"Seryoso ba talaga na nandiyaan ang daddy mo?" Tanong isang kaibigan ko na halos kita na ang gilagid.
"Oo dumating siya kanina mga bandang alas tres ng umaga. Hindi ko nga alam kung bakit ang aga niya pumunta rito,"paliwanag ko sa kanila at umayos ng higa.
Sobrang aga gumising ng mga ito kanina para lang tawagan ako at tanungin ako tungkol kay Daddy. Alam ko naman na nagugustuhan ni Laurice si Daddy. Aba, sino ba naman ang hindi? Kung titignan ba naman ito ay parang kasing edad lamang namin at sobrang bata pa talaga. Teka, kahit nga pala si mommy ganito rin. Napakabata nila tignan na parang kahit ilang taon pa man ang lumipas ay hindi kumukupas ang kaniyang ganda.
"Sana pala diyaan na kami natulog,"malungkot na sabi ni Laurice, "Nakita ko na naman sana ang daddy mo."
Nakita ko naman na bahagya siyang itinulak ni Khrisna at tinignan ng masama. Diring-diri ang mukha nito na para bang ano man oras mula ngayon ay masusuka na ito. Nang dahil sa ginawa niya ay natawa ako ng bahagya. Nanatili lamang akong nakatingin sa mga ito habang nagpapalitan ng masamang tingin.
"Oh. Bakit?" Inis na tanong ni Khrisna.
"Alam mo, ang epal mo!" Sigaw ni Laurice, "Maghanap ka nga ng sarili mong crush, hindi iyong makiki-epal ka sa love story ko."
Mas lalong nandiri ang mukha ni Krishna sa sinabi nito. Tuluyan na itinulak ni Khrisna si Laurice ng sobrang lakas na naging dahilan ng pagkahulog niya sa sahig. Malakas ang kalabog na narinig ko mula sa aking end at natawa ng sobra.
"Nakakadiri kang nilalang. Alam mo bang may anak na iyang pinagnanasaan mo? Isa pa, kaibigan mo iyong anak ng crush mo. Crush? Nakakadiri pakinggan,"sabi ni Khrisna at humarap sa akin, "Anong gusto mong mangyari? Maging step mother ni Attira?"
Hinayaan ko lamang na magbangayan ang dalawa sa harap ko. Kinuha ko na lang ang aking unan at yinakap ito.
"Attira, ayos lang naman sa iyo na maging step mother mo ako, hindi ba?" Tanong nito sa akin habang nakangiting aso.
Seryoso ba talaga itong bruhang 'to?
"Manahimik ka nga riyan! Alam mo bang nakakadiri ka pakinggan? Masiyado kang desperada maging step mom, promise,"inis na sabi ni Khrisna, "Humanap ka na lang ng ibang sugar daddy mo. Huwag na ang ama ng kaibigan natin. Talagang harap-harapan mo pa pinanalandakan na may gusto ka sa ama niya. Hindi ka ba nahihiya at baka marinig ka ng Mommy ni Attira?"
"Wala naman ang Mommy ni Attira diyan eh,"mabilis na tugon ni Laurice. Sakto rin na narinig ko ang mahihinang katok na nagmula sa may pinto. Pinindot ko ang mute na button sa aking screen at inilayo sa aking camera ang aking cellphone.
"Pasok,"sigaw ko.
Unti-unti naman bumukas ang pinto ng aking silid at pumasok doon ang nakangiti kong ina na may dala-dalang tubig. Kasama nito si Daddy na may dala-dalang rin na ilang mga regalo.
"Bakit po?" Tanong ko sa kanila.
"May kausap ka ba riyan?" Tanong ni Mommy.
"Opo, mga kaibigan ko lang,"tugon ko sa kaniya at ngumiti. Lumapit naman sa akin si Daddy at hinagkan ang aking noo.
"Good Morning, once again, My little princess,"bati nito.
Mabilis akong napasimangot dahil sa kaniyang sinabi. Heto na naman ito si Daddy at nang-aasar.
"Daddy naman,"saway ko sa kaniya.
"Hoy. Attira, nandiyaan ka pa ba? Hindi pa tayo tapos! Sagutin mo ang tanong ko kung ayos lang ba na ako iyong maging step mother mo!"
Halos mapamura ako nang magsalita si Laurice. Rinig na rinig ito ng lahat na nandito sa aking silid. Kitang-kita ko naman ang gulat sa mga mata ng aking mga magulang samantalang ako naman ay kulang na lang, mapahilamos na sa mukha. Ngumiti lang ako ng peke sa kanil at ibinalik ang cellphone sa aking harapan. Doon ko nakita ang dalaw ana nakatingin sa akin na may halong pagtataka. Pinindot ko na lang ang button ng mic na nasa screen.
"Ano na sagot mo?" atat na tanong nito.
Gusto kong matawa dahil alam kong mapapahiya itong kaibigan ko. Muli kong tinignan si Mommy na ngayon ay nakangising nakatingin sa aking cellphone. Nagulat naman ako nang kusang nag-mute ito.
"Pagti-tripan natin 'yang mga batang iyan,"natatawang saad ni Mommy at muling tinangaal ang pag-mute nito.
"Hoy! Sagutin mo na kasi,"muling sambit ni Laurice.
"Ang alin?" Striktang tanong ni Mommy at tumabi sa akin. Ngayon ay kaming dalawa na ang kitang-kita sa screen.
Unti-unting lumaki ang mga mata ni Laurice at ganoon na rin kay Khrisna. Hindi naman nito mapigilan ang mapahawak sa kaniyang bibig dahil sa gulat na naging dahilan ng aking malakas na pagtawa. Pinatili pa rin ni Mommy ang galit na ekpresyon sa kaniyang mukha at, kahit na sino siguro na hindi alam ang totoo nitong nararamdaman ngayon ay matatakot. Kahit ako ay takot talaga sa kaniya, alam ko kasi kung paano ito magalit.
Sunod naman na tumabi ang aking ama at yinakap ako.
"Hi, Girls!" Bati nito at ngumisi.
Kapag talaga nagsama na itong mga magulang ko sa panti-trip wala ng kahit na sino pa ang makakatakas. Mabilis na umalis si Laurice sa screen habang takip-takip ang kaniyang bibig. Si Khrisna naman ay unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi nang kindatan ito ng aking ina. Alam na niyang pinagti-tripan ni Mommy si Laurice.
Sanay na kasi talaga itong ina ko sa mga ganito. Heartthrob yata si Daddy doon sa mundo namin, kaya walang magawa si Mommy kung hindi ay masanay.
"Hala ka. Galit na galit si tita,"pang-aasar ni Khrisna, "Baka hindi na tayo papapuntahin doon dahil sa sinabi mo. Binalaan na kita tungkol diyan pero ayaw mong makinig."
Isa pa ito. Sigurado na talaga ako na labis na ang kaba ni Laurice ngayon tapos dinagdagan pa ni Khrisna.
"Asan siya?" Tanong ko gamit ang walang boses.
Iniwas naman ni Khrisna ang kaniyang mga mata at parang tinignan ang isa naming kaibigan na patuloy na kinakabahan na nasa kaniyang harapan. Nakita kong may pinindot ito at bigla na lang nagbago ang nasa video. Naka-upo si Laurice sa isang sofa sa harap ni Khrisna habang kagat-kagat ang kaniyang daliri sa kaliwang kamay, samantalang nasa puso naman nito ang kaniyang kanang kamay.
"Ano na?" Tanong ni Khrisna, "Hello po, tita, tito!"
Nakangiting bati ni Khrisna kay Mommy at Daddy. Tumango lamang si Daddy samantalang si Mommy naman ay pinipigilan ang kaniyang tawa. Kamusta na kaya iyong isa kong kaibigan, mukhang nababaliw na naman yata iyon.
"Hello, Khrisna!" Bati ni Daddy sa kaniya, "Kamusta ka na?"
Ngumiti lamang si Daddy sa kaniya at nag-thumbs up.
"Mabuti naman kung ganoon, tito,"ani nito at ibinaling ang tingin kay Laurice, "Hoy! Umayos ka nga riyan. Nandito sila tita at tito oh! Bumati ka nga."
Ngunit, umiling lamang si Laurice na para bang hindi na niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Hinayaan ko na lang ito at tinignan sila Mommy.
"Ano po pala ginagawa niyo rito?" Tanong ko sa kanila.
Umayos na ng tayo si Mommy at umupo sa aking harapan. Samantalang si Daddy naman ay binuksan ang aking kurtina na naging dahilan ng pagpikit ng aking mga mata.
"Attira, paalam na muna. Mamaya na lang kami tatawag ulit. Kakausapin ko lang 'tong kaibigan natin na tuluyan na na baliw,"natatawa nitong sabi.
"Sige, talk to you later!" Tugon ko.
"Tita, Tito,"tawag nito na naging dahilan na iniharap ko kay Mommy at Daddy ang screen ng aking phone, "Paalam po. Enjoy po kayo ngayong araw at ingat!"
"Salamat, iha. Kayo rin,"sambit ni Mommy.
Hindi ko pa nga nababalik sa akin ang phone ay narinig ko na ang pagpatay nito. Iniligay ko na lang sa tabi ang cellphone ko at kinuha ang mga dala-dala ni Daddy kanina pa.
"Ano po ito?" Tanong ko sa kanila habang inaalog-alog ang isang box.
"Dala iyan ng daddy mo,"tugon ng aking ina at ibinigay sa akin ang dala-dalang tubig, "Inumin mo muna ito. Mamaya mo na buksan iyan."
Malugod ko naman itong tinaggap at agad na ininom. Habang abala ako sa pag-inom ay siya naman ang pag-upo ni Daddy sa tabi ni Mommy. Ibinalik ko kay Mommy ang baso at muling kinuha ang mga regalo. Umayos ako ng upo at tinignan ito isa-isa.
"Buksan mo na,"masayang sabi ni Daddy.
Hindi ko alam kung bakit pero ramdam na ramdam ko ang saya sa mga mata nito. Parang mas excited pa nga siya na bubuksan ko na ang mga regalong binili niya. Ano na naman kaya ito? Libro? Notebook? o panibagong assignment na naman? Sana naman huwag na muna libro, gusto ko muna magpahinga.
Mabilis kong pinunit ang cover ng regalo at tuluyan na itong binuksan. Hindi naman nagtagal ay na tapos ko na rin ito at halos maiyak ako nang makita ang isang cloak.
Napakagandang cloak. Kulay pula ito na may ilang desinyo sa likod na hindi ko masiyadong mabasa. Parang sadya talaga na sa oras na basahin mo ito ay parang magbu-blur siya ng kusa. Anong klaseng mahika ito? But overall ang ganda ng cloak at ang astig kung tignan. Mula kaya ito sa underworld? Kung oo, ay talagang ililigpit ko ito at iingatan. Kahit hindi pa ako nakakapunta roon, at least meron man lang akong kagamitan nila.
"Hala ang ganda!" Masaya kong sambit at yinakap ito. Mabilis akong dumulas sa aking higaan pababa hanggang sa maapakan ko ang aking tsinelas. Isinuot ko ito agad at kinuha ang cloak. Maingat ko itong isinuot habang may ngiti sa mga labi ko na hindi ko mawala-wala.
"Nagustuhan mo ba, anak?" Tanong ng aking ama.
"Sobra!" Masaya kong sigaw at nagpatuloy sa pagtingin sa buong kasuotan ko. Tumakbo ako papalapit sa salamin na nandito sa aking silid at tinignan kung bagay ba ito sa akin. At isa lang talaga ang masasabi. Napakabagay nito sa akin!
Napapatalon ako sa tuwa.
"May limang piraso pa riyan na may iba't-ibang kulay kaya hindi mo kailangan mag-alala,"ani ni Daddy.
"Para saan po ba ang cloak na ito? At bakit ang dami niyo naman po binili. Uso po ba ito sa underworld?" Tanong ko at lumapit na sa aking kama at tinignan ang iba pang cloack.
May kulay asul, berde, puti. itim at grey. Hindi ko alam kung bakit pero sobrang attractive talaga ng mga ito sa paningin ko. Gustong-gusto ko 'to. Sobra-sobra!
"Malalaman mo rin sa pagdating ng panahon. Sa ngayon ay siguraduhin mo lang na itatago mo iyan sa isang safe na lugar,"ani nito at ngumiti sa akin, "Oh siya, may iba pa rito."
Muli akong umupo sa aking kama at kinuha ang iba pang mga regalo. Nakangiting nakatingin lamang sila ina at ama habang pinupunit ko ang bawat cover ng regalo ni Daddy. Alam ko naman na masaya sila na masaya ako at thankful din ako dahil napakabait ng parents ko. Ang swerte ko talaga sa kanila.
Unang mga regalo ay mga alahas pa at isang itim na card na hindi ko alam kung para saan. Gaya nga ng sabi ni Daddy ay itago ko raw ito at huwag ilalabas sa kung saan. Siyempre, bilang masunurin na bata ay inilagay ko ito sa isang wallet ko na nilalabas ko lang kapag pumupunta kami ni Mommy sa isang tindahan na para sa katulad ko.
Sunod na mga regalo ay wala ng iba kung hindi ay mga libro at ilan pang kagamitan sa paaralan. Hindi ko alam kung bakit niya ako binilhan nito kasi malapit ng matapos ang finals namin.
"Ang mga libro na iyan ay hindi mo kailangan basahin, sa ngayon. Iyong mga binigay sa iyo noon ay iyon na muna ang pagkakaabalahan,"paliwanag ni Daddy.
"Talaga po?" Masaya kong tanong.
Tumango naman si Daddy kaya nagpatuloy na ako sa pagbukas ng mga regalo. Hindi nagtagal ay na tapos na rin ako. halos puno na ang aking higaan dahil sa mga ibinigay ni Daddy.
Kung titignan kasi ay mayroon lamang 5 limang boxes na dala ang aking ama nang pumasok siya rito. Ngunit, nang buksan ko ito ay doon naman lumabas ang ilan pang mga regalo. Sa tingin ko ay ginamitan na naman niya ito ng kapangyarihan para hindi masiyadong marami tignan. Siyempre, ako na loka, talagang napaniwala niya ako.
"Sa tingin ko ay ito na po yata 'to lahat,"sabi ko at ngumiti sa kanila. Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa mga magulang ko at agad na niyakap ang mga ito.
"Salamat po sa lahat. Salamat sa regalo, Daddy. Sobrang swerte ko po talaga sa inyo,"dugtong ko sabay pikit ng aking mga mata nang maramdaman ko ang pagyakap nila pabalik sa akin.
Naramdaman ko naman ang paghalik ni Daddy sa aking buhok samantalang si Mommy naman ay sinandal ang kaniyang ulo sa gilid ng aking noo.
"Alam mo naman na lahat ay gagawin namin para sa iyo,"ani ni Daddy at kumalas na sa yakapan naming tatlo.
"Alam ko po iyon,"nakangiti kong tugon, "Kaya po ay laking pasasalamat ko sa inyong dalawa. Kahit panay ako reklamo ay masaya naman po ako sa lahat ng ginawa niyo para sa akin."
Napangiti naman ang aking ina at sumandal sa balikat ng aking ama. Nakahawak ito sa may dibdib ni Daddy habang nakatingin sa akin.
"Mas swerte ang iyong mga magulang dahil nagkaroon kami ng anak na masunurin kahit makulit,"sambit nito.
Agad akong napasimangot ngunit agad din nagtawanan. Masaya talaga sa pakiramdam na kumpleto ang pamilya pero nakakalungkot lang dahil alam kong hindi rin ito magtatagal. Aalis din si Daddy pagdating ng araw dahil babalik na siya sa underworld para sa kaniyang trabaho. Hindi ko alam kung anong klaseng panganib ang nag-aabang sa kaniya roon kaya as much as possible, gusto nito na lagi kaming magkakasama.
"Ano ba naman Mommy,"sambit ko, "Alam ko naman po iyon."
"Aba,"ani nito.
"Oo nga pala,"biglang sabi ni Daddy at tumingin sa aking ina, "Hindi ba at pag-uusapan natin kung saan tayo pupunta ngayon para mag-bonding? Bakit na punta yata tayong tatlo sa asaran? Wala ito sa ating usapan kanina, Mahal."
"Ikaw kasi iyong na una eh!" Tulak ni Mommy sa kaniya.
"Oh siya. Pag-usapan na natin iyon,"saad ni Daddy at tumingin sa akin, "May gusto ka bang puntahan, Attira? May lugar ba na gusto mong bisitahin o matagal mo ng gustong puntahan? Puntahan na natin ngayong araw."
Hindi ako sigurado sa isasagot ko kay Daddy, sapagkat wala naman talaga akong mga alam na lugar. Lagi lamang akong nandito sa bahay o kaya sa paaralan. Minsan lamang akog gumagala, iyon lang ay kapag niyayaya ako ng mga kaibigan ko. Pero, minsan lang naman iyon dahil alam naman nilang isa akong dakilang tamad at ayaw sa kung saan-saan napupunta.
Ngunit, teka, hindi ba at matagal na namin pinaplano na pupunta kami ng beach pero hanggang ngayon ay nga-nga pa rin kami. Wala pa rin kaming napapala. Gusto ko sanang pumunta roon.
"Paano po kaya at mag-beach tayo? Matagal na po kasi nating plano iyon,"nakangiti kong tugon rito, "Isa pa, halos ilang taon na rin simula noong sinabi niyo na aalis tayo at magbe-beach pero laging hindi natutuloy."
Napalingon si Mommy kay Daddy at agad na humalakhak.
"Oh, please, My love, shut up,"namumulang tugon nito.
Nagtataka naman akong napatingin sa kanila dahil clueless talaga ako sa nangyayari at sa reaksiyon ni Mommy.