KELAI’S POV
Napabuntong hininga na lang ako nang makitang alas tres na pala ng hapon. Kinuha ko ang cellphone ko at muling binasa ang huling text sa akin ni Ryan.
“Mag-usap tayo mamaya pagka-out.”
Kapag binabasa ko iyon ay awtomatikong tumitibok ng mabilis ang puso ko. Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung bakit napa-text ako sa kaniya kanina, kaya heto, hindi ko na alam kung tama pa ba ang ginagawa ko.
Pinatay ko na lang ang computer ko at mabilis na lumabas ng opisina. Pagbaba ko ay bumungad agad sa akin si Ryan na malawak ang ngiti sa akin. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid namin at marama pa kaming ka-trabaho ang palabas pa lang ng resto. Kapag nakita nila kaming nag-uusap ay paniguradong isang malaking issue iyon sa kanila.
“So saan tayo kakain?” tanong sa akin ni Ryan nang makalapit ako sa kaniya.
Lihim akong napabuntong hininga. Sabay sabay kasing tumingin sa amin ang mga ka-trabaho namin dahil narinig nila ang sinabi ni Ryan. Hindi na lang ako sumagot at mabilis akong lumabas ng resto. Sumunod naman sa akin si Ryan.
“Paniguradong malaking issue ito Ryan. Narinig nila ang tanong mo,” mahina kong sabi sa kaniya.
“Ano naman?” natatawa niyang tanong sa akin.
Napahinto ako sa paglalakad at mabilis an humarap sa kaniya. “Hindi ka ba natatakot na pag-usapan nila?” deretso kong sabi sa kaniya.
“Nope,” mabilis niyang sagot sa akin.
Napailing na lang ako at mabilis na sumakay sa service cab. Nakita ko naman si Maya na malawak ang ngiti. Pagkaupo ko sa usual kong pwesto ay nakita ko na nakasunod pala sa akin si Ryan.
“Ryan, dito ka na sa tabi ko,” nakangiting sabi ni Maya kay Ryan.
Dere-deretsong umupo si Ryan sa tabi ko at saka niya binalingan si Maya. “Dito na lang ako sa tabi ni Kelai.”
Ramdam kong natigilan ang lahat ng ka-trabaho namin na nakasakay na sa service cab. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Maya sa aming dalawa kaya umiwas ako. Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa labas ng sasakyan.
Hindi na rin naman nangulit pa sa akin si Ryan at tahimik din ang lahat habang bumabyahe. Makalipas ang halos isang oras ay nakarating na kami sa unang bus stop, sa lugar ni Ryan. Lumingon siya sa akin at saka bahagyang ngumiti. Nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko at saka siya tumayo para bumaba ng sasakyan. At dahil nga sa hawak niya ang kamay ko ay hindi na ako naka-angal pa at napasunod na lang sa kaniya. Narinig ko pa ang hiyawan sa loob ng service cab bago ito umalis palayo sa amin.
“Hindi dito ang babaan ko,” wala sa sariling sabi ko kay Ryan.
“I know. Pero mag-uusap pa tayo ‘di ba?” nakangiting sabi naman niya sa akin.
Hindi na ako nakapagsalita pa dahil hinila na ulit ako ni Ryan. Well, nandito na rin naman ako, at ginusto ko rin naman ito, sino ba naman ako para mag-inarte pa.
Hindi ko na napigilan ang mapangiti nang huminto kami sa tapat ng Jollibee. Para sa mga OFW na katulad namin, masayang masaya kami kapag nakakapag-jollibee kami dito sa ibang bansa. And in my 3 years here in Abu Dhabi, isang beses pa lang akong nakakakain dito.
“This is my second time,” sabi ko kay Ryan nang makaupo kami sa isang bakanteng table habang bitbit ang mga in-order namin.
“Second time for what?” naguguluhan naman niyang tanong sa akin.
“Second time sa Jollibee,” nahihiya kong sagot naman sa kaniya.
Halata sa mukha ni Ryan ang pagkagulat. Ngunit kalaunan ay napangiti siya. “Pangalawa pa lang pero may nakapagsabi sa akin na paborito mo raw ang Jollibee. Paano mo natiis ang tatlong taon na walang Jollibee?”
Kumunot naman ang noo ko. “Sinong nagsabi sa ‘yo na paborito ko ang Jollibee?”
Well, tama siya. Pinaka-paborito ko talaga ang Jollibee kahit na noong nasa Pilipinas pa ako. Pero dahil masyado akong focus sa pagta-trabaho, hindi na sumasagi sa isip ko ang i-treat ang sarili ko.
Nagkibit balikat lang si Ryan at mukhang wala siyang balak na sagutin ang tanong ko. Napahinga naman ako ng malalim at saka deretsong tumingin sa akin. “Gano’n siguro talaga. Kahit gaano mo kagusto ang isang bagay, hindi mo pa rin magawang makuha,” wala sa sariling sabi ko pa.
Napakagat ako sa labi ko nang mapagtanto ko kung anong sinabi ko. Nagiging madaldal na ako sa kaniya, ibig sabihin ay nagiging komportable na ako sa presensya ng lalaking ito.
“Parang may hugot ka pa ah. Honestly, I heard a lot about you and your ex. But I want to hear your side,” deretsong sabi niya sa akin.
“So ito talaga ang purpose mo kaya mo ako tinext. Ang marinig ang kwento ko,” seryosong sabi ko naman.
Napatawa naman si Ryan. “Hindi a. Okay lang naman sa akin kung ayaw mong magkwento.”
“Well sabi mo nga, marami ka nang narinig so bakit pa ako magku-kwento, right?” sabi ko naman sa kaniya.
“I know you have your own story,” seryoso niyang sabi sa akin.
Medyo natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Sa dami ng ka-trabaho ko, wala ni isa ang nagtanong sa akin kung ano ba talagang nangyari. Walang nagtanong kung ayos lang ba ako. Walang nagtanong kung ano ang side ko.
“Hindi ka pa ba handa?” dugtong na tanong pa niya.
Agad akong napatingin kay Ryan. Deretso siyang nakatingin sa akin at hindi ako agad nakaiwas. Parang na-stuck ang mata ko sa kaniya. Siya lang ang nakikita ko sa mga oras na ito.
Tumikhim ako at saka lakas loob na nagsalita. “Kung sakali mang magku-kwento ako, ikaw ang kauna-unahan.”
“So are you willing to talk about it?” nanghahamon niyang tanong sa akin.
“Ano bang gusto mong malaman?” balik tanong ko naman sa kaniya.
“Kung anong gusto mong ikwento,” nakangiting sagot niya sa akin.
Napatitig ako sa mga mata ni Ryan. Should I trust him? Well, wala naman sigurong mawawala sa akin kung magkwento man ako, I mean nakaraan naman na iyon at matagal na kaming hiwalay ni Francis.
“Sige ganito na lang, if you don’t mind, bakit kayo naghiwalay ni Francis?” deretsong tanong sa akin ni Ryan.
“Dahil nandito na sa UAE ang real girlfriend niya,” deretsong sagot ko naman.
Hindi man lang nagulat si Ryan kaya ibig sabihin ay alam na nga niya ang nangyari sa amin. Hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kailangan pa namin iyon pag-usapan.
“So ano ka?” tanong pa niya.
“Pampalipas oras? Habang wala pa ‘yong totoong mahal niya.” I want to say those words in the most casual way. I don’t want to sound bitter but unfortunately, it just came out of my mouth.
“Grabe ka naman sa pampalipas oras,” natatawang sabi sa akin ni Ryan.
“So ano palang tawag mo do’n? In the past one and a half years, akala ko ay ako lang ang mahal niya. Pero nang makarating na dito ‘yong babae, para na lang akong isang hangin na dinadaan-daanan niya,” nakangiting sabi ko naman.
“Minahal ka naman siguro ni Francis,” sabi pa niya.
“Iyon din ang akala ko, kaya kumapit ako ng isang taon at kalahati. Lahat ginawa ko. Lahat ng alam kong katangian at kakayahan ng babae, mas hinigitan ko pa iyon. Pero wala, olats.”
Napatango naman si Ryan. “So paano mo nalaman na may girlfriend pala siya sa Pinas?”
Nagpakawala ako ng isang buntong hininga. “Actually, noong una pa lang ay sinabi na niya sa akin iyon. Pero sinabi niya rin na nagkakalabuan na sila, kumbaga official break-up na lang ang kulang. Kaya ako naman itong si t*nga, nagpauto.”
“Ibinigay mo kasi ang lahat Kelai, masyado mong sineryoso,” sabi naman niya sa akin.
Bahagya naman akong napatawa. “Bakit? Hindi ba dapat? I mean, kung magmamahal ka, hindi ba dapat seryosohin? Paano pa matatawag na pagmamahal iyon?”
Tumingin naman ng deretso sa akin si Ryan. “I want to be honest Kelai dahil iyon ang ipinagkait sa ‘yo ng ex mo. I have a girlfriend in Philippines.”
Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. And at the same time ay na-disappoint? Pero hindi ako nag-react. Alam kong may sasabihin pa siya kaya hindi ako nagsalita.
“And I have a girlfriend here in UAE.”
Literal na nanlaki ang mata ko sa sinabi niyang iyon. “Seryoso ka?” hindi makapaniwalang tanong ko pa sa kaniya.
“Wait, don’t judge me. Gusto ko lang magpakatotoo sa ‘yo,” sabi naman niya sa akin.
“Hindi ko alam pero nasasaktan ako. And honestly, hindi ko alam kung nasasaktan ako para sa girlfriend mo sa Pinas o girlfriend mo dito. I mean, wala ka ring pinagkaiba kay Francis,” prangkang sabi ko naman sa kaniya.
“I know. Pero nilinaw ko sa girlfriend ko dito na hanggang dito lang ang relasyon namin. Mas mahal ko pa rin kasi ang girlfriend ko sa Pinas,” sabi naman niya.
“Paano mo nasasabing mahal mo siya kung nagagawa mo siyang lokohin?” wala sa sarili kong tanong sa kaniya.
“Hindi ko rin alam, sa totoo lang. Pero teka, hindi iyon ang topic natin. Sabi mo ‘di ba, paano mo magagantihan ang ex mo,” pag-iiba niya ng usapan.
“Ano bang plano mo?” tanong ko naman sa kaniya.
Hindi ko naman balak maghiganti. Nainis lang kasi talaga ako sa narinig ko kanina. Pagkatapos kong magdusa ng ilang buwan para makalimutan siya, malalaman ko na lang na masayang masaya siya sa lovelife niya. Nakakainis lang dahil ang unfair masyado.
“Be with me. We will enjoy life, chill lang. At the same time, pagseselosin natin ang ex mo. Ipapakita natin sa kaniya kung ano ang pinakawalan niya,” deretso niyang sagot sa akin.
“Teka teka. Gagawin mo pa ba akong pangatlo mo? Baka nakakalimutan mong kagagaling ko lang sa relasyong may kahati ako,” sabi ko naman.
“Kaya nga chill lang ‘di ba. I-enjoy mo lang ang company ko, at i-enjoy ko ang company mo. Simple as that.”
“So nasaan ang revenge doon?” mataray kong sabi sa kaniya.
“Trust me. Makikita mo na lang ang revenge mo kapag pumayag ka sa offer ko,” nakangiti niyang sagot sa akin.
I can’t believe this. Hindi ko alam kung pinaglalaruan lang ba ako ni Ryan o seryoso siya. At hindi ko maintindihan kung ano ba talagang eksaktong plano niya. Should I trust him?