MY DAD called me earlier and he told me that my cousin Riex has arrived. Ang daddy ko pa mismo ang sumundo sa kaniya sa airport kaya nagmamadali akong tumungo sa kanila. Halos pitong taon ko rin hindi nakita ang pinsan ko at aminado akong nami-miss ko na rin siya. Marami siyang inilihim sa akin mula noong sumama siya sa tiyahin namin sa ibang bansa.
“Riexen!” tawag ko nang makarating ako sa bahay nila at nakita siya.
Napalingon naman siya sa akin at ako naman na nag-atubiling lapitan siya. I am very excited to see her at agad ko rin siyang niyakap nang mahigpit. Ang pinsan ko na ito ang siyang naging matalik ko rin na kaibigan mula pa noong mga bata pa kami. Siya rin ang mga nakakaalam ng mga bagay tungkol sa mga naging boyfriend ko noon sa Europe.
“God! Is this you?” Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko sa kaniya matapos akong kumalas sa pagkakayakap. Pinasadahan ko rin siya at napuna ko sa sarili ko ang isang bagay. “Ang laki ng pinagbago mo.”
“Ikaw rin.” Bahagya siyang ngumiti sa akin at pinagmasdan din niya ako. “Mas lalo ka yatang gumanda ngayon at blooming.”
“Maliit na bagay, Riex. Pero nagtatampo na ako sa iyo. Kung hindi lang tumawag ang daddy na umuwi ka na pala, hindi ako susugod dito. Wait…” Pinasadahan ko rin ng tingin ang buhok niya. “What happened to your hair, Riex?” Umigsi ang buhok niya ngunit bumagay naman sa kaniyang hugis pusong mukha.
“It’s for a change, Gette. Sorry at hindi na ako nagsabi sa iyo nang personal dahil dumiretso kami sa ospital. I need to check my father’s condition first. Kumusta ka na rito?” pormal niyang tanong sa akin.
“I’m fine. Loveless nga lang. But it’s okay. I enjoyed my life being a single as usual. Ikaw, kumusta ka na? Saan ka ba nanggaling?” Alam ko naman kung saan siya galing dahil sinabi sa akin ng daddy ko pero dapat ay huwag ko raw ito ipaalam kay Riex na alam ko kung saan siya nanggaling. “Nagtatampo na talaga ako sa iyo dahil hindi mo man lang sinabi sa akin kung saan ka nagpunta at ano na ang balita sa iyo,” nakanguso kong sabi sa kaniya.
“Uhm, sorry. There’s something that you don’t need to know about me, Gette. Halos pitong taon din at ayoko na munang pag-usapan. Anyway, kumusta na kayo ni Stephen?” tanong niya.
“Well, seloso kasi si Stephen kaya hindi rin nag-click ang relationship namin. Ayoko rin ng mga lalaking sobrang seloso at nasasakal na ako. Ikaw. Balita ko, hindi na kayo nagkausap ni Captain Rendell Dela Vega mula nang umuwi ka rito pitong taon na ang nakalilipas. Kayo pa ba?” usisa ko kahit alam kong wala na sila.
“Nagkita pa kayo ng lalaking iyon?” tanong niya.
Tumango ako. “Yeah. Nagpunta siya sa akin noon ilang araw matapos ang huling pagtawag ko sa iyo. Hinanap ka niya sa akin pero ang sabi ko sa kaniya, hindi ko alam kung saan ka nagpunta. What happened, Riex?”
Napabuntong-hininga siya. “Sinunod ko ang sinabi ng daddy na hiwalayan si Rendell dahil anak daw siya ng kriminal. Hindi na ako nag-usisa pa tungkol sa bagay na iyon dahil galit na galit ang daddy sa ex-boyfriend ko at gulong-gulo na ang isipan ko nang mga panahon na iyon. Habang nasa gitna ako ng malaking dagok sa buhay ko, hindi nagpakita sa akin ang lalaking iyon kahit kailan. Hindi nga siya nagpaliwanag o tumawag man lang at marahil ay may ginawa siyang ikinagagalit ng daddy ko. Alam kong sinabi ng daddy sa iyo na naglayas ako pero ang totoo niyan, hindi. Sumama lang ako kay Tita Victoria dahil hindi ko na rin makayanan ang pagmamanipula ng daddy sa buhay ko,” paliwanag niya. “Ang masaklap pa niyan, kailangan kong umuwi rito para sa major operation ng daddy.”
“So sad.” Nalungkot din ako sa ikinuwento niya sa akin. “Gusto ni Rendell na magkausap kayong dalawa. Nandito siya sa Pilipinas dahil may importante siyang misyon.”
“Nagkita na kami,” direktang sagot niya.
“What? Really?” Nagulat ako sa rebelasyon niya. “Anong nangyari? Paanong nagkita kayo? Nagkaayos ba agad kayo?” sunod-sunod kong tanong sa kaniya. Bakas naman sa mukha ko ang excitement mula sa narinig ko sa kaniya. Ako rin kaya ang isa sa mga naging saksi ng pagmamahalan nila ni Rendell noon.
“Nope. Tapos na kami at wala naman na kaming dapat pag-usapan. Nang dumiretso kami ni Tito Jeron sa hospital kagabi, nagkataon na natamaan ng bala ang kasamahan niya. Hindi ko inaasahan na makikita ko siya roon. Tadhana nga naman.” Kinuha niya ang kaniyang shoulder bag na nakapatong sa center table. “I need to get rest first, Gette. Babalik din ako sa hospital kapag nakabawi na ako ng tulog ko. Gagawin na namin ang major operation ng daddy habang may panahon pa.”
“Do you need my help? I can help you,” alok ko.
“Okay. Mag-usap na lang tayo kapag nakabalik na ako ng hospital.” Tumalikod na siya upang umakyat sa kaniyang kwarto.
“Riex,” sambit ko.
Natigilan siya sa paghakbang at lumingon sa akin. “Yes?”
“I felt na may mas malalim pa na dahilan si Rendell kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin niya nakakalimutan. Alam mo, he still loves you until now, I guess. Sorry pero naaawa lang ako sa kaniya dahil gustong-gusto niya talagang magkita at magkausap kayo. Sorry, Riex. He called me earlier to ask for help if you could talk to each other personally. Ayoko sanang pilitin ka sa bagay na alam kong ayaw mo na pero kasi…”
“May asawa na ako, Gette. Hindi na pwede ang mga sinasabi mo o sasabihin niya.”
“Huh?!” Nagulat ako. “Seryoso ka ba? Nag-asawa ka na?”
“Yeah.” Bahagya niyang itinaas ang kaniyang kanang kamay upang ipakita ang wedding ring niya. “May mahal na rin akong iba, Gette. Pitong taon na rin kaming nagsasama at wala na talagang dahilan para mag-usap kami ni Rendell Dela Vega.”
“My god!” Nasapo ko ang bibig ko. “Is this real? For sure, hindi ito alam ni Tito lucas, right? Sino ang lalaking ito at nasaan siya ngayon?”
“Nasa Geneva, Switzerland siya at isa siyang Swiss national.”
“May picture ka ba niya para naman malaman ko kung sino ang lalaking ito?”
“Huh? Uhm, I’m tired, Gette. Magpapahinga na muna ako. Mat jetlag pa ako.”
“Okay. Sige. See you later.”
Sumenyas na lang siya sa kamay at hindi na lumingon pa sa akin saka tuluyang umakyat na sa kaniyang kwarto. Ako naman na hindi na rin naman siya pinilit pa at hinayaan ko na lang din siyang magpahinga.
Muli akong lumabas ng bahay nila Riex at since hindi ko dala ang kotse ko, maglalakad pa ako palabas ng village para makakuha ng taxi. Kung bakit pa kasi ngayon pa tumirik ang sasakyan ko.
Habang naglalakad ako, inilagay ko ang buhok kong sinadya kong kulutin ang dulo sa may kaliwang balikat ko paharap. I wear my navy blue above the knee dress at tenernuhan ko ng puting doll shoes. Litaw na litaw ang mga mapuputi kong hita at since matangkad ako, mukha na naman akong miss universe na naglakad sa kalsada. Kaya lang bigla akong napasigaw nang may bumusena sa likuran ko.
“Oh, my god!!” Agad akong napatalon sa gilid ngunit nawalan ako ng balanse kaya ako natapilok at sinalo ng malambot na bermuda grass ang puwitan ko. “Ahh! Aray!!” Napangiwi ako sa pagkakasampa ko sa damuhan. Mabuti na lang din at naitukod ko ang mga palad ko kung hindi, mababagok ang ulo ko sa damuhan.
Ang magarang kotse naman, biglang huminto sa tapat ko at dali-daling bumaba ang driver nito upang daluhan ako. Kaya lang nang makita ko kung sino ang damuhong ito, mas lalo lang akong nainis.
“I-Ikaw na naman?!” sabay naming wika sa isa’t isa.
“Kapag minamalas ka nga naman talaga,” sambit niya. “Come here!”
Akma na niya akong hawakan ngunit tinanggihan ko ang unggoy na Tristan. “H-Huwag mo nga akong hawakan! Kaya ko ang sarili ko!” Kumilos ako upang tumayo ngunit habang patayo ako, hindi ko na mapigilan ang bibig ko. “Bakit ka ba, bumusena? What do you think of me, huh? Mukha ba akong sasakyan na kailangan pa na gumilid, ha? Siguro sinasadya mo na ito, Tristan?! Akala mo ba hindi ko nahahalata⸻ayy!” Muntik akong mawalan ng balanse sa pagtayo ko ngunit nariyan siya upang saluhin ako ng matitipuno niyang braso.
Kinabahan ako dahil akala ko magiging malakas ang pagbagsak ko pero nariyan si Tristan upang saluhin ako. We both stared at each other’s gaze for a while. Noon ko lang din napagmasdan ang kulay kayumanggi niyang mga mata. Lihim akong napalunok habang iniayos niya ang pagkakatayo naming dalawa sa gilid ng kalsada. Halos magkayakap na rin kaming dalawa at ako naman na napahawak din sa kaniyang braso. Subalit ibinalik ko rin agad ang sarili ko sa kasalukuyan dahil ayokong mapuna niya ang malalim kong pagtitig katulad ng ginawa niya.
“T-Thanks…” sambit ko.
Inihiwalay niya ang kaniyang sarili sa akin. “Sa susunod, gumilid ka na at hindi iyong halos sinakop muna ang kalsada. Paano kung sagasaan ka ng mga loko-lokong driver diyan sa daan, ha?” galit niyang sabi.
“Aba, kasalanan ko na naman? Gumilid naman ako, ah. Kotse lang naman itong dala mo at hindi eighteen wheeler truck na kailangan kong gumilid lalo. At isa pa, tao ako. Hindi ako sasakyan na kailangan mo pang bumusena,” inis ko rin. Naramdaman kong humapdi ang hita ko sa bandang likuran. Sinilip ko ito at dumudugo. “s**t. Nasugatan ako.”
“Ha?!” Bahagya siyang nag-aalala sa akin saka niya sinilip ang likuran ng hita ko. “M-May sugat ka.”
“Oo, nakikita ko at hindi ako bulag. Kasalanan mo ito, unggoy ka!” asar ko sa kaniya. Nagngingitngit din ang kalooban ko dahil nabahiran ng sugat ang makinis kong balat.
“Halika rito.” Hinawakan niya ang kamay ko.
“Hoy, iyang kamay mo!”
“Anong iisipin mo? Itong kamay ko na nakahawak sa braso mo o iyang sugat mo?” asik niya.
Hindi na ako sumagot. Sumama ako sa kaniya nang buksan niya ang kotse sa likuran. Baliw talaga!
“Pumasok ka para magamot natin iyang sugat mo.”
“Ayoko nga! Baka kung saan mo ako dadalhin!”
“Hoy, Georgette. Nagtitimpi na ako sa iyo, ha. Papasok ka ba o iiwan kita rita at lapain ka ng mga aso.” Sabay turo niya sa mga naglalakihang asong dobberman na hinayaan lang ng may-ari na lumabas ng bahay nila.
Napangiwi ako. Wala akong choice kung hindi nagmamadaling pumasok sa kotse at sumunod naman siya. Sinarado niya agad ang pinto at buti na lang nakabukas ang makina para man lang malanghap ko ang lamig.
“Nasaan ang first aid kit mo?” tanong niya.
“Sandali, dok!” Hinalungkat ko sa bag kong dala ang first aid kit ko at ibinigay agad sa damuhong lalaking ito. “Heto. Siguraduhin mo lang na marunong kang gumamit niyan!”
“Kaya kong magkumpuni ng makina, ito pa kaya? I-angat mo ang damit mo,” utos niya.
“What?! Bakit ko naman i-aangat ang damit ko? Eh, ‘di nakitaan mo na ako?” angal ko.
“Naabot ng damit mo ang sugat mo at kung hindi mo i-aangat iyan, hindi ko iyan magagamot nang maayos. And don’t worry, marami na akong nakitang ganyan. Sa iyo lang ang walang kakwenta-kwentang hita. Ano ba ito? Hita yata ito ng alimango!” asar niya.
Kinuha ko ang pillow sa unahan at hinampas sa kaniya. “Siraulo kang unggoy ka!”
“Georgette! Ano ba?! Nasa⸻nasasaktan ako!”
“Bwisit ka!!” Tinigilan ko rin ang paghampas sa kaniya. “Gagamutin mo ba iyan o aasarin ako? Nakakainis ka!” Ini-angat ko ang laylayan ng damit ko kahit nandiyan siya. Wala akong pakialam kung makita niya pati singit ko. Nagngingitngit din ang kalooban ko sa kaniya dahil sa lahat ng lalaking nagsasabing pinaka-perfect ang hita ko, si Tristan lang ang nagsabing hita raw ito ng alimango.
“Tumalikod ka para makita ko nang maayos.”
“Ayusin mo lang dahil kapag hindi, gagawin talaga kitang ginataang unggoy!”
Natawa siya. Inis na inis na naman akong tumalikod. Naramdaman ko na lang na inuumpisahan na niyang gamutin ang sugat ko. Ang awkward talaga sa sitwasyon naming dalawa dahil noong isang gabi lang, sinabi namin sa isa’t isa na huling pagkikita na namin ito. But here we are again now. Mukha kaming mga bata na kaunting kebot lang, nag-aaway na naman.