Isang linggo na rin ang lumipas mula nang maganap ang 'trahedyang' iyon sa buhay ni Cat. Mula Bicol ay nakabiyahe na siyang muli pa-Maynila para bumalik sa trabaho. Baon pa rin niya ang panghihinayang sa naudlot na kasal sa kababata at galit para sa walanghiyang may pakana nitong lahat.
Huwag ka lang talagang magpapakita pa ulit sa akin at hindi mo magugustuhan ang magiging ganti ko.
Ang totoo, wala siyang ideya kung bakit nito iyon ginawa. Alam niyang they were not in good terms nang maghiwalay sila noon pero hindi naman siya ang dahilan kung bakit hindi nagtagal ang kanilang relasyon. He was the one who started and put an end to it.
"Cat!" tawag sa kaniya ni Wincel. Nawala tuloy siya sa iniisip. Buti na lang, iba ang paalam niya sa mga katrabaho ng dahilan ng halos dalawang linggo niyang pagkawala kaya walang nakiki-update kung ano'ng nangyari sa kaniyang leave.
"Yes?" sagot niya na hindi man lang inaalis ang mga mata sa monitor. Kakasimula pa lang ng working hours nang mga sandaling iyon at pilit niyang isine-sistema ang utak niya.
"Tawag ka ni Ma'am Divina."
Pagkarinig sa pangalang iyon ay automatiko siyang napatigil sa ginagawa. Ito ang general head nila sa auditing department. Mabait ito at pala-kausap sa kanilang mga under staff nito kaya naman walang kaba sa kaniyang dibdib nang tunguhin niya ang opisina nito.
"Good morning, Ma'am!" nakangiti pang bati rito ni Cat pagkabukas niya ng pinto. Naabutan niya itong kabababa lang ng telepono at nakaupo sa table nito.
"Good morning din!" bati rin nito sa kaniya. May ngiti rin sa mga labi nito ngunit hindi ngiting matamis kundi mapait.
"P-Pinatawag n'yo raw po ako?" Noon siya kinabahan.
"Yes. I have to give you something." May hinanap pa ito sa drawer nito. "Here."
Isang puting sobre iyon.
Nagdadalawang isip pa siya kung kukunin ba iyon o hindi. Ngunit sa huli ay marahan niya rin iyong inabot. Parang natatakot siyang buksan.
"I'm sorry, Cat. Pero iyan ang itinawag sa akin mula sa itaas. Actually, noong isang araw pa 'yan nakalagay rito. Ngayon ko lang naibigay."
"A-Ano po ito, Ma'am?" napapalunok at kinakabahan niyang tanong.
"Ikaw na ang tumuklas."
At iyon nga ang kaniyang ginawa. Halos manlata ang mga tuhod niya nang mapagtantong letter of termination pala iyon.
"M-Ma'am Divina... b-bakit naman po?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Maayos naman po ang trabaho ko ah. I always do my best para sa ikagaganda ng company. B-Bakit naman po bibigyan nila ako ng ganito? D-Dahil po ba sa two weeks na hiningi kong bakasyon? Nagpaalam naman po ako sa inyo nang maayos ah."
Napahugot ng malalim na hininga ang kausap niya. "I know your capability and competency dito sa company. And I can't deny that you are really a good asset in here. Kaya lang, hindi naman ako ang nagdesisyon niyan, Cat, kundi iyong mga nasa head natin. Hindi ko rin alam ang dahilan dahil ayaw nilang magbigay ng definite reason. Kung ako lang ang masusunod, ipo-promote pa nga kita eh. Kaya lang..." Napakibit-balikat ito. "Wala tayong magagawa, empleyado lang tayo rito."
"Incompetent, tardy at lack of perspective. Iyon po ang nakasulat dito," mangiyak-ngiyak na sabi niya. Maging si Ma'am Divina ay hindi makapaniwala at binasa rin ang sulat sa kaniya. "Kabaligtaran iyan ng ginawa ko sa kompanyang ito. They're so unfair," dugtong pa niya. Sa sobrang gigil niya, napunit niya ang papel at walang habas na itinapon lang iyon sa basurahan sa gilid ng mesa ni Ma'am Divina. "Kung sino man ang nakaisip ng kalokohang iyan, dobleng kamalasan sana ang abutin niya," gigil at galit pa niyang sumpa bago lumabas ng opisina nito.
PUNO ng sama ng loob na sinimsim ni Cat ang laman ng lata ng alak. Nakaupo siya sa isang bench na nakaharap ngayon sa dagat. Nasa MOA siya ngayon, natapos ang maghapon niyang paghahanap ng panibagong trabaho ngunit mag-dadalawang linggo na ay bigo pa rin siya. Sa hindi niya mawaring dahilan, kahit ano'ng ganda ng track record niya, taas ng grades no'ng college at ayos ng mga sagot niya sa mga interview ay wala man lang kompanyang nagka-interes sa kaniya. Pakiwari ba niya ay parang pinagtatakwilan siya ng mundo. Mabuti na lang at ibinigay agad ang separation fee at huling sahod niya kung hindi ay talagang mamumulubi na siya.
"Damn! It all started with that devil!" gigil na pasaring niya sa hangin. Walang gustong tumabi sa kaniya dahil nga sa umiinom siya ng alak. At kung minsan ay paulit-ulit pa siyang napapamura na kung hindi mo siya kakilala ay tiyak mapagkakamalan siyang may sira sa ulo.
Naiisip niyang umuwi na lang sa Bicol ngunit ano namang magiging buhay niya roon? Tiyak na nanggagalaiti pa ngayon ang biyenan niyang hilaw at tiyak na uuntagin na naman siya nito ng singil sa nagastos ng anak nito sa napurnada nilang kasal.
Harry... Tuwing maiisip niya ang nangyari ay hindi niya pa rin maiwasang maiyak sa sinapit ng relasyon nila. Sinubukan niya pa itong kontakin para kausapin pero nai-block na siya nito agad.
Maybe this is the right time! aniya sa isip. Inilapag niya sa isang tabi ang bagong kabubukas lang na in can at dali-dali siyang tumayo. Nasapo niya pa ang ulo nang bahagyang mahilo dahil sa impluwensya ng alak.
Pero hindi iyon hadlang para sa kaniya para hindi gawin ang naisip niyang plano.
Ang totoo, kaya siya naroon ay para rin kausapin si Harry. Malapit lang sa kinaroroonan niya ngayon ang coffee shop na pag-aari nito at uminom talaga siya ng kaunting alak upang palakasin ang loob.
Gusto niya talagang makapagpaliwanag dito ng ayos at mapatunayan na nagsisinungaling ang demonyong nanggulo sa kanilang kasal. Since he's not talking to her on the phone, siguro naman sa personal ay kakausapin na siya nito.
Ilang minutong lakad ay natanaw niya ang signage ng coffee shop nito. Mas binilisan niya ang kaniyang hakbang upang may makasabay pa sa pagtawid sa highway. Nang naroon na siya at mapatapat na sa pinto ng shop ay sumilip-silip pa siya sa loob upang tiyakin kung naroon si Harry. At hindi siya nabigo nang makita nga ito na may kausap na staff.
Walang alinlangang pumasok siya sa loob. Mabuti't hindi pa gaanong marami ang costumer. Ngumiti agad si Cat nang makita ang dating groom.
"Harry..." tawag niya rito.
Ngunit hindi man lang ito tumugon ng ngiti sa kaniya. Bagkus galit na mukha ang agad isinalubong nito sa kaniya. "What the hell are you doing here? Get that woman out of my cafe, now!" Sumenyas pa ito agad sa mga staff para igaya siya palabas.
Dalawang lalaki ang nag-aalangang lumapit kay Cat. Kilala siya ng mga ito dahil palagi siya roon noon. At alam ng lahat na dapat ay kasal na sila ni Harry.
"Please, give me a moment with him, guys," pakiusap niya sa dalawa. Ang gusto niya lang naman ay magkapaliwanagan silang muli.
"No, get her out. At mula ngayon, hindi na puwedeng tumuntong ang babaeng iyan sa lugar na ito. She's banned!" galit pa ring saad ni Harry.
"Sorry, Ma'am Cat, sumusunod lang kami sa utos ni Sir," agad dispensa ni Johard na isa sa mga lalaking umakay sa kaniya palabas.
"A-At least give me his new number..." naiiyak na pakiusap niya. Kinapalan na niya ang kaniyang mukha at kahit pinagtitinginan siya ng mga costumer mula sa loob ay wala siyang pakialam.
"Sorry, Ma'am. Pero wala po akong personal number ni Sir." anito.
"Bullshit!" naiinis na anas niya. "Fine!" Kahit gustong-gusto nang bumagsak ng mga luha niya ay nagpigil pa rin siya. "Pero pakisabi naman sa kaniya na hindi ako titigil hangga't hindi kami nagkakausap. Please? Sabihin mo babalik ako bukas."
Tumango lang ito kahit sa isip-isip niya ay malabo namang sabihin nito talaga iyon. She knew Harry. Mabait ito ngunit may pagka-istrikto lalo na pagdating sa trabaho kaya kinatatakutan itong suwayin ng mga empleyado.
Hindi na siya nakapaghabilin pa dahil bumalik ang hilong nararamdaman niya kanina. Muntik pa nga siyang mabuway pero buti na lang may maagap na sumalo sa kaniyang katawan.