Lumabas na muna sa tent si Ericka noon, hindi niya inaasahan na makakasama niya si Thalia sa iisang grupo. Kilala niya ang mga schoolmate niya.
Alam niyang may itinatago ang si Thalia, ngunit, hindi pa niya sigurado. Nagulat siya sa usapan kanina noong may nangyari sa kasamahan nitong si Ruth.
Napailing na lamang siya.
Inaamin niya sa kanyang sarili na may nakikita siyang hindi nakikita ng mga normal na tao at mahirap itong paniwalaan. Subalit, ayaw niyang magbubulag – bulagan ngayon, malakas ang presensya nitong may sumusunod kay Thalia at lalong – lalo na kay Ruth ngayon.
Konektado ba ito sa mga nangyayari noon? Napatanong sa kanyang isipan na tila nag – aalangan sa kung saan siya tatayo. Napaupo siya noon at nag – isip – isip, inilibot niya ang kanyang paningin, nang may mga matang nagmamasid din sa kanya.
Kaya, napalingon siya kung saan nanggaling ang matatalim na mga matang naka – antabay sa kanila.
Bigla siyang inatake ng kanyang abilidad na makita ang mga pangyayari.
May naglalakad sa kagubatan, mga kababaihan, malalim ang gabi, tila naliligaw ito sa kagubatan, tila may tinatakasan, gusto niyang makita kung sinong mga kababaihan ang naglalakad sa masukal na kagubatan, laking gulat na lamang ni Ericka na kasali siya sa mga babaeng naglalakad at tila may hinahanap sila.
Biglang nabalik siya sa nangyayari ngayon.
Bakit napapasali ako? Napatanong sa kanyang isipan.
Ang nakakainis sa kanyang kakayahan, hindi ito mapipigilan pa, at hindi niya kayang kontrolin ang dikta ng panahon kung anong mangyayari sa hinaharap.
Nagsitayuan ang balahibo niya, may nakikita siyang isang bon fire, ngayon magaganap ang mangyayari sa kanila.
Ito ang nagiging epekto ng abilidad niya, tagaktak ang pawis niya na namimilipit ang sentedo niya.
Pumasok siya sa tent para makapagpahinga, lumulubog na rin ang araw, at kailangan na rin nilang maghanda, kapag kumagat na ang gabi, magsisimula ang bonfire
“Anong nangyari sa iyo?” Biglang tanong ng kanyang kasamahan niya.
Umiling na lamang siya. Nagulat rin ang ibang kasamahan. Umupo siya sa isang mono – block, hinihilot ang masakit niyang ulo dahil sa after-effect ng kakasayahan niya.
Sino sa kanila ang makakasama kong maglalakad mamaya? Tiningnan niya isa – isa ang mga kasamahan niya.
Kapag tinitingnan niya si Ruth, tila kinikilabutan siya sa walang dahilan, tila may katabi itong hindi dapat makasama nilang mga tao. Palipat – lipat lang ang tingin niya kina Thalia noon, at kay Ruth.
Dinalhan siya ng tubig ni Jasmin.
“Salamat.” Agad niyang tinungga ang tubig na ibinigay ni Jasmin.
Sino ang makakasama ko?
Bigla na lamang may nakitang larawan. May mga larawan ng mga nawawalang babae, nagulat siya sa pangalang nakita niya, tiningnan niya si Jasmin. May nakita rin siyang mga bangkay, bangkay ng mga babae.
Gusto niyang sumigaw sa mga nakikita niya, parang gusto niyang mawalan ng ulirat. Bigla siyang nawalan ng panimbang.
“Tawagin ninyo si teacher, hoy Ericka, ayos ka lang?” sabi naman ng kasamahan niya.
Nakita niyang si Thalia ang tumawag sa gurong nakabantay rin sa kanila.
Inalalayan siya ni Jasmin na lumipat sa hihigan nito.
“Kumain ka ba ng umagahan kanina? Bakit ang putla – putla mo?” Iyon ang naulinagan niyang tanong ni Kim na nag – aalala.
Hindi siya sumagot noon. Naririnig niya ang paligid niyang nagkagulo dahil din sa kanya. Narinig niya ang boses ng mga guro na naging alerto sa mga pangyayari.
Bigla siyang namanhid, umatake na naman ang abilidad niya. May nakikita siyang lalaki, parang hinuhukay ito, hindi niya aninag ang hitsura, pamilyar sa kanya ang lugar, hindi niya lang maalala saan ito, duguan ang mga kamay nito habang may hinuhukay sa lupa.
“Ah!” Napahiyaw na lamang siya dahil sa sakit ng sentedo niya, nasilayan niya si Ruth, pero may kasama itong nakamasid sa kanya. Ngumiti ito sa kanya na tila suminyas sa kanya na huwag maingay.
Nawalan siya ng ulirat at biglang tumahimik ang paligid niya.
Nagising siya bigla, pero wala siya sa tent. Nagkakaroon na naman siyang maglakbay. Hindi niya gusto kapag naglalakbay ang diwa niya. Ayaw na ayaw niyang makakita na kung ano.
Nagsimula na ang pangyayari at magbago ang pangkaraniwan niyang buhay nang aksidente niyang makita ang katawan ng dalawang magkakapatid. Hindi niya inaasahang doon ang pipiliing punenarya. Sinisisi niya kung bakit bigla siyang inatake ng kuryusidad noon.
Tigilan na ninyo ako! Anong kailangan ninyo sa akin?! Paangil niyang tanong na umaalingawngaw ang kanyang boses.
Biglang nagpakita ang babae sa kanya, ang nakatatandang kapatid na namatay. Tiningnan siya sa mga mat anito, hindi ito nagsasalita.
Hindi kami matahimik. Hindi naming makita ang liwanag.
Dahil hindi mo pinapalaya ang galit mo! Huwag mo akong guluhin.
Oo, galit na galit ako! Kung ikaw ang nasa sitwasyon ko, matutuwa ka ba? Maang tanong nito sa kanya.
Napatahimik siya bigla sa katanungan ng babaeng kaharap niya. Bukod sa kakayahan niyang maglakbay, nakakausap niya ito.
Ikaw ba ang nagbibigay ng mga nakikita ko ngayon?
Ngumiti ito nang makahulugan, at bigla itong nawala sa paningin niya. May nauulinagan siyan ingay sa kanyang paligid. Kaya, napabalikwas siya, na habol ang kanyang hininga. Napahawak siya sa kanyang sentedo.
Napakuyom na lamang siya.
Hindi nila ako tatantanan, kung mas lalo akong magpupumiglas sa kanya. Tiningnan niya ang gawi ni Ruth at nakita niya ang babaeng nasa panaginip niya, at bigla itong nawala.
Kung ano man ang pinaplano mo at sa mga nakikita ko, gagamitin ko iyon para sa ikatahimik mo!
Napakuyom na lamang siya.
“Okay ka na ba?” Tanong ng kanilang gurong nagbabantay sa kanya.
“Marami pong salamat, Ma’am.” Iyon lang ang napasabi niya.
“Malapit ng maghapunan, magpahinga ka muna saglit.” Tinapik naman siya ng guro.
Bigla rin nawala ang mga kasamahan niya.
“Ano, may nagawa ba akong kasalanan sa iyo?” Tanong naman sa kanya ni Ruth.
Napailing na lamang siya, hindi niya tiningnan si Ruth noon, baka may makita naman siyang kakaiba nito.
Napatango na lamang siya. “Ang talim kasi ng mga titig mo sa akin.” Napasabi naman nito sa kanya.
Napabuntong- hininga na lamang siya, kung bakit hindi niya napigilan na ganoon na pala ang tinging ipinupukol niya kay Ruth.
Hindi ako galit, naiinis ako sa kasa – kasama mo, Ruth. Iyon lang ang napasabi sa kanyang sarili noon.
“Magpahinga ka na muna, nagsimula na ang bonfire, lumabas ka lang kapag okay na pakiramdam mo.” Magiliw nitong sabi sa kanya.
“Salamat.”
Tumango na lamang ito sa kanya.
Tuluyan itong lumabas sa tent, naririnig niya ang masasayang kwentuhan noon. Hinilot niya ang batok niya sa mga nangyayari ngayon sa kanya.
xxxxxxxxx
Katabi niya sa pagkain si Thalia noon, habang tinitingnan ang bonfire sa di kalayuan. Naririnig niya ang masasayang kwentuhan at tawanan ng kanyang mga kamag – aral at kaklase na tila nakahanap na ng kaibigan sa kanilang aktibidad.
Napabuntong – hininga na lang si Ruth, habang kinakain niya ang kanilang hapunan. Hindi niya maintindihan si Ericka kung bakit kakaiba ang tinging pinupukol sa kanya noon. Nagulantang siya sa nangyari sa kanilang kasamahan noon na tila nawalan ng dugo dahil putlang – putla ito, na para bang may masamang panaginip, dahil nakatingin ito sa kawalan.
Nasasaniban na ba kami ng masamang Espiritu rito? Napatanong sa kanyang isipan, sa kanyang pag -iisip, tila hindi na niya malasahan ang kanyang kinakain ngayon.
Inilibot niya ang kanyang paningin noon, nagtagpo ang kanilang mga paningin ni Ericka.
“Ayos ka na ba?” Tanong naman nito.
Medyo nagulat naman ito sa kanya. Masyado ba akong feeling close? Napakamot na lamang siya sa kanyang ulo.
“Maraming salamat sa pag – aalala.” Tumango ito sa kanya bilang kasagutan.
“Mabuti naman.” Ngumiti na lamang ito sa kanyang kausapl
Hindi siya matingnan sa mga mata noon. Tahimik lang itong kumakain na katabi si Jasmin. Hinayaan na lamang niya ito.
Tiningnan niya ang kanyang wristwatch, may kaunting mga aktibidad din sila bago matapos ang gabi at magpahinga ang lahat.
Napapatawa na lamang siya sa kanyang nakikita, tila binibigyan ng buhay ang dating tahimik na kagubatan ng tawanan ng mga tao. Sana, ganito hanggang katapusan ng kanilang camping.
“Ta.” Tawag niya sa kanyang katabi.
Tumingin lang ito sa kanya na nag – aantay kung ano ang susunod na sasabihin nito.
“Samahan mo akong mag c-r. Naiihi na ako.”
Tiningnan naman siya nang makahulugan ng kanyang kaibigan, tila’y nagkaroon ito ng pangangamba. Natatakot siguro na maulit ang kaninang umaga.
“Saglit, kailangan may isa pa tayong kasama.”
Nagulat naman siya. “Ha? Bakit?” Tanong naman niyang nagtataka sa kanyang kausap.
Napailing na lamang ito sa kanya. “Hindi ka nga nakikinig kanina.” Napabuntong – hininga naman ito sa kanya.
Tiningnan naman niya ng masama ang kanyang kaibigan.
“Kailangan kapag umalis o mag c-cr tayo, tatlong tao ang dapat magkasama.” Paliwanag naman sa kanya.
“Ihing – ihi na ako e, sino pa ba gustong sumama sa atin?” Tanong naman niyang nagrereklamo, naramdaman na niyang ilang minuto ay sasabog na ito.
“Ano, mag – c- cr rin ba kayo?” Tanong naman ni Jasmin.
“Oo.” Dali – dali niyang sagot noon.
“Ako rin, ihing – ihi na rin ako e.” Sabi naman nito.
“Saglit, kailangan natin ang permission ng guro bago umalis, kailangan nilang malaman saan tayo, patungo.” Sabi naman ni Thalia na pinigilan silang Jasmin.
“Dalian mo na nga!”
Nakita pa niyang humingi nga ito ng pahintulot sa guro, may ibinigay itong parang ribbon na isa – isa nilang susuotin.
Maya – maya pa’y bumalik ito, at ipinasoot ang ribbon na ibinigay. Hindi na niya aalamin ang ribbon, ang mahalaga’y maka – ihi na sila.
Hindi naman kalayuan ang cr na ginawa ng kanilang guro, tatlong cr ang ginawa nito para hindi mag – uunahan ang gustong gumamit ng banyo kapag maramihan na ang paggamit. May ilaw rin ito sa loob at may tubig pa ito.
Nakahiga naman siya nang maluwag noon. Napapansin niyang unti – unti ng tumatahimik ang paligid. Kaya naman dali – dali siyang lumabas para tingnan ang nangyayari, o kaya’y curfew na nila.
Tiningnan naman niya ang kanyang orasan, malapit na mag – alas nuwebe ng gabi.
“Thalia!” Tawag niya rito.
Hindi na naman ito sumagot, napapansin niyang ang isang c.r na ginamitan ni Jasmin ay nakapatay na ang ilaw. Napakunot – noo na lamang siya.
Hindi naman siguro siya babalik na siya lang mag – isa. Napasabi sa kanyang isipan.
“Hoy!” May biglang humila sa kanyang kamay.
Nagulat na lamang siya at napalingon.
“Thalia! Aatakihin ako sa ‘yo e.” Reklamo naman niya na sapo – sapo ang kanyang dibdib. Natatakot siyang bigla may iba na naman siyang makita.
“Tayo na.” Yaya naman nito.
Nagtaka naman siya sa inaasta ni Thalia noon.
“Saglit, iiwan ba natin si Jasmin rito?” Tanong naman niya sa kanyang kaibigan.
Hindi ito sumagot, hinila siya noon. Nakaramdam na naman siya ng kilabot, kagaya ng naramdaman niya kaninang umaga.
Si Thalia ba ito? Napatanong sa kanyang isipan.
Pinangungunahan siya ng takot, natatakot siyang magsalita o umimik man lamang, natatakot siyang lumaban, kung sino man ang humawak sa kanyang kamay ngayon.
Nagtataka siya kung sino ang palaging nagpapanggap na Thalia. Napapansin niya ang paligid, hindi na ito ang daan patungo sa kanilang camp, pumapasok na ito sa madilim at masukal na kagubatan.
Narinig niya na nag – ha- hum ito na tila masaya ito, kahit madilim, naramdaman niya ang mga ngiti nito sa labi.
Pinagpapawisan na siya nang malagkit, gusto na niyang bumitaw sa pagkakahawak ng kanyang kamay, pero pinapangunahan siya ng takot. Gusto na niyang maiyak pa sa nangyayari sa kanya.
Huwag kang mag – aalala, hindi ka namin sasaktan. May boses na nagsalita sa kanyang isipan. Tiningnan niya ito.
Huwag kang matakot, kapatid.
Napansin na lamang niya ang isang kalye, napasinghap siya, ito ang nakikita niya sa balita kung saan pinatay ang dalawang magkakapatid, binarily nang maraming beses kaya tuluyan nawalan ng buhay.
Nakikita niyang may isang babae na nakaputi at duguan ang kasuotan. Lumingon ito sa kanya.
Hindi siya makapangusap. Unti – unting lumapit ito sa kanya.
Chesca. Tila ang boses nito’y humalo sa hangin.
Tiningnan niya ang nakahawak sa kanyang kamay. Isa ring duguang babae, ito ang nakita niyang babae kaninang umaga.
Napalunok na lamang siya, tinatambol ang puso niya, hindi siya makapagsalita, hindi siya makasigaw, biglang nanuyo ang lalamunan niya.
Huwag kang matakot, kami ito. Hinawakan pa ang kanyang pisngi noon ng isang kaluluwa na nag – aantay sa kanya.
Chesca, hindi mo ba kami naalala? Anong ginawa sa iyo ng demonyong iyon? Galit ang boses nito at nag – iba ang anyo.
“Hi --- Hindi ko kayo kilala.” Nahanap niya ang boses niya noon. “H--- Hindi ako si Chesca.” Umiling – iling na lamang siya na napakuyom sa kanyang mga palad.
Ako ito si Ellese ang ate mo, at si Felisa.
Parang mababaliw na siya, nahihilo na siya sa mga nangyayari sa buhay niya. Biglang sumakit ang ulo niya, sobrang sakit na hindi niya makayanan.
Hindi niya maintindihan ang nangyayari.
“Ruth Dalia Dionson ang pangalan ko! Hindi ako si Chesca!” Napaluhod siya sa sakit ng kanyang dinaramdam sa kanyang ulo na tila’y sasabog na.
Maalala mo rin kami, Chesca. Maalala mo kami. Ikaw ang pag – asa namin.
Nababaliw na ba ako? Mababaliw ba ko? Anong nangyayari sa akin? Sunod – sunod niyang tanong, unti – unting tumahimik ang paligid niya.
“---Uth” May mga boses na tumatawag sa kanya.
“Ruth! Ruth!” Naramdaman niyang may yumuyogyog sa kanyang balikat, nahihilo siya, hindi niya alam ang nangyayari sa paligid niya.
“Ruth Dalia!” Iyon ang narinig niyang sigaw mula kay Thalia noon.
Kaya naman napabuka ang kanyang mga mata’t sumalubong ang liwanag, kaya napapikit siya noon.
Bumangon siya at nahihilo pa rin ang nararamdaman niya. Kinusot niya ang kanyang mga mata.
Napansin niyang nasa tent siya na maraming school nurse. Nagulat na naman siya noon, inilibot niya ang kanyang paningin, nakita niya ang anyo ni Thalia na nag – aalala sa kanya na nakakunot ang noo.
Napasinghap siya at ngayon niya lamang naalalang iniwan niya si Jasmin.
“Nasaan si Jasmin?” Napatanong naman niya.
Nagulat naman ang mga taong nakapalibot sa kanya na tila, hindi magandang katanungan ang tinanong niya.
Anong nangyayari? Anong nangyayari? Napatanong sa kanyang isipan.
“Dionson, dito ka na muna, magpahinga ka.” Sabi ng isang guro.
“Bumalik na kayo sa tent at matulog na kayo.” Iyon ang narinig nila sa kanilang guro. Kaya naman, agad tumalima ang mag – aaral at unti – unting nagsialisan ang mga mag – aaral.
“Ma’am dito na muna ako.” Rinig niyang sabi ni Thalia.
Tumango lang ang kanilang guro noon. Lumabas ito sa tent.
Isang mahabang katahimikan ang namamagitan nila ni Thalia, tila natatakot siyang magtanong kung ano na naman ba ang nangyayari sa kanya. Hahayaan na lamang niyang si Thalia ang magsasalita.
“Nawawala si Jasmin.” Iyon lang ang kanyang narinig.
Tiningnan niya ang nagsasalita, seryoso ang hitsura nito. Hindi niya alam ang isasagot rito. Biglang nanginig ang kamay niya. Natatakot na siya ngayon.