KABANATA 7

2149 Words
Mabilis na hinila ni Rina ang pupulsuhan ni Carmela patungo sa ikalawang pinto ng opisina kung saan barracks na ang kanilang lalabasan. Sa labis na kasabikan nito ay kulang na lang kaladkarin siya. Halos matapilok na siya at muntik na ring madapa gawa nang pagmamadali nito. "Rina," Halos hingal na wika niya nang hilahin niya ang pupulsuhan mula sa pagkakahawak ng ka-buddy upang makuha lang ang atensyon nito. Agad naman itong tumigil upang lingonin siya. “Bakit?" Ngumuso siya at dinungaw ang suot na pangyapak. Medyo mabato pa man din sa likod ng D.M.S.T at may ilang ugat ng puno ang nakausli bago nila marating ang bukana ng barracks. Sinundan nito ng tingin ang tinignan niya. Napangiwi pa ito bago uli nag-angat ng tingin sa kanya. "Sorry." anito. “Bakit ba kasi ang hilig mong magsuot ng ganyan.” umirap nitong sabi na siyang ikinailing ni Carmela. Pero hindi naalis ang nag-uumapaw na kagalakan ni Rina lalo na sa kaalamang mabibigla ang kanilang mga ka-buddy sa sandaling makita ng mga ito kung sino ang kasama niya. Batid ni Rina katulad niya'y nasasabik din ang kanilang mga ka-buddy na muling makita si Carmela na bigla na lang nawalang parang bula noon. Mahigpit na hinawakan ni Rina ang pupulsuhan ni Carmela. Nanggigigil sa pananabik bago siya hinila ulit nito. Hindi naman na sila tumatakbo ngunit naging mabibilis naman ang bawat hakbang ng kasama kaya wala ring pinagbago. Naririnig na rin niya mula sa pulungan ang ingay ng bawat pagbagsak ng bola sa lupa at gayon din ang ingay ng mga naglalaro. "First class!" Sigaw nito nang bumungad na sila sa barracks. "Mga MANDARAGIT!" Narinig niyang pukaw pa uli ni Rina sa kanilang mga ka-buddy na hindi ni Carmela batid kung nasaan; maliban sa lalaking mag-isang nakatayo sa gitna ng bukas na kusina na dalawang beses pang napasulyap sa kanila. Hindi na rin natuloy ang balak sana nitong pagtanggal ng charger sa outlet. Natigil din sa paglalaro ng basketball ang ilang kalalakihan dahil sa ginawang ingay ni Alajar. Sabay-sabay na napalingon sa kanilang gawi ang mga ito. Kababakasan ang bawat mukha ng mga second class officer at C.O.Q.C na naroon ng kuryosidad sa kung ano ang mayroon at tinatawag ni Rina ang mga ka-buddy. Hindi mapigilang mapasulyap ng dalawang beses ni Luigi sa paparating. Kumunot ang kanyang noo habang pilit na kinikilala ang babaeng nakangiti sa kanya at kasama ni Rina. At kapagkuwan ay may pangingilala na binigkas niya ang pangalan na laging laman ng isipan niya. “Carmela...?” Lalo pang lumapad ang ngiti ng babae ng banggitin niya ang pangalan na iyon kasabay ng pagdagundong ng kanyang dibdib. Isang taon lang naman ang lumipas simula noong araw na umalis siya pero hindi pa rin makapaniwala si Carmela na ganoon kalaki ang ipinagbago niya para lang hindi nito agad makilala. Kung sabagay ay hindi naman kasi siya nag-aayos ng sarili noong magkakasama pa sila hindi gaya ngayon. Bawal kasi ang make-up and accessories sa kanilang unit. “Hello,” walang tinig na binati niya ito at mababa rin ang kamay na kinawayan ang ka-buddy. Naagaw ang atensyon ni Alessandro mula sa malalim na pag-iisip at pagtitig sa tubig ng fishpond nang marinig ang pangalang binanggit ni Luigi. Namamantal ang kanyang noo na nilingon ang ka-buddy na ngayon ay nakatulala sa kawalan habang nakatindig sa gitna ng bukas nilang kusina. “Huh? Ano’ng Carmela?” wika ni Alessandro habang nananatiling nakapamulsa ang mga kamay at kunot ang noo. Maging si Stefano na tahimik lang na nakaupo at nagpapahinga sa ilalim ng puno ng mangga sa gilid ng fishpond ay napamulat ng mga mata nang marinig si Luigi na binanggit ang pangalan ng kanilang dating ka-buddy. Napailing-iling naman si Bien na siyang katabi ni Stefano at sa labi ay may sumilay na nakalolokong ngiti. “Hala! Nagha-hallucinate ka na ba, Arkanghel?” nakatawang wika ni Stefano na inilagay pa ang dalawang kamay sa likod ng ulo at muling pumikit. "Alam naman namin na missed na missed mo na siya pero," "Carmela!" Sabay na napailing si Bien at Stefano samantalang salubong na salubong naman ang kilay ni Alessandro habang nakatanaw muli sa tubig ng fishpond. Natatawa na lang ang dalawang nauna sa naging reaksyon ni Luigi. “Bok!” Hindi mapigilang mapangiti ni Carmela nang makita si Luigi na tumatakbo palapit sa kanya. Bakas din niya sa mukha ng binata ang pagkasorpresa at pananabik. Napamulagat naman si Stefano samantalang napaayos ng upo si Bien nang marinig nila ang pamilyar na boses na iyon ng babae. Hindi makapaniwalang napalingon naman si Alessandro sa dating puwesto ni Luigi, awang ang labi. Pare-parehas silang tatlo na nagkatinginan sa isa't isa habang natitigilan. Isang mainit at mahigpit na mahigpit na yakap ang tinanggap ni Carmela mula kay Arkanghel ng walang babalang sinalubong siya nito ng yapos. Akala ng dalaga noong una ay tuluyan na siyang matutumba nang bumangga ang katawan nito sa kanya upang yakapin siya. Subalit nasalo na siya ng mga bisig ni Luigi at ikinulong doon bago pa man iyon mangyari. Napahagikgik si Carmela bago niya sinuklian din ng isang mainit at mahigpit na mahigpit ding yakap ang taong kahit kailan ay hindi takot na ipakita sa kanilang mga kasama ang emosyon para sa kanya. Higit pa ngayon kung saan matagal-tagal din silang hindi nagkita. "Hoy! Walang biruan 'to ha! Alam n'yo namang missed ko na rin 'yon si sec!" Sambitla ni Bien na sumunod na rin sa mga kasama. Maging si Alessandro ay napalakad na rin paalis sa kinatatayuan. Nae-excite rin na muling makita ang kanilang dating batch secretary at assistant S1. Napagpasyahan ng tatlo na sabay na silang sisilip sa nagaganap sa pag-iisip na baka ginagago lang sila ni Luigi Arkanghel lalo na at missed na rin nila ang dalaga. Ngunit batid din naman sa mga sarili na kanilang kilala ang boses ng babaeng iyon na nagsalita kanina at gusto lang din nilang makasiguro. At ganoon na lang ang gulat at pagkatigil sa paglalakad nila Stefano ng bumungad sa kanilang paningin ang babae na ngayon ay yakap-yakap nang mahigpit ni Luigi at pinagkukumpulan ng ilang second class officer. Tumuon ang pansin ni Carmela sa bungad ng second class barracks at kusina nang matanaw mula roon ang tatlong ka-buddy-ng lalaki. Nginitian niya ang mga ito at nakita niya ang sabay-sabay na pamimilog ng mga mata ng tatlo bago pa nakahuma at nagkukumahog silang nilapitan. Sinabi kasi niya sa mga ito na sa araw ng Linggo pa siya makabibisita dahil kasalukuyang nasa Maynila pa siya. Nakapangako kasi siya na siya ang mag-i-sponsor kay Luigi para sa gaganaping R.O.T.C graduation sa nabanggit na araw. Matapos kasi ang isang taon ay saka lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magkaroon uli ng komunikasyon sa mga ito. Naalala niya ang araw na kinontak niya si Rina bago siya nagtungo ngayon sa university. "Hello?" Nakagat ni Carmela ang ibabang labi nang marinig ang tinig ni Alajar sa kabilang linya. Mabuti naman at hindi pa rin ito nagpapalit ng cellphone number. Napatikhim na muna siya bago sinagot ang bungad nito matapos niyang tawagan. "Rina," Namimilog ang mga mata at kumalabog nang malakas ang dibdib ni Rina Alajar nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Hindi niya mapigilang marahas na mapatayo mula sa pagkakaupo dahil sa hindi inaasahang pagkakataon na iyon. Kay tagal nilang hiniling na sana ay kumontak ito sa kanila. Hindi sila nawalan nang pag-asa dahil alam nilang mahalaga rin sila sa ka-buddy kahit iniwan sila nito nang walang paalam. "Carmela?!" Sabay-sabay na napalingon sa kanya ang kanilang mga ka-buddy. Nakita pa ni Alajar mula sa kanyang peripheral vision ang mabilis na paglapit ni Luigi at sa mga mata nito ay makikita rin ang pananabik na muling makausap ang dalaga. "Ako nga, kumusta, buddy-koy?" Nag-isang linya ang labi ni Rina, pilit pinipigilan ang sarili na mapahagulgol dahil sobra niyang na-miss ang babaeng kasangga niya sa loob ng kanilang unit. Ilang saglit din siyang hindi umimik dahil ayaw niyang sumabog ang kanyang emosyon kahit nakikita at nararamdaman niya na gustong agawin ni Luigi sa kanya ang kanyang cellphone upang ito na ang sumagot at kumausap kay Carmela. "Hello Rina? Nandiyan ka pa ba?" "Animal ka, bakit ngayon ka lang tumawag!" Hindi na niya napigilan ang pagtakas ng isang butil ng luha sa kanyang mata. Mabilis niyang pinalis iyon. "Sorry, ano kasi..." "Huwag ka na magdahilan! Nasaan ka? Wala ka bang balak na magpakita sa amin?" "Mayroon naman," "Kailan?" akmang aagawin sa kanya ni Luigi ang cellphone nang mabilis na iniwas niya iyon at tinignan ito nang masama. "Mamaya ka na Arkanghel puwede ba? Cellphone ko 'to! Ako ang tinawagan niya at hindi ikaw kaya maghintay ka!" Napanguso lang naman ang lalaki matapos umirap ni Alajar. Sa kabilang linya naman ay hindi ni Carmela mapigilang bumungisngis dala nang inakto ni Rina. Wala pa ring nagbago sa kanyang ka-buddy. "Kailan ba ang ROTC graduation n'yo?" "This coming second Sunday of October." imporma niya. "Pupunta ka ba?" "Hmm..." "Hmm hmm ka diyan!" galit na namang wika ni Rina. "Magtatanong ka tapos ganyan ang isasagot mo sa akin!" Napapangiwi lang naman ang mga ka-buddy ni Rina habang nakikinig sa kanya na nakikipag-usap kay Carmela. "Babaan mo nga 'yang tono ng buwisit mong boses, nakakairita!" "Manahimik ka Bien kung ayaw mong upakan kita!" Natampal lang naman ng lalaki ang noo at nagtitimping napatingala. "Naghahanap ako ng sponsor Carmela, baka puwede ka?" pasigaw na singit ni Luigi dahil ayaw ni Rina na ipasa rito ang cellphone. Nanlalaki naman ang mga mata ni Alajar buhat sa na-realize na sinabi ni Arkanghel. "Oo nga! Baka puwede ka!" At dahil naghahanap din si Luigi ng sponsor para sa gaganaping okasyon ay hiniling nito sa kanya iyon. Hindi niya matanggihan kaya pumayag siya lalo na at nagpahiwatig siya na may balak siyang magpakita sa mga ito. Idagdag pa na nagtanong din siya kung kailan gaganapin ang ROTC graduation at alam niyang aasa ang mga ito dahil doon. Ayaw rin naman niyang magpaasa kaya heto rin siya at nagbabalik sa unibersidad na iyon hindi bilang isang estudyante ulit kundi bilang sponsor at bisita. Kuryos sa kung ano ang mayroon, lumabas ang isang babae sa mess hall at sinilip ang tila pinagkakaguluhan ng mga lalaki. Subalit gayon na lang ang kanyang pagsinghap sa nasisilayan ng mga mata. Mabilis na nag-iwas ng tingin ang babae at nanlalamlam ang mga matang tumalikod at tinungo ang likuran ng second class barracks. Nakagat niya ang ibabang labi at dinaklot ang tapat ng puso, may kumikirot doon. Isang kirot na hindi niya alam kung bakit kailangan niyang maramdaman. Matagal ang naging yakapan ni Luigi at Carmela at parang ayaw na siyang pakawalan ng una. Sobrang na-miss din ni Carmela ang binata bukod kay Rina dahil isa ito sa unang naging malapit sa kanya noong unang araw nila bilang mga applying officer sa ROTC. Damang-dama ni Carmela ang higpit ng yakap ni Luigi at para bang wala na itong balak pang pakawalan siya. At hindi rin niya alam kung gaano katagal na siyang nakakulong sa mga bisig nito. "Tama na 'yan!" ani Rina at malakas na tinapik sa balikat si Luigi sabay hatak din doon upang maihiwalay ito kay Carmela. Nagkatawanan si Luigi at Carmela nang matapos at hindi nakatakas sa paningin niya ang namumuong luha sa mga mata ni Luigi bago siya saglit na muling niyakap nito. At bago siya ipaubaya sa bisig ng kanilang mga kasamahan. Ilang sandali pa ay isa-isa na ring yumakap kay Carmela ang tatlong ka-buddy-ng lalaki. "Sec!?" hindi makapaniwalang wika ni Seraphine na kalalabas pa lang noon ng first class barracks at naintriga sa narinig na kumosyon. Abala siya sa pagre-retouch ng mga sandaling iyon at hindi na nga natapos ang ginagawa. Nakangiting sinambitla naman ni Garcia ang pagbati sa babae. "Hi Penpen." Naiiyak na tumakbo ito palapit sa kanya. "Carmela!" anitong ang mga bisig ay nakahanda ng yumakap kahit nasa malayo pa lang. Kasalukuyan na rin itong umiiyak. Nangingiting ginulo ng mga kalalakihan ang buhok ni Seraphine nang humagulgol ito habang naghihintay ng pagkakataon na ito naman ang makayakap kay Carmela. Handa na sana nilang yakapin ni Seraphine ang isa't isa pero biglang yumakap si Stefano kay Carmela. Kaya walang nagawa si Penpen kundi ang umatungal habang hinihintay ang kanyang pagkakataon. Subalit ng hindi na makatiis si Seraphine ay malakas nitong hinawi si Stefano palayo kay Carmela. Nagsipagtawanan ang lahat dahil sa ginawa nito. "Missed na missed kita! Sobra!" iyak nito sa lantad niyang balikat. At hindi rin naman niya ipagkakailang sobrang na-miss din niya ang kanilang beauty queen lalo na kapag usapang make-up at pagre-retouch sa tuwing magsisimula ang bawat araw. Hinagod niya ang likod ni Seraphine at dinampian ng halik ang gilid ng ulo nito. Hindi nagtagal ay isang mainit na group hug ang naganap habang nananatili pa rin silang magkayakap. Hindi na niya napigilang ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Tuluyan na ring bumagsak ang mga ito habang pilit itinatago ang paghagulgol sa mga pigil na hikbi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD