KABANATA 5

2149 Words
Agad niyang naramdaman ang taglay na init nang mataas na sikat ng araw pagkaibis sa tricycle. Iginala niya ang mga matang naniningkit. Payapa ang buong paligid at may mangilan-ngilan ding estudyanteng naglalabas-masok mula sa nakabukas na malaking gate. Ang iba sa mga ito ay napapalingon at titig pa sa kanya. At minsan pa nga ay napapadalawang sulyap pa. Hindi pa rin pansin ang mga matang nanonood, napatingala siya sa bakal na arko na nasa itaas ng malaking tarangkahan. Sa isip ay binasa ang dalawang malaking salita na nakaukit doon. WELCOME RMTU. Malalim na napabuntong-hininga si Carmela at muling ibinaba ang tingin. Ang mga mata ay tumuon sa looban ng unibersidad. Hindi makapaniwalang naroon siyang muli sa lugar na iyon. Hindi niya akalaing kakainin din pala niya ang sinabi sa sarili noon na kahit kailan ay hindi na niya babalikan pa ang eskwelahang iyon. Kahit pa ang gunitain. Ngunit heto siya sa harapan nito at nakatindig. Muling nasisilayan ang lugar na minsan ay nagkaroon nang malaking bahagi sa kanyang buhay kasabay ng paggunita sa mga nabuong magaganda at malulungkot na alaala roon. Muli siyang napahinga at sinimulang kalmahin ang sariling unti-unting naeeskandalo. Hindi niya mapigilang mapalunok ng laway. Naghahalo na rin ang kaba at nerbyos sa kanyang dibdib. At kung hindi pa niya inihakbang ang isang paa’y hindi pa niya malalaman na nangangatog na pala ang mga tuhod niya. Nakagat niya ang ibabang labi at muling pinakalma ang sarili. Naipilig niya ang ulo kasabay ng realisasyong natatakot at kinakabahan pala siya sa nais gawin. At hindi rin pala totoong handa siya sa muling pagbabalik sa lugar na iyon. Nagsimula siyang lumakad uli pero tumigil din nang naging mabuway ang kanyang tindig ilang hakbang palang ang nagagawa. Kinalma niya ang sarili at nag-ipon pa nang lakas ng loob bago muling nagpatuloy. Tinatalo ang mga emosyon na sumasalakay sa kanya at dere-deretsong lumakad papasok. Hindi na inisip kung haharangin ba siya ng mga guwardiya o hahayaan lang. Kampante pa rin naman siya na kilala pa rin siya ng mga ito. At saka isang taon lang naman siyang nawala—at bukod doo'y nasa ROTC siya noon at siya rin ang madalas na nagpapasa ng kanilang attendance sa guardhouse kapag doon sila natutulog. Nakakakuwentuhan din niya ang mga ito kung minsan noon. Dala ng deretsong tingin ay hindi na ni Carmela napansin ang mga ulong dalawang beses napapabaling sa kanya. Gayon din ang ilang pares ng mga mata na nakatitig at sumusunod sa bawat galaw niya magmula nang matanaw siya kaninang papasok sa malaking gate. At gayon din ang ilang bulungan ng mga ito. Umihip ang mabining hangin kasabay ng halimuyak ng mga alaalang nagbabalik. Hindi ni Carmela mapigilang hindi mapangiti nang suyurin nang tingin ang kabuuan ng sentro ng unibersidad. Palabas na siya ngayon sa ilalim ng tulay na nagdurugtong sa dalawang college building. Napadako muli ang tingin niya sa malayong sentro. Doon ay makikitang nakatindig ang rebulto ng noo'y presidente ng Pilipinas na si Ramon Magsaysay. Sa likod naman nito ay ang apat na palapag ng administration building. May ilang paroo't parito ring mga estudyante habang ang ilan naman sa kanila ay nakatambay sa kung saan-saan. Marahil ay pansamantalang namamahinga matapos ang pabalik-balik na paglalakad mula sa kung ano mang inaasikaso o kaya'y para sa huling mga klase sa buwan na iyon. Nakasibilyan na rin ang karamihan sa mga ito kahit hindi pa naman araw ng Biyernes. Natanto niyang papasimula na marahil ang semestral break. Lumiko si Carmela pakanan at nagpasyang hindi sa malawak na sentro dumaan. Ayaw niyang ma-expose sa mga dating ka-schoolmate na maaaring nasa paligid lang. Hindi niya gusto ang isiping baka umabot kay Jiro na nagbalik siya roon, dahil hindi naman ito ang dahilan ng muli niyang pagbabalik. Nang sumagi sa isipan niya ang binata ay hindi niya mapigilang kabahan at nerbyosin. Napalunok siya ng laway. Kusa ring napalitan nang pagmamadali ang kanyang mga lakad nang makaramdam ng tensyon. Nasa Maynila pa lang siya ay batid na niyang napaghandaan na niya ang araw na iyon. Subalit ngayon pa lang talaga naging malinaw sa kanya na hindi pala talaga siya ganoon kahanda. Patunay na roon ang mga emosyon na walang babalang sinasalakay siya matapos maalala ang dating nobyo. Lalo na sa isiping baka makasalubong niya ito. Kahit paano rin naman ay nagbigay ng panatag sa kanya ang ginamit na daan. One way lang iyon at natatabingan ng mga gusali ang kanang bahagi niya at mga halaman at waiting shed naman sa kaliwa. Idagdag pa ang mga nakatambay na estudyante sa mga shed. Pero hindi pa rin mapigilang hindi mabalisa ni Carmela. Dumadagundong ang puso niya sa kaba dahil sa isiping baka isa sa mga naroon sa shed si Jiro kaya nagsimula na ring maglumikot ang kanyang mga mata. Napalinga-linga na rin. "Taga-Maynila 'yan sigurado." Bigla’y narinig niyang usal ng isa sa grupong nadaanan. Saka pa lang din niya natuunan ng pansin ang mga tinging mapanuri at nakaangat na kilay ng ilang babaeng estudyante. Sa mga matang puno ng kuryosidad. Sinusuyod siya nang tingin ng mga babae mula ulo hanggang paa samantalang humahangang paghagod ng tingin naman mula sa mga kalalakihan. Wala tuloy sa hinagap na kanyang napasadahan ng tingin ang sarili. White off-shoulder ang suot niyang pang-itaas. At sa kaunting galaw lang niya ay dumudungaw ang pusod at impis niyang tiyan. Hapit na jeans naman ang suot niyang pang-ibaba na pinaresan niya ng itim na stiletto. Ang kanyang buhok ay nakalugay at umaalon-alon na may natural na pagkatsokolate. Umabot na rin iyon hanggang sa kanyang pang-upo. Nagpulbos lang din siya at nagpahid ng kaunting red lipstick sa labi. Simula nang tumungtong siya ng Maynila ay natuto na rin siyang mag-ayos ng sarili at ganoon din sa pananamit. Kailangan niyang makipagsabayan kahit paano sa mga tao sa lungsod. Kailangan niyang matutong ayusan ang sarili mula sa mukha hanggang sa pananamit. At isa iyon sa nabitbit niya ngayong umuwi siya ng probinsya. Napabuntong-hininga ang dalaga. Wala naman sigurong mali sa kanyang suot upang tignan siya ng kakaiba. "Transferee?" "Baka mag-a-admission," "Edi transferee nga! Mag-a-admission 'ka mo eh!" "Ang ganda! Sh*t!" May narinig pa siyang napasipol. "Hi, miss!" "Miss, naliligaw ka ba? Pansin ko kanina ka pa nagpapalinga-linga eh. Gusto mo bang... samahan kita?" Narinig niyang napahagikgik ang huli at dumaing pagkatapos hampasin sa braso ng isa sa mga kasama nito. Hindi na siya nag-aksaya pang lingunin at pakinggan ang ilang mga naririnig na komento. Isa pa hindi naman siya maliligaw sa unibersidad na iyon dahil kabisado niya ang bawat sulok niyon. Alam din niya kung saan hahanapin ang kung nasaan. Wala rin naman sigurong nagbago simula nang umalis siya nakaraang taon. Ang hinihiling na lang niya ngayon ay puro sana freshmen ang nakatambay sa immaret. Dahil kung may mga nakahalong higher year ay baka umabot pa kay Jiro na naroon siya. Kilala rin kasi halos siya nang malaking porsyento ng mga estudyante sa university na iyon dahil dati siyang ROTC officer. Pero bukod pa roon ay kilala silang dalawa ni Jiro. Kaagad niyang pinasadahan nang tingin ang harapan ng bawat sulok ng DMST office nang matiwasay niyang marating ang sadyang lugar. Ang dahilan kung bakit siya bumalik sa kabila ng kanyang mga pag-aalinlangan. Isa pa ay nasasabik din si Carmela na masilayan muli ang loob at labas ng opisina na minsan ay naging lungga niya sa loob ng isa't kalahating taon na pamamalagi sa university. Kusang sumilay ang ngiti sa mga labi ng dalaga habang pinagmamasdan ang HQC mula sa labas. Ninanamnam ang mga alaalang bumabalik. Pag-angat niya nang tingin ay agad na dumapo iyon sa nakabukas na pinto ng Headquarters Commandant. Bahagyang umawang ang mga labi niya ng hindi inaasahang makita roon si Jiro. Ngumiti ang binata sa kanya nang maghinang ang kanilang mga mata. Malapit nang dumapit-hapon ng mga sandaling iyon. Ang kulay kahel na liwanag ng araw na papalubog ay nasisinagan ang kalahati ng guwapo nitong mukha. Kay ganda rin ng mga mata nitong tsokolate na tinatamaan nang mahinang sinag ng araw. Animo'y isang sining ito sa kanyang paningin. Isang ipininta ng magaling na pintor sa isang canvas na hindi niya mapigilang hindi titigan habang nakatingala siya sa likhang-sining na iyon sa loob ng isang museum. Namamangha. Nagagalak at nagbibigay halaga sa isang magandang obra. Lalo pang lumaki ang ngiti sa labi ni Jiro habang magkahinang ang kanilang mga mata. Dahan-dahan ay sumilay ang mga ngiti sa labi ni Carmela. Sinusuklian ang mga ngiti ng binata na umaabot hanggang sa mga mata nito magmula ng magtama ang kanilang mga paningin. Bakas sa mga titig ni Jiro ang diin. Ang pagiging masuyo. Na punong-puno iyon ng pagmamahal, nag-aalab na pag-ibig, sinseridad at katapatan. At ang mga labi nitong nananatiling nakangiti ay wala pa ring mintis sa pagpapatigil sa pag-inog ng kanyang mundo. Malalim na napasinghap si Carmela kasabay nang marahang pagpikit ng mga mata. Napailing-iling. Itinataboy sa isipan ang isa lamang sa maraming alaala niya sa piling ni Jiro. Binuksan niya ang mga mata. Gumuhit doon ang sakit at hapdi na matagal nang iwinawaksi sa sistema. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi niya alam kung paano pakikitunguhan ang binata sa sandaling magkrus ang kanilang landas. Kapag hindi sinasadyang makatagpo ng paningin niya ang kulay tsokolateng mga mata nito. At natatakot din siya na baka sa mga mata pa lang nito ay sumuko na siya. Ang totoo'y nangangamba rin siya para sa sarili. Na sa kabila ng kasalanan nito ay magawa pa rin siyang traydurin ng puso niya. Na sa bandang huli ay ipagkanulo siya nito sa lalaki sa oras na ngumiti ito. Na kapag nasilayan nito mula sa mga mata ni Jiro na balot ng mga damdaming matagal na niyang kinasasabikang makita muli. Mga pakiramdam na namatay na lang ng kusa matapos niya itong lisanin. Ngunit bigla rin siyang nahintatakutan sa isiping hindi ang mga naiisip niya ang sasalubong sa kanya galing dito kundi’y matinding galit. Galit! Matinding poot at pagkasuklam. Hindi niya magawang isipin na ang mga iyon ang ipamamalas nito sa sandaling magkita sila. Na makakaya ba niyang masilayan ang mga iyon sa lalaking nagkaroon nang malaking pitak sa buhay niya? Pero naisip niyang ito ba ang mas may karapatan na makaramdam niyon kung siya nga ang dapat na makadama no'n sa kanilang dalawa? O parehas lang sila? O mas higit siya? Mas nakalalamang siya? Naipilig niya ang ulo. Kung maaari lang ay ayaw na muna niyang mag-isip ng mga bagay-bagay na makapagpapaliyab lang sa mga kasalukuyang nararamdaman. Nagpasya na si Carmela na babain ang may kataasang aspaltong daan upang tunguhin ang DMST office. Naging maingat din siya sa bawat hakbang dahil bukod sa medyo mabato roon ay ayaw niyang maagaw ang atensyon ng babaeng nakaupo sa highchair at nakatalikod sa pinto ng opisina. Dalawa lang ang tao sa loob nang tahimik niyang marating ang pinto. Ang isa ay abalang-abala sa kung ano mang isinusulat nito sa papel habang nakatalikod sa kanya. Sa sobrang seryoso nito sa ginagawa’y hindi na napansin ang paglapit niya. Samantalang ang isa ay abala rin ngunit nasa malaking attendance sheets sa dingding ng opisina nakatuon ang buong pansin. Sa braso nito ay makikita ang folder ng mga private, MP, special platoon, medics at ng mga COQC. Naglalaman iyon ng mga attendance sa buong sem. Noong lower and second class officer pa siya ay siya rin ang minsang tumatrabaho ng kasalukuyang ginagawa nito. At na-miss niya ang parteng iyon ng buhay niya bilang ROTC officer. Walang anu-ano'y malakas na hinampas ng tatlong beses ni Carmela ang pinto ng DMST office. At dahil sa kanyang ginawa ay hindi niya mapigilang makuha ang atensyon ng ilang estudyanteng dumaraan at pati na rin ang ilang nakatambay malapit sa mismong opisina. Samantalang parehas namang napatalon sa gulat ang dalawang nasa loob sa sobrang lakas nang paghampas niya sa dahon ng pinto. Pigil siyang natawa at inakala ring mawawala na siya sa focus dahil doon. Nakagat ni Carmela ang pang-ibabang labi na mabilis ding inisang linya. Kamuntikan na kasing mahulog sa upuan si Serina dala nang malakas na paghampas niya sa pinto at pagiging seryoso nito sa ginagawa. Narinig pa niya ang malutong na murang nanulas sa bibig nito. "Putangina!" Hindi tuloy alam ni Carmela kung bubungisngis ba siya o hindi dala nang naging reaksyon nito. Pero pinili na lang niyang gawin ang naisip. Tahimik siyang tumikhim at tumayo nang tuwid sabay seryosong sumaludo. Ang mga mata ay naka-tiger look. Snappy. Sh*t! Na-miss niyang gawin ang ganito! "Cadet Lara Carmela Garcia, request permission to enter the DMST office, Ma'am!” Napalingon nang marahas si Alajar sa kanya. Noong una ay galit at iritado ang mukha nito pero nang makilala siya ay nanlalaki naman sa gulat ang mga mata. Laglag ang panga ni Rina habang nakatitig kay Carmela. Hindi makapaniwalang naroon sa pintuan ng kanilang opisina ang ka-buddy-ng matagal na nawala. Matagal-tagal pa bago nakahuma si Serina samantalang nalilito at naguguluhan namang nakatingin sa bisita ang kasama ni Alajar. Bakas din sa mukha nito ang kuryosidad. "Buddy-koy?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD