Dumating ang araw na aalis sila papuntang Batangas para sa kaarawan ni Senator Monteclaro. Excited ang grupo dahil matagal na rin silang hindi nakakapag-out of town ng magkakasama. Sa gabi pa ang naturang event ngunit umaga pa lang ay umalis na ng Quezon City ang mga alaga ni Madam Aura. Hindi na sumama ang babae dahil exclusive ang nasabing function at may ka-meeting ito. Dala ang kanilang mga gamit para sa party ay kanya-kanya silang bitbit ng mga ito. Upang huwag mahuli sa event ay mismo ang Senador ang nagpasundo sa kanila sa bahay ni Madam Aura. Alas siyete ng umaga ay matiyagang naghihintay sa labas ang driver ng Senador.
"Bilisan ninyo at nakakahiya sa taga-sundo!" sigaw ni Madam Aura.
Mabilis naman na gumalaw ang mga alaga ni Madam Aura at prenteng naupo sa mahabang van na pinasundo ng Senador. Inaasahan na maaga silang makarating sa venue bago pa ang mga bisita nito.
"Magandang araw po, mga Ma'am! Ako po pala si Luisito, ako po ay driver ni Senator Monteclaro na s'yang nagpapasundo sa inyo." Magalang na pagpapakilala ng driver sa mga nagagandahang dilag.
"Hello Kuya! Salamat sa pagsundo," tugon ni Candy.
"Ano to bakasyon na andami ninyong dala-dala?" biro ni Mandy.
"Nagsalita ang walang baon. Siyempre nagdala kami ng aming swimming attire dahil baka mamaya ay maisipan natin na maligo doon. Saka hindi natin alam kung ano ang dadatnan natin sa lugar," pahayag ni Melissa.
"Oo nga. Girl scout tayo eh," sagot ni Aria.
Binalingan naman ni Melissa ang driver na sumundo sa kanila.
"Kuya, sa Batangas pa kayo nanggaling?" usisa ni Melissa rito.
"Hindi po Ma'am, diyan lang po sa Manila. Doon kasi ako nakatira dala ko na itong sasakyan para malapit lang at hindi ako mahirapan," sagot ng mabait na driver sa dalaga na hindi maalis ang tingin sa kalsada.
"Ganun po ba. Pero minsan na kayo nakapunta sa resort na pupuntahan natin?" curious na tanong ng dalaga.
"Opo, maganda po doon. Paboritong bakasyunan po iyon ni Senador kasama ang kanyang pamilya kaya gamay ko na po ang papunta doon," kwento nito.
"Mukhang mabuting amo naman po si Senador sa inyo," komento ni Mandy na hindi makatiis na hindi makisali.
Sa bandang likuran na upuan ang mga ito nakaupo habang sa front seat katabi ng driver naman si Melissa.
"Opo Ma'am, mabait po sila Senador sa amin. Saka iyong may-ari ng resort ay kaibigan din po nila kaya doon ang napili nila." Patuloy na kwento ni Luisito.
Base sa kaalaman nila ay mga pulitiko at negosyante ang mga bisita. Naroon lang naman sila para sa mga matandang pulitiko na nangangailangan sa kanilang serbisyo. Karamihan sa mga ito ang tanging gusto nila ay ang may makausap at makasama. Sa kanilang grupo naman ay walang nagpipigil sa kanila kung sasama sila sa kliyente after ng party na may ibayong pag-iingat. Magtatanghalian na nang sila ay dumating ng resort. Bihasa ang driver ng Senador dahil maingat talaga ito sa pagmamaneho.
"Napakagandang araw para sa mga nagagandahang mga Binibini! Welcome po sa The Mads' Resort Batangas!" masiglang pagbati mula sa isang lalaki.
Nagpakilala ito na caretaker at manager ng naturang resort. Sa unang tingin pa lang ay masasabi na isa itong exclusive resort at hindi madali ang makapasok rito. Ayon sa nagpakilala na caretaker at manager ay may iba pa silang staffs na na-assign sa reception, restaurant crew, engineering and maintenance, maging sa kanilang housekeeping. Dinala sila sa waiting area sa reception para sa kanilang registration saka hinatid sa kanilang tutuluyan. Sa isang villa house sila hinatid ng mismong manager.
"Ladies, just make yourselves comfortable. Okay? Ayaw namin na maiilang kayo or if you need anything pakisabi na lang sa ating reception." Bilin ng manager na nagpakilala sa pangalang Maki.
"Thank you po Sir!" magkasabay na saad ng grupo.
"Very much welcome. Inform na lang kayo ng reception kung ready na ang inyong lunch. Enjoy your stay, I have to go!" nakangiti na paalam ni Maki sa kanila.
"Mag-ikot tayo sa resort after lunch," excited na sabi ni Leslie sa mga kasama.
Sa kanilang lahat ay ito ang madalas na mahilig mag-ikot at mag-explore sa bawat lugar na kanilang pupuntahan.
"Oo naman noh! Nagpunta tayo dito para kumita at mag-enjoy siyempre." Sagot ni Melissa.
Na-curious s'ya kung sino ang may-ari ng nakakahalinang lugar na ito. Maganda at maluwang ang villa na binigay sa kanila. May sarili itong living room, balcony, kitchen at dalawang family size na silid na may sariling banyo. Dalawang palapag ito, kaya over-looking din ang malinis at asul na dagat.
"In all fairness, I like this place so much. Beach front, may pool at may amusement place. Tingnan mo!" bulalas ni Leslie na nakatayo sa balcony kung saan makikita ang ilang bahagi ng resort.
Ma-view ang maaliwalas na restaurant, malinis na pool, gym, amusement park na para sa mga bata, bar and entertainment area. May tatlong villa houses sa lugar at mayroon din silang single cottages sa tabing dagat na may access din sa pool. Bago marating ang villa houses ay mayroon ding row units for single and double occupancy. Mapapansin na ang nagagagandahang decorations para sa gaganaping party na gawa ng event organizer na napili ng Senador. Biyudo ang Senador kaya malaya ito sa nanaisin nitong gawin. Ang palaging kasama daw nito ay ang dalawang anak, mga kapatid at pamangkin ayon sa driver nito na si Luisito.
"Bongga. Ang yaman talaga siguro ng may-ari nito." Pahayag ni Candy.
"Sigurado iyan. Nandito din kaya nakatira ang may-ari?" tanong naman ni Aria.
"Kung ako ang papipiliin, gusto ko manatili sa ganitong lugar. Ang sarap mamuhay dito," saad ni Melissa.
"Sinabi mo pa lalo na kung hindi mo na problema ang susunod mong lalamunin," tugon ni Mandy.
"Of course. Parang hindi ka naman nababagay na tumira dito kung problema mo kung paano ka makaka-survive sa susunod na araw," pagsang-ayon ni Leslie.
Ilang sandali lang ay may tumatawag sa telepono.
"Ikaw na sumagot." Utos ni Aria kay Melissa na sinunod naman ng dalaga.
"Lunch is ready. Let's go!" pagbibigay alam ni Melissa sa mga kasama.
Sabay sila na naglakad patungo sa restaurant ng resort. Nakakamangha ang mga bulaklak, mga maliliit na istruktura at ilang pananim na mga gulay at puno ng niyog. Makikita din na self-sustaining ang lugar dahil mayroon silang garden sa likod ng villas. Pagdating sa restaurant ay nakahanda na ang lahat ng pagkain. Ngunit bago pa sila magsimulang mananghalian ay may bisita na dumating at lumapit sa kanilang grupo. Nakangiti ito sa kanilang lahat bago napako ang tingin kay Melissa.
"Hello ladies, good morning! I am Hendrick and I own this resort. I dropped by to welcome you all!" ang sabi ng matandang Amerikano.
Straightforward ito magsalita ngunit magiliw sa pakikipag-usap sa mga turista na kagaya nila.
"Thank you for having us here. Join us!" paanyaya ni Candy sa nagpakilala na may-ari ng lugar.
"I would love to, but I can't right now." may panghihinayang na tugon ni Hendrick.
"Alright, but let me introduce you to my team. I am Candy, and meet my friends, Melissa, Leslie, Mandy, and Aria." Pagpapakilala sa kanila ni Candy sa bagong dating.
"You are so kind to do that. Nice to meet you all, lovely ladies. Maybe I can join you all tonight. Thanks for the invitation. See you!" paalam ni Hendrick sa kanilang grupo at mabilis na nawala ito sa kanilang paningin.
"He is so humble and sweet," papuri ni Leslie sa kakaalis lang na matandang lalaki.
"I know, single pa kaya s'ya?" tanong ni Aria.
"Why? Type mo?" maanghang na tanong ni Mandy.
"Why not. Pogi din naman s'ya kahit na may edad na saka may datung, hindi lang dating ang mayroon s'ya." Sagot ni Aria at kumindat pa.
"Ikaw mukhang pera ka talaga," naiiling na kontra ni Mandy.
"Kaya nga tayo nandito dahil kailangan natin ng datung. Saka ikaw kontrabida ka talaga madalas," sumimangot na saad ni Aria.
"That's enough girls. Both of you have made your points, okay? Tapusin natin ang ating mission tonight and the rest, bahala na kayo!' saad ni Melissa.
Maraming pagkain ang hinanda ng resort at hindi nila kayang ubusin lahat. Napapaliyad sa kabusugan ang mga dilag at hindi pa napigilan ang mapadighay.
"Excuse me! Pasensya na, napasarap eh." Saad n'ya.
"Doon tayo!" aya ni Leslie sa mga kasama na gustong silipin ang pool at ang tabing dagat.
Ilang sandali lang ay nilakad na nila ang kanina lang ay itinuturo ng kasama.
"Asawahin ko kaya ang may-ari nito. Parang ayoko na umalis dito, ang ganda eh." saad naman ni Candy.
"Sus, type ka kaya? Mukhang si Melissa ang bet kanina eh," pakli ni Mandy.
"Bakit, ako? Paano ako nasali sa usapan ninyo? Nanahimik ako rito noh," sagot ng dalaga.
"Ako lang ba ang nakakapansin kanina? Sa iyo tumagal ang mga mata ni Sir, pustahan pa tayo. Hindi matatapos ang araw ng pamamalagi natin dito tiyak lalapit iyon sa iyo," pahayag ni Leslie na para bang sigurado sa kanyang mga sinasabi.
"Ganun? Eh di kay Melissa na s'ya. For sure, may anak iyon. Iyong anak na lang sa akin. Pwede na iyon." Sagot ni Candy.
Natawa na lang sila sa takbo ng kanilang usapan habang parang mga bata na naglalaro sa dalampasigan. Nasilip na nila ang pool kanina ngunit mas bet nila tumagal sa tabing dagat dahil na-miss na nila ang feel ng nasa beach. Nagpasya ang grupo na manatili sa beach sa buong maghapon. Hindi nila alintana ang mainit na sikat ng araw. Masaya silang nag-uusap at naglalaro sa buhanginan.
"Kumusta kaya s'ya?" naalala ni Melissa si Gregory.
Biglang pumasok sa kanyang isipan ang binata. Nagpaalam din ito na uuwi sa kanilang probinsya at mamalagi daw ito doon ng ilang araw. Kung saan man ito ay hindi n'ya alam. Napako na ang kanyang atensyon sa magandang tanawin kasama ang mga kaibigan kaya pansamantala n'yang nakalimutan si Gregory. Sa nakalipas na araw ay magkasama din naman sila ng madalas ng binata sa pad nito o hindi kaya ay sa labas sila nagkikita. Hindi nila napagsasawaan gawin ang palagi nilang ginagawa sa tuwing sila ay magkasama.
Makalipas ang alas kwatro ng hapon ay nagpasya ang grupo na maligo sa dagat. Hindi na masyadong mainit kaya kahit magbabad sila sa tubig ay okay lang.
"Ang seksi naman!" papuri nila sa isa't isa.
Bawat isa sa kanila ay may taglay na katangian na hindi maipagkakaila na nakakahikayat sa mga lalaki. Maalaga sila sa katawan at maintain ang healthy diet lalo na sa bahay ni Madam Aura. Nakakapag- cheat lang sila sa pagkain kung sa labas sila.
"Ano oras tayo aahon?" tanong ni Mandy.
"Bago mag-alas sais dahil alas otso magsisimula ang party," saad ni Melissa sa mga kasama.
Umahon na sila pagkatapos lumubog ang araw upang maihanda ang kanilang mga sarili para sa mangyayaring party sa resort. Nagbukas na ang mga ilaw sa buong resort kaya mas naging kaakit-akit ito sa gabi. Nagmukha itong romantiko dagdag pa ang himig ng musika sa tugtugin na namayani sa buong lugar.