Nang makabalik na si Ryder at dala na rin ang mga in-order na mga pagkain ay agad niyang napansin ang pagkakakunot ng noo ko.
“Anong nangyari sa noo mo, ang tanda mo na bigla,” biro nito sa akin ngunit sinimangutan ko lamang ito. Napangiti naman siya sa akin ngunit hindi ko na lamang ito pinansin at nag-umpisa nang nguyain ang chicken na dala niya kanina.
“Tumawag kasi si Cristy, baka papasukin ako sa Friday,” sambit ko rito.
“Eh? Bakit naman? Day-off mo naman until Sunday, hindi ba?” tanong nito sa akin.
Alam rin kasi ni Ryder pati ang schedule ko dahil palitan kami ng day-off para may mag-asikaso kay Tito.
“Oo, pero di pa naman ‘yun sure, baka lang. Pero pinaghahanda na rin ako, may bisita daw kasi. Galing pa sa Russia kaya kabado rin sina Cristy,” kwento ko sa kaniya.
“Ahh, sana nga wala. Imbes na pahinga mo nun eh,” sambit nito saka kumain na rin kasabay ko.
Habang kumakain ay inilabas ko rin ang telepono ko at nag-umpisa nang magtipa rito ngunit ilang saglit lamang ay napansin ko bigla ang pagtitig ni Ryder sa akin dahilan para mapahinto ako at mapatingin sa kaniya.
Agad itong nag-iwas ng tingin na para bang nahuli itong gumagawa ng masama na bagay. Agad akong napangisi.
Psh! Ayaw na lang kasi umamin eh, hahaha. Matagal na kaming magkaibigan ni Ryder at alam kong may gusto siya sa akin. Hindi man niya sinasabi ngunit ramdam ko iyon. Assuming na kung assuming pero iyon ang kutob ko. Marahil ay wala pa siyang lakas ng loob na umamin kaya hanggang ngayon ay hindi niya pa rin masabi sa akin ang tungkol sa bagay na iyon.
Pero ayos na rin ito. Hindi ko rin kasi alam ang isasagot ko sa kaniya sa oras na sabihin niya nga sa akin ang tungkol sa bagay na iyon. Maya-maya ay nauna nang tumayo si Ryder habang bitbit ang mga dala namin kanina.
“Ey,hintayin na lang kita sa parking lot,” sambit nito at hindi na lumingon pa saka nagpatuloy na sa paglalakad. Sinundan ko lamang ng tingin ang likod nito habang papalayo.
Maya-maya pa ay tumayo na rin ako mula sa pagkakaupo at bumili muna ng ice cream saka dumiretso sa parking lot. Malayo pa man ako ay nakita ko na agad ang kotse ni Ryder na kumikinang sa kulay asul. Wala sa sariling napangiti ako.
Ako kasi ang namili ng kulay nito at hindi naman siya umangal at pinayagan akong pakulayan ng blue ang katawan nito. Habang kinakain ang ice cream sa kanang kamay ay napansin ko kaagad si Ryder na kasalukuyang nakasandal sa kotse.
Napakunot ang noo ko. Parang alam ko na ang ginagawa nito.
“Ryder!” sigaw na tawag ko rito at tulad ng inaasahan ay mabilis niyang itinago sa bulsa ang hawak.
Psh! Kailan ba siya matuto huh?!
Bahagya pa itong napapaubo habang lumalabas ang kaunting usok sa bibig nito.
“Sabi ko na eh! Akala ko ba tumigil ka na sa bisyo mo ah?” tanong ko rito habang naglalakad palapit sa kaniya.
Para namang bata na nag-iwas ng tingin si Ryder sa akin at may pilit na itinatago sa likod nito.
“Huh? Anong sinasabi mo dyan, Alexia?” tanong nito sa akin.
“Aba naman, nagmamaang-maangan ka pa talaga ah,” sambit ko rito saka ako nakapantay sa kaniya. Nakatitig lang ako sa mukha nito ngunit pilit pa rin niyang iniiwas ang tingin sa akin.
“Sigurado kang hindi ikaw ang nakita ko na naninigarilyo, huh?” tanong ko sa kaniya ngunit hindi naman ito makapagsalita ng maayos.
“H-hindi nga ako ‘yun,” sagot nito sa akin.
Pinanliitan ko ito ng tingin at mas inilapit ang mukha sa kaniya. Dahil hindi naman ako masyadong maliit, sa katunayan ay halos parehas ang height naming dalawa kaya naman hindi rin ako nahirapan na abutin ito. Wala ako masyadong maamoy na usok sa kaniya at tipikal na pabango lamang niya ang naamoy ko.
Ngunit maya-maya ay naramdaman kong para bang kinakabahan siya kaya mas inilapit ko ang sarili sa kaniya upang amuyin ang hininga nito. Hindi ko pa man naamoy ito ay nag-iwas agad ito ng tingin kaya hinawakan ko ang baba nito at sapilitan na pinaharap sa akin.
Kitang kita ko kung paano ito mamula habang nakatingin sa akin. Sa totoo lang ay hinuhuli ko talaga siya na huminga siya, ebidensya na naninigarilyo ito ngunit hindi ko pa man ito naaamoy ay bigla niyang nabitawan ang hawak niya sa likod.
Sabay kaming natigilan at napalingon dito. Maya-maya ay muli kong ibinalik ang tingin sa kaniya at tinaaasan ng kilay.
Huli ka! Hindi man kita nahuli sa pang-amoy, sa wakas ay nahuli ko naman ang hawak niyang panigarilyo. Tsk!
“Ah, iyan nakita ko lang kanina tapos dinampot ko,” palusot pa nito saka bahagya pang inapakan ang sigarilyo.
Napahawak na lamang ako sa noo. Hindi talaga bagay sa kaniya ang magsinungaling.
Pagkatapos noon ay dumiretso na rin ako papasok ng kotse at doon hinintay na makapasok si Ryder. Sa totoo lang ay hindi ko naman talaga siya pinagbabawalan pero si Tito Kio ang nagsabi sa akin na batayan ko si Ryder sa paninigarilyo nito. Mahilig rin kasi sa sigarilyo noon si Tito kaya andami na rin niyang karamdaman sa ngayon.
Pagdating namin sa bahay ay dumiretso na agad si Ryder sa kusina upang ayusin ang mga pinamili at tinulungan na rin siya ni Tito dito. Habang ako naman ay dumiretso na sa kwarto para magbihis. Hinayaan ko ang sarili na mapahiga sa kama habang nakatingin sa kisame.
Nakakapagod pa rin talaga ang mamili ng grocery, haist. Maya-maya pa ay naisipan ko na lang muna na maidlip. Halos hindi ko na nga rin hinubad ang suot kong sapatos at kusa na lamang na ipinikit ang mata at handa na agad sa pagtulog.
“Alexia!! Run!” malakas na sigaw na narinig ko habang nakatingin sa isang babae na halos hindi na makatayo. Namalayan ko na lamang na tuluyan nang nawalan ng buhay ang babae matapos ng huling sigaw niyang iyon. Wala na akong ibang marinig.
Naramdaman ko na lamang ang pagpatak ng luha ko habang nakatingin sa walang buhay na katawan ni ate Patricia. Para bang naging manhid pati ang katawan ko na hindi ko na rin magawang igalaw.
“A-ate Patricia…ate!” rinig kong sambit ng sarili habang pilit na lumalapit rito ngunit agad kong naramdaman ang isang kamay na pumulupot sa baywang ko kasabay ng malakas na pagbagsak naming sa sahig.
Hindi ko alam kung ano ang ii-indang sakit, kung ang katawan ko ba na puno na ng pasa o ang puso ko na sa loob loob ay hindi na makayanan ang nararamdaman habang tinitingnan ang walang buhay na katawan ng mga kamag-anak at kaibigan ko.
“ALEXIA!”
****
“Alexia?”
“Hoy!”
Naramdaman ko na lamang ang mahinang pagtapik ng kung sino sa mga hita ko dahilan para dahan dahan kong iminulat ang mga mata ko. Agad na tumambad sa paningin ko si Ryder habang nakakunot ang noo.
“ Tsk, kanina ka pa dito, hindi ka pa nagpapalit ng damit?” nagtatakang tanong nito.
“Psh, pakialam mo ba?” mahinang sabat ko dito habang pupungas-pungas pa na tumayo mula sa kama.
“Ang baho na kasi, mas lalo na ‘yang damit mo. Hindi ko lalabhan ‘yan ah,” biglang saad nito saka naglakad palapit sa pinto.
Akala naman niya siya naglalaba ng damit ko, psh! Natutulog ang tao bigla biglang mang-gigising. Napairap na lamang ako sa kaniya at tulad ng inaasahan ay nag poker face lang rin ito sa akin.
Hindi ko naman na siya sinagot pa pagkatapos noon at napatingin na lamang sa labas. Nakabukas pa rin ang mga bintana kaya naman kitang kita na kung gaano kadilim ang labas.
Sa haba ng tulog ko ay hindi ko na namalayan na gabi na pala. Nag-unat muna ako bago tumayo sa kama nang marinig ko ulit si Ryder na nagsalita .
“Bilisan mo dyan, kakain na daw tayo,” bilin nito saka nagpatuloy na sa paglalakad.
Hindi naman na ako sumagot bagkus ay dumiretso na ako sa CR para magbihis ng pambahay saka nagtungo sa kusina kung nasaan sina Tito. Habang kumakain ay nakabukas rin ang telebisyon nang marinig ko ang balita tungkol sa isang launos-lunos na sinapit ng isang bata.
“Nagluluksa ngayong araw ang pamilyang Cruz matapos patayin ang kanilang ama na si Louis Cruz dahil umano sa isang transaksyon. Ayon sa pamilya, isang negosyante ang nag-alok sa kanilang serbisyo kapalit ng malaking halaga ngunit hindi pumayag ang pamilyang Cruz dahil mahalaga para sa kanila ang negosyong kinalakihan ng mga anak. Gayunpaman ay ilang araw bago ang krimen ay napag-alaman nila na ang negosyanteng ito ay may mataas na katungkulan at pinatay umano ang kanyang ama dahil sa hindi pagpayag sa nasabing kasunduan.
Sinasabing ang pamilyang Pascal na siyang kilala bilang assassin family, diumano ay binayaran ng negosyanteng ito at siyang responsable sa nasabing krimen. Ngunit magpahanggang ngayon ay hindi ito mapatunayan dahil sa kawalan ng ebidensya”
Agad akong natigilan nang makita ko ang mga litrato ng biktima. Sa hindi malamang dahilan ay naduwal ako at agad na umalis sa hapagkainan.
“Alexia, ayos ka lang?” nag-aalala na tanong ni Ryder ngunit ikinumpas ko lamang ang mga kamay ko upang sabihin na ayos lamang ang lahat.
Nagtungo agad ako sa lababo upang maghugas. Napayuko ako habang nakatukod ang dalawang braso sa sink.
Pascal family…
Agad na humigpit ang kapit ko rito kasabay ng pagbalik ng ala-ala ko ilang taon na ang nakakalipas.
Sa wakas ay nagpakita na ulit kayo.