Chapter 7 - Too Late for Your Affection

1728 Words
NAPUTOL ang dramahan namin ni PJ nang biglang may kumatok. Hindi agad ako binitiwan ni PJ. Dumaan muna ang ilang segundo bago niya ako pinakawalan. Siya na ang lumapit sa pinto. Sinamantala ko naman iyon para bumalik sa kama. Nakaupo na ako nang buksan niya ang pinto. Nang mapatingin ako sa gawi niya, nakita kong kinuha niya ang tray na may lamang pagkain mula sa maid na may dala nito. Tumaas ang kilay ko nang mapansin kong isang kamay lang ang ginamit niya sa paghawak ng tray. Ginamit naman niya ang isa sa pagsara ng pinto. “Mag-breakfast ka na. Alam kong gutom na gutom ka. Hindi ka na nag-dinner kagabi. Diretso kang natulog,” wika ni PJ nang ilapag ang tray sa nightstand. “Thank you. Mag-toothbrush lang muna ako,” paalam ko sa kanya. Tumayo na ako kahit hindi pa siya tumutugon. Dumiretso ako sa banyo. Naghilamos muna ako bago nagsepilyo. Nang makalabas ako naabutan ko si PJ na abala sa kanyang cellphone. “Kumain ka na ba?” tanong ko nang umupo sa tabi niya. “Oo tapos na ako. Sumabay na ako kina mama at daddy kanina kasama ang mga piinsan ko. Para sa iyo lang ang pagkain na iyan. Ubusin mo, ha?” “Sige,” maikling tugon ko saka pinasadahan ang laman ng tray – sinangag, sunny side up, daing na bangus, pritong pork chop, sliced papaya, at isang mug ng umuusok na inumin. Kinuha ko ang mug at inamoy ito. Amoy tsokolate. Mabuti na lang at hindi kape. Hindi kasi ako nagkakape. Humigop lang ako nang kaunti saka ito muling ibinaba. Pagkatapos nagsimula na akong kumain. Hindi ko na pinansin si PJ dahil gutom na talaga ako. Patapos na ako sa aking kinakain nang magsalita siya. “Kulang pa ba iyan? Gusto mo bang magpakuha pa ako ng pagkain?” Nilingon ko siya kasabay ng aking pag-iling. “Hindi na. Uubusin ko na lang ito. Busog na ako.” “Okay. Pagkatapos mong kumain, maligo ka na para sabay na tayong pupunta sa baba,” suhestiyon niya. “Sige,” wika ko saka inubos ang laman ng mug. Pagkatayo ko, hinanap ko agad ang aking maleta. Ngunit wala na ito sa sulok kung saan ito nakalagay kagabi. “Nasa closet na ang mga gamit mo. Inayos ko kagabi habang natutulog ka,” sabi ni PJ. Napakamot ako ng ulo. “Ikaw ang nag-ayos? O inutos mo sa maid?” Hindi kasi ako makapaniwala na gagawin niya iyon. Hindi siya nangingialam sa mga gamit ko. Ni wala nga siyang pakialam sa mga isinusuot ko noon. Wala rin akong maalala na binilhan niya ako ng gamit kahit man lang panyo. Kaya anong nakain niya at pinakialaman ang gamit ko ngayon? “Ako na ang nag-ayos. Hindi ko kasi gustong may pumasok dito na ibang tao habang nandito tayo sa loob ng kuwarto. Nag-aalala rin ako kagabi na baka maabala ang tulog mo kapag may ibang taong pumasok dito,” paliwanag niya habang naglalakad patungo sa akin. Agad ko siyang tinalikuran at nilapitan ang closet. Pagbukas ko ng closet narinig ko na naman ang tinig niya na malapit lang sa likuran ko. “Magsuot ka ng white blouse o t-shirt saka maong pants. Iyon kasi ang dress code sa mga kamag-anak ni lola.” “Okay,” sagot ko nang hindi siya nililingon. Kinuha ko ang naka-hanger na pantalon at puting blouse saka magkapares na underwear. Pagkasara ko sa closet agad akong tumalikod. Muntik na akong mapahiyaw nang tumama ang noo ko sa matigas na dibdib ni PJ. Hindi ko alam na nasa likuran ko lang pala siya. Agad niyang pinulot ang undies kong nahulog dahil sa gulat ko. Uminit ang magkabilang pisngi ko nang magtama ang aming paningin habang inaabot niya sa akin ang undies ko. Shit! Kailan pa ako naging conscious sa harap niya? Naninibago lang ako siguro sa mga ikinikilos niya. Dati-rati naman kasi hindi niya ako pinapansin maliban na lang kung may kailangan siya. Never pa siyang naging concern sa akin noon. “Diretso ka na sa banyo. Ako na lang ang maghahatid ng tuwalya mo,” wika niya nang maiabot sa akin ang kanyang pinulot. Hindi na lang pisngi ko ang mainit pati buong mukha ko. Bigla kasi akong kinabahan sa sinabi niya. Baka may binabalak siyang ibang gawin kaya ihahatid niya sa akin ang tuwalya ko. “Ah, hindi. Kukunin ko na ngayon,” sabi ko saka lumapit sa hook rack na nakasabit sa gilid ng closet. Inilagay ko sa kaliwang kamay ang dala-dala ko saka hinila sa pagkakasabit ang tuwalya ko. Isinampay ko ito sa aking balikat saka mabilis na lumakad papuntang banyo. “Ingat ka. Baka may mahulog diyan sa dala mo. Basa ang flooring ng banyo. Katatapos ko lang maligo kanina,” pahabol ni PJ na nararamdaman kong nasa likuran ko lang. Hindi ko na lang siya pinansin dahil baka magulat na naman ako sa ekspresyon ng mukha niya. Nakakapanibago talaga ang lalaking ito. Hindi na ako nagtagal sa paliligo dahil ayokong paghintayin nang matagal si PJ. Alam kong wala siyang tiyaga sa paghihintay. Mabilis uminit ang ulo niya kapag pinaghihintay siya. Pero kahit pala anong bilis ang gawin mong kilos kapag marami kang gagawin, makakaubos ka pa rin ng mahabang oras. Sa pakiwari ko inabot ako ng halos kalahating oras sa banyo. Sigurado akong wala na sa kuwarto si PJ. Ngunit laking gulat ko nang madatnan ko siyang nakaupo sa gilid ng kama habang nakatitig sa cellphone niya. Napailing na lang ako habang isinasabit sa rack ang aking tuwalya. Kinuha ko ang aking shoulder bag at ipinatong sa dresser bago ako umupo. Inilabas ko ang suklay ko nasa loob ng bag. Abala ako sa pagsusuklay nang lumapit sa akin si PJ. “Heto ang isuot mo para hindi ka mahirapan mamaya sa libing,” suhestiyon niya nang tumayo siya sa tabi ko. Mula sa salamin nakita ko ang dala niyang puting sneakers at medyas. “Ibaba mo na lang diyan. Mag-aayos lang muna ako bago ako magsapatos,” sabi ko sa kanya. Hindi siya umimik pero nakita kong ibinaba niya ang sapatos sa tabi ko. Akala ko aalis na rin siya pero nakatayo pa rin siya sa tabi ko. Pinandilatan ko siya. “Umupo ka na lang sa kama at maghintay,” utos ko. Tumaas ang kilay niya bago niya ako tinalikuran. Ngunit imbes na sa kama siya dumiretso, umupo siya sa sofa na nakaharap sa akin. Napabuga na lang ako ng hangin pero hindi ko na siya pinansin. Mabilis akong naglagay ng day cream saka lip gloss. Akmang kukunin ko na ang aking sapatos nang maunahan ako ni PJ. “Ako na,” wika niya at umupo sa paanan ko. Nanlalaki ang mga mata ko habang pinanonood ko siyang isinusuot sa paa ko ang medyas. s**t! Kapeng mainit! Bakit nakukuryente ako sa bawat dampi ng kamay niya sa balat ko? Apektado pa rin talaga ako sa ginagawa niya na dapat hindi na sana. Torture para sa akin ang ginagawa niya. Bakit kailangan niyang maging maasikaso ngayong nagbabalak na akong gantihan siya? Nararamdaman ba niya na may binabalak akong masama sa kanya? “Ayan, okay na. Ready ka na sa lakaran,” wika niya nang matapos niyang maisuot sa akin ang sapatos ko. “Thank you. Sana hindi ka na nag-abala,” saad ko saka ako ngumiti sa kanya. Ngumiti rin siya pabalik sa akin. “Okay lang. Maliit na bagay lang iyan. Maglagay ka ng sunscreen lotion para hindi masunog ang balat mo mamaya,” dagdag pa niya. Napakunot ang noo ko. Wala sa sariling napatingin ako sa aking mga kamay. Masusunog pa ba ako gayong kayumanggi na nga ang kulay ko? Nang hindi ako kumilos ay napansin kong kinuha ni PJ ang lotion na nasa dresser. Naglagay siya sa kanyang palad saka kinuha niya ang kamay ko at pinahiran ito. Libo-libong boltahe ng kuryente ang rumagasa sa buong katawan ko dahil sa ginawa niya. Pakiwari ko nakuryente ang buo kong katawan kaya hindi ako makakilos. Ni hindi ko magawang hilain ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. “Wala ka bang puwedeng ipahid sa mukha mo?” tanong niya pagkatapos akong malagyan ng lotion. “Naglagay na ako ng day cream,” sagot ko. “Okay, tara na. Baka hinihintay na nila tayo.” Tumayo na ako at mabilis na kinuha ang shoulder bag ko. “May dala ka bang shades?” tanong ni PJ nang maisukbit ko ang aking bag. “Wala. Bakit?” Napakamot siya ng ulo. “Kailangan mo iyon kasi mainit sa labas. Wala ka rin sigurong payong.” Mabilis akong umiling. Bakit ang dami niyang hinahanap sa akin? Ano bang problema niya? Lumayo siya sa akin at binuksan ang closet. Nang bumalik siya may inabot na siyang shades sa akin saka sun visor. Nagsalubong ang kilay ko habang nakatitig sa ibinigay niya. Bago pa ako makapagtanong, hinila na niya ako palabas ng kuwarto. Pagdating namin sa sala, nadatnan namin ang napakaraming tao. Hindi na ako nagawang ipakilala ni PJ sa mga kamag-anak niya dahil abala na ang lahat. Nang mailabas ang labi ng lola niya, pinalabas na rin kami. Ngunit bago kami lumabas, isinuot muna sa akin ni PJ ang shades saka iyong sun visor. Nang makalabas kami ng bahay noon ko lang naunawaan ang ginawa niya dahil nakita kong naglalakad ang lahat papunta sa kalsada at naiwan lang sa garahe ang mga sasakyan. “Pasensiya ka na, ha? Ganito kasi sila kapag makikipaglibing. Naglalakad ang lahat ng tao,” bulong ni PJ habang naglalakad kami. “Okay lang naman sa akin,” nakangiting sagot ko. “Kapag napagod ka, sabihin mo lang at tatabi tayo sa daan. Maghahanap ako ng tricycle na masasakyan natin.” Marahas akong napailing. “Huwag na. Nakakahiya sa kamag-anak ninyo. Baka kung anong isipin nila.” Tumigas ang ekspresyon ng mukha niya. “Wala naman akong pakialam kung anong isipin nila. Ang importanate sa akin ay ang kapakanan mo. Bahala silang mag-isip kung ano ang gusto nilang isipin. Mas mahalaga ka naman kahit kanino.” Napahawak akong bigla sa aking dibdib nang marinig ang sinabi niya. May kung anong kumurot sa akin. Pero sayang dahil huli na. Bakit ngayon lang siya nagpapakita ng ganitong pag-aalala sa akin? Sana noon pa. Masasayang lang ang mga effort niya. Hindi na magbabago ang pasya ko kahit magpakita pa siya ng kabutihan sa akin ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD