Kabanata 9

1778 Words
Napatingin ako sa impormasyon na nakasulat sa hawak na dokumento. Katulad ng sinabi ni Ryder ay hindi na Alexia ang pangalan ko rito bagkus ay isang anak ng ordinaryong empleyado ng isang kumpanya at nagngangalang Lyanne Rios. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi ngunit alam kong ito lang ang paraan para maging matagumpay ang aking gagawin. Dahan-dahan kong ibinaba ang hawak na dokumento saka napatingin kay Ryder. Maya-maya ay napansin niya na nakatingin ako sa kaniya kaya naman napataas ang kilay nito nang humarap ito sa akin. “Hm?” nagtatanong na sambit nito. “A-ano… kasi, ayos lang ba ang gagawin ko?” nakayukong tanong ko rito. “Huh?? Anong ayos lang ang gagawin mo? Malamang hindi, psh!” inis na sagot nito sa akin saka nag-iwas ng tingin habang nginunguya ang pagkain. Napataas ang kilay ko. “Hindi mo naman kasi kailangan gawin ang lahat ng ito. Kung magagawa mo lang na makapag-move on sa nangyari, hindi mo na rin sana kailangan magdusa ng ganito,” sambit nito habang nakatingin pa rin sa ibang direksyon. Napayuko ako. “Pero wala naman ako sa posisyon mo kaya wala rin akong karapatan na pangaralan ka, desisyon mo iyon at wala akong ibang magagawa kundi ang suportahan ka sa abot ng makakaya ko,” sambit nito saka muling humarap sa akin. Dahan dahang kumurba ang ngiti sa mga labi ko. “Pero!” Muli akong napatingin sa kaniya. “Sa oras na alam kong sumosobra at nasa panganib ka na, gagawin ko rin ang lahat para pigilan ka sa abot rin ng aking makakaya,” diretsong sagot nito. Hindi ko alam ngunit bigla akong nakaramdam ng kaba sa sobrang seryoso ng mga mata nito. Napapikit na lamang ako saka dahan dahang tumango. “Hmm, aasahan ko iyan,” nakangiting sagot ko rito. Hindi na rin naman kami nagtagal ay nagpatuloy kami sa pagkain. Balak naming magpunta ngayon sa isang resto-bar. Doon ay balak kong mamasukan bilang isa sa mga staff nito. Napag-alaman kasi namin sa mga impormasyon ay isa ang resto-bar na ito sa mga negosyo na hawak ng pamilyang Pascal. Nagkataon rin na naghahanap sila ng bagong tauhan kaya naman hinding-hindi ko magagawang pakawalan ang pagkakataong ito. ****** Ilang minutong byahe lamang ang itinagal namin mula sa bahay hanggang sa makarating kami sa nasabing resto-bar. Nauna na akong bumaba ng kotse ni Ryder habang inaayos ang damit. Tulad ng isang ordinaryong tao ay nakasuot lamang ako ng fitted jeans habang formal dress sa pang-itaas. Nagsuot rin ako ng wedge boots pero hindi rin ito masyadong halata dahil natatakpan ito ng pants na suot ko. Napataas na lamang ang kilay ni Ryder nang makita ang suot ko. “Sigurado ka ba na iyan ang isusuot mo? Ang weird ng taste mo ngayon ah,” sambit nito. “Hmm,” tango ko rito. Isa pa ay kailangan ko rin magkunwari bilang si Lyanne Rios kaya naman kailangan kong kumilos ng kakaiba sa isang Alexia Shaun. Napakamot na lamang si Ryder sa ulo saka napasandal sa upuan. “Haist, oh siya sige, dito na lang rin muna ako maghihintay sa’yo at baka hindi ka pa matanggap kapag nakita nila na naka-kotse ka pa nang dumating,” dagdag pa nito saka inilagay ang dalawang kamay sa likod ng batok saka pumikit. Napatango na lamang ako saka ngumiti sa kaniya. “Salamat,” saad ko rito saka agad nang naglakad palayo ngunit hindi pa man ako masyadong nakakalayo ay narinig ko ulit itong nagsalita. “Alexia, ‘wag kang gagawa ng padalos-dalos na desisyon, pangako mo ‘yan,” paalala nito sa akin na tinanguan ko lamang. Hindi naman na ako nagtagal pa at nagpatuloy na sa paglalakad. Inabot rin ako ng halos dalawang minuto sa paglalakad dahil hindi naman ako hinatid ni Ryder sa mismong harap ng resto-bar dahil nga sa baka hindi ako matanggap kapag nakita na nakasakay ako sa kotse pagdating ko. Isa pa ay hindi lang naman ako ang balak mag-apply ngayon sa iisang bakanteng posisyon ng resto na iyon. Malayo pa man ako ay nakita ko kaagad ang medyo mahaba na pila sa labas ng lugar na iyon. Napalunok na lamang ako nang makarating na rin ako ng tuluyan sa harapan ng establismentong ito. Katulad ng inaasahan ay talagang maganda ang resto-bar na ito at masasabi kong may kamahalan ang bayad sa binibili rito. Napayuko ulit ako saka napatingin sa paahan ko nang humakbang na ako papasok. Wala nang atrasan ito, Alexia. Alam ko na malaki ang tsansa na makita ko sa loob ang isa sa miyembro ng pamilyang Pascal kaya naman kailangan ko ring kumalma at hindi mag padalos-dalos ng kilos katulad ng sinabi ni Ryder kanina sa akin. Napabuntong hininga muna ako saka dahan-dahang binuksan ang pinto. Kailangan kong tandaan na sa oras na buksan ko ang pinto at tuluyan na akong pumasok ay hindi na ako si Alexia kundi si Lyanne Rios. Saglit ko munang in-adjust ang boses at kilos ko hanggang sa tuluyan na akong makapasok. Inikot ko ang paningin sa loob at nakita ang dami ng mga tao na pa gala-gala rito. Sa hindi malamang dahilan ay parang nalaglag ang panga ko dahil sa sobrang paghanga. Sa huli ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at naglakad na palapit sa counter nang mas lalo kong makita ang kagandahan ng lugar. May second-floor rin ito ngunit mukhang kaunti lamang ang pinapayagan na pumasok rito. Maya-maya ay nilapitan ako ng isang babae at sinamahan papunta sa isang kwarto kung nasaan ang mag i-interview sa amin. Malayo pa man ako ay nakita ko na ang pila ng mga balak mag-apply sa trabaho. Tahimik akong umupo sa tabi ng isang babae nang marinig ang pakikipag-usap nito sa telepono. “Huh? Wala naman akong ibang choice eh, kahit delikado, ito na lang ang pag-asa ko na magkaroon ng trabaho. Kung hindi ako makakapasok dito, ano na lang ang panggamot ni mama? Pambayad sa hospital?” sagot ng babae sa kausap sa telepono. Magkatabi lamang kami ng upuan at bahagya ring nakaharap ang telepono kaya naman hindi ko sinasadya na marinig ang lahat maging ang sagot ng kausap. “Oo nga, andoon na ako. Pero alam mo naman kung gaano kadelikado na magtrabaho sa ganyang klase ng lugar diba? Lalo na sa may-ari ng resto na ‘yan. Malaki nga ang sahod ngunit ang kinakatakutan ko ay baka hingin rin nilang kapalit ang katawan mo,” sambit ng kausap. Agad na nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam na maging ang ibang tao ay alam ang tungkol sa bagay na ito. Isa pa ay hindi rin maganda na marinig ng may-ari ng resto na ito na ganoon ang tingin sa kanila ng kanilang empleyado. Maya-maya ay tinawag na rin ang babae kaya naman wala na siyang ibang nagawa kundi ibaba ang telepono. I feel sorry for them. Nagawa nilang pumasok dito para lang magkaroon ng pera pampagamot sa sariling ina habang ako naman ay para lang sa plano ko. Napayuko ako. Hinintay ko na lamang ang pangalan ko hanggang sa maya-maya ay bigla na lamang may lumabas na lalaki sa loob ng kwarto na iyon. “Psh! Kayo na magpatuloy dyan, aalis na ako,” malakas na sigaw ng lalaking iyon. “Pe-pero paano ang interview El?” tanong sa kaniya ng isang babae na sa tingin ko ay isang sekretarya. Ito rin ang nagtatawag kanina ng mga pangalan namin. Nilampasan lamang ako ng lalaki saka sumigaw pabalik sa babae. “Kayo na bahala,” malakas na sigaw nito saka nagpatuloy sa pagtakbo pababa. Eh? Sino ‘yun? “Lyanne Rios?” tawag sa akin ng babae. Agad naman akong sumunod rito at pumasok sa loob nang makasalubong ko ang babae kanina. Nakayuko lamang ito at para bang pinag bagsakan ng langit at lupa. Siya ang huling kasama ng lalaki sa loob, hindi kaya hindi siya nakapasa kaya naman ganun na lamang ang reaksyon niya? Bigla tuloy akong kinabahan. Napabuntong hininga muna ako saka nagpatuloy sa paglalakad sa loob. Doon ay naabutan ko ang isang babae na nakaupo sa harap ng isang mesa habang isang upuan rin ang nasa harapan nito, ilang metro ang layo sa kaniya. Dahan-dahan akong naglakad rito at ramdam ko ang tensyon ko sa mga tingin niya ibinabato nito sa akin. Hanggang sa makaupo na ako ay nakatingin lamang ito sa akin. Aaminin ko na napakaganda nito. Hindi kaya isa rin siya sa miyembro ng pamilyang Pascal? Mukha rin kasi siyang mamahalin base sa suot at kilos niya kaya sigurado akong hindi lamang siya basta empleyado rito na nakatoka upang mag-interview. Habang tinatanong ako nito ay ramdam ko ang panliliit niya sa bawat linyahan niya na para bang sinasabi nito na wala akong pag-asa rito. Gayumpaman ay nagtimpi ako sa panliliit nito sa akin hanggang sa matapos na ito sa kakatanong sa akin. Pagkalipas ng ilang minuto ay lumabas na rin ako ngunit hindi ko pa rin alam kung nakapasa ba ako o hindi dahil umalis daw ang isang evaluator, marahil ay ito ay ang lalaking umalis kanina. Napakamot na lamang ako sa ulo ko hanggang sa tuluyan na akong makalabas ng resto na iyon. Hindi na rin ako nagtagal roon para maglibot dahil naghihintay rin sa akin si Ryder sa kotse. Habang naglalakad pabalik sa kotse ay nakatanggap ako ng mensahe kaya naman agad kong binuksan ang telepono. Bumungad sa akin ang pangalan ni Cristy. Mukhang sinend na niya sa akin ang mga panauhin para bukas. Ni-replayan ko lamang it at nagpatuloy na ulit sa paglalakad hanggang sa makarating sa kotse ni Ryder. “Oh, ambilis mo ah, kamusta?” tanong nito nang tuluyan na akong makapasok sa katabing passenger seat nito. “Hmm, ayos lang naman. Babae ang nag i-interview sa akin dahil umalis raw yung second evaluator nila kaya naman hindi rin nila alam kung pasa ako o hindi,” sambit ko rito. “Ah, hmm.” Tumango lamang ito sa akin saka nag-umpisa nang paandarin ang sasakyan. “Pero ‘yung iba kong kasama ay nakauwi na at sa tingin ko ay lahat sila ay hindi nakapasa base sa mga itsura nila nang lumabas ng kwarto,” dagdag ko pa rito. “Ohh, so ikaw na lang ang walang result?” tanong nito habang nakatingin sa kalsada. “Hindi ata, may mga kasunuran rin ako eh,” sagot ko na lamang rito. Katulad kanina ay tumango lang rin si Ryder habang seryosong nagmamaneho habang ako naman ay tiningnan ang dokumento na sinend sa akin ni Cristy. Agad na bumungad sa akin ang pangalan ng mga panauhin namin bukas. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang hindi inaasahang pangalan sa listahan. ‘Lynxx Pascal…’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD