari bukas? Papansinin pa kaya niya ako dahil sa ginawa ko o wala lang sakanya iyon.
Kinabukasan ay hindi ko na ihatid si Rocky sa V. E. M building dahil maaga akong nagtungo sa San Luis, birthday ni Crissa kaya tumulong ako sa paghahanda.
Nagpaalaam naman ako kay Ronald, kay manang at kay mang Kanor maliban kay Rocky dahil balak ko itong ayain at paniguradong magiging masaya si Crissa.
Pagkatapos kong tumulong ay dumeretso na ako sa V. E. M building para sunduin si Rocky, tinawagan ko muna ito kahit na malapit na ako sa kanyang opisina.
Pagkapihit ko ng busol ay siya naman nitong pagkagulat habang hawak hawak pa nito ang kanyang telepono, hinawakan ko ng mahigpit ang kanyang kamay habang palabas ng kanyang opisina.
Ni hindi man ito nagreklamo bagkus ay hinawakan pa nito ng mahigpit ang kamay ko, parang pelikula sa sine na halos lahat ng tao ay na slow motion sa pagdaaan namin ni Rocky sakanilang harapan.
Saka lang nito binitawan ang kamay ko nang makarating kami sa parking area.
"Parang biglaan naman ata Caleb, saan ba tayo pupunta?“ Ngumiti ako sakanya habang nagmamaneho.
"Birthday ni Crissa ngayon, pupunta tayo ng San Luis." Nakatitig ito sa akin na para bang excited din.
"Talaga? Birthday ni Crissa alright, dumaan muna tayo sa mall mayroon lang akong bibilhin." Napakunot naman ako kung ano ang bibilhin nito, ngunit sinabi nito na para kay Crissa ang bibilhin niya.
Sa bawat ipinapakita nitong mga damit ay siya namang pagtawa ko dahil hindi nagsusuot ng mga panlalaki ang kapatid ko, balak pa atang gawin ni Rocky na tomboy ang kapatid ko.
Dahil sa panay na pagtawa ko ay pinanliitan nito ako ng mata kaya naman tumahimik ako baka lalo itong mainis sa akin ngunit gustong gusto ko iyon dahil mas lalo itong gumaganda.
"Hindi ka na dapat pa kasing nag-abala Rocky, sinabi ko naman na sa iyo na makita ka lang ng kapatid ko ay magiging masaya na iyon, kita muna pinagpawisan ka tuloy." Sumakay kami sa kotse habang dala ko ang cake na binili nito, habang ito naman ay pawis na pawis.
"Ano bang klaseng mall iyan ang init sa loob." Tinanggal nito ang kanyang blazer habang mayroon hinahalungkat sakanyang bag nang biglang mayroon nalaglag na parang lagayan ng gamot.
"Ako na." Pinulot ko iyon saka binasa ang nakasulat doon.
"Vitamins para sa puso? Bakit mayroon ka nito?" Mabilis nitong inagaw iyon sa akin at inilagay sakanyang bag.
"Para kay tito Rodolfo ito ipapadala ko sana sakanya dahil nabasa ko na maganda raw ito para sa sakit sa puso." Tumango naman ako, nabanggit nga sa akin ni manang na naatake ang tito ni Rocky na nasa Australia kaya naroon ngayon si sir Rodrigo at mam Dale.
Nang makarating kami ng San Luis ay siya namang pavsalubong sa amin ni Crissa, napansin ko na madami na rin dumating na bisita kabilang na ang kaibigan kong si Achilles.
Tumingin ito sa akin at kinindatan ako habang ngumunguso kay Rocky, pinanliitan ko naman ito ng mata saka ito tumawa.
"Thank you ate Rocky nakapunta kayo ni kuya at salamat dito pwede ko na bang buksan?" Napapangiti ako habang nakatingin sa kapatid ko at alam kong masaya ito.
"Wow ate Rocky ang ganda nito." Nagulat ako sa nakita kong regalo na ibinigay nito sa aking kapatid dahil hindi ko iyon nakita na binili niya.
"Happy birthday! Nagustuhan mo ba? Pasensiya ka na dahil hindi ko alam kung ano ang gusto mo." Bigla nitong niyakap si Rocky ng mahigpit saka nagtaas baba ng kilay si Crissa na nakatingin sa akin, minsan na rin kasing nabanggit ni Crissa na gusto nitong maging hipag si Rocky.
"Hays tumigil ka na nga Crissa tara na sa loob." Napapailing nalang ako dahil sa kakulitan ng kapatid ko.
Naglakad kami papasok ng bahay habang hawak pa ni Crissa ang braso ni Rocky, sumusunod lang naman ako sa dalawa nang bigla akong hilain ni Achilles.
"Siya ba ang boss mo?" Binitawan nito ang braso ko at tumingin ng nakakaloko sa akin.
"Oo siya si Rocky bro, sige na mamaya na tayo mag-usap pagsisilbihan ko pa ang prinsesa ko." Mas lalo lang itong tumawa, kaya naman napapatawa nalang ako habang nagdadala ng pagkain sa loob ng bahay
"Saan ka nagpunta? Magbabanyo ka ba?" Nakita ko itong nakatayo habang tinitignan ang paligid.
"Hindi, tinitignan ko lang ang bahay ninyo." Tumango naman ako, mukhang naliliitan ito sa aming bahay.
"Pasensiya ka na maliit lang ang bahay namin at walang aircon." Tumawa ako ng bahagya.
"Ayos lang walang problema pero saglit lang tayo rito Caleb a baka nakakalimutan mo na mayroon tayong outing bukas." Bukas na pala iyon muntik ko ng makalimutan, tumango naman ako at nagsimula na kaming kumain.
"Caleb may dumi ba ako sa mukha?" Umiling naman ako kung bakit nito naitanong iyon samantalang napakaganda nito.
"Bukod sa pawis na tumutulo sa mukha mo, wala naman bakit?" Kumunot ang nuo.
"Panay ang tingin nila sa akin." Tumingin ako kung saan ito nakatingin at nakita kong nagbubulungan ang mga kaibigan ni Crissa kaya naman tumayo ako upang puntahan sila.
"Hey anong gagawin mo?" Sabi nito ngunit hindi ko ito pinansin at dumeretso ako sa kinaroroonan nila Crissa.