‘Let the measure of time be spiritual, not mechanical.’ – Ralph Waldo Emerson
-Scarlett’s POV-
“May palabas ka ba na gustong mapanood? Anong klaseng movie ba ‘yong hilig mo?” sunod-sunod na tanong ko sa kasama ko.
Ilang minuto na kasi kami rito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakapipili ng panonoorin. Nag-day-off pa ako para rito. Kung alam ko lang, sana ay sa bahay na lang kami nanood. Bumili na lang sana ako ng CD. O hindi kaya ay sa laptop, marami namang mahahanap na magadang movie online.
Nanghihinayang man sa ticket na gagastusin para sa panonood ay hinayaan ko na lang. Kung ang kapalit naman ay ang pag-alis nila at pagbalik ng buhay ko sa dating gawi, ayos lang.
“Ikaw ba, anong gusto mong panoorin?” tanong niya pabalik.
Hindi ko tuloy maiwasan na mapakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Para saan pa ‘yong oras na sinayang naman kung ako lang din naman pala ang mamimili ng panonoorin namin. Gustuhin ko man na umangal at mainis ay pilit kong kinalma ang sarili ko.
“Ito na lang ang panoorin natin, Big Hero, hindi ko pa ‘yan napapanood,” sagot ko sa kanya.
Akala ko ay aangal siya pero tumango na lang siya kaya naman bumili na kaagad ako ng ticket, baka mamaya ay bigla pang magbago ang isip niya. At dahil may halos isang oras pa kami bago ang susunod na palabas ay nagpasya ako na humanap muna ng matatambayan.
Nang may makita akong pwesto na hindi dinadaanan masyado ng mga tao ay do’n na ako dumiretso. Sakto at nasa gilid lang ‘to at hindi kaagad-agad mapapansin ng mga dumadaan. Kaya naman kahit na mag-usap kami ay walang problema.
“Ikaw na lang ba mag-isa sa buhay? May iba ka pa bang kapamilya o kamag-anak na nabubuhay?” tanong ko sa kanya.
Ilang araw ko na silang nakakasama pero wala pa rin akong alam sa kanila. Mabuti na lang at may libre kaming oras kaya naman makakapagtanong ako sa kanila. Sana lang ay sumagot siya para naman hindi ako parang tanga rito na nagsasalita mag-isa.
“Mayro’n,” maikling sagot niya. Magtatanong pa sana ako tungkol sa kamag-anak niya pero muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita. “May anak ako. Babae.”
“Kung gano’n, bakit hindi ka ro’n sa anak mo nagpakita? Paniguradong nami-miss ka na niya.”
Kung may anak naman pala siya, sana do’n na lang siya sa anak niya nagpakita. Paniguradong matutuwa pa ‘yon dahil makikita at makakasama niya kahit sandali ang papa niya. Bigla tuloy akong nalungkot. Kahit hindi ko matandaan ang mga mukha nila, bigla ko lang din naalala ang papa ko.
“Hindi niya ako naaalala,” kaagad akong napatingin sa kanya dahil sa sagot niya.
Sobrang lungkot ng boses niya. Simula rin ng banggitin niya ang tungkol sa anak niya ay parang bigla siyang tumamlay, halata rin ‘yong kalungkutan sa mukha niya. paniguradong nami-miss na niya ‘yong anak niya.
“Hindi ka niya naaalala?” pag-uulit ko. “Bakit, hindi mo ba naabutan ang paglaki niya?”
Umiling naman siya bilang sagot. “Masyado pa siyang bata no’ng nawala ako kaya naman hindi niya ako naaalala.”
Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nalungkot sa kwento niya, paniguradong miss na niya ‘yong anak niya pero hindi siya maalala nito. Ako kaya, naaalala pa kaya ako ng mama at papa ko? Ako kasi hindi ko na sila maalala, pero ramdam ko, dito sa kailalim-laliman ng puso ko na mahal ko sila.
Nakakalungkot lang na sa dinami-rami ng multo na pwedeng magpakita sa akin, ‘yong ibang tao pa. Pwede naman sila para kahit papano ay masilayan ko kung ano bang itsura nila. Kung may litrato lang sana ako ng pamilya ko ay hindi ako malulungkot ng ganito.
Paniguradong maganda ‘yong mama ko, ‘yong papa ko naman ay matipon at matikas, habang ‘yong kuya ko ay gwapo at matalino. Hindi ko tuloy maiwasan na mapangiti kapag naaalala ko sila. Kahit naman na wala na sila ay iniisip ko na lang na lagi ko silang kasama.
“Ikaw, bakit mag-isa ka na lang sa buhay. Nasaan ang pamilya mo?” balik na tanong naman niya sa akin.
Hindi tuloy ako kaagad nakasagot sa kanya. Hindi ko rin naman kasi siya masasagot dahil wala rin akong maalala.
“Wala na sila,” malungkot na wika ko. “Namatay sila bata pa lang ako kaya naman ulila na ako.”
Bigla kong naalala lahat ng paghihirap na nangyari sa buhay ko para lang makakain ako sa araw-araw, may maipambayad sa renta sa bahay, at para makapasok sa paaralan. Sa loob ng maraming taon, ang dami kong sinakripisyo.
Sa murang edad natuto akong magbanat ng buto. Isinantabi ko ‘yong paglalaro dahil kailangan kong mag-trabaho para may maipanggastos ako sa sarili ko, para maka-ipon, at para mabili ko ‘yong mga kailangan ko. Pasalamat na lang din talaga ako kina Auntie Amanda dahil kinupkop nila ako.
Kung hindi nila ako pinatira, pinakain, at binihisan, baka nasa kalsada ako ngayon at namamalimos. Hindi ko maiwasan na maalala lahat ng paghihirap at sakripisyo na ginawa ko. Kasi kung hindi dahil do’n wala ako rito ngayon, baka hindi ako natutong tumayo sa sarili kong mga paa.
“Nahihirapan ka ba?”
“Oo,” diretsong sagot ko sa kanya. “Mahirap. Ang hirap mabuhay pero para sa pamilya ko, handa akong magtiis.”
“Mukhang pwede nang pumasok,” he said at nauna nang tumayo.
Kaagad naman akong napatingin sa relo ko at saka ko lang napansin na ilang minuto na lang pala ay magsisimula na rin ang palabas. Hindi na ako bumili ng popcorn dahil hindi naman ako mahilig kumain habang nanonood. Hindi rin naman siya nag-request ng kung anong pagkain kaya ayos lang dahil makakatipid ako.
Pagpasok sa loob ay ako lang ang walang bata na kasama. Medyo nahiya tuloy ako dahil ang tanda ko na para manood ng mga ganitong palabas. Mabuti na lang din at madilim ang buong lugar kaya hindi masyadong kita ang mukha ko.
Nang makahanap ng magandang pwesto ay itinuon ko na ang atensyon ko sa screen dahil magsisimula na rin ang palabas. Buti na lang pala at nagdala ako ng jacket.
No’ng unang nakapanood kasi ako sa sinehan kasama si Karla ay sobra akong nilamig kaya hindi rin ako masyadong naka-focus sa pinapanood namin that time. Mabuti na lang ngayon at handa na ako.
“Wow! That was a good movie,” wika ng katabi ko ng matapos ang palabas. Imbes na sumagot ay tumango na lang ako.
Sang-ayon naman ako sa kanya. Totoo talaga na marami kang matututunan sa mga palabas na pinapanood mo, kahit na pambata pa ‘yan.
“Kumain ka na muna, alam ko na hindi ka nag-almusal kanina.”
“Hindi na, mamaya na lang.”
“Isa ‘yon sa kahilingan ko, gusto kong kumain tayo,” desididong wika niya kaya naman wala na akong nagawa kung hindi ang humanap ng makakainan.
Kung alam ko lang na magyayaya siyang kumain ay sana pala bumili na ako ng inumin at popcorn kanina. O kaya naman ay nagbaon ako ng pagkain, para mas tipid. Ang mahal pa naman ng mga pagkain dito sa mall. Kung sa bahay ay may tira pa naman akong kanin kagabi at may de lata naman do’n na pwedeng makain.
At para sa ikatatahimik ng buhay ko ay sumunod na lang ako sa kanya. “Tandaan, Scarlett, kaya mo ‘to ginagawa ay para makaalis na sila at bumalik na ulit sa normal ang buhay mo kaya sumabay ka na lang,” pangungumbinsi ko sa sarili ko.
Nang makahanap ng makakainan ay naghanap ako ng magandang pwesto sa dulo. Kung ako lang talaga mag-isa, kahit saan naman ako maupo ay ayos lang. Pero dahil may iba akong nilalang na kasama, mas mabuti nang ligtas, nakakahiya naman kung may makakakita sa akin na nagsasalita mag-isa.
Buti na lang may pwesto pa sa mga fast-food kaya ito na ang pinili ko. Mas mura rin kasi rito kumpara sa ibang kainan. Kung sa food court naman ako mas maraming tao, delikado. Hindi pa ako handang mapahiya sa harap ng maraming tao.
Matapos kong iwan ‘yong jacket sa pwesto na nahanap ko ay pumila na ako para um-order. ‘Yong pinakamura lang sana ang bibilhin ko pero dahil may kasama akong matandang walang kosiderasyon ay marami siyang in-order na pagkain. Siya na talaga ang nag-decide kung anong kakainin ko.
At dahil na-total na ng cashier lahat ng order ko, wala na akong ibang nagawa kung hindi ang magbayad. Mabuti na lang at may extra akong pera. Matapos magbayad ay inis akong tumingin sa matandang kasama ko pero nginitian niya lang ako.
Habang hinihintay ‘yong mga order ko, hindi ko tuloy maiwasan na suriin mula ulo hanggang paa ‘yong kasama ko. Base sa tindig, pananalita, at ayos niya ay masasabi ko na galing siya sa may kayang pamilya. Mukhang branded din ‘yong damit niya kaya paniguradong mayaman siya.
“Mayaman ba ang pamilya mo?” hindi ko naiwasang itanong.
Tumango naman siya pero nanatiling nasa labas ang mga tingin niya. Salamin na kasi itong nasa gilid namin kaya naman kita namin mula rito ‘yong mga taong naglalakad sa labas.
“Hindi kami gano’n kayaman pero dahil sa pagsisikap naming mag-asawa nakapag-pundar kami ng mga ari-arian.”
Wow. Kung gano’n ay ang swerte naman pala ng anak nila. Kaya naman pala kung um-order siya kanina ay parang barya lang sa kanya ‘yong 300 pesos. Kung ako nga ay tipid na tipid at takot gumastos ng maging two hundred sa isang araw, siya ay isang kainan lang.
Napaisip tuloy ako kung ano bang pakiramdam kapag may magulang ka na nabibigay ‘yong mga gusto mo. ‘Yong tipong kapag gusto mong kumain sa fast food ay hindi mo na po-problemahin ‘yong ipambabayad dahil may extra kayong pera.
‘Yong tipong hindi mo na kailangang mag-isip kung maglalakad ka ba o sasakay para lang makatipid ng sampung piso. Hindi ko tuliy maiwasan na mainggit sa anak niya.
“Ang dami mong in-order, hindi ko naman mauubos lahat ‘to,” reklamo ko nang makita ko ‘yong mga pagkain na nasa mesa. Siguro ay ite-takeout ko na lang ‘yong iba para may pagkain na ako mamayang gabi.
“Kaunti lang ‘yan, ubusin mo ‘yan para naman magkalaman ka,” sermon niya pa habang tinuturo ‘yong mga pagkain na nasa harapan ko.
Ganito pala ‘yong pakiramdam ng may tatay. ‘Yong may magse-sermon sayo kapag hindi ka kumakain sa tamang oras. Ganito pala ‘yong pakiramdam.