KABANATA 6

2099 Words
Mabilis na napatayo si Alajar. Animo'y nabato-balani pa rin habang nakatitig kay Carmela at sinusuyod nang tingin ang huli. Namamangha sa laki ng ipinagbago ni Garcia. "Oh my gosh!" Tili nito matapos ang ilang sandali. Namimilog pa rin ang mga mata. "Carmela!" Malapad ang ngiting inilang hakbang ni Serina ang kanilang pagitan. Akmang yayakap na siya kay Carmela nang matigilan sa pag-angat ng kilay nito. Ang mga mata ay deretso pa ring nakatingin sa harap. Napaatras ng isang beses si Serina Alajar. Natitigilan at namamantal ang noo na napatitig kay Garcia. May buong pagtataka. At nang malaon ay napatikhim nang matanto kung ano ang nais nitong ipagawa sa kanya. "Enter!" Hindi pa man naibababa ni Carmela ang nakasaludong kamay ay agad na siyang sinalubong ni Rina nang mahigpit at nananabik na yakap. May kasama pang panggigigil. Narinig ni Rina ang paghagikgik ni Carmela bago siya mahigpit ding niyakap. Ramdam din niya roon ang pananabik. "Kumusta ka na?" Unang tanong niya ng pakawalan si Carmela. "Ang tagal nating hindi nagkita! Sobrang na-miss kita!" Tinugunan ni Carmela ng ngiti ang sinabi ni Rina bilang unang tugon sa mga sinabi nito. "Ako rin, na-miss kita buddy-koy!" At muli niyang niyakap si Rina. Hindi magkandaugaga si Serina nang kumalas sila sa yakapan. Hindi rin siya makaapuhap ng sasabihin dahil sa labis na kasiyahan at pagkasorpresa sa pagdating nito. "Aniaman, Carm?" aniyang inulit lang ang naging unang tanong. "Bakit bigla ka na lang nawala? Wala man lang kaming naging balita tungkol sa 'yo kahit isa! Maliban na lang sa nalaman naming nasa Maynila ka na at doon ka na nag-aaral ng sumunod na sem. Isang buwan din 'yon! Hindi ka man lang sa amin nagsabi na aalis ka! Pinag-alala mo kami!" Nakagat ni Carmela ang ibabang labi at bumagsak ang tingin sa sahig. Ngayon niya mas lalong napagtatanto na naging makasarili nga siya noon. "At kung hindi pa namin pinuntahan si attorney sa opisina n'ya," ang tinutukoy nito ay ang ama ni Carmela. "Hindi pa namin malalaman na iniwan mo na pala kami! Hindi ka man lang talaga nagsabi! Sobra kaming nag-alala sa 'yo alam mo ba! Nakatatampo! Lahat kami rito hinahanap ka. Sila sir, sila ma'am, ang mga instructor natin..." huminga nang malalim si Rina. Napailing at palatak. "Pare-parehas silang nagtatanong sa amin kung nasaan ka at ano'ng nangyari sa 'yo. Pero pare-parehas din kami nila bok na walang maisagot!" "Sorry," salitang biglang nanulas sa labi niya at halos pabulong pa nang sabihin iyon. Mapait na napailing si Rina habang nakatitig sa kanya. Nakagat niyang muli ang ibabang labi. Hindi makatingin dito nang deretso. "Matapos ang graduation natin, 'yong mga pag-iyak mo at maging ang nangyari ng araw na iyon, Carm..." Napatikhim si Carmela. Kung maaari lang ay ayaw na talaga niyang balikan ang araw na iyon. At hindi niya alam kung para saan ba ang dahilan. Kung sa kahihiyan ba, sa kaduwagan niya, sa pagiging mahina. "Rina..." Napahinga nang malalim si Serina. Binabalewala ang reaksyon ni Garcia at muling nagpatuloy. "Hanggang ngayon clueless pa rin kami." "Kung maaari lang sana'y ayaw ko ng alalahanin pa ang nangyari." Nakikiusap ang kanyang mga mata na tinignan ang ka-buddy. Mahihimigan din ang pagmamakaawa maging sa tinig niya. Pinakatitigan siya ni Serina sa mga mata. Tila naghahanap doon ng kasagutan sa marami nitong nabinbin na tanong. Batid ni Carmela na napakarami niyang utang na kuwento sa mga dating kasamahan sa unit lalo na sa mga ka-buddy. Pero kahit nakalipas na iyon ay hindi pa rin niya kayang ikuwento ang nangyari. Ang totoong dahilan ng pag-alis niya. Dahil para sa kanya isang kaduwagan at kahinaan lang ang ginawa niya—at aaminin niyang nahihiya siya dahil doon. Nakakaunawa namang tinanguan siya ng ka-buddy kasabay nang malalim na pagsinghap nito. Naihilamos nito ang isang kamay sa mukha bago napatango-tango. Halatang napipilitan lang ito sa gusto niyang mangyari. "Okay." wika nito kapagkuwan. Napapabuntong-hininga. "Basta kapag handa ka na..." Nginitian niya si Alajar bago iginala ang mga mata sa loob ng opisina. Hindi maiwasang hindi makaramdam ng pangungulila at kahungkagan. Na-miss din niya ang ambiance ng HQC. Nanlalamlam ang mga matang may gumuhit muling ngiti sa mga labi ni Carmela. "Nakaka-miss ba?" Bumaba ang tingin niya kay Serina. Nahihiya mang aminin pero tumango pa rin siya. "Sobra, buddy-koy." "Tsk!" Naipilig nito ang ulo habang nakahalukipkip, may panghihinayang din na ipinahihiwatig. "Ikaw kasi, ba't padalos-dalos ka." Naging padalos-dalos nga ba siya? Siguro nga ay tama ito. Hindi na siya umimik at pinanatili ang paningin sa pagligid sa opisina. Binubusog ang mga mata sa lugar na matatagalan bago niya muling mabisita o baka hindi na nga. "Kumusta na kayo rito?" "Heto at nalolosyang na!" Birong sabi nito sabay halakhak na siyang ikinangiti niya. "First class na kami at may sarili na ring mga product! Sayang buddy-koy, kung hindi ka sana umalis disin sana'y ka-buddy ka pa rin namin ngayon. Ano ba kasi'ng nangyari? Alam mo bang pati si Jiro eh, hinahanap ka! Nag-aalala sa 'yo. Pabalik-balik nga 'yon dito at..." Napansin niya ang pagkagulat nito sa sariling sinabi. Nanlalaki ang mga mata ni Serina na nakagat ang pang-ibabang labi bago nag-iwas ng tingin kay Carmela. Mukhang may muntik na itong masabi na hindi na dapat niya malaman pa. Na hindi na dapat umabot pa sa kaalaman niya. Napuna ni Carmela ang pagkabalisa nito at mga matang naging mailap. Kalaunan ay tumikhim si Rina at nang muling magsalita ay pilit na itinataboy ang kung ano mang muntik nang masabi kanina. "Ah... Wala na tuloy akong katabi matulog at kakampi rito kapag pinagti-trip-an ako ng mga buwisit!" Awkward na tumawa si Serina na nauwi lang sa pagngiwi. Hindi pa rin sa kanya ito makatingin nang deretso at nang magtama ang kanilang tingin ay inangatan niya ito ng kilay. Napanguso ito at animo'y batang pinagdamutan ng laruan ang hitsura. Aminado si Carmela na may bumangon na galak sa puso niya sa kaalamang hinahanap siya ni Jiro noong umalis siya. Na pabalik-balik ito sa opisina, nagtatanong sa mga ka-buddy niya ng tungkol sa kanya sa kabila ng pangyayaring iyon. Pero nahalinhinan din ng lungkot at sakit ang kanyang damdamin dahil doon. Kuryos din siya sa kung ano man ang dapat sanang sasabihin ni Rina tungkol kay Jiro noong umalis siya. Subalit alam din niya na kahit ano pa ang kanyang gawin para mapaamin si Alajar ay hindi ito magsasalita. Nais man niyang umimik pa tungkol doon ay pinili na lang niyang itikom ang bibig at manahimik. Ngumiti na lang siya kay Rina kahit nananatiling may pag-aalinlangan sa dibdib dahil alam niyang may bahagi sa kanya ang nais malaman ang bagay na iyon. Pero minaigi niyang huwag na lang ding alamin, isang bagay na hindi niya mawari kung bakit. Dahil sa kaibuturan ng kanyang puso ay may matinding takot na umuusbong doon. Takot na higit lang na ikasasakit ng damdamin at ikawawasak ng kanyang puso kung sakaling malaman niya. "Siya nga pala, sino'ng pumalit sa 'kin?" Nanlalaki ang mga mata ni Serina buhat sa kanyang sinabi. Iba yata ang intindi nito at bigla siyang kinabahan. “Ang sabi ko—” "Ahhh..." Tumatangong sabi ni Alajar nang makabawi. Tila may naintindihan at gumaan ang kalooban. "'Yong posisyon mo?" Pagkatapos ay lihim na napangiwi. Naguguluhaminan na napatitig siya kay Rina at kalaunan ay alanganin pang tumango. Ano ba'ng iniisip nito? "Oo." Tamad na umikot ang mata ni Serina Alajar at animo'y nababagot na napabuntong-hininga. Napapamaywang pa ng sumagot. "Si Vasquez! Nako, ang lalaking 'yon!" Natampal nito ang noo na siyang bahagyang ikinatawa niya. Bumabalik unti-unti ang kakulitan nitong na-miss niya. "Alam mo bang ang daming reklamo ng kumag na 'yon. Tanong pa nang tanong kung bakit siya pa raw. Ang hirap daw at bakit siya pa ang napili, eh hindi naman daw siya na-training sa posisyon na 'yon. At paulit-ulit na puro ba't daw siya. At panghuli, bakit mo raw kasi iniwan? Eh bakit nga ba?" Umarko ang kilay nito at pinaghalukipkipan pa si Carmela. Nawala ang ngiti ni Carmela. Hindi siya nagsalita ni umimik habang nananatiling magkakonekta ang kanilang mga mata ni Rina habang hinihintay nito ang tugon niya. Ngunit kalaunan ay napa-roll eyes na lang ulit si Alajar at dismayadong napailing-iling. Batid nitong hindi talaga siya magsasalita. "Para kamong tanga 'yon," pagpapatuloy nito na ang tinutukoy pa rin ay ang ka-buddy nilang si Vasquez. "Alam din naman ang gagawin tapos panay pa rin ang reklamo ng kumag. Loko rin ang mamaw na 'yon eh. Ang sarap pisain ng mokong." Gigil na sinabi nito ang salitang 'pisain' habang umaaktong may pinipisa nga. Natawa na lang si Carmela. "At oo nga rin pala bok, bago ko makalimutan," pinihit siya nito paharap sa babaeng kasama nito sa opisina kasabay sa pagtawag nito sa pangalan niyon. Agaran namang humarap sa kanila ang tinawag. "Siya nga pala si Noreen Vergel, ang isa sa aming mga product." Nakangiting pagpapakilala ni Rina sa isa sa kanilang mga COQC. "Uh-huh," napatangong wika ni Garcia na may matamis na ngiti sa labi. "Hello," malambing na pagbati niya kay Noreen na sinserong nakangiti rin sa kanya. Maraming mag-aalangan at hindi maniniwala na minsan ay naging bahagi ng ROTC si Carmela kung mamasdan ito nang maigi. Mula sa maamo at maganda nitong mukha, makinis na balat ay mukha pang mahinhin ito. Tila baga isa ito sa klase ng babaeng ayaw magalusan ang kulay gatas na balat. "Hello rin po." Ganting pagbati rin ni Noreen habang nakangiti kay Carmela. Sa mga mata nito ay nasasalamin ang matinding paghanga sa huli. Hindi rin nito maalis-alis ang pagkakatingin sa mukha ni Garcia. Sanay naman na si Carmela sa mga ganoong tinging-paghanga pero hindi pa rin niya maiwasang mailang at makadama ng hiya. Ngunit gayon pa man ay ngumiti pa rin siya kay Vergel. Muli'y narinig niyang nagsalita si Alajar. “Kung hindi ka lang sana biglang umalis edi ikaw sana ang nagti-train sa kanya ngayon bilang susunod na S1!" Tipid siyang ngumiti kay Rina nang balingan niya ito. Alam niyang pinariringgan siya ng ka-buddy at ipinahahatid ng mga salitang iyon na naging mali ang kanyang naging desisyon. Hindi tuloy niya mawari ngayon kung nagkamali nga ba siya ng pasya. Naging makasarili ba siya? Na totoo nga na isa siyang duwag at mahina? “At si Vergel din ang batch secretary ng kanilang batch kapares mo noong mga COQC pa lang tayo.” dugtong pa ni Serina. “Kaya ikaw Vergel…” "Po!" "Huwag kang tutulad sa ka-buddy naming ito na bigla-bigla na lang umaalis na walang pasabi!" Parinig ni Alajar na siyang ikinanguso ni Carmela. "Ay hindi po, Ma'am! Hindi po mangyayari 'yan!" Ngayon lang siya kinausap nito ng hindi nagsusungit kaya hindi alam ni Vergel kung ngingiti ba o iiling sa officer niya. Idagdag ding ang gaan-gaan nitong kausap ngayon hindi gaya ng nakalipas na mga buwan. "At siya rin nga pala Vergel," "Yes Ma'am?" "Ito nga pala ang ka-buddy ko," ani Rina at idinantay ang kamay sa balikat ng ka-buddy habang nakatingin sa COQC. "Si Carmela Garcia, ang dati naming batch secretary at assistant S1." Tumangong nakangiti si Noreen Vergel. Nahihiya namang napanguso si Carmela sa paraan ng pagpapakilala nito sa kanya. Naroon pa rin kasi sa tinig ni Rina ang pagiging proud sa kanya. Masasabi ni Vergel na isa lamang ang araw na iyon sa madalang na pagkakataong nakita niyang ngumiti at may gaan din sa pananalita si Rina sa ilang buwan na pananatili niya sa unit. Kadalasan kasi ay sarkasmo at may pangungutya ang pakikitungo nito sa kanilang mga COQC. At alam niyang sa kanila lang ito maaaring ganoon pero iba ang trato nito sa mga taong malalapit dito. Kilala rin nila si Serina Alajar bilang pinakamahigpit at nakatatakot na babaeng opisyal. May pagka-arogante at agresibo rin ito. Kaya naman isang himala para sa kanya ang masilayan itong sinsero at masaya ang bukas na mukha. "Halika at ipakikilala kita sa mga ka-buddy ni Vergel at para makita ka na rin ng mga ka-buddy natin! Tiyak na magugulat at matutuwa ang mga 'yon! Lalo na't ang alam nila eh sa Linggo ka pa darating!" Galak na galak na sambitla ni Rina at impit pang napatili. Umahon ang pananabik kay Carmela mula sa sinabi nitong iyon habang naaaliw ding nakatingin kay Alajar. Samantalang natutuwa namang nakatitig si Noreen Vergel sa kanyang mataas na opisyal. Susulitin na niya ang sandaling iyon na nakikita ang ganoong hitsura ng opisyal kapag ganito ang disposisyon. Kaya naman ganoon na lang din ang kanyang gulat ng pormal itong humarap sa kanya. "O, ikaw na muna ang bahala dito sa DMST ha. Pupunta lang kami sa barracks, maaasahan ba kita?" Masigla namang sumagot ang kanyang COQC na kay lapad ng ngiti. "Yes Ma'am!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD