“Anong sinasabi mong nawawala si Madeline? Kasama n’ya lang ang anak ko!” Dumadagundong ang boses ni Florante sa silid habang nasa loob lahat ng bisita at naguguluhan sa nangyayari.
“Umalis lang ako para sagutin ang tawag ng business partner ko, bakit biglang wala na silang dalawa?!” Dugtong n’ya pa habang nagpapalakad-lakad sa harapan. Nagimbal ang lahat lalo na nang makarinig ng sigaw ang isa sa mga yaya at nang puntahan ang garden kung saan ito nagmula ay tanging tsinelas na suot ni Madi ang naiwan doon. Walang Madeline o batang Wright na mahahanap sa paligid kaya’t agad s’yang tumakbo pabalik sa bahay at ibinalita sa lahat ang nangyari.
“Anong balita sa police station?” Tanong ni Florante sa kakapasok n’ya lang na secretary. Naiiling ito habang ibinababa ang telepono. Huminga ito ng malalim at saka malungkot na tumingin sa kanila.
“H-Hindi daw po ito magagawan ng action sa ngayon dahil wala pang 24 hours na nawawala ang dalawa.”
Napuno ng reklamo sa lugar habang patuloy sa paghahanap sa buong mansion ang mga kasambahay dahil baka sakaling nagtatago lang ang mga iyon.
Naiiling na lumabas si Florante sa pintuan at muling bumalik sa garden kung saan huling nagpunta ang dalawa at saka malakas na bumuntong hininga habang nakatitig sa kawalan.
“Nasaan na ba kayong dalawa?”
--
“Boss, nakuha na namin sila. May bonus pang isa!” Natatawang balita ng isang lalaki sa kan’yang kausap sa telepono habang sinusulyapan ang dalawang bata sa likuran. Parehong tulog ang mga ito lalo na ang babaeng pakay nila sa gabing ito. Mas lumakas ang tawa nito lalo na nang makita iyong isang lalaki na nakababa pa ang salawal habang basa ng ihi ang kulay pink nitong panloob.
“Anong dalawa? Ang utos sa atin ay ang batang Moore lang. Bakit ka tumangay ng isa pa? Mapapagalitan tayo ni boss n’yan e!” Himutok ng nasa kabilang linya na pumawi sa tawa ng driver at kamot ulong nilingon muli ang mga bata.
“Eh paano ba naman, pareho silang nasa garden e. Baka magsumbong pa ‘yong isa kaya’t kinuha ko na,” paliwanag nito kasabay ng pekeng tawa. Naiiling nitong ibinaba ang cellphone nang p*****n s’ya ng kausap at saka muling sinilip sa rear mirror ang dalawang himbing sa pagtulog.
“Pasensya na mga bata, napag-utusan lang.”
--
Dahan-dahang nagmulat ng mata si Madi at pupungas-pungas na sinuri ang paligid. Nanlaki ang kan’yang mata at akmang sisigaw nang maramdaman ang mahigpit na busal sa kan’yang bibig. Sinubukan n’yang pumiglas ngunit maging ang kan’yang paa at kamay ay nakatali rin sa isang malamig na bagay sa kan’yang likuran.
Agad n’yang sinuri ang paligid habang tuloy-tuloy sa pagluha ang mata. Napupuno ng takot ang dibdib n’ya lalo na nang puro malalaking kahon ang nasa paligid at malayo mula sa kan’yang puwesto ang nag-iisang bukas na ilaw sa lugar. Ramdam n’ya ang pagpasok ng malamig na hangin mula sa sirang bintana na nagdulot ng kilabot sa kan’yang sistema. Tuluyan na itong napahagulgol at mga piit na daing ang kumakawala sa kan’yang bibig. Pumikit s’ya ng mariin habang humihiling na sana hindi totoo ang lahat.
‘P-Panaginip lang ‘to, h-hindi ‘to totoo... P-Panaginip lang din na w-wala na sila m-mommy,’ pagkumbinse n’ya sa sarili ngunit sa pagmulat ng mata ay ganoon pa rin ang tumambad sa kan’ya.
Totoo ang lahat ng nangyayari at totoo rin na wala na ang mga magulang n’ya.
Ilang oras na s’yang tulala at pagod na rin ang kan’yang mata sa pagluha. Kumakalam rin ang kan’yang sikmura at natutuyot na ang bibig. Nagitla ito dahil sa lakas ng pagkakabukas ng pintuan sa silid at nanlaki ang mata nang makita kung sino ang dumating. Isang lalaking nakamaskara habang bitbit sa isang kamay ang cellphone at papalapit sa gawi n’ya.
“Mr. Wright, hawak ko ngayon ang batang Moore na alam kong inaanak mo. Ganito, bigyan mo ako ng limang milyon at papakawalan ko s’ya,” pakikipag-usap n’ya sa kabilang linya. Tumigil ito saglit habang pinapakinggan ang sinasabi ng kausap at saka pagak na tumawa.
“Wala akong pake kung kakamatay lang ng magulang n’ya. Tiyak kong marami silang pera at ipapamana lahat sa kan’ya. Kaya dalahin mo ang pera bago mag alas-dose ng hatinggabi sa lugar na ite-text ko sa ‘yo at h’wag kang magkakamaling magsumbong sa pulis dahil hindi mo alam kung sino pang isang hawak ko...”
Kasabay ng pagkakasabi n’ya nito ay ang pagpasok ng isa pang lalaking nakamaskara habang bitbit sa isang kamay ang batang Wright. Patuloy ito sa pagsigaw at pagpupumiglas sa may kapit sa kan’ya.
“Let go of me you ugly and smelly freaks!” Sigaw n’ya at kinagat sa kamay ang may hawak sa kan’ya. Napadaing naman ito at nabitawan ang bata na humahagibis na tumakbo palabas.
“Habulin mo ‘yon, tanga!” Pinanlakihan n’ya ito ng mata habang takip-takip ang mic ng cellphone upang hindi marinig ng kausap. Mabilis pa sa alas-kuwatrong sumunod ang lalaki at tumakbo para habulin ang bata.
“Balik tayo sa usapan, Mr. Wright. Limang milyon para sa batang Moore at limang milyon rin para sa anak mong hawak namin ngayon. Ang gandang offer, hindi ba?” Tumawa ito ng malademonyo habang dinig mula sa speaker ang pagmumura nito mula sa kabilang linya.
“H’wag ka ng magreklamo at ibigay sa akin ang kailangan ko kung gusto mong maabutan pa ng buhay ang mga batang ito,” huling sabi n’ya at pinatay ang telepono saka lumingon kay Madi na umiiyak at pilit sinisiksik ang sarili sa pole kung saan s’ya nakatali ngayon.
“H’wag kang mag-alala, bata. Makakasama mo rin ang iyong mga magulang pagkatapos kong makuha ang inyong kayamanan.”
--
Palihim na sumusulyap ang batang Wright sa puwesto ni Madi na ngayon ay nakaidlip sa sobrang pagod. Natakasan n’ya ang humahabol sa kan’ya kaya’t binalikan n’ya ang bata para sabay silang tumakas. Hanggang ngayon ay basa pa rin ang kan’yang salawal dahil doon na s’ya naihi nang kuhain sila ng mga lalaking iyon. Nag-tiptoe s’ya patungo sa bata at kinalag ang busal nito.
Agad nagmulat ng mata si Madi at akmang sisigaw ng panlakihan s’ya ng mata ng bata at sumenyas na tumahimik ito. Nakakaintinding tumango naman ang bata at suminghap ng malakas nang tuluyang matanggal ang nakatali sa bibig n’ya.
“Yung k-kamay at paa ko...” Nanginginig n’yang sabi. Kanina n’ya pa hindi maramdaman ang mga ito sa tagal ng hindi pagkakagalaw. Mabilis na tumango ang bata at pilit tinatanggal ang pagkakatali ngunit dumudulas lang ito sa kamay n’ya. Nag-iinit na rin ang kan’yang palad at nagsisimulang humapdi dahil hindi ito maputol-putol.
Nasa ganoon silang kalagayan nang makarinig ng sirena ng pulis sa hindi kalayuan. Buong lakas n’’yang hinaltak ang nasa kamay ng bata at tuluyan na itong nakalas kasabay ng tuluyang pagsusugat ng kan’yang palad.
“Putang ina may pulis! Puntahan mo na ‘yong bata sa taas at tumakas na tayo!” Kapwa nanlaki ang kanilang mata nang marinig ang sigaw mula sa baba. Nagtulong silang dalawa sa pagputol ng tali sa kan’yang paa. Labis ang kaba at takot na kanilang nararamdaman habang naririnig ang mabilis at mabigat na yabag papalapit sa kanila. Tagaktak ang kanilang pawis at laking tuwa ng tuluyan itong makalas. Nasa ganoon silang eksena nang biglang pumasok sa silid ang isang lalaki at nanlilisik ang matang nakatingin sa kanila.
“Tatakas pa kayo, ha?!” Malakas nitong sigaw na dumagundong sa buong silid. Mabilis itong humakbang patungo sa kanilang direksyon at hinablot ang batang lalaki sa damit at saka iniangat sa ere.
“Ang tapang ng tatay mo para hindi sumunod sa usapan ha? Tingnan natin ang tapang n’ya!” Sigaw n’ya at inundayan ng suntok ang kawawang bata. Napadaing ito sa sakit ngunit hindi man lang umiyak na mas ikinainis ng lalaki kaya’t sinuntok n’ya pa ito ng paisa.
“Tama na!” Umiyak na pag-awat ni Madi habang pinapanood ang ginagawa sa lalaking kasama n’ya.
“H-‘Hwag kang lalapit,” nahihirapang sambit ng batang Wright habang umuubo na may kasamang dugo.
Napatawa naman ang lalaki at inihagis ang bata sa direksyon ni Madi. Hindi n’ya ito nasalo at pareho silang gumulong sa semento.
“Tingnan natin ang tapang n’yo,” banta ng lalaki at itinutok ang baril sa kanilang dalawa.
Mabilis ang pangyayari at tanging putok ng baril at pagbukas ng pintuan ang marrinig sa silid habang pumapasok ang mga parak upang hulihin ang kidnapper ngunit huli na ang lahat. Tuluyan nang lumabas ang bala at tumagos sa katawan ng batang lalaki na mahigpit ang pagkakayakap kay Madi.
--
Makalipas ang ilang araw ay tuluyan ng nagmulat ng mata ang batang lalaki. Mabilis na lumapit sa kan’yang puwesto si Madi na hindi umaalis ng hospital mabantayan lang ang sumalo ng bala para sa kan’ya.
“G-Gising ka na!” Tuwang sabi n’ya at pinindot ang button sa gilid upang tumawag ng nurse. Makalipas lang ang ilang sandali ay humahangos na pumasok ang nurse kasama si Florante na nakahinga ng maluwag ng makita ang anak.
“Sa wakas, gising ka na!” Tuwang sabi n’ya at niyakap ang anak. Ngumiti lang ang bata at muling ibinalik ang tingin kay Madi na lumuluha habang nakatingin sa kan’ya.
“Okay ka na ba?” Mahinang tanong nito at iniangat ang kamay upang abutin ito. Mas napaiyak si Madi sa tanong nito at sinunggaban s’ya ng mahigpit na yakap.
“Kukuhain ko lang po ang vital signs n’ya pagkatapos ay iiwan ko na kayo para makapag-usap.” Tumango si Florante dito at hinayaan ang nurse na gawin ang kailangan n’ya. Matapos itala ang findings ay nagpaalam na itong umalis at iniwanan silang tatlo sa loob.
“Kumusta ang pakiramdam mo?” Mahinahong tanong ni Florante sa anak. Napatigil ito saglit para mag-isip at saka sumagot.
“A-Ayos lang po, Papa. S-Sino po s’ya?” Tanong n’ya at itinuro ang lalaking bagong pasok sa silid. Nakasuot ito ng suit at may bitbit na case habang nakasuot ang malaking salamin sa kan’yang mata.
“S’ya si Attorney Galvez, ang tutulong sa akin na ihatid sa inyo ang magandang balita,” nakangiting tugon nito at tinanguan ang attorney na lumapit sa kanilang puwesto. Inilabas n’ya ang isang folder mula sa case at inilahad kay Florante.
“Nakasulat sa dokumentong iyan na si Mr. Florante Wright ay binibigyan ng karapatan na maging Guardian ni Madeline Moore ayon na rin sa kakayahan mong pangalagaan at ibigay ang kailangan ng bata. Isinasaad rin dito na ang mga Wright muna ang mamamahala sa mga properties ng Moore at lahat ng iyon ay ite-turn over kay Madeline sa oras na tumuntong ito ng edad dalawampu’t isa.”
May mga sinabi pa ito ngunit hindi na nila naintindihan dahil sa terms na ginamit. Ang tanging malinaw lang sa kanila ay makakasama na nila si Madeline sa loob ng mahabang panahon.
Makalipas ang ilang sandali pang pag-uusap ay nagpaalam na ito at umalis. Naiwan silang tatlo sa loob habang si Madeline ay gulat na gulat sa nangyayari.
“Narinig mo ‘yon, hija? Mula ngayon ay ako na ang magiging tagapangalaga mo. Tiyak kong matutuwa sila Maui at Lierra sa langit dahil alam nilang hindi kita papabayaan maging lahat ng iniwan nila para sa ‘yo...” Nakangiting wika nito habang nakaluhod para pantayan ang bata. Nasa ganoon silang posisyon nang muling bumalik ang attorney at sinenyasan s’ya.
“Please excuse me for a while, Mr. Wright. May nakalimutan akong i-discuss sa ‘yo.” Napatigil si Florante at ginulo ang buhok ni Madi at saka nagtungo sa pintuan kung nasaan ang attorney.
“I’ll be back, kids,” paalam n’ya at sabay na lumabas ng silid. Naiwan ang dalawa sa loob na magkatitigan ngunit walang salitang namumutawi sa mga bibig. Napahinga ng malalim si Madi at binasag ang katahimikan.
“T-Thank you sa pag-save sa akin...” Pasasalamat n’ya at nginitian ng malaki ang batang nasa hospital bed.
“Ang sabi ni Papa ay s’ya na ang mag-aalaga sa ‘yo... Ibig sabihin palagi na tayong magkasama at promise ko sa ‘yo na palagi kitang ipagtatanggol katulad last time.” Nakangiti nitong pahayag at inilahad ang palad.
“Ako nga pala si Finn... Finn Ryder Wright. Ikaw, anong pangalan mo?” Pagpapakilala n’ya. Tiningnan ito ni Madi at nagdadalawang-isip kung tatanggapin o hindi. Sa huli ay inabot n’ya ito at matamis na ngumiti sa kan’ya bago sagutin ang tanong nito.
“Ako si Madeline Rylie Moore. Madi na lang at ikinagagalak kitang makilala, Finn.”