Para akong nanigas sa kinatatayuan ko. Hindi ko magawang igalaw ang aking katawan nang makita ko ng ayos ang mukha ng lalaki na dumaan sa gilid ko. Nakasuot siya ng itim na sumbrero. Ngunit hindi nakalagpas sa paningin ko ang kalahating mukha niya na may sunog. Hindi ko masiyadong nakita ang kabuuan ng itsura niya, dahil gilid lang ng mukha niya ang napansin ko. Hindi ko naman siya magawang mahabol. Pakiramdam ko ay nawalan ako bigla ng lakas ng loob na habulin siya at hulihin.
Bumalik sa aking isipan ang mga alaala na nangyari noon. Naalala ko na binato ko sa kaniya noon ang isang acid na nasa loob ng science laboratory. Kaya siguro gano'n na ang kalahati ng mukha niya ngayon. Nasunog 'yon noon sa acid na ibinato ko sa mukha niya. Hindi ako makapaniwala na makikita ko siyang muli ngayon. Hindi ako handa para rito. Kaya rin hindi ko siya nagawang habulin pa, dahil hindi ako handa. Hindi ko naman siya pwedeng hulihin agad ngayon. Lalo na at sarado na ang kaso ni Mama noon pa. Kailangan ko pa rin na makakuha ng maraming ebidensiya laban sa kaniya. Lalo na at hindi ko rin nakuha ang necklace na may diamond pendant sa kaniya noon.
Lumingon naman ako at namataan ko nang sumakay na siya sa taxi. Iniisip ko kung ano ang dahilan niya at bumalik pa siya rito. Sa ilang taon na naghahanap ako tungkol sa kaniya, hindi man lang ako nakakita ng kahit na anong balita tungkol sa kaniya. Sinubukan ko hanapin ang wanted noon na si Jeremy Languban, ang kriminal na pumatay sa anak ng Mayor noon. Wala ni kahit anong record tungkol sa kaniya. Miski ang mukha niya ay hindi ko nakita. Iniisip ko pa rin na ang lalaki na may sunog ang mukha ay nagngangalang Jeremy Languban. Dahil kaya naman namatay si Mama ay dahil isa siyang witness sa pagkamatay ng anak ng mayor sa probinsiya namin.
Bumalik na ako agad sa station. Baka bigla pang umuwi si Benjamin at makita pa niya na narito ako ngayon sa labas ng building ng kaniyang apartment. Nang makarating naman ako sa station ulit ay nakita kong nagkakagulo sila. Nilapitan ko naman ang mga kasamahan ko. "Ano ang nangyayari rito? May problema ba?" tanong ko agad.
"Bakit ngayon ka lang? Galit na galit si Detective Cason! Nakatakas si Henry Chin. May nakapagsabi raw yata doon na nahuli natin si Ejiro at inamin na sa atin ang lahat. Kaya nakatakas agad sila. Inaalam pa ngayon nina Detective Cason kung saan posibleng magpunta si Henry Chin," paliwanag sa akin ni Zephyr.
"Malamang ay may mga tauhan din si Henry Chin, kaya nakarating agad sa kaniya ang balita. Lalo na at naibalita rin sa isang news na mukhang nahuli raw natin ang may salarin ng pagsunog ng City Mall, pero hindi lang natin inamin kanina sa medya. Nakita ko rin sa balita kanina na nakuhanan tayo ng litrato, habang papasok tayo sa van at kasama si Ejiro," dagdag naman ni Paige.
Kaya pala nalaman na ni Henry Chin na huhulihin na rin siya anomang oras. "Marami na ang medya sa labas! Kalat na ang balita. Pahamak talaga sila. Imbis na tahimik lang sana natin na aayusin at lulutasin ang kaso, sinira na nila ang plano natin! Nakawala pa tuloy si Henry!" galit naman na sigaw ni Detective Walker. Saka ko lang napansin na marami nang mga reporters sa labas at nagpupumilit na pumasok sa loob ng station. Mabuti na lang at maraming mga pulis ang humaharang sa labas ng malaking gate ng station. Nakita ko na may papasok na isang babae at isang bata. Namukhaan ko agad ang bata na 'yon. Siya ang anak ni Ejiro.
"Narito na ang pamilya ng suspect," sambit ko. Nilingon naman nila ang papalapit sa amin. Umiiyak na agad ang babae at para bang nanghihina siya na naglalakad papalapit sa amin. Samantalang ang kaniyang batang anak naman ay inosente lamang na nakatingin sa amin. Mukhang wala siyang alam kung bakit umiiyak ang kaniyang ina. Sa mura niyang edad ay ganito na ang kailangan niyang masaksihan. Naaawa ako sa kaniya, ngunit wala naman akong magagawa dahil may malaking kasalanan na nagawa ang kaniyang ama.
"Asikasuhin niyo na muna ang asawa ni Ejiro. Ipaliwanag niyo sa kanila kung ano ang nangyari," utos sa amin ni Detective Walker. Nilapitan naman namin ni Paige ang asawa ni Ejiro. "Dito na lang po tayo mag-usap, Ma'am," ani Paige. Itinuro niya ang meeting room. Inalalayan ko naman ang babae hanggang sa makapasok kami sa loob.
"Ano po ang kasalanan ng aking asawa? Ano po ang nagawa niya?" tanong agad sa amin ng asawa ni Ejiro. Hindi pa siya nakakaupo, pero tinatanong na niya agad kami. Sumenyas naman sa kaniya si Paige na umupo muna. "Maupo po muna kayo para maipaliwanag namin ng ayos sa iyo ang lahat ng mga nagawa ng iyong asawa," malumanay naman na sambit ni Paige sa kaniya. Nakatitig lang ako sa inosenteng bata na hawak ng kaniyang ina.
"Huwag na kayong magpaligoy-ligoy pa. Sabihin niyo na sa akin ngayon kung bakit narito sa prisinto ang asawa ko!" Nagsimulang umiyak ang babae sa harapan namin. Nataranta naman si Paige at mukhang hindi alam ang kaniyang gagawin. Dahil 'yon ang sinabi ng asawa ni Ejiro, iniharap ko sa kaniya ang aking laptop. Mabilis kong pinapanood sa kaniya ang krimen na nagawa ng kaniyang asawa sa City Mall.
"Nagpakalat ng bomba ang iyong asawa sa City Mall kanina, alas-diyes ng umaga. Pinatay niya ang dalawang security guards sa exit area at pinatay naman niya ang isang bantay sa security room ng mall. Samantalang pumatay din siya ng maraming mga inosenteng tao na nasa loob ng mall kanina. Pati na rin ang may-ari mismo ng mall ay namatay dahil sa paglalagay niya ng bomba sa loob. May mga kasamahan din siya sa pagkakalat ng bomba sa loob. Kasalukuyan pa namin silang hinahanap isa-isa," deretsong sambit ko sa kaniya. Mas lalo naman siyang naiyak nang mapanood niya ang kahayupan ng kaniyang asawa.
Kung mayroon lang sigurong sounds ang footages na nakuha ko, baka mas lalo pa siyang magitla sa lakas ng pagkakasabog ng mga bomba sa City Mall. Marami rin ang nakarinig no'n, base sa interview na nakalap ng mga kasamahan ko sa mga katabing lugar ng City Mall. Sa sobrang daming bomba na nailagay sa mall, talagang sinigurado nila na masisira 'yon nang tuluyan. Bahagya naman akong pinalo ni Paige sa aking braso. Kaya nilingon ko siya ng walang reaksyon sa aking mukha.
"Bakit naman sinabi mo sa kaniya lahat ng gano'n? Pwede naman sa mas maayos na paraan," mahinang pangaral pa niya sa akin. "Bakit kailangan pa ng maayos na paraan? Ang sabi niya kanina ay huwag nang magpaligoy-ligoy pa, kaya sinunod ko lang ang gusto niya."
Hindi na ako pinansin pa ni Paige. Binigyan naman niya ng tubig ang asawa ni Ejiro dahil parang mahihimatay na siya sa sobrang iyak niya. Samantalang ang anak naman niya ay nanatili ang panonood sa laptop ko. Ano kaya ang iniisip niya? Namamangha kaya siya sa pinapanood niya ngayon? Naalala ko na gano'n ang karamihan sa mga bata. Masiyado pa silang inosente, kaya kahit ano ang ipapanood sa kanila ay naeengganyo sila. Ngunit hindi ko inaasahan ang sasabihin ng bata. Tiningnan niya ang kaniyang ina na patuloy sa pag-iyak.
"Bad po pala si Papa. Bad na nga po siya sa bahay, tapos bad pa siya sa ibang tao. Sobrang bad po niya, Mama. Kaya bakit ka po umiiyak?" inosenteng sambit ng bata. Napakunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niya. Kung umakto si Ejiro kanina ay para bang mahal na mahal niya ang kaniyang anak. Kaya bakit gano'n ang sinabi ng batang ito?
Saka ko lang din napanssin na parehas silang mag-ina na balot na balot ang katawan. “Sshh, anak. Huwag kang maingay,” suway pa ng kaniyang ina.
Mabilis akong tumayo at nilapitan sila. Hinawakan ko ang bata at mabilis na itinaas ang manggas ng kaniyang jacket na suot. Nakitaan ko siya ng mga pasa. Pinilit siyang kunin sa akin ng babae, ngunit mabilis siyang pinigilan ni Paige. Kinausap ko naman ang bata.
“Pwede mo bang tanggalin ang suot mong jacket? Para mas makita ko ng ayos ang katawan mo?” tanong ko sa bata. Tumango naman siya at dahan-dahang tinatanggal ang jacket na suot niya.
“Lia, huwag mo siyang sundin! Huwag mong alisin ang suot mo!” sigaw pa ng kaniyang ina. Ngunit hindi nakinig ang bata sa kaniya. Nakita ko na may mga pasa at sugat ang batang nasa harapan ko sa kaniyang katawan. Itinaas pa niya ang isa niyang damit kaya mas nakita ko ang kabuuan ng katawan niya. Marami pang mga pasa roon. “Pati po sa bandang pwet ko ay may mga sugat po ako. Masakit nga po kapag uupo ako,” paliwanag pa sa akin ng bata.
Mas lalo akong nangalaiti sa galit. “Ibig sabihin ay sinasaktan ka ng tatay mo sa bahay ninyo?” tanong ko pa. Tumango naman ang bata. Narinig ko na mas lalong umiyak ang kaniyang ina at tuluyan nang nanghina. Inalalayan siya ni Paige. Itinuro naman ng bata ang kaniyang ina. “Pati po si Mama ay may mga ganito katulad ng sa akin. Parehas po kaming sinasaktan ni Pap araw-araw. Bad po siya.”
Masasabi ko na matalino ang batang ito. Ang lakas ng loob niya na hindi umiyak kahit nakulong na ang kaniyang ama. Ibig sabihin ay sa mura niyang edad, naiisip na rin talaga niya na sana ay makulong na noon pa ang kaniyang ama. Dahil sa pinaparanas sa kanilang mag-ina ni Ejiro. Hindi ako makapaniwala na gano’n siya kahayop. Daig pa niya ang may sakit sa utak. Hayop siya!
“Bakit mo sinasabi sa kaniya ang tungkol doon, Lia?! Mawawalan na tayo ng pera! Hindi na tayo mabubuhay kapag nakulong ng matagal ang iyong ama! Kailangan natin siya para mabuhay tayo!” umiiyak pa na sambit ng asawa ni Ejiro.
“Hindi mo na siya kailangan pa, Ma’am. Handa naman namin kayong tulungan, lalo na at biktima rin pala kayo ng kriminal na ‘yon. Dadagdag na rin sa kaniyang kaso ang tungkol sa ginagawa niya sa inyo. Child abuse ang nagawa niya sa kaniyang sariling anak at harassment naman sa ‘yo. Hindi tama ang mga nagawa niya, kaya kailangan niyang magbayad. Kung pera ang problema ninyo, magagawa namin kayong matulungan,” paliwanag sa kaniya ni Paige.
Tumayo naman ako at inayos na ang damit ng bata. Mabilis akong lumabas mula sa meeting room at nagpunta sa interrogation room. Hindi pa rin sila tapos na kausapin si Ejiro. Lumapit ako sa kaniya saka siya kinwelyuhan at itinayo.
“Kung makaakto ka kanina ay akala mo mahal na mahal mo ang anak mo?! Tapos malalaman namin na sinasaktan mo pala sila sa bahay ninyo?! Maraming kaso ang madadagdag sa ‘yong hayop ka. Sisiguraduhin ko na hindi ka na makakalaya pa sa kulungan,” sambit ko.
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong naman sa akin ni Benjamin. Binitawan ko si Ejiro at nilingon si Benjamin. “Abuser ang hayop na ‘to. Maraming pasa at sugat ang kaniyang anak at asawa dahil sinasaktan ni Ejiro ang kaniyang mag-ina. Umamin na ang mag-ina kanina sa amin. Nasa katawan din nila ang ebidensiya,” paliwanag ko.
“Talaga namang napakasama ng budhi mo!”
“Hindi totoo ‘yan! Huwag kayong gumawa ng kwento! Mahal na mahal ko ang mag-ina ko. Ginagawa ko ang lahat para sa kanila. Kaya ko nga ginawa ang trabaho na ‘yon ay para magkaroon ng malaking pera para sa aking pamilya. Hindi ko sila sinasaktan!”
Mabilis na pumasok sa interrogation room ang kaniyang mag-ina. Saka ipinakita ni Paige ang mga sugat na natamo nila mula kay Ejiro. “Hindi ko sila sinasaktan!” sigaw niya.
“Tinatanggi mo pa kahit nasa harapan na naming lahat ang ebidensiya?!” sigaw ni Benjamin.
“Hindi niya matatandaan ang nagawa niya sa amin, dahil may alzheimer siya.”