KELAI’S POV
“Hi! Kumusta?”
I am currently lying in my bed while staring at the message from the unknown number. Ilang minuto na yata akong nakatitig sa phone ko which is weird. Isang simpleng message lang iyon ngunit ang tagal ko pang pinag-iisipan kung rereplayan ko ba o hindi.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko at saka mariing pumikit. I decided to delete the message but I just found myself typing my reply. Ipinilig ko ang aking ulo at buburahin ko na dapat ang nai-type ko pero aksidente kong napindot ang send button.
“Who’s this?”
Isang buntong hininga ulit ang pinakawalan ko. Okay Kelai, nag-reply ka lang naman sa isang unknown number. This is the first time, isn’t it?
Inilapag ko na lang ang phone ko sa bedside table ko. Tinakluban ko ng unan ang aking mukha at saka buong lakas na sumigaw upang mawala ang tension na nararamdaman ko ngayon. Ngunit wala iyong epekto dahil mas lalo lang bumilis ang t***k ng puso ko. Kinagat kagat ko pa ang labi ko habang matiyagang hinihintay ang reply ng kung sino mang may-ari ng number na nireplayan ko.
After five minutes ay kinuha ko ulit ang aking phone. Tiningnan ko kung may bagong message bang dumating, but on my disappointment, wala. Mas lalo tuloy akong na-curious. At hindi na talaga ako mapakali. Gusto ko nang tawagan ang unknown number na iyon ngunit magmumukha naman akong desperada.
Inilapag ko na lang ulit ang phone ko sa bedside table ko. Alas otso na ng gabi at usually, kapag ganitong oras ay natutulog na ako. pero dahil sa mahiwagang number na nag-message sa akin, ni hindi pa man lang ako makaramdam ng kaunting antok. Mapupuyat pa yata ako sa kahihintay ng reply niya.
Yamot akong bumangon. Lumabas na muna ako ng kwarto at kumuha ng fresh milk sa ref. Mas mainam na pampatulog din ito dahil hindi ako pwedeng mapuyat, maaga pa ang pasok ko bukas.
Pagkatapos kong kumuha ng gatas ay bumalik na ako sa kwarto. Ipinatong ko muna ang basong hawak ko sa table at saka kinuha ang phone ko. Pagbukas ko ng screen ay isang message ang pumasok.
Isang buntong hininga na naman ang pinakawalan ko. Lakas loob kong binuksan ang message.
“It’s me. Ryan.”
Muntik ko nang mabitawan ang phone ko. Ryan? Seriously? Isa lang naman ang kilala kong Ryan at iyon ay ang bago naming Head Chef. Pero ang assuming ko naman kung iisipin ko ngang siya ito. We’re not close and we’re not even talking so why on Earth he will message me?
Baka hihingi siya ng tulong sa akin regarding sa work niya pero bakit ako? Masyadong malayo ang job description naming dalawa. Sa office kasi ako at sa production siya.
Kelai, relax. Nag-ooverthink ka na naman.
“Ryan, the new Head Chef?”
Ibinaba ko ang phone ko sa bed ko at mabilis na uminom ng gatas. Sa sobrang bilis ng t***k ng puso ko ay agad kong naubos ang isang basong gatas na kinuha ko kani-kanina lang. Panay din ang sulyap ko sa phone ko kung nag-reply na ba siya.
“Yes, ako nga. Kumusta?”
Tuluyan ko nang nabitawan ang phone ko nang mabasa ko ang reply niya. Mabuti na nga lang na sa bed ko ito bumagsak kaya hindi na-damage ang phone ko. Nagsimula na akong manginig at manlamig dahil sa mga nangyayari.
Ilang beses pa akong bumuntong hininga bago ako nagkaroon ng lakas para damputin ang phone ko. Magaan lang naman ang phone ko pero pakiramdam ko ay sobrang bigat nito dahil inabot pa ako ng siyam-siyam bago ito tuluyang mahawakan.
Pero anong kailangan niya? Bakit niya ako ime-message? Rereplayan ko ba? Ano namang sasabihin ko? Huwag na lang kaya? Kaso baka isipin naman niyang snob ako. Anong gagawin ko? Sh*t Kelai! Mag-isip ka nga ng maayos.
“Ayos lang naman. Anong maipaglilingkod ko?”
Napatampal na lang ako sa noo ko nang mapagtanto ko kung ano ang ini-reply ko. Sa lahat ng pwedeng i-reply, naisip ko pa talaga ang word na “maipaglilingkod”. Ano ba namang klaseng reply iyon? Nakakahiya. Ano pang mukha ang maihaharap ko kay Ryan bukas?
“Wow. Maipaglilingkod talaga. Haha.”
Daig ko pa ang isang ice cream na natutunaw. Gusto ko na lang na lamunin ako ng sahig. Grabeng kahihiyan na ang dinadala ko mismo sa sarili ko.
“Sorry. Hindi ko lang kasi alam kung anong sasabihin.”
Medyo nabawasan ang bilis ng t***k ng puso ko ngunit nandoon pa rin ang kaba. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang replayan si Ryan. I mean, mukhang wala naman siyang mahalagang sasabihin at hindi ko alam kung bakit niya ako mine-message.
“Tama nga sila, ang tahimik mo.”
Awtomatikong napataas ang kilay ko dahil sa reply niya. Hindi na ako nagdalawang isip pa at mabilis na nag-reply sa kaniya.
“May kailangan ka ba?”
Naka-open lang ang conversation namin at hinihintay ko ang reply niya. Mas mabuti na iyong tanungin ko siya ng deretso upang matapos na ang pag-uusap namin. Hindi naman sa ayaw ko siyang ka-text, hindi lang ako komportable dahil sa nararamdaman ko. Pero may part din sa akin na ayokong tumigil ang mumunting komunikasyon naming dalawa. Weird.
“Wala naman. I just want to talk to you. Parang ang hirap mo kasing i-approach sa personal.”
Napatikhim ako dahil parang may kung ano ang bumara sa lalamunan ko. Hindi ko alam kung insulto ba iyon o compliment. Well, tahimik naman talaga ako. Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit pinoproblema niya ang pagiging tahimik ko.
“Bakit gusto mo akong makausap?”
I don’t want to sound rude pero mas mabuti na iyong malinaw sa akin ang lahat. Mas mabuti na iyong alam ko kung ano bang dahilan ng pakikipag-usap niya sa akin. Hindi naman sa pagiging assumera pero ayoko na kasing maulit ang nangyari sa akin noon sa ex ko.
“Bawal ba?”
Napairap na lang ako. Kung kanina ay natutuwa ako na malaman na siya ang nag-text sa akin, ngayon naman ay parang naiinis na ako.
Wait. Did I just say na natutuwa ako na malaman na siya ang nag-text? Sh*t.
“No. Hindi lang ako sanay na may gustong kumausap sa akin.”
Mukhang wala naman talaga siyang mahalagang sasabihin sa akin ngunit hindi ko mapigilan ang sarili kong huwag magreply sa kaniya. May part sa akin na nag-eenjoy ako sa palitan namin ng messages. At may part sa akin na rereplayan ko siya hanggang sa nagte-text siya sa akin.
“So dapat pala ay masanay ka na dahil from now on, may kausap ka na.”
Hindi ko na rin napigilan ang mapangiti. Hindi na maganda ang nararamdaman ko sa kahahantungan ng usapan namin pero bahala na. Tutal naman ay baka sa text lang kami magkakausap kaya hindi ako masyadong maa-attach sa kaniya. Safe pa naman ako sa mga sitwasyong ganito.
“Ang taas din ng confidence mo ‘no? Approaching an introvert like me.”
Kasing taas yata ng confidence ng ex ko dahil nagawa akong ligawan no’n dati kahit na sobrang tahimik ako. At ako namang tahimik lang, nadala sa mga ka-sweet-an kaya ang ending, nasaktan lang. But good thing, naka-moved on na talaga ako.
“Honestly, introvert din ako katulad mo.”
Napabuga ako ng hangin at pakiramdam ko ay nanunuyo na rin ang lalamunan ko. Lumabas na lang muna ako para kumuha ng tubig at uminom. Pagbalik ko ay may panibagong message akong natanggap.
“Hindi ka na nag-reply. Tulog ka na?”
So gusto niya talaga akong kausapin sa mga oras na ito? Alas nwebe na at dapat ay natutulog na ako ngayon. Dapat din ay umeepekto na ang gatas na ininom ko kanina ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaramdam ng antok. Pabagsak akong humiga sa bed bago ko nireplayan si Ryan.
“Uminom lang ako ng tubig.”
Mabilis na nag-reply si Ryan na ikinakunot ko na ng noo.
“You want to go outside now?”
Wala namang problema kung sa ganitong oras ay lalabas pa kami. Safe naman kasi dito sa UAE kaya kahit madaling araw ay walang problema. But the thing is, bakit kailangan kong sumama kay Ryan? I mean, hindi na ako teenager pero nakakailang na sumama ako agad sa kaniya. Ngayon nga lang kami nagkaka-usap ng ganito tapos sa text pa.
“Nope. Maaga pa ang pasok natin bukas.”
Hindi ko na kailangang tanungin pa si Ryan kung ano ba talagang kailangan niya. Alam na alam ko na ang mga galawan ng mga lalaki. At naiinis ako sa sarili ko dahil sa nararamdaman ko. Hindi na ito maganda ngunit wala naman akong lakas ng loob para tigilan ito.
“Okay. Then sa weekend na lang.”
Napabuga ulit ako ng hangin.
“Are you asking me on a date?”
Ang lakas ng loob kong magsabi sa kaniya ng ganito dahil sa text lang naman. Pero kung kaharap ko siya ngayon, paniguradong ni isang salita ay wala akong mabibigkas. At ngayon pa lang ay namomroblema na ako kung paano ko siya kakausapin bukas.
“Yes. So this weekend?”
Dinampot ko ang unan ko at itinaklob iyon sa mukha ko. Muli akong sumigaw na halos mapatid na ang litid ko sa lalamunan ko. Kagagaling ko lang sa isang break-up at ngayon ay natututo na naman akong lumandi.
My god Kelai! Ikaw pa ba iyan?