“BABES, I WANT to know everything, please?”
Kasalukuyan na silang nasa restaurant ngayon ng kanyang kasintahan.
Nang iwan niya si Alex kanina sa sementeryo ay nahirapan siyang makasakay dahil hindi siya hinihintuan ng mga taxi, dahil siguro sa itsura niya na basang basa. Nagulat na lang siya ng biglang may tumigil na sasakyan sa tapat niya, hindi siya pamilyar sa sasakyan kaya nakaramdam pa siya ng takot. Nang buksan ng nag mamay-ari ng sasakyan ang bintana nito ay nagulat siya ng makita niya si Alex. Ito na ang naghatid sa kanya papunta sa gusali na pagmamay-ari ni Olivia.
Gusto niya pang tanungin si Alex kung kanino yung sasakyan pero nahiya na siya kaya hindi na niya iyon tinanong pa. Halos hindi din siya mapakali sa sasakyan dahil sa pag-aasikaso sa kanyan ni Alex, ang pag-aalala nito dahil sa pagkabasa niya sa ulan. Hindi na siya nagpaalam ng maayos sa binata dahil sa pagmamadali at pagkailang niya.
Kahit si Olivia ay nagtaka dahil sa itsura niya lalo na sa namumugto niyang mga mata. Kinuwento naman niya dito ang pag-iyak niya sa puntod ng kanyang ina at biglang pagbuhos ng ulan. Pero hindi niya na ikinuwento pa ang tungkol kay Alex.
Nakita niya ang pag-aalala ng kanyang kaibigan, niyakap lang siya nito pagkatapos niyang magkwento. Hindi na nagtanong pa si Olivia tungkol sa problema kung bakit labis ang pag-iyak niya dahil alam nitong hindi siya magku-kwento kapag hindi pa siya handa.
Nakatulog pa siya ng dalawang oras bago siya sunduin ni Pierre.
“Yes Babes, I’ll tell you everything” pinipilit niyang maging masigla sa harap nito dahil ayaw niyang mag-alala ito sa kanya, ayaw niyang dumagdag pa sa problema nito.
Ikinuwento niya ang lahat, mula ng umalis ito sa ospital, yung pagpunta nila sa Batangas, pagbalik nila sa Manila, pagpunta nila sa prisinto, at ang pagpapahinga niya ng dalawang araw sa mansyon.
Hindi na ikinuwento pa ni Samantha ang tungkol sa mga sinabi ni Rebecca.
“Kayo lang ni Alex ang nasa Batangas?” tanong ni Pierre na inaasahan na niya.
Muntik niya ng sabihin ang totoo nang may biglang sumagi sa isip niya. “No Babes, kasama namin yung girlfriend niya” sagot niya. Ayaw niyang magsinungaling pero ayaw din niyang magselos ito.
“Oh, may girlfriend pala siya” sabi nito. Nakita niya ang pag aliwalas ng mukha nito.
“Yes, sa Batangas nakatira kaya hindi namin nakikita” sagot niya.
Nakita niya ang pagbuntong hininga nito na parang nabunutan ng tinik sa lalamunan. “Wala pala akong dapat ipag-alala” sabi nito.
Napakunot noo siya dahil sa sinabi ng kanyang kasintahan. “What do you mean?” pagtatakang tanong niya.
“You know what Babes…” pagsisimula nito.
Ibinaba nito ang hawak na kutsara at tinidor, uminom ng tubig, at umayos ng upo bago muling nagsalita. “…when you told me na lalaki na ang magiging bodyguard mo I feel jealous, I feel like anytime you will fall in love with him or vice versa…” bigla siyang nakonsensya dahil sa sinabi ng kanyang kasintahan, kitang kita niya ang lungkot sa mga mata nito. “…imagine na everyday kayong magkasama kahit sa mansyon, sa tuwing wala ako siya ang kasama mo, tuwing nasa panganib ka siya ang magtatanggol sa’yo, samantalang ako, ako na boyfriend mo, na partner mo, walang magawa to make you safe…” nakita niya ang pagpipigil nito ng emosyon. Kilala niya ito dahil tulad niya ay ma-emosyonal na tao din ang kanyang kasintahan. Nakita niya ang pagbuntong hininga nito. “…sinabi ko lang na mas okay na lalaki ang bodyguard mo pero ang totoo ang sakit sakit sa akin nun, ang sakit na ibang tao ang gumagawa nun para sa iyo”
Uminom ito ng tubig para pigilan ang emosyong nararamdaman nito. Habang umiinom ay tinitigan niya lang ito, ngayon niya lang napansin na ang laki na pala ng pinayat ng kanyang kasintahan. Nakaramdam siya ng hiya dito dahil pakiramdam niya ay sarili niya lang ang iniisip niya, pakiramdam niya ay hindi niya na nabibigyan ng atensyon ang taong totoong nagmamahal sa kanya.
Naalala niya noong unang beses niyang nakita si Pierre ay na love-at-first-sight na siya dito, noong unang tao niya sa kolehiyo. Nauna ng dalawang taon si Pierre sa kanya at naging kaklase niya ito sa isang minor subject. Ang mga ngiti at magandang mata nito ang gustong gusto niya, sa tuwing nginingitian siya ni Pierre ay kinikilig agad siya at alam niya na marami ding may gusto dito kaya alam niyang hindi siya nito mapapansin.
Naalala niya ang araw na umamin si Pierre sa kanya, anibersaryo ng paaralan nila at nagkaroon ng mga akitibidad bawat kurso. Habang nag-aayos siya ng pwesto nila para sa magiging pakulo ng kurso nila ay biglang lumapit si Pierre at binigyan siya ng bulaklak, hiyang-hiya pa siya noon dahil pawis na pawis at halos wala siyang make up pero tinanggap niya pa din ang bulaklak na binigay sa kanya ni Pierre. Naramdaman din niya ang mga matang nakatingin sa kanya lalo ang mga babaeng may gusto din dito at syempre naririnig din niya ang panunukso ng mga kaibigan niya na nasa likuran niya. Doon nagsimula ang panliligaw ni Pierre sa kanya hanggang sa sagutin niya ito pagkailpas ng apat na buwan.
“I’m sorry Babes, I am sorry…” mahinang sabi niya.
Noong sinagot niya si Pierre ay ipinangako niya sa sarili niya na hindi siya gagawa ng dahilan para magselos si Pierre kahit kanino, iingatan niya ang relasyon nila, gagawin niya ang lahat para maging masaya sila lalo na si Pierre, mamahalin niya ng husto si Pierre, pero bakit, bakit ganto ang nararamdaman ni Pierre ngayon, bakit nasasaktan niya si Pierre, bakit hinayaan niyang magselos ang kasintahan niya.
“I’m sorry dahil hindi ko alam na ganyan na pala ang nararamdaman mo… I am sorry kung sarili ko lang ang iniisip ko…” sabi niya.
“No Babes… no… it’s not your fault, I don’t know why pero sobrang na-insecure ako. Nang sinabi kong mas okay kung lalake ang bodyguard mo kasi alam kong mas mapapanatag ako na kaya ka niyang ipagtanggol, pero iba ang sinasabi ng puso ko… iba ang nararamdaman ko… At hindi ko na siyang kayang itago Babes…”
Ang sakit, ang sakit sakit na makitang nasasaktan niya ang kanyang kasintahan ng hindi niya alam.
“I tried Babes, I tried na wag pansinin ang nararamdaman ko pero pakiramdam ko sasabog na ako. Halos mabaliw ako noong nalaman kong may gusto kumidnap sayo pero wala ako sa tabi mo, hindi ko alam kung kakayanin ko pag may mangyari sayo”
“I am sorry Babes…” ang nasabi na lang niya.
Hindi niya alam ang sasabihin niya, hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag, hindi niya alam kung paano niya pagagaanin ang nararamdaman nito.
“It’s not your fault Babes…” bumuntong hininga uli ito bago muling nagsalita. “… Nagkataon lang na ako ang nag aasikaso ng lahat sa bahay, ng business namin, kay Mommy, I am having a hard time to balance my time, mas natutuon ang atensyon ko sa business at family ko kaya unti-unti namang nawawala ang oras ko sayo. Kung meron lang akong sapat na oras, sana ako ang lagi mong kasama, sana ako ang nasa tabi mo, sana ako ang nagtatanggol sayo, sana…”
“No Babes, I really do understand…” hinawakan niya ang kamay ng kanyang kasintahan. “…that’ the reason kung bakit hindi ako masyadong nagkukwento sayo dahil ayokong dumagdag sa mga iniisip mo” sabi niya.
“Mas gusto kong nagkukwento ka sa akin para alam ko kung ano nararamdaman mo… ” sabi ni Pierre, hawak hawak na din nito ang kamay niya. “…ayoko ng pakiramdam na wala akong alam sa nangyayari sayo, ayokong maramdaman na napapalayo ka na sa akin” sabi nito at hinalikan ang mga kamay niya.