Dinala namin sa interrogation room ang lalaki na nahuli ko. Iniwan muna namin siya roon mag-isa, habang patuloy siyang nagwawala. Gusto niyang magpadala sa ospital dahil hindi na raw niya kaya pa ang mga sugat na natamo niya. Ang kapal ng mukha ng hayop na ‘yon. Siya ang may kagagawan ng sunog, tapos siya pa ang malakas na magreklamo ngayon. Ni hindi ko man lang siya nakikitaan ng konsensya dahil sa mga namatay na inosenteng tao dahil sa kaniya. Madali lang sa kanila ang kumitil ng buhay ng isang inosenteng tao.
“Ano na ang plano natin sa kaniya?” tanong ni Detective Walker kay Detective Cason. Narito kami ngayon sa labas ng interrogation room. Hindi naman naririnig ng lalaki ang mga pinag-uusapan namin ngayon.
“Sa ngayon ay kailangan kong alamin kung sino ang hangal na nag-utos sa kaniya na gawin ‘yon. Sigurado ako na kalaban ‘yon ng negosyo na mayroon si Mr. Senar,” sagot niya. Si Mr. Senar na tinutukoy kanina ng lalaki na nasa loob ay ang may-ari ng City Mall. Ang lalaki naman na nahuli namin ay nagngangalang Ejiro Baile.
“Paano kung hindi siya umamin?”
“Mag-imbestiga ka ng ayos at isama mo itong mga rookie na ‘to. Para naman may pakinabang sila.” Tiningnan pa kami isa-isa ni Detective Cason saka natigil sa akin ang kaniyang mga mata.
“Inaasahan mo ba na pupurihin kita dahil sa nagawa mo kanina? Nakatiyamba ka lang kaya nahuli mo ang lalaki na ‘yan,” sambit pa niya sa akin.
“Wala naman po akong pakialam kung purihin mo ako o hindi. Ginawa ko lang ang trabaho ko at kung ano ang dapat ko na gawin. Hindi ako naghahangad ng kahit na anong kapalit mula sa ‘yo o sa kanino man. Mabuti na rin at sinwerte ako dahil doon ako nagpunta at nagbalak na mag-obserba, kaya nahuli ko ang kriminal at nagkaroon pa ng ebidensiya,” may kayabangan na sagot ko. Pero kahit papaano ay sinubukan ko na magbigay ng galang sa kaniya.
Ayoko naman na mas mag-init ang ulo niya sa akin. Baka maisipan pa niyang mag-background check tungkol sa akin. Ayokong ipahamak ang sarili ko at masira ang lahat ng mga naplano ko ng ilang taon para lang mahuli ang salarin sa kaso ni Mama noon. Lalo na at iniisip ko na kasabwat si Benjamin Cason sa pangyayari.
“Tama lang din ang nagawa niya, Detective Cason. Kung hindi siya roon nagpunta, baka wala tayong nakuha na kahit na ano sa City Mall kanina. Mabuti nga at hindi na tayo nahirapan pa na alamin kung ano ang sanhi ng sunog. Ang kailangan na lang natin problemahin ngayon ay kung aamin ba siya kung sino ang nag-utos sa kaniya o hindi,” sabat naman ni Detective Walker sa amin.
“Kakausapin ko na muna si Ejiro. I-record niyo na. Nakuha na rin kanina pa ang phone na ginamit niya at naipasa na ang ebidensiya kay Chief Detective. Samantalang kayong mga rookie, imbestigahan ninyo kung may makukuha pang ebidensiya sa City Mall,” utos sa amin ni Benjamin.
Pumasok na siya sa kabilang kwarto upang kausapin ang kriminal. Mabilis naman na sumunod ang tatlo kong mga kasamahan. Tiningnan ako ni Detective Walker. “Ako na ang bahala rito. Sundin mo na lang ang utos sa inyo ni Detective Cason,” aniya.
Hindi na ako nakapalag pa, dahil siya ang nagsabi. Kaya naman sumunod na ako sa mga kasamahan ko. May mga iba kaming emplyeado na nakuha bilang mga witness at ligtas naman sila. Kinakausap na sila ngayon ni Paige. Samantalang si Nixon at Zephyr naman ay kausap ang mga pamilya ng mga namatay sa sunog. Ako naman ay tinitingnan ang mga CCTV footages sa laptop ko mula sa City Mall. Dahil nasira na rin ang mga computers sa security room nila, sinubukan ko na i-retrieve ang mga footages na ‘yon. Kahit papaano ay marunog ako na mang-hack. Naturuan ako ng kakilala ko na binisita ko noong nakaraan sa kaniyang shop.
Ilang oras ang ginugol ko hanggang sa maibalik ko na ang mga footages sa City Mall. May ilang mga footages nang deleted. Mukhang may kasabwat din si Ejiro sa security team ng City Mall. Nagawa nilang burahin ang mga footages na nagtatanim ng mga bomba ang mga kriminal sa bawat bahagi ng gusali. Pero ang mga footages na pumasok si Ejiro sa opisina ni Mr. Senar ay napanood ko. Nakalagay ang kaniyang opisina sa first floor sa bandang dulong bahagi. Pumasok doon si Ejiro at dahil hindi naman naririnig kung ano ang kanilang mga sinasabi, mas nag-focus na lang ako sa kung ano ang mga gagawin nilang aksyon.
Nakita ko na nagpakita si Ejiro kay Mr. Senar ng dalawang bomba. Sa tingin ko ay tinatakot niya si Mr. Senar noong mga oras na ‘yon. Hanggang sa makita ko na lang na nagsusuntukan na sila. Ngunit dahil may katandaan na si Mr. Senar, nagawa siyang matalo ni Ejiro. Natumba sa sahig si Mr. Senar at medyo duguan na ang kaniyang kalahating mukha dahil sa pagkakasuntok sa kaniya ni Ejiro. Napahiga siya sa sahig at mabilis nang tumakbo si Ejiro palabas sa opisina ni Mr. Senar.
Kumuha ng isang upuan si Ejiro at iniharang ‘yon sa pinto ng opisina ni Mr. Senar. Nang sa gano’n ay hindi na makalabad pa si Mr. Senar sa kaniyang kinaroroonan. Nakita ko na nagpupumilis si Mr. Senar na buksan ang pinto at humingi ng tulong sa kaniyang CCTV sa opisina, ngunit kasabwat din ang gumagalaw no’n. Idinikit ni Ejiro ang dalawnag bomba sa pintuan ng opisina ni Mr. Senar. Saka na ito nanakbo palabas. Napansin ko na kanina pa pala nagsimula ang timer ng bomba. Ibig sabihin ay napindot ‘yon.
Kinuha naman ni Mr. Senar ang telephone na mukhang pang page ‘yon, kung saan maririnig ng lahat ng mga tao sa loob ng mall ang kung ano man ang sasabihin niya. Nabasa ko sa isang report galing sa ibang emplyedo ng City Mall kung ano ang mga huling salita ni Mr. Senar kanina.
“THIS IS AN EMERGENCY! EVACUATE THE MALL NOW! FASTER! THERE ARE BOMBS AROUND THE MALL AND THIS IS NOT A DRILL OR A PRANK. PLEASE, GO AND SAVE YOUR LIVES NOW. RUN AWAY FROM THIS MALL!”
Hindi ko naman inaasahan na gano’n pala ang mga huling salita niya bago siya namatay. Humanga ako sa kaniya dahil kahit alam niyang nalalapit na ang kamatayan niya, hindi na siya humingi ng tulong mula sa iba pa. Mas pinili niya ang kapakanan ng mas nakararami. Lalo na at mga customer din naman niya ang mga ‘yon. Malaki na siguro ang utang na loob niya sa mga customer niya na ‘yon. Pero hindi hanggang sa kapahamakan ay gusto niyang madamay ang mga tao na ‘yon. Iniligtas niya ang mga tao na ‘yon, kahit hindi na niya maililigtas pa ang kaniyang sarili.
Naikuyom ko ang kamao ko nang makita ko na isa-isa na 'yong sumasabog, hanggang sa masira na rin ang mga CCTVs na nasa mall. Natapos naman na sa pag-iinterview ang mga kasamahan ko. Napansin ko ang bawat pamilya ng mga nabiktima ng sunog na naghihintay sa labas ng station at nag-iiyakan. Nangangalaiti sila sa galit para sa lalaki na may kasalanan kanina. Nakikita ko ang sarili ko noon sa kanila. Naramdaman ko rin ang galit na 'yon noong namatay ang inosente kong ina dahil lang nadamay sa isang bagay na wala siyang kinalaman. Nangalaiti rin ako sa galit at ramdam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Lalo na at hindi inaasahan na sa araw na 'yon sila mamamatay at mawawala sa piling namin.
"Nakakaawa sila. Hayop talaga ang lalaki na 'yon, pati na rin kung sino man ang nag-utos sa kaniya na gawin 'yon," rinig ko pa na kumento ni Paige. Sakto naman na lumabas na mula sa interrogation room ang dalawang detectives saka lumapit sa amin. Inilagay ko naman sa isang flashdrive ang mga CCTV footages. Tumayo ako at hinarap ang dalawang detectives.
"May nakuha ba kayo mula sa mga empleyado na nakaligtas?" tanong ni Detective Walker sa amin. Si Detective Cason naman ay dumeretso sa kaniyang lamesa at umupo. Napansin ko pa na hinilot niya ang kaniyang noo, mukhang stress dahil sa nangyari sa loob ng interrogation room. Iniisip ko kung umamin ba ang lalaki kung sino ang nag-utos sa kaniya.
"Lahat sila ay iisa lang ng sagot sa akin. Hindi raw nila alam na may gano'n na mangyayari at hindi nila 'yon inaasahan. Mukhang malinis ang pagkakakilos ni Ejiro at ng kaniyang mga kasamahan sa paglalagay ng bomba. Mukhang namatay ang tao sa security room kaya hindi namin magawang malaman kung bakit hindi agad naaksyunan kahit may mga CCTVs naman sa paligid ng City Mall," sagot ni Paige.
"Hindi nga rin umamin si Ejiro kahit kanina pa namin siya pinipilit. Galit na galit na si Detective Cason sa kaniya, dahil hindi niya mapilit. Nanggigigil pa man din siya sa mga gano'ng ugali ng mga kriminal. Kaunti na lang ay gusto na niyang saktan 'yon."
Iniabot ko naman sa kaniya ang flashdrive ko. "Na-recover ko ang CCTV footages ng City Mall kahit sira na ang mga CCTV doon. Narito ang lahat ng mga pangyayari kanina bago naganap ang sunog. Ang tao naman sa security room ay namatay na bago pa magkaroon ng sunog, dahil pinatay ni Ejiro. Upang walang makapag-report ng kanilang mga gagawin. Marami-rami rin ang mga kasamahan ni Ejiro. Pumasok sila mula sa exit area at pinatay din ang dalawang guwardiya roon. Kaya madali lang sa kanila na makapaglagay ng mga bomba sa bawat paligid ng City Mall. Makikita rin d'yan kung paano lumaban si Mr. Senar kay Ejiro at kung paano niya iniligtas ang mga customers kanina," mahabang paliwanag ko naman sa kaniya. Napansin ko na napatayo si Detective Cason mula sa kaniyang kinauupuan at mabilis na hinablot kay Detective Walker ang iniabot ko na flashdrive.
Isinalpak naman niya 'yon sa kaniyang laptop at pinanood nila ang mga pangyayari na nakalagay doon. Ipinakita ko rin kung ano ang sinabi ni Mr. Senar kanina para makalabas ang mga customers ng City Mall. Nakitaan ko naman ng galit ang itsura ni Detective Cason. Naalala ko na naman ang nangyari noon. Gano'n na gano'n din ang itsura na naipakita niya sa akin noon. Pero ang totoo ay isusuko niya lang din pala ang kaso ni Mama. Dahil ba hindi na niya nahanap kung sino ang pumatay kay Mama? O 'di kaya ay kasabwat siya sa pagpatay sa aking ina? Imposible na dahil sa hindi niya nahanap ang pumatay. Lalo na at mabilis na itinigil ang kaso ni Mama. Ngayon na kasama ko na siya sa mga ganitong kaso, malalaman ko kung paano talaga siya magtrabaho.
"Ipapanood mo na ito sa kaniya ngayon. Baka sakali na mapaamin natin siya kapag nakita niyang na-recover natin ang tungkol dito," utos naman ni Detective Walker. Nilingon naman ako bigla ni Benjamin. Bakit gano'n na naman ang mga tinginan niya sa akin. May problema na naman ba siya sa ginawa ko?
"Paano mo na-recover ang mga footages na ito? Hindi ka naman yata umalis at nagpunta sa mismong site," nagtataka na tanong niya sa akin. Pati ba naman 'yon ay kekwestiyunin niya? Bakit hindi na lang siya magpasalamat na malaki na ang naitutulong ko para sa kaso na ito?
"I hacked their system. Madali lang naman na ma-recover ang mga footages na 'yan dahil ang mga cameras lang naman ang nasira, but not the entire memory of it. Kaya nakuha ko ang mga 'yan. Alam ko na krimen ang pagha-hack, pero ginagawa ko lang naman 'yon kung kakailanganin at hindi para sa mga ilegal na bagay," seryosong sagot ko. Inunahan ko na siya dahil baka barahin niya ako na isang krimen ang pagha-hack.
"Bakit ka nagsinungaling tungkol sa background mo?"
Hindi ko inaasahan ang tanong niya na 'yon. Ano ang ibig niyang sabihin? Alam na ba niya na maraming hindi totoo sa background ko?