UMUUNGOL na isinubsob ni Celine ang mukha sa unan nang magising. Parang binibiyak ang ulo niya sa sobrang sakit. She groaned. Naparami yata ang inom niya kagabi dahil lalong tumitindi ang pananakit ng kanyang ulo.
Light-headed, she went to the bathroom to pee. Nang matapos ay agad din siyang bumalik sa kama. Ibinagsak niya ang sarili sa kama. Ipipikit na lang niya ang mga mata nang biglang matigilan. Paano ay bumabalik sa isip ang nangyari kagabi. Napaupo siya, nanlalaki ang mga mata. Um-attend siya ng party, pero inatake siya ng guilt sa kasalanan kay Marc kaya katulad ng dati ay bumaling na naman siya sa alcohol. Pagkatapos ng maghahatinggabi na, natatandaan niyang nakipag-flirt siya sa isang lalaki at nagsalo pa sila sa isang mainit na halik. Pagkatapos niyon, bago pa tuluyang maputol ang kanyang control, umiwas na siya sa lalaki.
She frowned, kapagkuwan ay inilinga ang paningin sa silid. Iyon ang silid na ginagamit niya kapag naroon siya sa bahay-bakasyunan ni Marc. “Paano ako nakauwi?” namamangha niyang tanong sa sarili. Pagkatapos ay natutop niya ang bibig. Hindi ba siya nananaginip lang? May prinsipe bang dumalo sa kanya at nag-alok siyang ihatid? Mariin siyang pumikit at pilit na inaalala ang lahat. Tiningnan niya ang sarili. She wore a nightgown. Nanlaki ang mga mata niya. Agad siyang lumabas ng silid. “Digna! Digna?” pagtawag niya sa kasambahay.
Lumitaw naman agad ito mula sa labahan sa likuran. “O, Ate, gising na po pala kayo.”
Crap! Paano niya tatanungin si Digna sa nangyari kagabi? Lumunok siya. “D-Digna, ano… `y-yong l-lalaking naghatid sa akin kagabi?” Damn. Pakiramdam niya ay lalong sumakit ang kanyang ulo.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Digna. Her eyes shone like she had remembered something so spectacular. “Umalis din siya kagabi, Ate. Nariyan ang kotse mo. `Yong purse mo naroon sa drawer mo.”
She thought she was dreaming. Maraming taon na ang nakararaan nang huli siyang managinip ng hindi tungkol sa naging kasalanan niya kaya natawag niya ang lalaki na “Prince Charming.” God! Kung ganoon ay hindi lang siya basta nananaginip kagabi. Hindi panaginip ang tila malalakas na bisig na bumuhat sa kanya. Then he tucked her tenderly in bed. Hindi imposible na ang lalaking iyon ang gumawa niyon. “Digna, s-sino ang nagpalit ng damit ko?”
“Ako po, Ate. Pero…”
“Pero?” Napalunok siya. What had happened last night?
“Eh, paalis na sana siya, Ate, nang umungol ka. Parang balisa ka…” Muling ngumiti nang makahulugan si Digna. “Pinayapa ka niya, Ate. Hindi siya umalis sa tabi mo hangga’t hindi nagiging payapa ang pagtulog mo,” Digna said in a tender tone.
Celine was stunned. Parang may humaplos sa kanyang puso. Siguro ay dahil sa katotohanang may taong nag-aalala sa kalagayan niya. Base sa kuwento ni Digna, mukhang mabuting tao ang lalaki. Kung tutuusin ay puwedeng-puwede siya nitong pagsamantalahan. Pero mas nag-aalala pa sa kanya. Iyon din kaya ang lalaking nakasayaw niya kagabi at nakahalikan? Namura niya ang sarili. Ngayon ay inilagay niya sa alanganing sitwasyon ang sarili. Obviously, kilala na siya ng lalaki, kung sino man iyon, samantalang ito ay ni hindi niya alam ang hitsura. Argh! Isang malaking leksiyon iyon sa kanya. Sa susunod ay sisiguruhin niya na hinding-hindi na siya iinom sa pampublikong lugar.
“Diyos ko, Ate!” namimilipit na wika ni Digna na pumukaw sa atensiyon niya.
Agad naman siyang nag-alala na baka may masakit sa kasambahay. “Bakit?”
“Ang guwap—o niya!” tumitiling wika ni Digna, humawak pa sa braso niya. “Ate Celine, Diyos ko, saang kaharian mo ba siya nakilala? Hindi siya prinsipe, Ate. Hari siya! Hari ng mga guwap—o!”
Hindi napigilan ni Celine ang bahagyang pagtaas ng kilay. Ganoon ba siya kaguwapo? “M-may sinabi ba siyang ano man?”
“Wala, Ate, eh.”
Napatango na lang siya.
“KUMUSTA si Daniel?” tanong ni Gido na kausap ni Lino sa telepono.
Nag-aalalang sumulyap si Lino sa nakasarang silid ni Daniel. “Magtatatlong araw na siyang wala sa mood. Kanina ay marami na naman siyang nabasag na kasangkapan.”
Bumuntong-hininga ni Gido. “Kumakain ba siya?”
Sinulyapan ni Lino ang personal dietician ni Daniel. Kailangan ni Daniel ang serbisyo ng isang dietician na nakakaintindi sa sakit nito dahil maraming pagkain ang bawal sa lalaki. Dala ng dietician ang tray ng tanghalian ni Daniel. Sinenyasan niya ito na iwanan na ang tray sa isang counter na nasa gilid. “Halos hindi siya kumakain. Hindi rin lumalabas ng silid niya.”
“Ang doktor niya, tinawagan mo na?”
Tumango si Lino kahit hindi nakikita ni Gido. “Oo, kahapon ay narito siya. Hindi naman seizure kundi depresyon ang umaatake kay Daniel.”
“Cheer him up, Lino. Ikaw sa ating lahat ang higit na nakakakilala kay Daniel.”
Mas matanda kay Lino nang dalawang taon si Daniel. Anak siya ng dating katulong ng mga ito. Bata pa lang si Daniel ay alam niyang espesyal na ito dahil sa sakit nito. He was a lonely boy. Hindi naranasan ni Daniel ang normal na kabataan dahil sa kondisyon nito. Kinaibigan niya ito kahit pa nga ba napakasuplado at bugnutin. And then, one fateful day, inilagay ni Daniel sa alanganin ang sariling buhay para lamang mailigtas siya mula sa tiyak na kapahamakan. Sakay siya noon ng kabayo ni Daniel nang sa kung anong dahilan ay magwala ang hayop. Nahulog siya. Ang masama ay pumulupot sa leeg niya ang tali habang nagwawala ang kabayo. Si Daniel na kagagaling lamang sa isang atake at delikado ang paglabas ay hindi nagdalawang-isip na tumakbo sa kuwadra at kumuha ng isa pang kabayo para masoklolohan siya...
“Daniel, bumalik ka sa loob! Bumalik ka!” nanlalaki ang mga matang sigaw ni Lino nang makitang paparating sa kanya si Daniel, sakay ng kabayo. Sa likuran nito ay nagkakagulo na ang iba pang mga tauhan sa paghabol sa kanilang amo. Pati ang mga magulang ni Daniel ay humahabol din. They were all in horror. Alam nilang lahat kung ano ang mangyayari kay Daniel. Hawak niya ang tali sa kanyang leeg kaya hindi naman siya masyadong nasasakal, bagaman nabubugbog na ang katawan niya dahil sa mga sipa ng kabayo at paghila nito sa kanya. “Diyos ko! Daniel! Bumalik ka sabi sa loob!”
“Ahh!” hiyaw ni Daniel. Alam niya dahil iyon sa sakit. Pumapatak na ang mga luha ni Daniel at mariing kagat-kagat ang labi dahil sa sakit na alam niyang sumisigid sa mga kalamnan nito.
“Daniel, bumalik ka sa loob! Bumalik ka sabi! Huwag mo akong intindihin. Kaya ko `to! Daniel, huwag matigas ang ulo mo!”
Pero hindi nakinig si Daniel. Kahit halata ang tila impiyernong sakit na pinagdadaanan ay nagpatuloy ito sa pagdalo sa kanya. Pumatak pa nga sa katawan niya ang mga luha ni Daniel habang tinutulungan siya nitong makawala sa tali...
Kapag binabalikan ni Lino ang pangyayaring iyon, hindi niya maiwasang hindi maging emosyonal. Teenagers pa lang sila noon ni Daniel. Nakaligtas siya habang si Daniel ay dalawang linggong nanatili sa ospital. Noon niya itinalaga ang sarili na titingin sa lalaki. Halos kapatid na niya si Daniel. Ganoon din naman ang turing nito sa kanya. Bumuntong-hininga siya. “Susubukan ko.”
“Sige, balitaan mo agad ako. Salamat,” ani Gino.
Ibinaba ni Lino ang telepono, kapagkuwan ay dinampot ang tray. Nag-warning knock siya sa pinto ng silid ni Daniel bago pinihit ang seradura. “Daniel…” Kadiliman ang sumalubong sa kanya pagpasok. Nagpakawala siya ng buntong-hininga. Darkness had been Daniel’s world. Hindi niya tinangkang buksan ang ilaw. Dahil kabisado na niya ang bawat sulok ng silid ng kaibigan, nakapasok siya roon at naibaba ang tray sa mesa nang walang aberya. “Daniel, oras na ng pagkain mo.” Tinungo niya ang makapal na kurtina at bahagyang inililis; sapat lamang para papasukin ang liwanag sa silid—ang liwanag ay sinasala pa ng tinted na bubog ng sliding window. Nakita niyang nasa kama si Daniel, patagilid na nakahiga pero hindi naman tulog. Bahagyang nakabukas ang mga mata. Ang mga palad ay ginawang unan at naka-knee-chest position. Ang cell phone ay naglalabas ng isang mahinang tunog. I’ve kissed you only once. But I keep wondering why. It seems I’ve kissed your lips so many times. I know you only now. But I keep wonderin’ why. It seems I’ve known you forever…
“Gusto ko siyang makita, Lino,” sabi ni Daniel. Pabulong lang iyon pero malinaw naman niyang narinig.
“Sino? Ah…” Ang magandang babaeng doktor ang tinutukoy ni Daniel. Ang babaeng sa kauna-unahang pagkakataon ay kumuha ng atensiyon ng kaibigan niya. Alam niyang doktor ang babae. Oh, well, ang basic information tungkol sa babae ay alam na niya, alam nila ni Daniel. Iyon ay dahil ipina-background check nila ang babae. Sa utos nito, siyempre. Hindi maipagkakaila na nakuha talaga ng babae ang atensiyon ng kaibigan. Lino could see it in his eyes.
“Si Doktora Hampton? Sige, dadalhin ko siya sa `yo,” wika ni Lino. According to Daniel’s doctor, Daniel’s condition could cause depression and affects the brain by producing peculiar behavior. Ilan sa mga iyon ay ang pagwawala. Sometimes a strong s****l drive or mania. Siya ang umaayos ng mga iyon. At hindi siya magsasawang gawin ang lahat para kay Daniel dahil mahal niya ang lalaki bilang kapatid.
“Hindi. Ako ang pupunta sa kanya,” pagtanggi ni Daniel.
Mabuti. Ibig sabihin niyon ay lumipas na ang mood swings nito. “O, di kumain ka na. Ayusin mo ang sarili mo at mamayang hapon, paglubog ng araw ay pupunta tayo sa Maynila.” Bago sumikat ang araw, pagkatapos nilang maihatid ang babae sa tinutuluyan nitong rest house ay nagyaya na si Daniel na umuwi sila sa Isla Cavelli, ang islang pagmamay-ari ng pamilya nina Daniel. Nasa bandang Batanes iyon. Kinabukasan ay inatake na ng depresyon si Daniel.
KAKAIBANG sigla ang hatid kay Daniel ng kaalamang makikita uli niya si Celine Hampton. Tatlong araw na ang nakararaan mula nang mangyari ang Party of Destiny. Maayos nilang naihatid si Celine sa rest house na tinutuluyan nito. Daniel could not believe how gentle he had been to her. Lalong hindi siya makapaniwala sa damdaming binubuhay ni Celine sa kanya. Hindi niya iyon mapangalanan, hindi niya alam kung ano ang tawag. Napakarami niyon, nagsisiksikan sa loob ng dibdib niya. Isa lang ang malinaw sa kanya: he wanted to see her badly.
Marahil ay dahil sa halik na pinagsaluhan ninyo, Daniel, at sa epekto niyon sa `yo, anang isip niya. He groaned. Well, yeah. That, too. Ang halik ni Celine, ang mga labi nito, ang malambot na katawan, ang amoy, ang init na sumisingaw mula sa katawan nito na nagsisindi ng apoy sa katawan niya…
Napaungol si Daniel. Tension was seizing him. The s****l urges were too strong he could barely contain himself. Kung hindi siya inatake ng depresyon, sana ay nang araw ding iyon ay nakipagkita siya sa babae. Mariin siyang pumikit, kapagkuwan ay nagmulat din agad at tumingin sa labas ng kinalululanang chartered plane. Kulay-kahel na ang langit dulot ng paglubog ng araw. Sinasamahan iyon ng maputing kumpol ng mga ulap. Pero hindi niya iyon magawang hangaan.
Daniel had been sheltered all his life. Iyon ay dahil tinataglay niya ang isa sa mga pambihirang sakit sa mundo—ang Porphyria. It was a rare kind of disease bagaman ayon sa pag-aaral ay genetic umano iyon. Marahil ang isa sa mga kanunu-nunuan niya ay nagtaglay rin ng ganoong sakit. Ang mga taong may Porphyria ay numero unong kalaban ang sikat ng araw. Sa unang tama pa lang ng sikat ng araw sa balat niya ay makakaramdam na siya ng grabeng sakit. Kapag matindi ang sikat ng araw, agad na mamamaga ang balat niya, puputok, at kukulo na animo nasusunog. Kaya mas kilala ang sakit na iyon sa tawag na Vampire’s Disease. Bawal na bawal kasi silang masikatan ng araw. And so darkness is their world.
Ayon sa siyensa at sa pag-aaral ng mga dalubhasa, ang Porphyria daw ang pinagmulan ng pagkakaroon ng legend o ng sinasabing existence ng mga bampira. Para kasing sa mga bampira ang mga symptoms ng Porphyria: allergic sa araw, maputla. Iyong malalalang kaso ay namumula ang mga mata, at minsan kapag maraming atake ay umiimpis ang balat, lalo na sa gums dahilan para lumitaw ang ngipin na animo tinutubuan ng pangil. And, yeah, bawal din sa diet niya ang bawang.
Yes, there were medicines. A pharmaceutical-grade beta-carotine may be used in treatments. A bone marrow transplant could be used in patients. And sometimes, blood transfusion. Pero panandalian lang ang mga iyon. Hindi pa natutuklasan ng siyensiya ang permanenteng lunas sa sakit. At ang depresyon, mood swings, abdominal pain, seizures, at minsan, mental illness ay ilan lamang sa mga hatid ng sakit sa isang taong nagtataglay ng Porphyria.