"Diyan po sa mataas na gate na yan ang mansion nina Sir Shawn. Sige po, Mauna na ako, Sir Marco..." magalang na paalam ko. Pababa na sana ako ng sasakyan ng pigilan niya ako.
"Hindi mo na ba ako sasamahan sa loob?"
"K-kailangan ko pa po ba kayong samahan?"
Ilang segundo pa siyang hindi nagsalita. Nakatitig lang siya sa akin na para bang sinasaulo ang bawat parte ng aking mukha.
"Sir Marco?" Untag ko sa kanya dahil pakiramdam ko ba ay natulala na siya.
"H-ha? No. I'm just joking. Sige na. Salamat sa pagturo at pagsama mo," wika nito na para bang kakabalik lang sa kasalukuyan. Naisip ko tuloy na baka naman may dumi ang aking mukha o kaya naman ay ngipin dahil sa dami ng nakain ko kanina.
"W-Walang anuman, Sir Marco... Salamat din po dahil nakalibre ako ng pamasahe." Wika ko na ikinatawa niya.
"Yun lang ba? Anytime. Pwede kang makalibre ng pamasahe basta sabihan mo lang ako. Sasamahan kita kahit saan mo pa gustong pumunta."
"N-Naku, hindi na po. Sige po, Sir Marco! Salamat po ulit!" Paalam ko at tuluyan na akong bumaba ng kanyang sasakyan.
Hindi na ako sumilip pa sa loob ng mansion dahil baka makita ako ng inay. Ayaw kong isipin niya na kung kani-kanino ako sumasama. Ikukuwento ko na lang siguro sa kanya ng personal mamaya pag-uwi niya dahil pahapon na rin naman. Isa pa, kailangan ko pa rin tapusin ang mga homeworks na naiwan ko kanina.
Malapit na ako sa bahay ng matanaw ko si Aling Teresing. Nagtaka naman ako kung bakit naroon siya sa labas ng bahay namin na parang may tinatanaw at hinihintay kaya naman nagmadali akong naglakad papalapit sa kanya. Baka kasi hinahanap niya ang inay ko.
"Aling Teresing? Ano pong ginagawa nyo rito? Hinahanap nyo po ba ang inay? Wala pa po siya. Hindi pa po nakakauwi." Pabatid ko. Bigla pa nga siyang lumingon na para bang nagulat pa sa pagdating ko.
"Naku! Ella! Mabuti naman at nakauwi ka na. Kanina pa kita hinihintay!"
"B-bakit po?" Kinakabahang tanong ko na para akong kinutuban ng hindi maganda base sa kilos at pagsasalita niya.
"Masamang balita! Ang iyong ina ay isinugod sa hospital dahil sumuka raw ng dugo!"
"P-po? S-Saang hospital po dinala?"
"Doon sa public hospital sa bayan! Puntahan mo agad at baka hindi mo na maabutan pang buhay!"
Hindi ko na nagawang magpaalam pa kay Aling Teresing! Tinakbo ko agad ang daan papunta sa paradahan ng tricycle. Nagulantang ako sa balita kk dahil hindi ko inaasahan na magkakaganun ang inay ko.
"Manong Rod, emergency lang po. Pakihatid po sana ako sa public hospital sa bayan po," umiiyak na sambit ko dahil hindi ko na napagilan ang pagpatak ng luha ko.
"Ganun ba?! Hala, sige! Sakay ka na!"
Halos mataranta din si Manong Rod sa pagsakay nito sa tricycle at agad na ini-start iyon at pagkasakay ko nga ay agad niyang pinatakbo ang tricycle niya.
Habang nasa sasakyan nga ay dasal ako ng dasal na sana ay ligtas si inay.
"Bakit kasi gumala pa ako ngayong araw!" Sisi ko pa sa aking sarili.
"Napaano ba ang iyong inay, Ella?" Tanong ni Manong Rod. Pagkasulyap niya sa akin ay agad din na ibinalik ang tingin sa daan.
"Ang sabi po sa akin ni Aling Teresing ay sumuka raw po ng dugo." Humihikbi pa rin na tugon ko.
"Naku po! Mukhang delikado na ang sakit ng iyong ina, ah." Sabi pa ni Mang Rod. Hindi naman na ako nagsalita dahil lalo lang lumakas ang kabog ng dibdib ko.
Alam kong may sakit si inay dahil sa palagiang pag-ubo niya. Pero hindi ko akalain na aabot sa pagsuka na niya ng dugo dahil hindi naman halata sa hitsura ni inay na may sakit ito. Kung may magagawa lang sana ako. Kung may pera sana akong malaki edi sana naagapan ko ang sakit ng inay ko.
"Nandito na tayo, Ella..." ani Mang Rod. Hindi ko na rin kasi namalayan na nakarating na kami dahil sa lalim ng iniisip ko.
"Ito po ang bayad ko, Mang Rod. Salamat po!"
"Ah-Huwag na, Ella. Idagdag mo na lang yan sa panggastos nyong mag-ina." Pagtanggi nito.
"Naku, maraming salamat po. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob po sa inyo. Maiwan ko na po kayo, Mang Rod!" Tumango lang si Mang Rod at ako naman ay patakbong umalis na.
Agad akong nagtungo sa entrance ng hospital at dumiretso sa nurse station upang ipagtanong agad ang pangalan ng aking ina, para malaman kung saan room siya dinala. Itinuro naman agad sa akin ng nurse ang emergency room kaya doon ako agad nagpunta.
Pagkarating ko sa emergency room ay siya rin namang labas ng doctor mula sa loob. Nadatnan ko rin na naroon si Sir Shawn at ang isa pang maid na wari ko ay isinama nito para may makatulong sa inay ko.
"I'm sorry, Shawn, pero hindi na kinaya ng pasyente..." malungkot na saad nito kah Sir Shawn. Wari ko'y magkakilala si Sir Shawn at ang doctor na gumamot sa inay ko.
Nagulantang ako sa aking narinig!
"D-doc, nasaan po ang aking ina? Gusto ko po siyang makita!"
"Ella, wait!" Rinig ko pang sabi ni Sir Shawn.
Ayaw pa sana nila akong papasukin sa loob pero gusto ko ng makita si inay kaya naman hinawi ko ang kinatatayuan ng doctor at nagtatakbo ako papunta sa loob ng emergency room!
"Inay? Inaaaayyyyy!!!" Sigaw ko ng makita ko siyang nakaratay. Nakapikit at walang kahit anong nakakabit sa katawan.
Nanlumo ako ng makita kong wala na ngang buhay ang aking ina. Agad ko siyang niyakap ng mahigpit habang nagsisisigaw ako! Punong-puno ng hinagpos at pagsisisi ang nararamdaman ko sa lahat ng bagay na hindi ko nagawa para sa kanya dahil kulang pa ako sa kakayahang kumita ng malaking pera.
"Inayyy! Gumising ka! Bakit nyo po ako iniwan, inay?" hagulhol ko habang nakayakap ako sa inay ko. Hiling ko sana'y bigla siyang mabuhay pa at bumalik sa piling ko.
Hindi ko akalain na basta na lang niya ako iiwan ng ganito. Ni hindi man lang kami nagkausap o nakapag-paalaman sa isa't isa. Kung masama na pala ang pakiramdam niya kanina ay bakit pa siya nagtrabaho?
Bakit ganito? Hindi ko na nga nakilala ang itay ko pati ba naman nanay ko ay ipinagkait na rin sa akin? Paano na ako nito. Ano ng gagawin ko?
Nalilito na ako. Pakiramdam ko ay pinagpipira-piraso ang puso ko dahil sa pagkawala ng inay ko. Siya na lang ang meron ako pero heto at pati siya ay inalis na rin sa akin. Mainit-init pa ang inay ko at alam ko kakapanaw pa lang niya. Sayang at nahuli ako ng dating. Kung sana ay hindi ako umalis kanina, sana ay nakausap ko pa ang aking ina bago siya nawala.
Ilang sandali pa ay may yumakap sa akin mula sa aking likuran at inilayo ako mula sa bangkay ng inay.
"Tama na yan, Ella. Kailangan ng dalhin ng inay mo sa morgue..." narinig kong boses ni Sir Shawn kaya naman mula sa pagkakayakap niya sa likuran ko ay humarap ako sa kanya at ako naman ang yumakap ng mahigpit.
Kailangan ko ng masasandalan. Kailangan ko ng makakaramay.
"Bakit ako iniwan ng inay, Sir Shawn? Bakit hindi siya nagpaalam man lang sa akin?" Nanlulumong tanong ko. Panay pa rin ang iyak ko dahil ayaw magpaawat ng luha ko. Si inay na lang ang meron ako. Si inay na lang ang tanging sandalan ko pero nawala pa.
"Ang lahat ay may dahilan, Ella..." wika pa ni Sir Shawn sabay hagod ng mabagal sa aking likuran. "Heto, may iniwang sulat sa akin ang iyong ina at bago siya mawala ay pinakiusapan niya akong iabot ito sa iyo..."
Iniabot sa akin ni Sir Shawn ang isang nakatuping papel ngunit hindi ko pa magawang basahin iyon dahil hindi ko pa kaya. Nakakapagtakang may nakahandang sulat si inay para sa akin. Ibig sabihin ba nito ay alam na niyang mangyayari ito sa kanya?
Ang dami kong tanong para kay inay na alam kong kahit kailan ay hindi naman na niya masasagot. Kung alam ko lang na iiwan niya ako ng mas maaga, edi sana hindi na ako umalis sa tabi niya. Sana pala ay sinamahan ko na lang siya sa lahat ng oras.
Kaya pala iba ang pakiramdam ko sa lahat ng mga sinabi niya kahapon, yun pala ay pagpaparamdam na niya ng pamamaalam yun. Pero bakit sa ganito pang paraan. Hindi niya man lang ako binigyan ng pagkakataon makausap siya. Bakit sobrang bilis niyang umalis? Ayaw man lang ba niya akong makita bago niya ako iwan? O ayaw niyang makita na masasaktan ako sa pagkawala niya. Pero nasasaktan na ako ng sobra, inay. Kung maibabalik ko lang sana ang lahat ng sana ko noong nabubuhay ka pa inay. Patawarin mo po ako sa lahat ng naging pagkukulang ko sa'yo bilang anak mo. Sorry po kung hindi kita naalagaan ng mabuti. Patawad at paalam po, inay ko. Mahal na mahal kita, inay ko.
"Let's go... Huwag ka ng mag-alala. Ako na ang bahala sa lahat ng gastusin ng inay mo, Ella. And from now on, sa akin ka na titira kagaya ng ipinangako ko sa iyong inay. Maiintindihan mo ang lahat kapag nabasa mo na ang nilalaman ng sulat na ibinigay ko sa iyo.
Napatitig ako kay Sir Shawn. Buti pa siya nakausap niya ang inay ko bago ito mawalan ng buhay. Samantalang ako, heto at ang naabutan ko na lang ay ang malamig niyang bangkay.
Tumingin ako kay Sir Shawn. Pinalis ko ang luha ko gamit ang damit na suot ko.
"O-okay po, Sir Shawn..." tanging nasambit ko bago niya ako akayin palabas ng hospital at isama sa mansion.