‘If life were predictable it would cease to be life, and be without flavor.’ – Eleanor Roosevelt
-Scarlett’s POV-
Pagdating ng break time ko ay kaagad akong nag-message kay Abigail. Lately ko lang din naman kasi nalaman na si Mark pala ang matagal na niyang crush na lagi niyang bina-banggit sa akin. Ako lang ‘tong hindi makaalala.
Kaya naman pagka-text ko sa kanya ay tumawag kaagad siya, sinabi pa nga niya na pupunta siya rito pero sinabi ko na nakaalis na. Hindi rin namin kasi siya nagtagal. Mga kalahating oras lang siguro siyang nagpalipas ng oras at umalis na rin kaagad.
Nagtampo pa nga siya dahil hindi ko raw sinabi sa kanya kaagad eh hindi naman kami pwedeng gumamit ng cellphone habang naka-duty kaya naman kanina ko lang nasabi sa kanya. At saka hindi rin naman siya makakapunta dahil nasa galaan siya.
Katatapos lang ng duty ko kaya naman pauwi na ako. Hanggang alas-otso lang bukas ang coffee shop kaya naman matapos isara ang shop ay umuwi na rin kami ni James. Hindi pa naman gano’n ka-late kaya naman nagpasya ako na maglakad na lang. Sakto rin at masarap ang simoy ng hangin. At least, kahit sandali ay mare-relax ako.
Papatawid na sana ako ng bigla kong mapansin na may papalit na sasakyan kaya naman gumilid ako, pero hindi pa pala sapat ‘yong paggilid ko dahil muntik na nila akong mahagip.
“Sorry,” sarkastikong sabi ng nasa passenger’s seat at muling humarurot papalayo ang sasakyan.
Nakakainis! Mga walang modo! Tingin ko ay halos ka-edad ko lang ‘din sila, pero grabe kung magmaneho, akala mo ay pagmamay-ari nila ang buong kalsada. Nakagilid naman na ako pero nagawa pa nilang dumikit sa akin, mabuti na lang talaga at hindi ako nahagip.
‘Yon nga lang ay nagliparan ang mga gamit ko, nagkalat tuloy ‘yong mga papel ko, hindi ko pa naman na-stapler ‘yon kaya nakakalat sila ngayon sa kalsada. Isa-isa ko na silang pinulot habang wala pang dumadaan na sasakyan.
Mabuti na lang at nasa gilid lang din sila napunta kaya iwas disgrasya. Mukhang hindi pala maganda ideya na maglakad ngayong araw. Ang ganda-ganda na ng mood ko pero biglang nasira dahil sa kanila. Nakakainis.
Habang nagpupulot ay napansin ko naman na may tumulong sa akin. Hindi ko makita ‘yong mukha niya dahil nakatalikod siya sa akin, mamaya na lang siguro ako magpapasalamat. Hindi naman gano’n karami ‘yong nagkalat na papel kaya naman naayos ko rin lahat.
Magpapasalamat na sana ako ng bigla kong makilala ang lalaki na nasa harapan ko. Ano bang mayro’n at ilang beses ko siya dapat na makita sa isang araw? Kanina sa klase, sa coffee shop, ngayon naman dito.
“Here,” inabot naman niya sa akin ‘yong mga papel kaya kaagad ko ‘yong kinuha.
“Thank you,” sagot ko at saka pinagsama-sama lahat ng gamit ko. Tatalikod na sana ako ng muling siyang magsalita.
“Wait, I remember you, we’re classmates, right? And ikaw din ‘yong cashier sa coffee shop kanina,” he said kaya naman napatango ako.
Hindi ko akalain na matatandaan niya pa pala ako kahit na saglit lang ‘yon. Bigla tuloy akong nahiya, hindi ko alam kung paanong makikitungo sa kanya.
“Ako nga,” maikling sagot ko at saka kami binalot ng katahimikan. “Ah, mauna na ako, salamat ulit sa pagtulong,” paalam ko at saka tumalikod na.
Mukha naman may kasama siya dahil nakita ko ‘yong sasakyan sa gilid, mukhang siya ang hinihintay. Dalawang beses pa nga akong napatingin dahil baka sila ‘yong kanina na muntik nang bumangga sa akin pero hindi naman dahil magkaiba ‘yong kulay ng sasakyan.
Ramdam ko na may nakatingin pa sa akin kaya naman binilisan ko na lang ang paglalakad, malapit na rin naman na akong makauwi. Kaya kahit gusto kong lumingon para tignan kung nakaalis na ba sila ay hindi ko ginawa.
“Ang aga mong nakauwi ngayon,” salubong sa akin ni Eleanor ng pagpasok na pagpasok ko pa lang.
Nilibot ko ang tingin ko sa buong paligid dahil parang may kulang, at saka ko lang napansin na wala ‘yong bata at si Mr. Julian, mukhang umalis silang dalawa.
“Kanina pa sila umalis,” sagot niya ng mapansin na may hinahanap ako.
Hindi na lang ako umimik at dumiretso na ako sa kwarto ko. Hindi pa naman ako nagugutom kaya naman manonood na lang muna ako, sakto ay may bago akong Korean drama na inaabangan. No’ng nakaraang buwan pa talaga ‘yon natapos, pero nasa kalahati pa lang ako dahil busy din. Kaya naman minsan ay isa o dalawang episode lang ang napapanood ko sa isang araw.
Matapos manood ng isang episode ay nakaramdam na ako ng gutom kaya naman lumabas muna ako para magluto. At do’n ko naabutan silang tatlo na nanonood na ulit sa sala. Hindi ko na lang sila pinansin at nagdire-diretso na ako sa kusina. May tira pa naman akong kanina kaya magluluto na lang ako ng itlog.
“Manliligaw mo ‘yon?”
“Huh?” nagtatakang tanong ko ro’n sa bata.
“Sabi ko, kung manliligaw mo ‘yon,” paguulit niya pa sa sinabi niya kanina.
“Sino?”
“’Yong lalaki kanina.”
Hindi naman ako nakasagot kaagad dahil hindi ko alam kung sinong tinutukoy niya. Wala naman akong ibang lalaki na nakasama kanina kung hindi si James. Sandali, si James, manliligaw ko?
“Si James? Hindi ko ‘yon manliligaw, ka-trabaho ko lang ‘yon,” sagot ko sa kanya at muling bumalik sa pagluluto.
“Hindi siya, ‘yong isa pang lalaki kanina. Sa daan.”
“Si Mark? Hindi ko rin siya manliligaw, kaklase ko ‘yon,” pagtatanggol ko sa sarili ko. Saglit naman akong nahinto ng may mapansin ako. “Sinundan mo ba ako?” tanong ko sa kanya pero nasa TV pa rin ang atensyon niya.
“Hindi. Hindi kita sinundan, nakita lang kita,” palusot niya pa.
Eh kung hindi niya ako sinundan, paano niya nalaman na nagkita kami ni Mark. At saka ano naman kung may nanliligaw sa akin? Hindi ko naman sila kaano-ano para pakialaman ang buhay ko.
“Pwede ba, sa susunod ay ‘wag niyo akong susundan, pasalamat na lang kayo dahil pinapayagan ko kayo na mag-stay dito sa bahay ko. Isa pa ay pagbibigyan ko kayo sa kahilingan niyo kaya naman sana igalang niyo ang privacy ko,” naiinis na wika ko.
Kaagad kong tinapos ang niluluto ko at dumiretso na sa kwarto, dito na lang ako kakain. Baka mawalan pa ako ng gana. Naiinis ako dahil kailangan pa nila akong sundan eh hindi ko naman sila tatakbuhan. Isa pa, paano ako lalayo sa kanila kung wala na akong iba pang mapupuntahan.
“Pwede ba kitang makausap.”
“Lintek!” muntik pa akong mapatili dahil sa pagkagulat.
Mabuti na lang at tapos na akong kumain, kung hindi ay magkakaro’n pa ako ng dagdag na linisin dito sa kwarto. Inis akong humarap sa nagsalita na si Eleanor pala.
“Sa susunod, pwede ba na kumatok kayo,” inis na sagot ko sa kanya pero bigla rin naman akong natigilan. “Hindi nga pala kayo nakakakatok kasi multo kayo,” dagdag ko pa sabay buntong hininga.
“Pasensya ka na, gusto lang naman nila na malaman kung ano ang ginagawa mo sa araw-araw kaya nila nagawa ang bagay na ‘yon.”
“So ibig sabihin ay hindi lang ‘to ang unang araw na sinundan niyo ako?”
“H-hindi sa gano’n—“ hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon na matapos magsalita dahil sumingit na ako.
“Can you please stop bothering me? Hindi ko kayo kakilala. Hindi ko kayo kaano-ano. Hindi tayo close. At lalong-lalo na, hindi kayo tao. Kaya please lang, pwede bang pabayaan niyo ako at ‘wag niyo akong pakialaman sa kung anong plano kong gawin sa buhay ko?” galit na pahayag ko.
Kung wala lang talaga akong choice ay baka nagpa-bendisyon na ako rito sa apartment para lang hindi na sila makabalik dito. Pero dahil ginusto ko na tulungan sila, kailangan kong magtiis.
“Hindi ibig sabihin na hinahayaan ko kayong manatili sa bahay ko ay pakikialaman niyo na akong desisyon ko sa buhay. Please lang, ‘wag kayong umasta na para bang magulang ko kayo,” dagdag ko pa.
Hindi ko na hinintay na magsalita pa siya at dumiretso na lang ako sa paghiga at saka nagtalukbong ng kumot. Siguro naman ay marunong siyang makiramdam na ayaw kong makipag-usap. Alam ko ang babaw ng dahilan kung bakit ako nagkaka-ganito, pero sino ba namang hindi?
Wala namang tao ang gugustuhin na sundan siya, lalo na ng hindi niya kakilala.
Mukhang kailangan ko na talaga magkaro’n ng libreng oras para matuloy ko na ang pagtupad sa kahilingan nila. Dalawa na lang naman na sila, at saka madali na lang naman ng tuparin ‘yong kahilingan nila kaya naman hindi na ako mahihirapan.
Mabuti na lang at wala akong pasok sa linggo, pwede kong tuparin ‘yong kahilingan nila. Pwede rin palang sabay. Sakto at mas madali kapag gano’n, sabi nga nila ‘hitting two birds in one stone’. Ang gusto lang naman gawin ni Eleanor ay ang magluto, habang ‘yong bata ay mag-picnic.
So pwedeng sa umaga ay tutuparin ko ang kahilingan ni Eleanor na magluto at pagdating ng hapon ay saka ako magpi-picnic. Hanggang ngayon pala hindi ko pa rin natatanong ‘yong pangalan ng bata. Bahala na nga siya.
Naiinis pa rin ako hanggang ngayon kaya naman sa susunod ko na lang itatanong ang pangalan niya. At saka hindi na rin naman na sila magtatagal dito, so ayos lang din pala kahit hindi ko na malaman.
Ilalabas ko pa sana ‘yong pinagkainan ko pero bukas na lang dahil nararamdaman ko na ang antok. Kaya naman hindi ko na ‘to nilabanan at tuluyan na akong nagpakain sa antok.