“Bakit ka nagsinungaling tungkol sa background mo?”
“Anong sinasabi mo na nagsinungaling siya sa background niya, Detective Cason? Ano na naman ba ang galit mo sa bata na ito? Wala naman siyang nagawang mali,” sabat agad ni Detective Walker. Hinintay ko muna ang sagot ni Detective Cason bago ako sumagot sa tanong niya.
“Ang sabi niya ay nang-hack siya, kaya nagawa niyang makuha ang footages na ito. Ibig sabihin ay marunong siyang mang-hack, pero hindi ko ‘yon nakita sa kaniyang background. Hindi ba dapat ay kasama ‘yon sa skills? Mukhang may history pa siya ng hacking.”
Ang taba talaga ng utak ni Benjamin. Pati ba naman ang mga gano’ng detalye ay kailangan kong ilagay sa resume ko? Hindi ko kailangang ipaalam na marunong akong mang-hack dahil malalaman ng mga kalaban, kung sakali man na may kaharapin kaming mga malalaking kaso.
“Hindi naman na kailangan pa ang mga gano’ng impormasyon—”
Natigil sa pagsasalita si Detective Walker nang muling magsalita si Benjamin. “Kung sakali na inilagay niya, hindi na sana siya natanggap pa na magtrabaho rito una pa lang. E ‘di sana wala akong poproblemahin na mga rookie na ganiyan,” aniya.
‘Yon pala ang dahilan kung bakit naisipan pa niya na nagsinungaling ako sa background ko? Tangina. Nakakagigil siya. Hindi ko alam na ganito pala siya kapobre. Ibang-iba ang ipinakita niyang ugali niya sa akin noon, kaysa ngayon. Halatang pakitang tao lang siya noon sa akin. Dahil ba madali akong mauto no’n at bata pa ako? Kaya gano’n niya ako tinrato? Pero ngayon ay hindi na uubra sa akin ang mga gano’n na ugali niya. Ipinapakita niya rin naman sa akin ngayon kung gaano kabaho ang pag-uugali na mayroon siya.
“Tingnan mo ang mga tinginan niya sa akin ngayon. Tama ba ‘yan? Halatang wala siyang respeto sa akin na akala mo’y matagal nang may galit sa akin,” sambit pa niya at bahagya akong itinuro. Hindi ko namalayan na sumasama na pala ang tingin ko sa kaniya. Lumalim na kasi ang mga iniisip ko, kaya siguro nadala na ako no’n.
“Paanong hindi sasama ang tingin sa ‘yo? Nakagawa na nga siya ng mabuti at malaking tulong sa akin, tapos kung ano-ano pa ang sinasabi mo tungkol sa kaniya. Pati ba naman ang mga gano’n na detalye ay mapapansin mo pa? Ngayon ko lang din nalaman na may interes ka pala sa background ng mga rookies. Akala ko ba ay wala kang pakialam sa kanila?”
Ramdam ko na mukhang naiinis na rin si Detective Walker sa ipinapakitang ugali ni Benjamin. Sino ba naman ang hindi magagalit? Daig pa niya ang isang bata kung umasta siya. Wala na siyang nagagawang tama sa paningin ko simula nang magtrabaho ako sa istasyon na ito. Gusto ko na lang siyang sapakin, para mailabas ko kahit papaano ang galit na nararamdaman ko para sa kaniya.
“Tsk. Kailangan kong tingnan, baka mamaya ay may spy na pala na nakapasok dito mula sa ating mga kalaban.”
‘Yon lang ang sinabi niya at mabilis nang bumalik sa interrogation room. Napailing na lang sa kaniya si Detective Walker saka ako tinapik at sumunod na kay Benjamin. Mukhang nagsasawa na rin si Detective Walker na humingi ng pasensya sa akin dahil sa pag-uugali ng kaniyang kasama. Kung ako sa kaniya ay iiwan ko na ang lalaki na ‘yon. Tutal hambog siya at ipinapakita niya na hindi niya kailangan ng katulong at kaya niyang mag-isa.
“Sinasabi ni Detective Cason na baka may galit ka sa kaniya noon pa. Pero sa nakikita ko, parang siya naman ang may galit sa ‘yo. Grabe, ikaw na lang lagi ang pinag-iinitan niya kahit hindi naman mali ang mga nagagawa mo. Malaki pa nga ang tulong mo tungkol sa kaso na mayroon tayo ngayon,” sambit naman ni Zephyr.
Nagkibit-balikat ako. Baka nga nakilala na talaga niya ako? Kaya gano’n ang akto niya sa akin ay dahil nagagalit siya? Dahil ba hindi niya ako napatay noon o ‘di kaya ay ang kasamahan niya? ‘Di pa man kumpirmado, pero nasa isip ko pa rin ngayon na may posibilidad na kasamahan niya ang lalaki na humahabol sa akin noong gabi na nasa eskwelahan ako. Hindi pa sapat ang mga nakakalap ko ngayon na mga impormasyon.
“Ano pa nga ba ang magagawa ko kung gano’n siya makitungo sa akin? Kung ayaw niya sa akin, hindi ko rin naman gusto na makisama sa kaniya,” sagot ko na lang.
“Pero ang galing mo, ha! Nagulat ako na marunong ka pa lang mang-hack, dahil wala naman sa itsura mo. Sa pagkakaalam ko ay bawal naman maging isang pulis o detective kapag hacker. Krimen din ‘yon, lalo na kapag may history ka na noon ng hacking tapos hindi ka lang nahuli. Cybercrime din kasi ‘yon. Kaya siguro gano’n ang sinabi kanina ni Detective Cason, na dapat ay inilagay mo para ‘di ka nakapasok dito,” kumento naman ni Paige. Umupo na muli kami sa kaniya-kaniya naming mga lamesa.
“Wala akong pakialam sa mga kumento niya tungkol sa akin. Hangga’t alam ko naman na wala akong ginagawang mali at maayos ang pagtatrabaho ko, hindi ako magpapaapekto sa kaniya. Lalo na at siya naman talaga ang may problema at hindi ako. Last week lang ang una naming pagkikita sa personal, pero gano’n na siya umakto sa akin,” kumento ko naman.
Kailangan ko pa rin na umakto, para walang makahalata sa akin na matagal na talaga akong may galit kay Benjamin.
“Hangga’t kaya mong pigilan ang sarili mo, huwag ka na lang muna sumagot kay Detective Cason. Mas ayos ‘yon para hindi ka na niya napapansin. Sagutin mo lang siya kapag tatanungin ka o kung ano man. Napansin ko rin na mukhang normal na sa ‘yo ang mga tingin na ‘yan at mukhang gano’n ka rin naman talaga magsalita. Baka iniisip niya lang na mukhang may galit ka sa kaniya dahil sa paraan mo ng pagtingin at pagsasagot.”
“Wala naman akong dapat na baguhin sa kung ano man ang mayroon ako ngayon. Kung ano ang pag-uugali ko, hindi ko ‘yon babaguhin. Wala naman akong tinatapakan na ibang tao at nakikisama naman ako ng ayos. Basta maayos din sa akin kung makitungo.”
“Oo nga, Paige. Ganiyan talaga ang ugali ni Kyson. Tingnan mo ng maiigi at obserbahan mo, medyo may pagkakaiba ang pakikitungo ni Kyson kay Detective Walker kumpara kay Detective Cason. Dahil mas maayos sa kaniya si Detective Walker. Matagal na naming kilala si Kyson, kaya alam na namin ang ugali n’yan,” sabat naman ni Nixon sa usapan naming dalawa ni Paige.
Mabuti na lang at alam na rin ng mga kaibigan ko ang ugali na mayroon ako. Tama naman si Nixon. Pero dahil hindi rin naman nila alam ang history naming dalawa ni Benjamin, kaya gano’n ang naiisip nila. Pero kung sakali man na maayos sana ang pakikitungo sa akin dito ni Benjamin, kaya ko sana na makipagplastikan din sa kaniya at ayusin ang pakikitungo ko. Ngunit una pa lang ay hindi ko na nagustuhan ang ipinakita niya sa aming mga rookies.
"Tara na sa interrogation room. Para malaman natin kung aamin na ba ang lalaki na 'yon o hindi."
Nang makarating kami sa interrogation room, pinanood namin kung paano kausapin ni Detective Cason si Ejiro sa loob. Nakatayo si Detective Cason sa harapan ni Ejiro, habang ang kaniyang mga kamay ay nakatuon sa lamesa sa pagitan nilang dalawa. "Narito na ang mga ebidensiya ng ginawa mo at pati na rin ng mga kasamahan mo. Kaya umamin ka na. Kung hindi ka aamin kung sino ang nag-utos sa 'yo, habangbuhay kang makukulong at sa 'yo mapupunta ang lahat ng parusa tungkol sa kaso na ito."
Nanatili pa rin na tahimik ang lalaki. Ramdam ko na ang inis ni Detective Cason. Lumabas naman ako at nagpunta sa kabilang kwarto kung nasaan sila. Narinig ko pa na pinigilan ako ng mga kasamahan ko at nagtataka sila kung bakit ako papasok dito. Napatingin sa akin si Ejiro at Detective Cason.
"Hoy, anong ginagawa mo rito? Lumabas ka," sambit agad sa akin ni Benjamin. Ngunit hindi ko siya pinakinggan. Humarap ako kay Ejiro at ipinakita ang litrato ng kaniyang anak sa harapan niya. Hinanap ko rin kung sino ang mga pamilya niya at nakita ko na may isa siyang babaeng anak at bata pa iyon. Nag-print ako ng isang litrato ng anak niya. Naisip ko na ito lang ang paraan, baka sakaling mapaamin ko siya.
"Gusto mo ba na mahiwalay sa iyong anak ng mahabang panahon? Hindi mo siya magagawang mapanood na lumalaki dahil sa nagawa mo, kung maaaring hindi mo na siya makita pa habangbuhay kapag hindi ka pa umamin kung sino ang nag-utos sa 'yo. Isipin mo ang anak mo at hindi ang kaligtasan ng nag-utos sa 'yo," seryosong sambit ko.
Hinawakan naman ni Benjamin ang balikat ko, kaya nilingon ko siya. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Hindi ka dapat nananakot ng gano'n at nandadamay ka pa ng pamilya niya."
"Bakit? May iba ka pa bang naiisip na paraan para mapaamin siya? Kung talagang nagpapaka-ama pa siya, iisipin niya ang kapakanan ng kaniyang anak kapag nalaman ng lahat na mamamatay tao ang kaniyang ama. Mahirap ang pagdadaanan niya habang lumalaki siya, lalo na at sisisihin din siya sa kasalanan ng kaniyang ama. Ang buhay ng inoosenteng bata na ito ay maaaring masira dahil sa kagagawan ng kaniyang walang kwentang magulang."
Hindi na nakasagot pa sa akin si Benjamin nang bigla na lang umiyak ang lalaki. "Aamin na ako! Aaminin ko na! Ayokong masira ang buhay ng anak ko! Kasalanan ko ito!" sigaw pa ni Ejiro sa amin. Binitawan naman ni Benjamin ang balikat ko saka niya muling nilingon ang lalaki.
"Sino ang nag-utos sa 'yo na sunugin ang City Mall at patayin si Mr. Senar?"
"Si Henry Chin ang nag-utos sa akin. Siya ang nagmamay-ari ng All Star Mall na kumakalaban sa City Mall. Mahina ang kita ng mall na 'yon at magkagalit diin sila ni Mr. Senar. Kaya naman nautusan niya akong pasabugin ang pinakamalaking mall dito ni Mr. Senar. Sakto rin na naroon siya kanina, kaya pinasabog namin ang City Mall. Sa pagkakaalam ko ay nagbabalak pa siyang pasabugin ang ilan pang mga branches ng City Mall sa iba't-ibang lugar," paliwanag naman sa amin ni Ejiro.
"Maghanda ka na ng warrant of arrest ngayon para kay Henry Chin," utos ni Benjamin kay Detective Walker. "Sabihin mo sa akin ngayon kung nasaan ang hayop na 'yon."
"Sa tingin ko ay naroon siya sa kaniyang malaking guest house. Isang oras ang layo mula rito. Nasabi ko na ang lahat at inamin ko na. Ano ang magiging kaso ko? Ayokong makulong habangbuhay."
Kinuha naman ni Benjamin ang litrato ng anak ni Ejiro saka pinunit 'yon sa kaniyang harapan. "Ang kapal naman ng mukha mo para ganiyan ang sabihin mo. Matapos mong pumatay ng maraming tao."
"P-Pero... inutos lang sa akin 'yon! Nangangailangan ako ng malaking pera at nag-offer siya sa akin. Tinanggap ko 'yon at sinunod ko lang ang utos niya!"
"Sa pagsunod mo ng kaniyang utos, maraming inosenteng tao ang namatay. Habangbuhay na dadalhin ng iyong anak ang kasalanan na nagawa mo. Wala kang kwentang magulang."
Hindi na nagsalita pa si Benjamin at lumabas na ng interrogation room. "Kasalanan mo 'yan, kaya kailangan mong harapin," sambit ko rin saka lumabas. Nang makalabas ako ay nakita kong pumasok si Benjamin sa loob ng meeting room. Bigla ay naramdaman kong nag-vibrate ang isang cell phone ko sa aking bulsa.
Kinuha ko 'yon at tiningnan kung sino ang caller. Hindi naka-save ang numero na 'yon kay Benjamin, kaya hindi ko kilala kung sino. Hinintay ko naman na sagutin niya ang tawag. Nang masagot na niya ay naghanap muna ako ng matataguan ko saka nakinig sa sasabihin ng tumawag. Hindi ko maririnig ang boses ni Benjamin dito, kaya ang kaausap lang niya.
"Kamusta ka na, Benj?"