•Trayne•
Nakasunod lamang ako sa lalaking doktor kanina. Nakapagbihis na rin ito at papunta na sa lugar na pinag-usapan nila ng taong gustong pumatay kay Fiona.
Nasa kabilang mesa lamang ako. Nakikinig sa pinag-uusapan nila, dapat mahuli ko kaagad sila para makalaya na si Yue. Naningkit ang aking mata nang makita kong panay tingin sa akin ng doktor.
"H-hindi ko po nagawa dahil..." nauutal nitong saad. Nanlalaki ang aking mata nang biglang bumagsak ang ulo nito sa mesa.
Nagtawanan naman na lumabas ang mga taong kausap nito. Kaagad ko siyang nilapitan at tiningnan ang kanyang pulso. Nang maramdaman ko ang mahinang pagpintig nito ay kaagad ko siyang binuhat palabas. Mabuti na lamang at walang masiyadong tao.
"Please, lumaban ka. Kailangan ka ng isang taong inosente na nakakulong ngayon dahil sa maling akala." Marahan ko siyang isinakay sa aking kotse at nagmaneho na pabalik sa hospital ni Sven.
—
Si Sven ang sumalubong sa amin pagkababa ko ng kotse. Tinawagan ko na ito kanina tungkol sa nangyari kaya nakaantabay na ito kaagad.
Naguguluhan man ito ay hindi na ito nagtanong sa akin at inuna ang pasyente. Sumunod naman ako sa kanila habang patuloy sa pananalangin na sana gumising pa ito.
"Sven," mahina kong tawag dito. Lumingon naman ito sa akin at binigyan ako ng isang tipid na ngiti. "Kailangan ko siya—"
Pinahid ko ang mainit na likidong dumaloy sa aking mukha. Mapait akong napangiti at tumalikod kay Sven. Okay naman umiyak 'di ba? Pwede naman umiyak ang mga lalaki kapag nasasaktan na ng sobra hindi ba?
Napapikit ako nang may maramdaman akong kamay na tumapik sa aking balikat. Alam kong si Sven iyon at pinapakalma lamang ako. Kinagat ko ang aking labi para pigilin ang emosyon ko at muling bumaling sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, Leandro. Sisiguraduhin kong mabubuhay sila," seryoso niyang saad at nagpaalam na.
Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa makapasok ito sa loob ng kwarto.
—
Paikot-ikot ako sa hallway habang naghihintay kay Sven na makalabas sa kwarto ng lalaking dinala ko.
"Kuya Trayne?" Napatigil ako sa aking ginagawa at lumingon sa babaeng tumawag sa akin.
Nakita ko sa di kalayuan si Persephone kasama ang asawa nitong si Hades. Sigurado akong iniwan na naman nila ang mga anak sa mansyon ni mommy.
"Persephone, bakit kayo nandito?" Ngumiti ito at inilahad sa akin ang bag na dala. Hindi ko man lang namalayan na may dala pala ito. "Ano ito?"
Lumapit ito sa akin at tinapik ang aking balikat. Pinaupo ako nito sa upuan at kinuha ang laman ng bag.
"Tinawagan kami ni Sven. Kanina ka pa raw rito at hindi pa kumakain? Gusto mo bang mamatay sa gutom?" pangaral nito sa akin. Mahina akong tumawa at ginulo ang buhok niya.
Sanay na ako kay Persephone bata pa lamang kami ay palagi na itong nakabantay sa amin kahit siya naman ang mas bata.
"Kakain ako kapag nakalabas na si Sven—"
"Kumain ka na, kuya. Kami na ni Hades ang magbabantay sa kanila. Nag-aalala na rin sa'yo si Lilac." Malalim itong bumuntong-hininga at inilabas ang cell phone niya. "Kanina pa iyan tumatawag sa akin. Kinukumusta ka."
Kinuha ko ang cellphone nito at binasa ang mensahe ni Lily. Napangiti ako nang maalala ang mukha niya. Maski ang boses nito ay naririnig ko habang binabasa iyon.
Matagal na rin akong hindi nakabisita sa kanilang dalawa ni Lucas. Bukod sa ayaw kong sirain ang relasyon nilang dalawa ni Seve ay napokus na rin ako kay Yue.
"Trayne! Ikaw ito 'di ba? Sinabi ko kay Persephone kanina na tawagan ako kapag nagkita na kayo," nag-aalala nitong sambit. "Bakit ka gan'yan?"
Napakunot ang aking noo dahil sa sinabi niya. Hindi ko siya maintindihan. Anong ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon?
"Palagi mo na lang sinasarili ang problema mo. Kung kami naman iyong may problema nagsasabi naman kami kaagad sa iyo, ah?" mahaba nitong lintanya.
"Sorry," mahina kong sagot sa kanya.
"Huwag kang mag-sorry. Kumain ka na at huwag kang magpapagod. Mapapaanak ako ng wala sa oras sa iyo, eh." Napatigil ako sa narinig, ngunit ibinalik ko rin kaagad ang ngiti sa aking labi at nagpaalam na sa kanya.
"Kumain ka na sa baba. Kami na ang bahala—"
Hindi na natapos ni Persephone ang sasabihin nang tumayo ako bigla. Nakita ko kasi si Sven na lumabas ng kwarto at papalapit sa amin.
Halata ang pagod sa mukha nito. Ang pawis nito ay walang katapusang tumutulo sa kanyang maputlang mukha.
"Kumusta, Sven?" Bumuntong-hininga muna ito at tumango. Napataas ang kilay ko habang hinihintay ang eksakto niyang sagot sa tanong ko.
"He's fine, Leandro. Maghintay na lang tayo na magising siya."
Guminhawa ang aking pakiramdam nang marinig iyon sa kanya. May tuwang lumukob sa aking puso at ang mukha kaagad ni Yue ang aking nakita.
Gusto ko na ulit siyang makitang masaya. Gusto ko na ulit marinig ang pagiging conyo nito. My baby Yue.
"Doctor Sven!" Napalingon kami sa nurse na nagmamadaling lumapit kay Sven. Hinihingal pa ito habang may ngiti sa labi.
"Sino na namang pasyente ang humahabol sa iyo, Miracle?" Napatakip ito sa kanyang bibig at humagikhik. Napangisi ako dahil sa ginawa lalo na at may ibang tingin itong ibinibigay kay Sven. "Hihinga ka ng maayos o babatukan kita—"
"Kalma lang, Doc Sven. Iyong sinasabi mong importanteng tao na pinababantayan sa akin nagising na!" masaya nitong saad.
Nanlalaki naman ang mata ng una at lumingon sa akin. Nagdikit ang dalawa kong kilay dahil hindi ko maintindihan ang ibig nilang sabihin.
"Si Fiona—"
"Doctor Sven, sabi mo sa akin bibigyan mo ako ng number ng kaibigan mo? Iyong gwapo—"
Tinakpan naman kaagad ni Sven ang bibig ni Miracle at kinutusan ito. Bumulong muna ito sa huli bago ibinaling ang tingin sa akin.
Tinaasan ko siya ng kilay para ipahiwatig sa kanya na naghihintay ako sa impormasyon niya.
"Gising na si Fiona, Leandro. Pupuntahan ko muna siya, titingnan ko kung pwede niyo na siyang bisitahin."
Malapad akong ngumiti rito at tinapik ang kanyang balikat. Magiging maayos na rin ang lahat. Kapag nakalaya na si Yue isa na lang ang dapat kung gawin ito ay mahanap ang taong nasa likod nito.
Alam kong hindi lang simpleng tao ang nakalaban ni Yue, at gagawin ko ang lahat mailayo lang ito sa mga taong iyon.