Ang boses na 'yon... Hindi ako maaaring magkamali. Alam na alam ko kung kanino ang boses na 'yon. Kahit na anim na taon na ang nakalipas, hindi ko pa rin nakakalimutan ang boses niyang 'yon. Sigurado ako na siya ang lalaki na humahabol sa akin noong gabi na pinasok niya ang bahay ko. Siya ang pumatay kay Mama!
"Hindi mo na ba natatandaan kung sino ako? Ilang taon tayong magkasama noon, hindi ba?"
Gusto ko sanang magpunta sa labas ng meeting room, ngunit hindi ko nga pala maririnig ang mga pag-uusapan nila roon. Mabuti na lang at recorded ko ang lahat ng mga tawag na mangyayari rito. May isa pang ginawa na memory card ang kakilala ko noong nakaraan. Lahat ng mga tawag at text na mangyayari rito ay dederetso roon. Nakalagay din 'yon sa laptop ko, kaya automatic nang magse-save roon.
"Napatawag ako dahil may kailangan ako sa 'yo. Alam ko naman na ikaw lang ang maaaring makatulong sa akin sa bagay na ito."
Ano naman kaya ang tulong na kailangan niya? Ibig sabihin ay tama nga ang hinala ko noon na magkasabwat sila noon ni Benjamin? Gulong-gulo na ang isipan ko ngayon kung ano ba ang kasalanan sa kanila ni Mama. Bakit kailangan nilang pagtulungan na patayin ang nanay ko? Siguro ay sinasadya rin ni Benjamin na alisan ako ng mga guwardiya noong araw na 'yon. Para mapatay na rin ako. Ngayon ay mas lumilinaw na sa akin ang lahat. Pakiramdam ko ay hindi na rin kailangan pa ng kumpirmasyon. Ang pag-uusap nila ngayong dalawa ay isang ebidensiya nang kakilala ni Benjamin ang kriminal na pumatay sa aking ina.
"Kailangan mo akong tulungan. Baka nakakalimutan mo na kung ano ang nagawa mo sa akin noon? Dahil hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin kung ano ang kasalanan mo sa akin."
Mas lalo akong naguluhan kung ano ang ibig niyang sabihin doon. May nagawang kasalanan sa kaniya si Benjamin? Wala akong ibang maisip kung ano ang posibleng naging kasalanan sa kaniya ni Benjamin. Nagulat na lang ako na patay na pala ang tawag. Mukhang si Benjamin ang nagpatay no'n. Lumabas naman ako mula sa pinagtataguan ko, saka tinago ang phone na hawak ko. Muli akong bumalik sa harap ng pintuan ng interrogation room. Umakto ako na kalalabas ko lang mula roon. Sakto naman na nakita kong kalalabas lang din ni Benjamin mula sa meeting room. Napansin ko na bigla siyang pinagpapawisan at parang wala sa kaniyang sarili. Mayroon namang aircon sa meeting room, pero pinagpawisan pa siya? Kaya ba gano'n ang reaksyon ay dahil sa tawag sa kaniya ng kriminal na 'yon?
Nagpunta naman siya sa kaniyang lamesa, saka naglakad din ako papunta sa aking lamesa. Pasimple ko lang na minamanmanan ang mga kilos ngayon ni Benjamin. Luumapit naman sa kaniya si Detective Cason. "Naihanda ko na ang warrant of arrest ni Henry Chin. Pupuntahan na ba natin siya ngayon?"
"Ayoko."
Napansin ko na kumunot ang noo ni Detective Walker sa sagot sa kaniya ni Benjamin. "Ha? Anong ayaw mo?" nagtataka na tanong sa kaniya ni Detective Walker. "Ayokong tulungan ka! Kaya tigilan mo ako!" Napatayo pa si Benjamin nang isigaw niya 'yon. Bigla namang nagbago ang kaniyang ekspresyon nang makita na si Detective Walker ang kaniyang nasa harapan. Hinilot niya ang kaniyang noo saka muling umupo.
"May problema ka ba ngayon o may bumabagabag sa 'yo? Mukhang hindi ka yata makapag-focus ngayon."
Napangisi naman ako sa isipan ko. Mukhang malaki ang naging epekto sa kaniya ng pagtawag ng kriminal na 'yon kanina. Nangangati na akong malaman kung ano ang naging problema nilang dalawa. Ibig sabihin ay mukhang ngayon lang sila muling nagkaroon ng contact sa isa't-isa. Dahil ganito ang reaksyon ni Benjamin.
"Wala... wala. Pasensya na. Ano nga ulit ang sinasabi mo kanina?"
"Nakahanda na ang warrant of arrest para kay Henry Chin. Hindi pa ba tayo pupunta sa kinaroroonan niya ngayon? Baka makalayo pa siya kapag nalaman niya na hawak natin ngayon ang inutusan niyang pasabugin ang City Mall," sagot naman ni Detective Walker sa kaniya. Tumayo naman si Benjamin.
"Tara na. Kailangan na natin siyang puntahan ngayon. Magtawag ka na rin ng mga magiging back-up natin. Mukhang may mga tauhan pa si Henry Chin sa kinaroroonan niya ngayon."
Nauna nang lumabas si Benjamin sa station. Tumayo naman kami at maghahanda na sana nang magsalita si Detective Walker, "Dito na lang kayo. Hindi pa kayo maaaring sumama sa mga gano'ng klase ng sitwasyon dahil mga rookies pa lang kayo. Napatawag ko na ang pamilya ni Ejiro. Baka maya-maya ay pumunta na sila rito, kaya kailangan niyo silang asikasuhin."
Hindi na kami nakapalag pa dahil umalis na rin siya. Kainis! Hindi ko pala makakasama si Benjamin ngayon. Nang makaalis sila ay inilagay na sa kulungan si Ejiro. Nagwawala pa siya at nagagalit sa akin dahil niloko ko raw siya kanina para lang mapapayag ko siya. Hindi na lang ako umimik. Naiisip ko pa rin ang mga narinig ko kanina. Tiningnan ko naman ang mga kasamahan ko.
"May pupuntahan lang ako saglit at babalik din ako agad dito," paalam ko.
"Saan ka naman pupunta?" tanong sa akin ni Nixon. Pero hindi ko na siya sinagot pa. Pakiramdam ko ay ito na ang isa kong pagkakataon para maisagawa ang isa ko pang plano. Mabilis naman akong tumakbo papunta sa dorm namin. May kailangan muna akong kunin sa kwarto ko. Malapit lang naman 'yon sa station, kaya tinakbo ko na lang.
Pumasok ako sa kwarto ko at binuksan ang vault or safety box na mayroon ako. Nakatago 'yon sa ilalim ng kama ko. May kabigatan 'yon, pero kaya ko namang makuha mula sa ilalim. Binuksan ko naman 'yon saka kinuha ang isang maliit na camera. Naka-connect na ito sa laptop ko. Hindi ito mapapansin ng kahit na sino, dahil sobrang liit lang nito at wala rin namang ilaw. Sinubukan ko muna kung gumagana ba ito at tiningnan sa camera ko. Ipinagawa ko pa ito sa kakilala ko na dinayo ko noong nakaraan.
Nang masiguro ko na gumagana naman ng ayos ang camera ay ibinulsa ko na 'yon. Kumuha ako ng ilang mga gamit at inilagay din sa bulsa ng jacket na suot ko. Inayos ko muna ang kwarto ko saka lumabas na ng dorm. Sumakay naman ako papunta sa apartment ni Benjamin. Matagal ko naman nang alam kung saan siya nakatira. Kaya madali lang sa akin na puntahan iyon. Hindi rin naman masiyadong malayo mula sa station. Dahil hinuhuli nila ngayon ang isang kriminal, ito na ang pinakaligtas na oras ko para ilagay ang camera na ito sa kaniyang bahay. May recorder din ito. Para malaman ko kung ano rin ang kaniyang mga kilos sa bahay niya. Mababantayan ko pa rin kung sakali man na may gawin siyang kakaiba sa bahay niya. Ang alam ko rin naman ay wala siyang kasama ni isa at mag-isa lang siya na naninirahan. Siguro ay naghiwalay sila ng kaniyang asawa. Nakita ko kasi noon sa background information niya na may asawa at anak siya. Ngunit ilang taon ko na siyang minamanmanan, pero wala akong nakita ni anino ng anak at asawa niya. Hindi ko rin naman alam kung ano ang pangalan ng asawa niya o ang itsura. Hindi ko na rin inalam pa. Si Benjamin lang naman ang may kasalanan sa akin, kaya hindi na kailangan pang madamay ng kahit na sino.
Isang building ang binabaan ko, unit 501 ang apartment na tinitirahan ni Benjamin. Pasimple naman akong tumitingin sa paligid habang umaakyat ako sa hagdan papunta sa apartment ni Benjamin. May isang CCTV lang sa bawat palapag. Nang makarating ako sa ika-apat na palapag ay nakita ko na nakatutok ito sa apartment ni Benjamin. Lalo na at nasa dulong bahagi 'yon.
Kinuha ko ang isang card na dinala ko, ngunit hindi ko 'yon ipinakita sa CCTV. Hindi rin ako masiyadong nagpahalata na hindi ako taga roon. Pero hindi ko rin pinakita ang mukha ko. Sinubukan ko na buksan ang pinto gamit lamang ang card. Bihasa na ako sa ganoong gawain simula pa noon, kaya madali ko lang 'yon na nabuksan kahit na naka-lock.
Hindi muna ako pumasok agad sa loob. Tiningnan ko ng mabuti ang loob. Maglalakad lang naman ng kaunti at sala na. Hindi rin kalakihan ang apartment niya. Nang makita ko na wala namang mga security sa paligid ay pumasok na ako. Isinara ko ang pinto. Nakasuot din ako ng gloves sa aking kamay upang walang maiwan na fingerprint ko sa kahit na anong bagay dito. Nilibot ko naman ang paningin ko sa kabuuan ng apartment niya. May second floor din at mukhang naroon ang kwarto niya. Maliit lang naman ang tinitirahan niya. Magkakatabi na ang kusina, sala at ang lamesa na kakainan niya. May isang TV din sa harap at luma na 'yon. Hindi ako sigurado kung gumagana pa ba. Nagkalat din ang kaniyang mga gamit sa paligid. Daig pa niya ang napariwara ang buhay at mukhang hindi man lang marunong mag-ayos ng mga gamit. Hindi ko akalain na ganito siya kadugyot. Naglalaba pa ba siya ng kaniyang mga damit?
Nilingon ko pa ang nasa lababo. Kaunti na lang ay lalangawin na 'yon dahil tambak na sa hugasin. Mukhang isang linggo nang hindi naglilinis si Benjamin dito. Medyo may amoy din ng alak sa loob ng apartment niya. Saka ko napansin na maraming mga bote ng alak ang nagkalat sa gilid ng sofa. Naghanap ako ng magandang spot para ilagay ang camera ko nang hindi napapansin at nalalaglag.
Nakita ko naman sa kisame na may isang maliit na fan. Naka-steady lang 'yon at mukhang hindi naman umiikot. Sinubukan ko pang paganahin, ngunit steady nga lang. Kumuha naman ako ng isang upuan saka tumuntong doon. Matapos ay inabot ko ang fan na nasa kisame at inilagay doon ang camera ko. Tiningnan ko naman ang pwesto niya at hindi nga mahahalata ng kahit na sino. Kahit buksan pa ang ilaw o patay, hindi makikita ang camera. Kulay itim 'yon na bilog lang talaga at sobrang liit. Hindi naman siguro mapapansin ni Benjamin na isang camera 'yon.
Hindi na ako nagtagal pa at mabilis na rin na umalis sa apartment niya. Hindi ako nag-iwan ng kahit na anong bakas na may nakapasok sa loob ng apartment niya. Mahirap na, baka pumalpak pa ang plano ko. Nang makalayo ako ng kaunti sa apartment na 'yon ay sakto naman na may tumawag sa akin sa phone. Akala ko ay sa akin, 'yon pala ay sa number muli ni Benjamin. Naalala ko ang number na 'yon. Ang kriminal ang tumatawag muli sa kaniya. Napatigil ako sa paglalakad at hinintay na sagutin ni Benjamin ang tawag niya. Ngunit pinatay lang niya.
Muling tumawag ang lalaki sa kaniya at bigla na 'yong sinagot ni Benjamin. Pinakinggan ko naman agad kung ano ang sasabihin sa kaniya ng kriminal. "Nasaan ka? Bakit mo iniiwasan ang tawag ko sa 'yo? Gusto mo ba na kumalat ang sikreto na matagal mo nang tinatago?"
Sikreto? Ano ang sikreto na matagal nang tinatago ni Benjamin? 'Yon ba ay konektado sa kaso ni Mama? O may iba pa siyang mga kasamaan na ginagawa noon pa, bukod sa ginawa nila sa nanay ko?
"Tulungan mo ako kung ayaw mong masira sa publiko. Narito ako ngayon sa labas ng building ng apartment mo. Kailangan mo akong kitain ngayon din."
Nang marinig ko ang sinabi niya ay mabilis kong inilibot ang paningin ko. Medyo may karamihan ang mga tao na naglalakad sa harap ng building. Nanakbo naman ako palapit doon, dahill hindi pa naman ako nakakalayo masiyado. Habang nasa tainga ko ay cell phone ay palinga-linga ako sa paligid. Ngunit sa dami ng mga dumaraan ay hindi ko makita ang isang lalaki na may hawak ding cell phone at mukhang may kausap.
"Sige. Ako ang magsasabi sa 'yo kung kailan at saan tayo pwedeng magkita."
Damn it! Nasaan ba ang lalaki na 'yon?! Namatay na ang tawag kaya ibinaba ko na ang kamay ko. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang mapansin ko ang lalaki na dumaan sa gilid ko.
Naka-itim siya na sumbrero at may sugat ang mukha.